UMUWI kaagad si Bianca pagkatapos ng trabaho niya bilang encoder. Gusto niyang mag-shower at magbihis para sa pagkikita nila ni Ross. Oo nga at hindi pa siya tinatawagan ng binata subalit alam niya na tutuparin nito ang pangako sa kanya.
Kabubukas pa lamang ni Bianca ng pinto ng kanilang apartment nang may maramdaman siyang kakaiba. Nagkalat ang sapatos at shoulder bag ng kanyang ina sa bukana ng pinto. Bagay na nakapagtataka dahil masinop ito sa gamit. Kasasara pa lamang niya sa pinto ay may narinig na siyang malakas na lagabog mula sa kuwarto. Kasunod niyon ang tunog ng mga natapong gamit.
Namutla si Bianca. "`Nay?!"
Hindi sumagot ang kanyang ina. Nanlamig siya at mabilis na tumakbo papasok sa kuwarto. Pakiramdam niya ay huminto sa pagtibok ang puso nang makitang nakadapa sa sahig ang nanay niya at halatang nahihirapang huminga. Nagkalat sa sahig ang mga gamit mula sa nakabukas na cabinet. Mukhang inaabot ng kanyang ina ang nebulizer subalit natumba na bago pa mahawakan iyon.
"`Nay…" Garalgal ang tinig na lumapit si Bianca sa ina upang alalayan itong makaupo. Nanginig ang kanyang mga kamay nang makitang nangangasul na ang mukha at mga labi nito sa kakapusan ng hininga. Isang beses lamang nangyari ang ganoon kalalang kalagayan ng nanay niya. At nang panahong iyon, napilitan siyang huminto sa pag-aaral dahil kinailangang ipa-admit ito sa ospital.
Ngayon, sa kabila ng nagpa-panic na utak, alam ni Bianca na iyon ang dapat niyang gawin. Subalit bago iyon, kinuha muna niya ang nebulizer at itinapat sa bibig ng kanyang nanay. "L-langhapin mo, `Nay. D-dadalhin kita sa ospital…"
Umiling ang kanyang ina. At mukhang hindi pa rin lumuluwag ang paghinga nito kahit may nebulizer na. Nag-init na ang mga mata ni Bianca. Inalalayan niyang makatayo ang kanyang ina, bagay na hindi mahirap gawin dahil magaan lang ito, at inakay palabas ng apartment. Mabuti na lang, paglabas nila ay kalsada na agad. Nakakita siya ng tricycle at mabilis na pinara iyon. Nakita agad ng driver ang sitwasyon kaya tinulungan siya nito na mabilis na maisakay sa loob ang nanay niya.
Pagdating nila sa pinakamalapit na ospital, sinalubong agad sila ng mga nurse. Inilagay sa stretcher ang ina ni Bianca at idineretso sa emergency room. Helpless na napasunod lang siya hanggang sa pinto ng ER. Nanginginig ang buong katawan niya sa takot para sa kaligtasan ng kanyang ina. Ano ba ang nangyayari? Bakit lumala na naman ang asthma ng nanay niya? Mali ba na hinayaan niya itong magtrabaho? Pero ang sabi ng nanay niya, hindi naman daw mahirap ang ginagawa nito sa bahay ni Mrs. Charito.
Nakagat ni Bianca nang mariin ang ibabang labi at magkasalikop ang mga kamay sa tapat ng dibdib habang nakasilip sa bintanang salamin ng emergency room. Mataimtim siyang nagdarasal habang inaasikaso ng mga doktor ang kanyang ina. Hindi niya alam kung gaano katagal siyang nakatayo lamang doon. Ang alam lamang ni Bianca, parang slow motion ang lahat. Manhid siya sa ibang bagay maliban sa nakikitang pag-aasikaso ng mga doktor sa kanyang ina.
Nagawa lamang ni Bianca na kumurap at bumuga ng hangin nang makitang kalmado na ang mga doktor sa ER at maayos nang nakahiga ang kanyang ina sa kama habang may oxygen mask.
Lumabas ang mga doktor at lumapit sa kanya ang pinakamatandang doktor. Sumulyap ito sa clipboard na hawak bago muling tumingin sa kanya. "Miss Bernabe?"
"Kumusta ho ang nanay ko?" mabilis na usisa ni Bianca.
"Sa ngayon ay stable na ang paghinga niya. Subalit kung nahuli ka ng pagdala sa kanya dito sa ospital, baka na-respiratory arrest na siya. It could have cost her life," sabi ng doktor.
Hindi alam ni Bianca kung makakahinga siya nang maluwag na naging maagap siya o manlulumo na ganoon kalala ang sakit ng nanay niya. "P-pero okay na ho ba talaga siya?"
Marahang umiling ang doktor. "Hindi pa namin masasabi. Kailangan muna niyang manatili sa ospital para maobserbahan. Your mother's severe asthma has brought complications to her respiratory system. She even has mild pneumonia. Hindi na tumatalab ang simpleng gamot at nebulizer kaya kailangan niyang mag-take ng mas malakas na gamot. May palagay rin kami na ilang linggo na rin niyang iniinda ang hirap na paghinga. Mas mabuti kung mananatili muna siya rito hanggang tuluyan siyang gumaling."
Umawang ang mga labi ni Bianca. Hindi niya alam na ilang linggo nang masama ang pakiramdam ng nanay niya. Akala niya ay kahapon lang sumumpong ang sakit nito.
Paano mo naman malalaman kung bihira na kayong magkita na parehong gising? sumbat ng isang bahagi ng isip ni Bianca. Lalo lamang tuloy siya nakaramdam ng guilt. May kasalanan siya sa nangyari sa kanyang ina. Sa katatrabaho ay hindi na niya ito masyadong napagtutuunan ng pansin.
"Ayos ka lang ba, hija? Namumutla ka. Wala ka bang puwedeng makasama rito para may kaalalay ka? Ang tatay mo?" tanong ng doktor.
May nadamang kirot sa puso si Bianca, saka umiling. "Kami lang ho ng nanay ko ang magkasama," mapait na usal niya.
Bumakas ang simpatya sa mukha ng doktor. "Be strong, hija." Tinapik pa siya nito sa balikat, pagkatapos ay umalis na.
Nurse ang sunod na lumapit kay Bianca. Kinausap siya nito para sa silid na gagamitin ng nanay niya kapag inialis na sa ER. Noon niya na-realize na siguradong malaki ang kanyang babayaran sa ospital. Pribado ang ospital na iyon na pinakamalapit sa kanilang apartment kaya doon niya dinala ang ina. Sapat kaya ang kanyang ipon na inilalaan sana niya sa pag-aaral para makabayad sa ospital at mabili ang mga gamot na kailangan ng nanay niya?
Sana naman. Kung hindi, hindi ko alam kung ano ang gagawin ko.
May puwede kang gawin. May isa pang paraan para mabayaran mo ang hospital bill ng nanay mo, bulong ng isang bahagi ng isip ni Bianca. At alam niya na hindi magugustuhan ng kanyang ina ang paraang naiisip. Hindi rin iyon makakaya ng kanyang pride. Subalit ano ba ang pipiliin niya? Pride o ang kaligtasan ng nanay niya?
Wala pa rin sa huwisyo na nagtungo si Bianca sa reception para asikasuhin ang magiging silid ng kanyang ina. Pagkatapos ay bumalik siya sa tapat ng ER at umupo sa bench na naroon habang hinihintay na ilipat sa ibang silid ang nanay niya. Iniisip pa rin niya ang ideyang sumagi sa isip kanina. Kapag lumapit siya sa taong iyon, itataboy kaya siya nito o tutulungan?
Gagawin ko ang lahat para tulungan niya ako, determinadong naisip ni Bianca. Makakaya niyang itapon ang pride mailigtas lamang ang kanyang ina.
Noon naramdaman ni Bianca na nag-vibrate ang kanyang cell phone. Napaigtad pa siya sa labis na pagkabigla dahil nawala iyon sa isip mula pa kanina. Sa katunayan, nawala sa kanyang isip ang lahat ng bagay maliban sa nasasaksihan niya sa ER.
Magulo pa rin ang isip na dinukot ni Bianca ang cell phone sa loob ng bag. Numero lang ang nakarehistro sa screen. Ross? Bigla niyang naalala na tatawagan nga pala siya ni Ross. Subalit hindi niya magawang sagutin ang tawag. Muling kinutkot ng guilt ang kanyang dibdib. Habang nakikipagmabutihan kay Ross ay wala siyang kamalay-malay na nahihirapan pala ang kanyang ina. Anong klase siyang anak? Nag-set pa siya ng date habang may matindi na palang dinaramdam ang nanay niya.
Nag-init ang mga mata ni Bianca ngunit pinigilan ang mapaluha. Nangako siya noon pa na hinding-hindi siya iiyak. Na dapat siyang maging matapang. Lalo na ngayon. Nagpatuloy sa pag-ring ang kanyang cell phone. Huminga siya nang malalim at inalis ang tila bara sa lalamunan bago sinagot ang tawag.
"Bianca? At last you've answered my call."
Kahit sa telepono ay maganda ang boses ni Ross. Napapikit nang mariin si Bianca dahil lalong tila may lumamukos sa kanyang puso nang marinig ang boses ng binata.
"Bianca?" tawag ni Ross nang hindi siya nagsalita.
"Huwag mo na uli ako tatawagan," sabi ni Bianca nang matagpuan ang kanyang tinig.
"What?" naguguluhang tanong nito.
Nakagat niya ang ibabang labi at marahang huminga nang malalim. "I'm sorry, I can't go out with you. Hindi ngayong gabi, hindi kahit kailan." Naipagpasalamat niya na hindi gumaralgal ang kanyang tinig. Hindi ngayon ang oras para makipagmabutihan siya sa isang lalaki.
"Did something happen? May problema ka ba? Dahil sigurado ako na hindi mo gagawin sa akin ito nang walang dahilan, Bianca."
Natawa nang pagak si Bianca. Matalas talaga ang pakiramdam ni Ross. Subalit wala siyang balak na sabihin dito ang nangyayari sa kanya. Wala siyang balak na makita pa ang binata dahil pakiramdam niya, nag-iiba siya kapag naroon ang presensiya ni Ross. At sa ngayon, hindi niya kailangan ng distraction.
Sigurado naman na hindi maaapektuhan ang binata kahit mawala siya sa buhay nito. Ilang araw pa lamang sila magkakilala. Wala pa silang nasisimulan. Wala pa silang emotional investment. Kaya kapag sinabi ni Bianca kay Ross na ayaw na niyang magkita sila, siguradong madali nang makakahanap si Ross ng kapalit niya.
Ako lang naman ang magpapakalunod sa "what ifs" at "could have beens." I think I can live with that. Sanay ako.
Kinalma ni Bianca ang sarili bago nagsalita. "Hindi mo kailangang mag-alala sa akin, Ross. Isipin mo na lang isa ako sa mga babaeng nakilala mo lang sa kung saan at hindi mo na makikita. Humanap ka na lang ng ibang makaka-date, okay?"
Binale-wala ni Bianca ang pakiramdam na para siyang sinaksak sa puso pagkatapos na sabihin iyon. Lalo na nang ma-imagine si Ross sa piling ng ibang babae. Subalit kailangan niya iyong gawin. Hindi niya maaaring idamay si Ross sa gulo ng kanyang buhay, hangga't hindi pa huli ang lahat.
"Bianca…" May pakiusap sa tinig ng binata.
"Ross, walang mangyayaring mabuti sa `yo kapag nakipag-ugnayan ka sa akin, maniwala ka. Kaya huwag mo na uli akong tatawagan, okay? Please." Hindi na niya hinintay na makasagot si Ross. Tinapos niya ang tawag at ini-off ang cell phone. Pagkatapos, napapikit siya nang mariin at huminga nang malalim.
Tama ang desisyon ko. Dumilat si Bianca at tumitig sa puting pader ng hospital lobby. "Tama ba talaga ang desisyon ko?" mahinang usal niya sa sarili.