MAGANDANG balita ang bumungad kay Ross nang magbalik sa Maynila mula sa Cebu halos isang linggo ang lumipas. Nakatanggap siya ng tawag mula sa pinsang si Rob na babalik na raw ito sa Pilipinas. At may ibabalita raw si Rob pagbalik nito. Sa totoo lang, may hinala na si Ross kung ano ang ibabalita ni Rob. Hindi na nga lang niya inalaska ang pinsan.
Pagdating sa Bachelor's Pad, nakita kaagad siya nina Jay at Charlie at niyayang lumabas.
"Pagod ako," reklamo ni Ross. Wala siyang ganang lumabas at gusto niyang matulog muna. Bukas ay magpupunta siya sa law firm dahil naayos na niya ang gusot ng isang kliyente niya. Court appearances na lang ang kanyang poproblemahin.
"Kaya nga mas dapat kang lumabas. Come on, we need this, Ross. Isang linggo na kaming walang sustansiya dahil masyadong busy sa firm," sabi ni Jay.
Alam ni Ross kung ano ang "sustansiya" na sinasabi ng kaibigan. Babae. Hell, kung sina Jay at Charlie ay isang linggo lamang na walang babae, siya ay isang buwan na. Since the day he saw Bianca.
Bianca…
Shit. Don't think about her, saway agad ni Ross sa sarili. Tuwing naiisip kasi niya si Bianca, pakiramdam niya ay pumupurol ang talas ng kanyang isip. Mabuti sana kung sa mga nakaraang araw ay bihira niyang maisip ang babae. Ang kaso, madalas nitong okupahin ang buong sistema niya.
"Ano na? Sumama ka na sa amin," pambubuyo rin ni Charlie.
Naisip ni Ross, mabuti pa nga na sumama siya sa mga kaibigan. Kailangan niya ng distraction. Not a bad distraction like Bianca. Ang kailangan niya ay babaeng isang gabi lamang pupukaw ng interes niya, pagkatapos ay wala na. Hindi iyong halos minu-minuto ay maiisip niya na halos makaistorbo na sa kanyang trabaho. Ang kailangan niya ay iyong hindi pupukaw ng kanyang kuryosidad, kundi ang gugustuhin lang ay ang katawan ng babae at hindi ang pagkatao. Hindi rin iyong kapag tinawagan niya ay palaging out of coverage area ang linya. Dahil sa totoo lang, kahit sinabi ni Bianca na huwag na niya itong tawagan, maraming beses na ginawa pa rin iyon ni Ross. Higit sa lahat, ang kailangan niya ay iyong babae na hindi siya iiwan sa ere.
"Sige, sasama ako," sa wakas ay sagot ni Ross sa mga kaibigan.
"Good," halos sabay pa na masayang bulalas nina Jay at Charlie.
Nagtungo silang magkakaibigan sa club na madalas nilang puntahan at malapit sa Bachelor's Pad. Ilang minuto pa lamang silang naroroon ay may mga babae nang lumapit sa kanila. Ang hitsura nina Jay at Charlie ay mukhang mga agila na handa nang sumila ng babae. Pinilit din ni Ross na umakto nang ganoon. The women flirted and he flirted back. Subalit alam niya na kulang siya sa sigla. Nang yayain siyang sumayaw ng mga babae ay hindi niya nagawang magpaunlak. When they tried to kiss him, he automatically turned away. Sa huli, mukhang nakahalata na ang mga babae na wala talaga siyang interes kaya nagsipag-alisan na.
Bagay na mukhang hindi nakaligtas sa pakiramdam ng mga kaibigan ni Ross.
"Pagod ka ba sa biyahe?" puna ni Jay nang saglit na iwan ng babaeng kalingkisan nito.
"Maybe," matipid na sagot niya at tumungga ng alak.
Umangat ang mga kilay ni Jay. "Iyon lang talaga ang dahilan kung bakit mukha kang matamlay?"
Matamlay? God, ganoon na ba ang kanyang hitsura? Hindi iyon puwede. Napaderetso siya mula sa pagkakaupo at sinaid ang laman ng baso. "Hindi ako matamlay," giit niya.
Hindi naniniwalang tiningnan siya ni Jay at saka umiling. "Whatever you say, man." Iyon lang at tumalikod na ang kaibigan. Siguradong sinundan nito ang babaeng kalingkisan nito kanina.
"`Yong babaeng dahilan kaya ka nakangiti nang mga nakaraang linggo ang dahilan kung bakit ka nakasimangot ngayon, hindi ba?" biglang tanong ni Charlie na hindi namalayan ni Ross na nakalapit na sa kanya.
Tumiim ang mga bagang ni Ross at sa halip na magsalita ay tumayo na. "Babalik na ako sa Bachelor's Pad. I need some sleep."
"Okay lang sa akin kung iwasan mong pag-usapan. But this isn't like you," komento pa ni Charlie.
Marahas na bumuga siya ng hangin at hinarap ang kaibigan. "Hindi ako umiiwas. Pagod lang talaga ako. Kailangan ko pang magpunta sa firm bukas. Bukod sa mga kasong hawak ko, ipinatawag ako ni Attorney Salvador. Seryoso na siya sa pagsabak sa politika at marami raw siyang ibibilin sa akin."
"Speaking of your superior, may naririnig akong usapan sa firm tungkol sa kanya. Siguradong makakaapekto `yon sa balak niyang pagtakbo sa eleksiyon," sabi ni Charlie.
Umangat ang mga kilay ni Ross. "Anong usapan?" Kilalang malinis at respetadong abogado si Ferdinand Salvador. Gustong-gusto ito ng masa dahil kilalang human rights advocate. Marami ang nagsasabi na mananalo ito sa darating na eleksiyon. Ano ang maaaring makaapekto sa pagtakbo ni Ferdinand?
"They say he is hiding a very young and beautiful mistress," sagot ni Charlie.
Kumunot ang noo ni Ross. "Imposible. Ilang beses ko nang nakasama sa dinner ang pamilya ni Attorney Salvador. They look like a happy family. And he has a very loving wife." Malayo sa naging buhay ng pamilya ni Ross noong bata pa siya.
Nagkibit-balikat si Charlie. "Alam mo na may bahid ng katotohanan ang lahat ng kuru-kuro sa law firm natin."
Napailing si Ross subalit naisip na tama si Charlie. Ang maganda nga lang, hindi lumalabas sa firm ang kahit anong alam nilang lahat. They were all bound by an unspoken vow of secrecy. Walang sekretong lumalabas sa firm. "Titingnan ko kung ano ang malalaman ko bukas. I really have to go," paalam niya.
"You're sure you don't want to get laid?" pahabol ni Charlie.
Luminaw sa isip ni Ross ang mukha ni Bianca at muling nagtagis ang kanyang mga bagang. Of course he wanted to. Badly. Subalit wala sa club na iyon ang babaeng nais niyang makapiling nang buong magdamag. Ni hindi niya alam kung makikita pa ba niya si Bianca.
"Next time," hindi lumilingong sagot ni Ross sa kaibigan.