Chereads / BACHELOR'S PAD / Chapter 50 - Chapter 13

Chapter 50 - Chapter 13

LUMALAGUTOK ang high heels ng sapatos ni Bianca habang naglalakad siya sa lobby ng gusaling kinaroroonan ng law firm ni Ferdinand Salvador. Nararamdaman niya ang mga tinging ipinupukol sa kanya ng mga tao sa paligid na lahat ay mukhang papasok sa trabaho. Natutulala ang mga lalaki habang nakatingin sa kanya, magkahalong inggit at paghanga naman ang makikita sa mukha ng mga babae. Salamat sa makeover na ipinilit ni Mrs. Charito sa kanya.

Makintab na makintab ang mahaba at tuwid na buhok ni Bianca. Maging ang kanyang balat ay lalong kuminis at kumikinang dahil sa full body scrub at spa na pinagdalhan sa kanya ni Mrs. Charito. Ang suot na mamahaling bestida ay humahakab sa kanyang katawan, galing pa rin sa ginang. Ito rin ang nag-apply ng makeup sa kanya. Manipis lamang ang makeup subalit sa kung anong dahilan, nang tumingin si Bianca sa salamin ay ibang-iba ang kanyang hitsura. Natatandaan pa niya ang sinabi ni Mrs. Charito kanina habang inaayusan siya.

"Makinig ka, Bianca. Mula noong unang panahon, kapag sumasabak sa giyera o territorial fight ang mga lalaki, pinipintahan nila ang mga mukha nila. It was their 'war paint.' Sa panahon ngayon, kahit ang mga babae, may gano'n din. Kapag sasabak ka sa isang importanteng laban, you must have your own war paint." Pinintahan ni Mrs. Charito ang mga labi ni Bianca at ngumiti. "Makeup is your war paint. You must make sure you are very beautiful. It will boost your confidence. Mas titibay ang loob mo."

Nabagbag ang damdamin ni Bianca sa mga sinabi ni Mrs. Charito. Tama ang ginang, mas lumakas ang kanyang loob nang makita ang sariling repleksiyon sa salamin. Kaya ngayon, nakataas ang kanyang noo habang patungo sa elevator na magdadala sa kanya sa palapag na sakop ng law firm—sa kuta ng kanyang ama. Iyon ang araw na sisimulan niya ang plano nila ni Mrs. Charito.

Pagkalabas ng elevator nang huminto sa palapag na sadya, nakita kaagad ni Bianca ang lalaking receptionist na nakausap noong unang pagpunta roon. Umawang ang bibig ng lalaki at halos lumuwa ang mga mata nang makita siya. Inilabas niya ang praktisadong matamis na ngiti at bahagya pang kumaway sa lalaki subalit hindi lumapit sa reception desk.

"I already know the way to his office," malambing na sabi ni Bianca bago tinalikuran ang lalaki at dere-deretsong naglakad patungo sa opisina ni Ferdinand Salvador. Maraming tao sa lobby ng firm kaya hindi niya inalis ang pagkakangiti. Sinadya niya na ganoong oras magpunta sa law firm para makita ng mga tao ang papasok niya sa opisina ni Atty. Salvador. Kasama iyon sa plano upang mag-speculate ang mga makakakita at magtanong kung sino siya sa buhay ng "respetadong" abogado.

Pagpasok ni Bianca sa opisina ng kanyang ama, napatayo sa pagkagulat ang sekretarya nito. Hindi niya inalis ang ngiti. "Nasa loob ba si Ferdinand?" Sinadya niyang tawagin ang ama sa pangalan nito. Pinalabas niya sa tono na close sila kahit sa totoo lang, nagrerebolusyon sa galit ang kanyang sikmura para sa kanyang ama.

Hindi na hinintay ni Bianca na sumagot ang sekretarya, lumapit na siya sa pinto ng private office ni Ferdinand. Ni hindi siya kumatok at basta na lang binuksan ang pinto.

Gulat na nag-angat ng tingin si Ferdinand Salvador mula sa mga papeles na binabasa.

Lumuwang ang ngiti ni Bianca. But it was a poisonous smile. "Hello, dear," malakas na bati niya. Napasinghap ang sekretarya na nasa likuran niya. Si Ferdinand naman ay namilog ang mga mata at marahas na napatayo.

"What are you doing here?" bulalas ng matandang abogado.

Ngumiti si Bianca. "Binibisita ka, siyempre. Hindi naman puwedeng tuwing gabi lang tayo nagkikita, dear. I want to see you even in the daytime," sabi niya sa malakas pa ring tinig, sadyang ipinaparinig sa sekretarya.

"Ano ba'ng pinagsasabi mo, Bianca?" bulalas ni Ferdinand na halos malaglag ang mga panga.

Pasimpleng sinulyapan ni Bianca ang sekretarya bago nanghahamon ang tinging isinalubong sa kanyang ama. Mukhang noon lang nito napansin ang sekretaryang nakasilip sa pinto. Namutla si Ferdinand. "Get out!" marahas na sabi nito sa sekretarya na nagulat sa pagtataas ng boses ng amo.

Humakbang si Bianca upang tuluyang makapasok sa opisina at isinara ang pinto. Nang maipinid iyon, nawala na ang kanyang ngiti at seryosong hinarap si Ferdinand Salvador.

"What are you doing?" maanghang na sikmat ng kanyang ama.

Itinaas niya ang noo at humalukipkip. "Sinabi ko sa `yo noong nagmakaawa akong tulungan mo na pagsisisihan mo ang pagtangging tulungan ako. Sinabi mo na tinatakot lang kita, hindi ba? Well, guess what? You're wrong," matalim na sabi niya.

Namula sa galit ang buong mukha ni Ferdinand. "What the hell are you doing, Bianca?"

Nang-iinis na ngumiti si Bianca at sumandal sa pinto. She flipped her hair. "Sabihin na nating alam na ng lahat ng nakakita sa akin sa building na ito, lalo na sa law firm, na may itinatago kang batang-bata at magandang kabit. I look like it, right?"

Nanlaki ang mga mata ni Ferdinand. "That's defamation of character!" marahas na sigaw nito.

Itinaas ni Bianca ang noo at dumeretso ng tayo. "Kakasuhan mo ako? Go ahead. Sasabihin ko sa korte kung bakit ko ito ginagawa. Sasabihin ko kung sino talaga ako sa buhay mo. Wala akong pakialam kung makulong ako. Pero kung babagsak ako sa putik, sisiguruhin ko na kasama ka roon!" asik niya. Unti-unti nang sumusulak ang galit na pilit niyang kinokontrol. Hindi siya mananalo sa argumento kung pangungunahan ng galit.

Nagtagis ang mga bagang ni Ferdinand. "Mas gusto ko nang malaman ng lahat na may anak ako sa labas kaysa may kabit ako na puwede ko nang maging anak!"

Parang punyal na humiwa sa dibdib ni Bianca ang itinawag nito sa kanya. Anak sa labas. Hindi naman dapat ganoon kung pinakasalan ni Ferdinand ang kanyang ina at hindi ipinagpalit sa ibang babae. Nilunok niya ang tila bumara sa kanyang lalamunan at pilit na ngumiti nang sarkastiko. "Kung gusto mong malaman ng asawa mo na matagal mo na siyang niloloko, sige. Puwede kong baguhin ang taktika ko at aaminin ko na anak mo ako. After all, puwede kong sabihin na pinupuntahan mo pa rin ang nanay ko all these years. Magaling akong magsinungaling," Pinagdiinan niya ang salitang "asawa."

Mukhang natigatig ang kanyang ama sa sinabi niya. At muli, nagdulot iyon ng sakit sa dibdib ni Bianca. Ganoon kahalaga sa kanyang ama ang babaeng ipinalit nito sa nanay niya. Hindi kaya ni Ferdinand na masaktan ang asawa nito.

Pero kami ni Nanay, hinayaan mo kaming masaktan.

"Si Jackie ba ang nakaisip nito? Ginagantihan niya ako sa pamamagitan mo? Wala akong kasalanan sa kanya!" asik ni Ferdinand.

"Huwag mo siyang idamay dito!" ganting-sigaw ni Bianca. Hindi na niya napigilan ang galit. "This is my revenge—sa pang-iiwan mo sa amin, sa pagpapabaya mo sa akin, sa pagtanggi mong tulungan ako kahit buhay ng nanay ko ang kapalit. I will make you pay for it, father," nanggigigil na sabi niya.

Hindi nakahuma si Ferdinand. Napatitig lang ito kay Bianca at biglang nawala ang galit sa mukha. Subalit nakatiim pa rin ang mga bagang at kumikislap ang mga mata sa magkakahalong emosyon na hindi niya pinansin.

Huminga siya nang malalim at ibinalik ang ngiti na parang walang nangyari. "So, mula ngayon ay madalas mo akong makikita sa law firm mo. Don't you dare tell Security not to let me in, kung hindi ay mag-eeskandalo ako." Iyon lang at binuksan niya ang pinto ng opisina at lumabas.

Napatingin si Bianca sa sekretarya na nanlalaki pa rin ang mga mata habang nakatingin sa kanya. Nginitian niya ito. "Aalis na ako." Pagkatapos, taas-noo pa ring lumabas siya ng lobby. May mangilan-ngilan pa ring tao roon na muling napatingin sa kanya. Hindi niya inalis ang ngiti sa kanyang mga labi.

Iyon lang naman ang misyon niya sa araw na iyon. To declare war. At para magtanim ng pagdududa sa isip ng mga taong makakakita sa kanya. Hahayaan muna niyang mapraning sa kaiisip si Ferdinand. Alam ni Bianca na may posibilidad na kasuhan nga siya nito. Worst, baka may gawin ito na ikapapahamak niya para lang mapatahimik siya. After all, alam niya na ang mga katulad ni Ferdinand na nakarating sa posisyon nito ay imposibleng malinis. Siguradong may naapakan na itong ibang tao. Ibig sabihin, may tagagawa ito ng maruruming trabaho para hindi madumihan ang sariling kamay.

Subalit handa na si Bianca sa kahit anong hakbang na gagawin ni Ferdinand Salvador. She was prepared for the worst.

Sumakay siya sa elevator na pababa uli sa ground floor. Sana lang ay natakot niya ang kanyang ama nang sabihing mag-eeskandalo kapag sinabihan nito ang Security na sa susunod ay huwag na siyang papasukin. Well, intensiyon naman talaga niya na mag-eskandalo sa kalaunan. Subalit kung hindi niya natakot si Ferdinand, mauunsiyami ang kanyang plano na huthutan ito ng pera, alinsunod sa plano nila ni Mrs. Charito.

Sa totoo lang, hindi masyadong gusto ni Bianca ang bahaging iyon ng plano. Tinanggihan na siya ng ama noon na bigyan ng tulong-pinansiyal at sumasakit ang kanyang pride sa isiping ginagawa niyang totoo ang paratang nito na pera lamang ang habol niya rito. Subalit nakumbinsi siya ni Mrs. Charito na kailangan niya iyon.

"Para sa pag-aaral mo. Para sa muling pagsisimula ninyo ng nanay mo kapag magaling na siya. Dapat nga, ibinigay na ng tatay mo sa inyong mag-ina ang pinansiyal na tulong noon pa. Now, you're just going to take it by force."

At siyempre pa, kayang gawin ni Bianca ang lahat kapag tungkol na sa kanyang ina.

Bumukas ang pinto ng elevator sa ground floor at umibis na siya. Naglalakad na siya sa lobby patungo sa entrada ng gusali nang may mahagip ang tingin sa mga papasok sa revolving glass door.

Sumikdo ang puso ni Bianca at ilang beses na kumurap upang siguruhing hindi siya namamalikmata. Subalit kahit anong gawing pagkurap, naroon pa rin sa harap niya ang lalaking huling nais na makita roon. At lalong hindi ngayon.

Hindi pa rin siya makapaniwala habang nakatitig sa lalaki hanggang tuluyan itong makapasok sa lobby. Huli na para umiwas, nag-angat ito ng tingin at nagtama ang kanilang mga mata. Bumakas ang rekognisyon sa mukha ng lalaki, kasabay ng tila pagliliparan ng mga paruparo sa sikmura ni Bianca.

Ross.

Hindi maaaring magkamali si Bianca. Si Ross ang lalaking ilang metro ang layo mula sa kanya.

Sumikip ang kanyang dibdib. Bakit kailangan kitang makita uli? Bakit dito? Bakit ngayon? Ngalingali siyang tumakbo para lang hindi makaharap ang binata. Subalit huli na ang lahat. Bumakas ang determinasyon sa mukha ni Ross at nagsimulang maglakad palapit sa kanya.

Related Books

Popular novel hashtag