One month later
NAG-ANGAT ng tingin si Daisy mula sa program proposal na binabasa nang may kumatok sa pinto ng kanyang opisina. Bumukas ang pinto at sumungaw ang kanyang sekretarya.
"Ma'am, may story pitching kayo na kailangang puntahan in ten minutes."
Dumeretso siya ng upo at tumango. "Okay. Thanks."
Tatlong linggo na mula nang ibigay kay Daisy ng ama ang posisyong gusto talaga niya sa kompanya. Siya na ngayon ang head ng programming department at sa kanya dumadaan ang lahat ng mga bagong programa na for approval kung ipo-produce at ipapalabas o hindi.
"And Ma'am, tumawag ho ang kapatid ninyo. Ipinapaalala po ang final fitting ng gown na isusuot ninyo para sa kasal niya next, next week," sabi pa ng sekretarya.
Ngumiti si Daisy. "Okay. I'll just call her after the story pitching."
"Okay, Ma'am." Iyon lang at lumabas na uli ng opisina ang kanyang sekretarya.
Isa pa iyon sa nabago sa loob ng mga nakaraang linggo. Unti-unti ay gumanda ang relasyon ni Daisy sa kanyang kakambal. Masarap pala sa pakiramdam na maging malapit sa kapatid. Mabuti na lang, hindi pa huli ang lahat upang ayusin ang relasyon nila ni Lily.
Matapos din ang benefit concert, wala nang tao sa TV8 ang nagdududa sa kakayahan ni Daisy. Lalo na at sa loob ng tatlong linggo ay wala siyang inatupag kundi magtrabaho nang magtrabaho. Maaga pa lang ay nasa TV Station na siya at halos alas-nuwebe na ng gabi umuuwi. Kumuha rin siya ng condo unit na mas malapit sa istasyon.
Everything in her life seemed to have settled into their proper place. Subalit hindi alam ng lahat, kaya nakasubsob si Daisy sa pagtatrabaho ay dahil ayaw niyang napag-iisa nang matagal. Dahil sa tuwina, sa kabila ng lahat ng narating at ng naayos niya sa kanyang buhay, damang-dama niya na may kulang. She felt as if there was a big hole in her heart. At kapag nag-iisa, bigla siyang binabalot ng lumbay at pangungulila.
Dahil kahit isang buwan na ang lumipas, hinahanap-hanap pa rin ng kanyang puso si Rob. Kung minsan, kapag sinusumpong siya ng matinding lungkot ay sine-search pa niya sa Google ang pangalan ng binata. Baka sakaling may makita siya. At kapag wala siyang makita maliban sa isang artikulo tungkol sa party ng ama ni Rob, napu-frustrate siya. Bakit ba hindi man lang niya inalam ang pangalan ng bagong talent na mina-manage ng binata? Baka mas marami siyang malaman kung ano ang ginagawa ni Rob sa Aamerika o kung saang bansa man ito naroroon.
Napailing si Daisy at napabuntong-hininga. Tumayo siya at ibinalik sa folder ang mga binabasa. Bakit ba kasi hindi niya makalimutan si Rob? Why did she even fall in love with someone who couldn't stay? Nasaktan lang tuloy siya.
"Magtrabaho ka na lang, Daisy," naiusal niya sa sarili. Huminga muna uli siya nang malalim bago bitbit ang folder na naglakad palabas ng opisina. "Let's go to the conference room now," yaya niya sa sekretarya na may kausap sa telepono.
Umangat ang isang kilay ni Daisy nang mapaigtad sa pagkagulat ang babae nang tumingala sa kanya. "Ahm, mauna na po kayo, Ma'am. P-pinapapunta lang ako sandali ng papa ninyo sa opisina niya." Itinuro pa ng babae ang telepono na nasa tainga pa rin nito.
Saglit na napatitig lang siya sa kanyang sekretarya. Para kasing may kakaiba sa ekspresyon sa mukha nito. Parang gustong ngumisi na hindi niya mawari. Kumikislap din ang mga mata ng babae na para bang may alam na sekreto na gustong-gusto nitong sabihin ngunit hindi puwede.
"May gusto ka bang sabihin?" tanong ni Daisy.
Kumurap ang babae at mabilis na ibinaba ang telepono, pagkatapos ay ngumiti at tumayo. "Wala po, Ma'am."
Ilang segundo pa ring tinitigan ni Daisy ang kanyang sekretarya bago tumango kahit hindi siya kumbinsido. Pagkatapos ay tuluyan na siyang lumabas ng opisina at dumeretso sa conference room kung saan gaganapin ang story pitching ng nakatakdang bagong programa ng TV8.
Pagdating ni Daisy sa labas ng conference room ay hindi na siya nag-abalang kumatok. Basta na lang niya binuksan ang pinto, inaasahang marami nang tao sa loob. Kaya natigilan siya nang pagpasok niya ay walang tao sa conference room, maliban sa isang lalaking nakatalikod sa kanya at nakaharap sa malaking glass window sa isang panig.
Bumilis ang tibok ng puso ni Daisy at parang nilamutak ang kanyang sikmura dahil pamilyar sa kanya ang bulto ng lalaki. Pamilyar din sa kanya ang buhok nitong kulay-brown, ang malapad na mga balikat, ang likod na gustong-gusto niyang yakapin, at ang tindig nito na puno ng kompiyansa sa sarili. Kahit isang buwan na ang lumipas, malabong makalimutan ni Daisy si Rob.
Nang isara ni Daisy ang pinto sa kanyang likuran ay noon lang bumaling ang lalaki paharap. May bumikig sa kanyang lalamunan at nag-init ang mga mata nang sa wakas ay makita na niya ang mukha nito. May stubbles ang mukha ni Rob. At mas mukhang pagod kaysa noong una niyang nakilala. May kislap din sa mga mata ng binata na nagpasikip sa kanyang dibdib.
Pangungulila. Iyon ang nakikita ni Daisy sa mga mata ni Rob. At sigurado siyang iyon din ang nakikita ng binata sa kanyang mga mata. Lumunok siya. "A-ano'ng ginagawa mo rito?"
Bahagyang umangat ang gilid ng mga labi ni Rob para sa isang munting ngiti. "I've come back. Huwag kang mag-alala, tinawagan ko ang ama mo. Sinabi ko na kailangan kitang kausapin. Siya na raw ang magsasabi sa sekretarya mo para ipakansela ang meeting mo ngayon."
Ngayon ay malinaw na kay Daisy kung bakit ganoon ang reaksiyon ng sekretarya niya kanina. Subalit hindi pa rin malinaw kung bakit naroon si Rob. Nalilito pa ring napatitig lamang siya sa mukha ng binata. "Bakit mo ako gustong makausap?"
Nagsimulang maglakad si Rob palapit kay Daisy. "May naiwan ako sa Pilipinas. And it took me just a few minutes after the plane landed at the airport to realize what it was."
Huminto ang binata sa mismong harap ni Daisy at lumambot ang ekspresyon sa mukha na maingat na hinaplos ang kanyang pisngi. His hand barely grazed her skin, as if he was afraid to touch her fully. Subalit ang titig ni Rob ay ibang-iba sa haplos nito. It was an intense stare, as if he wanted to devour her.
"Bago ako umalis, tinanong ako nina Brad kung sigurado raw ba ako na nasa Amerika pa rin ang buhay ko. Nang mga sandaling iyon, hindi ko maintindihan ang ibig nilang sabihin."
Bumaba ang haplos ni Rob sa leeg ni Daisy, paikot sa kanyang batok at hinaplos ng mga daliri ang kanyang buhok. May kumalat na init sa kanyang buong katawan. Gustong-gusto niyang tawirin ang distansiya ng kanilang mga katawan subalit pinigilan niya ang sarili. Gusto ni Daisy na marinig ang sasabihin ni Rob. Dahil alam niyang hindi madali para sa binata ang magsalita ng tungkol sa nararamdaman nito. God only knew how much patience had to exercise to wait for him to talk about his family. At napagtanto niya na kung mabibigyan lang siya ng pagkakataong makasama si Rob buong buhay niya, ang mahalin siya nito na katulad ng pagmamahal niya, ayos lang na maging pasensiyosa.
"Pero habang nasa eroplano ako, habang hindi maalis sa isip ko ang sinabi mo na mahal mo ako, pabigat nang pabigat ang pakiramdam ko na papunta ako sa kabilang panig ng mundo, malayo sa `yo. Nang lumapag ang eroplano, napagtanto ko na kung ano ang ibig sabihin ng tanong na iyon nina Brad. My life is no longer there. I don't want to continue my life there. I want my life to be here, with you."
Nag-init ang mga mata ni Daisy. "Pero nang sabihin ko sa `yo na mahal kita ay namutla ka. Gulat na gulat ka na parang natakot."
Ikinulong ni Rob ang kanyang mukha sa dalawang palad nito at pinakatitigan. "Takot talaga ako. All my life, I never knew what it was like to be in love. My parents weren't exactly a good reference. Nangako ako sa sarili ko noon na hinding-hindi ako magpapatali sa isang relasyon na hindi ko pinapaniwalaang magwo-work. Kaya nang sabihin mong mahal mo ako, natakot ako. Not because of what you said but because of what those words made me feel. Daisy, I felt thrilled. Parang lumobo ang ulo at dibdib ko at gusto kong humiyaw sa tuwa. And it was weird because I never thought I would ever feel that way."
Umawang ang mga labi ni Daisy. "Kaya ka natakot? Dahil—"
Bumuntong-hininga si Rob bago ngumiti. "Yes. Nasa Amerika na ako nang ma-realize ko kung ano ang tawag sa nararamdaman ko. I love you,too, Daisy. So much that I lose control whenever I'm with you. So much that I want to stay here and start a new life with you. Dahil na-realize ko na mas mahal kita kaysa sa trabaho ko. Mas mahal kita kaysa sa buhay na nakasanayan ko sa Amerika. And that I am no longer afraid."
Nag-init ang mga mata ni Daisy at napangiti. "Natakot din ako. Natakot akong ipagkatiwala ang puso ko sa `yo. Natakot ako na isang araw ay iiwan mo ako. Pero kahit nasaktan ako, hindi ako nagsisisi na minahal kita, Rob. Hindi ako magsasawang mahalin ka."
Ngumiti si Rob at ginawaran siya ng masuyong halik sa mga labi na agad niyang tinugon. Hindi na siya nakatiis. Yumakap na siya kay Rob at pinaglapat ang kanilang mga katawan. Gumanti ito ng yakap at pinalalim ang halik.
"I missed you so much," bulong ni Daisy sa mga labi ni Rob.
"God, I missed you, too. Ayoko nang malayo uli sa iyo nang ganoon katagal. I don't want to hurt you again by leaving you behind like that. Kinailangan ko lang talagang asikasuhin ang mga dapat ayusin sa Amerika para makaalis ako nang maayos. Pero okay na ngayon. I am ready."
Bahagyang lumayo ang binata kay Daisy at may dinukot sa bulsa. Pagkatapos ay hinawakan ni Rob ang kanyang kaliwang kamay. Tila may nagliparang mga paruparo sa kanyang sikmura. At nang isuot ng binata ang diamond ring sa kanyang palasingsingan, tuluyan na siyang naluha.
"Oh, Rob…" humihikbing sambit niya.
Muling nagtama ang kanilang mga mata at ngumiti si Rob. "Please marry me, Daisy."
Niyakap niya ang binata at isinubsob ang mukha sa leeg nito. "Yes. I will marry you." Pero bigla siyang may naalala kaya bahagyang inilayo ang mukha at tiningnan si Rob. "Pero hindi ko alam kung papayag si Papa. Last month lang, hindi ka niya gusto para sa akin ."
Hinalikan ni Rob ang tuktok ng kanyang ulo bago nagsalita. "Don't worry. Nakausap ko na siya. Sa kanya ko muna hiningi ang kamay mo bago ako nag-propose sa iyo. Pumayag siya. As long as hindi ko raw aalisin sa Pilipinas ang anak niya."
Ngumiti si Daisy. "I love you."
Gumanti ng ngiti ang binata. "Sweetheart, I love you more."
Para sa kanya, sapat na ang katotohanang nagdesisyon si Rob na manatili sa Pilipinas bilang patunay kung gaano siya nito kamahal.
Napakasaya ni Daisy. All the risks she had taken, the courage she had to muster to give her heart to Rob, it was all worth it.