MABILIS na lumipas ang mga araw. Nagulat pa si Daisy na araw na ng benefit concert ng TV8 Foundation. Kahapon pa sila walang tulog sa paninigurong maayos ang lahat. Habang nag-aayos sila ng stage, dumaan pa ang kanyang ama kasama ang ilang miyembro ng board of directors at pinaka-head ng TV8 Foundation na tiyahin niya. Mukhang impressed naman ang grupo dahil nang magtama ang tingin nila ng kanyang papa ay ngumiti ito at pasimpleng nag-thumbs-up.
Pagsapit ng gabi, nagsidatingan na ang mga performer sa backstage. At nang matanaw ni Daisy ang mga miyembro ng Wildflowers, agad na sumikdo ang kanyang puso at hinanap ng mga mata si Rob. At nang makita ang binata, magkahalong saya at kaunting kirot sa dibdib ang kanyang nadama. Dalawang araw niyang hindi nakita si Rob dahil masyado siyang abala. At alam niya na hindi pa rin sila magkakaroon ng pagkakataong makapag-usap. Subalit sapat na sa kanya na makita ito ngayong gabi.
Kukunin na sana ni Daisy ang atensiyon ni Rob nang lumapit si Remi sa kanya, isa sa mga katrabaho. "Daisy, nandito na ang mga major sponsor. Inihatid na namin sa VIP seats. Kailangan mo silang batiin, hindi ba?"
"Oo," sagot ni Daisy. Hindi na siya nagkaroon ng pagkakataong masulyapan man lang uli si Rob dahil hinatak na siya ni Remi paalis ng backstage at patungo sa VIP seats. Pagkatapos ng mga sponsor, kinailangan din niyang batiin ang iba pang VIP guests. Sunod niyang inasikaso ang media na nagko-cover ng kanilang event. Bumalik lang uli siya sa backstage upang batiin ang Wildflowers.
"Are you girls ready?" tanong ni Daisy sa limang babae.
Ngumiti ang mga babae sa kanya.
"Yes. Huwag kang mag-alala, we're always ready," sabi ni Yu.
Gumanti siya ng ngiti at hindi napigilang igala ang tingin dahil wala sa tabi ng banda si Rob. "Ahm, nasaan ang manager ninyo?"
Hindi nakaligtas kay Daisy ang bahagyang pagkawala ng ngiti ng Wildflowers at ang nag-aalalang palitan ng tingin ng mga ito bago sumagot si Carli. "Kasama niya si Rick. Biglang tumawag ang producer namin sa Amerika para sabihing nasa NAIA sila. Susunduin nina Rob si Mr. Gallante."
"Oh, okay." Hindi niya alam kung bakit may worry sa mga mukha ng Wildflowers na marinig na darating ang producer ng banda. Subalit katulad ng maraming bagay sa araw na iyon, hindi natuon doon nang matagal ang kanyang isip.
"Stand by, Wildflowers!" sigaw ng isang staff.
Tumalima ang limang babae at muling ngumiti si Daisy. "Have fun."
"We will!" Iyon lang at nagtungo na sa stage ang Wildflowers. Kahit nasa backstage, narinig ni Daisy ang ingay at dagundong ng sigawan ng mga manonood sa labas. Muli niyang iginala ang tingin sa paligid, nagbabaka-sakali pa ring makita si Rob kahit alam niyang wala roon ang binata. Sana lang ay naroon na si Rob bago matapos ang benefit concert. Gusto niya na makapag-usap naman sila ngayong gabi.
Nang magsimula nang mag-perform ang Wildflowers, kinalma ni Daisy ang sarili at naglakad patungo sa gilid ng stage upang manood. Ngunit habang nag-e-enjoy ang lahat ng tao roon, ang kalahati ng kanyang atensiyon ay nag-aabang sa pagdating ni Rob.
Ang kaso, patapos na ang set ng Wildflowers ay wala pa rin ni anino ni Rob. At dahil tinawag na si Daisy ng emcee upang ipakilala sa lahat ng dumalo bilang major organizer ng event, nawala na ang kanyang atensiyon sa pag-aabang sa pagdating ng binata.
Dahil paano pa siya madi-distract kung nasa harap na siya ng libo-libong tao? At ang iba roon ay ang board of directors ng TV8, ang kanyang ama, at iba pang matataas na posisyon sa alta-sosyedad? Higit sa lahat, sigurado si Daisy na karamihan sa mga taong naroon ay nasundan ang masasamang balita tungkol sa kanya habang ang iba ay siguradong hindi siya gusto.
"Now, for a short speech from the person who made this event possible, Miss Daisy Alcantara!" sabi ng emcee, sabay abot sa kanya ng mikropono.
Pasimple siyang huminga nang malalim at iginala ang tingin sa harap, partikular sa linya kung saan nakapuwesto ang kanyang ama. "Maraming salamat sa mga dumalo sa benefit concert na ito at sa mga sponsor at guest na nag-pledge ng tulong para sa beneficiaries ng TV8 Foundation. Hindi naging madali para sa akin ang pag-o-organize ng ganitong event. Aminado ako na ito ang unang beses na nagtrabaho ako sa buong buhay ko. At nahiling ko na sana ay noon ko pa ito ginawa.
"I've realized that being passionate about something is a very fulfilling experience. At hindi ko madidiskubre iyon kung hindi ako nabigyan ng pagkakataong patunayan ang sarili ko. So, to all my co-workers in TV8 Foundation and the board of directors, thank you for allowing me to take charge of this event. And thank you to the performers who shared their talents with us this evening. Salamat po."
Nagpalakpakan ang mga tao at muli ay nakita ni Daisy ang proud na ngiti ng kanyang ama. At sa pagkakataong iyon, nakangiti na rin ang mga miyembro ng board of directors. Nilukob na ng saya ang kanyang puso. Matagumpay ang benefit concert, in more ways than one.
Ngiting-ngiti pa rin si Daisy kahit nang naglalakad na siya pabalik sa backstage. At nang makitang naroon na si Rob, halos gusto na niya itong takbuhin upang yakapin at halikan. Ganoon kasaya ang kanyang pakiramdam. Napigilan lang siya nang mapansin ang mga Amerikanong kasama nina Rob at Rick Hernandez. Naglalakad ang mga lalaki palapit sa Wildflowers.
Nakasunod pa rin ng tingin si Daisy nang sa wakas ay tila maramdaman ni Rob ang presensiya niya at lumingon. Nagtama ang kanilang mga mata. Sandaling may nakita siyang kislap sa mga mata ni Rob na agad ding nawala. Akmang ngingitian na niya ang binata nang tila walang nakitang nag-iwas ito ng tingin at sumagot sa kung anong sinabi ng Amerikanong katabi.
Natigilan si Daisy at tila may sumuntok sa kanyang sikmura sa ginawang iyon ni Rob. Did he just ignore her? Ni walang tango o matipid na ngiti man lang? Sa inasta ni Rob ay parang hindi sila magkakilala. Na para bang wala silang pinagsaluhan na kahit ano sa nakaraang ilang linggo.
Marahil, kung ibang babae lamang si Daisy, baka tumakbo na lamang siya palayo at idaan sa pag-iyak ang ginawa ni Rob. Subalit hindi siya ganoong klase ng babae. Lumunok siya at naglakad palapit sa Wildflowers kung saan naroon si Rob at ang mga lalaking kasama nito. Habang palapit ay naririnig na niya ang pinag-uusapan ng mga ito.
"That was a fantastic set. Thank God we were able to see the last song," masayang bulalas ng may-edad na lalaki sa mga miyembro ng Wildflowers.
"Thanks, Mr. Gallante," sagot ni Carli.
Kung ganoon, ang matanda pala ang producer ng banda.
"Rob has done a good job of taking care of you, girls. Unfortunately, it's time for him to let you go. We spoke earlier and Rob has agreed to go back to the US with us. A new musical talent is waiting for him there," masayang anunsiyo ng producer ng Wildflowers.
Napahinto sa paglalakad si Daisy sa labis na pagkagulat dahil sa narinig. Ilang metro na lamang ang layo niya sa grupo kaya nang mabitawan ang hawak na folder at bumagsak iyon sa sahig ay napalingon ang lahat sa kanya.
Subalit kay Rob lamang nakatitig si Daisy. Bigla ay tila nawala ang ibang mga tao roon. Pakiramdam niya ay nawalan ng tunog at huminto ang oras. Nanlamig ang kanyang buong katawan at para siyang nahilo.
"You're already leaving?" naiusal ni Daisy. Hindi niya gusto na magtunog-desperada subalit iyon mismo ang naging dating ng kanyang boses.
Tumiim ang mga bagang ni Rob at sandaling tila may kumislap na guilt sa mga mata bago nagsalita. "Yes. I have to."
Ganoon lang iyon? Ganoon lang ba ang gagawin ni Rob na pagpapaalam?
Daisy suddenly felt sick in her stomach. She felt cheap. Talo pa niya ang isang bayarang babae na napagsawaan at basta na lang iniwan.
Akala ni Daisy ay napaghandaan na niya ang pagdating ng sandaling iiwan na siya ni Rob. Hindi pa pala. Kahit kailan yata talaga ay hindi niya mapaghahandaan ang maiwan. Lalo na kung si Rob ang gagawa niyon. Because she loved him.
May bumara sa lalamunan ni Daisy at naramdaman niya ang nakaambang luha sa mga mata. Subalit itinaas niya ang noo at pinigilan na magmukhang-kawawa sa harap ni Rob at ng maraming tao na ngayon ay unti-unti nang bumabalik sa kanyang kamalayan.
"I see," matipid na naiusal niya.
"Who might this lady be?" biglang tanong ni Mr. Gallante.
Inalis ni Daisy ang tingin kay Rob at mabilis na nagpaskil ng ngiti sa mga labi at inilahad ang kamay sa Amerikano. "Hi! I'm Daisy Alcantara, the organizer of this event. Thank you for allowing Wildflowers to take part in this concert," she said in a professional way. Kahit nanginginig ang kanyang mga pisngi sa pagpipilit na ngumiti.
Nakangiting tinanggap ni Mr. Gallante ang pakikipagkamay niya. Samantalang ang Wildflowers at si Rob ay ni hindi ngumingiti. Mukhang nararamdaman ng mga ito ang kanyang tensiyon.
"Well, Rob convinced me of how good this benefit concert is. He's the one you should thank. If not for him, I might not have allowed my girls to perform here."
Natigilan si Daisy at muling sumulyap kay Rob na ngayon ay titig na titig sa kanya. Lalong tumindi ang bikig sa kanyang lalamunan. Muli ay tinulungan na naman siya ni Rob sa paraang hindi niya alam. Bakit kailangan pa niyang malaman ang tungkol doon ngayong aalis na ang binata? Lalo lamang masakit para sa kanya ang sitwasyon.