Napabuntong-hininga si Daisy at sumandal. Inalis niya ang tingin sa binata at tumitig sa kawalan. Hindi nagsalita si Rob, hinihintay siyang magsalita. Hayun na naman ang pakiramdam na parang may asido sa kanyang sikmura. Sa totoo lang, ayaw niyang sabihin kay Rob ang lahat ng ginawa niya noon. Subalit kung may nalaman siya na pagkakapareho nila ni Rob mula nang magkakilala sila, iyon ay ang pagiging stubborn. Kapag sinabi nitong mananatili sila roon hangga't hindi siya nagsasalita, sigurado si Daisy na iyon nga ang gagawin ni Rob.
"Hindi kami lumaking magkasama ni Lily. Katunayan, hanggang maging teenager ako ay hindi ko alam na may kakambal pala ako. At gano'n din si Lily. Noong mga bata pa kami ay naghiwalay ang mga magulang namin. Dinala si Lily ng nanay namin habang naiwan ako kay Papa. Pero namatay ang aming ina noong teenager kami at bigla na lang dinala ni Papa sa bahay si Lily. I felt… like she took away my father from me when she came. Galit na galit ako sa kanya. And I ended up being a rebellious daughter. Nasama ako sa masamang barkada. Sa aming lahat ay ako ang pinakamasama. I bullied other students. I went to parties and drank heavily. Ang mga lalaking nagkagusto sa akin ay pinaglaruan ko hanggang magsawa ako… God, kailangan ko pa ba itong ituloy?" Pagak na tumawa si Daisy.
"Oo," matipid na sagot ni Rob.
Dumeretso ng upo si Daisy at nagkibit-balikat. "Well, isa si Michael sa mga lalaking napaglaruan ko noong college. He was… so in love with me." Naramdaman niya na naging alerto si Rob subalit nagkunwari siyang hindi iyon napansin. "Sumulpot lang siya isang araw at sinabing mahal niya ako. Na iniligtas ko raw siya nang maaksidente siya. At gagawin daw niya ang lahat para ma-in love din ako sa kanya. He was so fat then and I was evil. Nakulong pa siya nang dahil sa amin ng mga barkada ko."
"Bata ka pa noon," komento ni Rob.
Muli ay pagak siyang natawa at umiling. "Please, huwag mong pagaanin ang pakiramdam ko, Rob. I don't deserve it. Anyway, ang pangalang sinabi ko kay Michael noon ay 'Lily.' You see, may habit ako noon na gamitin ang pangalan ng kakambal ko kapag tinatanong ako ng lalaking hindi ko gusto. Years passed. Lingid sa kaalaman ko ay nagkita sina Michael at Lily. Akala ni Michael, si Lily ay ako. He… plotted revenge. At si Lily ang nagantihan niya. But they ended up falling in love with each other. At kasalanan ko ang lahat kaya muntik na silang hindi magkatuluyan. Kaya hanggang ngayon, naiilang pa rin akong makita sina Michael at Lily." Pagkatapos ng mahabang salaysay na iyon ay lakas-loob na hinarap ni Daisy si Rob na nakamasid lamang sa kanya. Itinaas niya ang noo. "Naiintindihan mo na ba ngayon?"
"Iyon ang dahilan kaya sinabi mo sa akin noon that you were trying to reinvent yourself," sa wakas ay sabi ng binata na ipinagkibit-balikat niya. "Sa tingin ko, you are doing a good job at it. Ang babae sa kuwento mo, hindi na ikaw `yon. Mula nang makilala kita, wala akong natatandaang nakita ko kahit anino ng pagkatao mo noon. All you have to do now is get over your past and embrace the new you."
Nabagbag ang damdamin ni Daisy at hindi napigilan ang pagsilay ng munting ngiti. "Well, thank you. Pero may mga pagkakataon pa rin na kaunting balita lang laban sa akin, bumabalik agad sa dati ang opinyon sa akin."
"Hindi mo kailangang magmadali," seryosong sabi ni Rob.
Muling napatingin si Daisy sa mukha ng binata.
Nagkatitigan sila. Mayamaya ay nakita ni Daisy nang magbago ang ekspresyon sa mga mata ni Rob. Bahagyang lumambong ang mga iyon. Umangat ang kamay nito sa kanyang mukha at tila may sariling isip ang katawan na inihilig niya ang mukha sa kamay ni Rob.
"You know, marami ang nagsasabi na invincible daw ako. Hindi natitinag. Kayang gawin ang lahat. That no one can ever catch me off guard. Kaya nang sabihin mo sa akin na gusto mo nang matapos ang kung ano mang namamagitan sa atin, naisip ko na kayang-kaya kong gawin `yon. But you know what? I can't do it."
Umisod pa si Rob palapit kay Daisy hanggang sa halos gahibla na lamang ang layo nila sa isa't isa. Ikinulong na rin ng isang kamay ng binata ang isa pang pisngi ni Daisy at ngayon, wala na siyang ibang matingnan kundi ang mga mata at mga labi ng binata.
"Hindi kita kayang layuan, Daisy. Not now. Gusto kong makilala ka pa. Gusto kong malaman kung ano ang tumatakbo sa isip mo. Kung ano ang tunay na nasa likod ng panlabas na ipinapakita mo sa ibang tao. Gusto pa kitang mahawakan, makasama, mahalikan. Gusto kitang makita araw-araw. I know it's unfair of me to demand something from you because I cannot promise you forever. Dahil pansamantala lang ang pananatili ko rito. But as long as I am here, I want to be with you. And if you say 'yes,' I will do everything in my power to make you happy. Poprotektahan at susuportahan kita sa lahat ng desisyong gagawin mo. Hindi ko hahayaan na may manakit sa `yo. As long as I can."
May bumikig sa lalamunan ni Daisy. Dapat ay tumanggi siya kung nais niyang protektahan ang puso na huwag masaktan. Dapat ay talikuran na niya si Rob at huwag nang lilingon pa. Subalit habang nakatitig sa mga mata ng binata ay hindi niya ito magawang itulak palayo. Hindi niya maibuka ang mga labi upang sabihing ayaw niya sa suhestiyon nito.
Marahang hinaplos ng hinlalaki ni Rob ang pisngi ni Daisy at halos mapapikit siya sa sensasyong dulot niyon.
"Daisy?"
God, hindi ko ito kaya. Gusto na niyang sumuko. Hindi na niya kayang pigilan ang atraksiyong nararamdaman para kay Rob. Alam niya na darating ang araw na matatapos ang namamagitan sa kanila kapag umalis na ang binata. Subalit wala na siyang pakialam. She wanted to be with him as long as she could.
"Okay," usal ni Daisy.
Kumislap ang mga mata ni Rob at lalo pang inilapit ang mukha nito sa kanyang mukha. "Okay?"
Napangiti siya. "Oo nga. Let's do this."
May gumuhit din na ngiti sa mga labi ng binata, mayamaya ay tuluyang tinawid ang pagitan ng kanilang mga labi. Sinalubong ni Daisy ang halik ni Rob at ilang sandali pa ay nawalan na siya ng pakialam sa ibang bagay. O kung nasaan man sila. All she knew was that she had missed his kisses. Na-miss niya ang maging ganoon kalapit sa binata. At napagtanto na gusto rin niyang malaman ang lahat tungkol kay Rob. Alam niya na hindi rin magiging madali na mapagsalita si Rob ng tungkol sa personal nitong buhay subalit maghihintay siya.
Sana lang ay malaman niya ang gustong malaman tungkol kay Rob bago dumating ang araw na kailangan na nilang maghiwalay. At sana, worth it ang sakit na siguradong mararamdaman niya pagdating ng araw na iyon.