Chereads / BACHELOR'S PAD / Chapter 27 - Chapter 25

Chapter 27 - Chapter 25

DALAWANG linggo na lang bago ang benefit concert ng TV8 Foundation. Lalong naging abala sa preparasyon si Daisy at ang lahat ng tao sa kanilang opisina. Subalit hindi niya iyon alintana. Nitong mga nakaraang araw, pakiramdam niya ay nakalutang ang mga paa at punong-puno siya ng energy. Ganoon na ang nararamdaman niya mula nang mag-usap sila ni Rob. Mula kasi noon ay araw-araw na silang nagkikita ng binata.

Subalit hindi ibig sabihin ay wala nang naging problema si Daisy. Dahil sa totoo lang, halos araw-araw ding nasa Internet at tabloids ang pangalan nila ni Rob. At ilang beses na siyang ipinatawag ng ama upang pagalitan. Ngunit sa pagkakataong iyon, sinabi niya sa kanyang papa na wala siyang pakialam sa sinasabi ng ibang tao. Na sa pamamagitan ng benefit concert ay patutunayan niyang karapat-dapat siyang maging tagapagmana ng TV8.

Of course, her father was not impressed. Lalo na at marami pa rin ang nagsasabing dahil lamang sa relasyon nila ni Rob kaya niya nakuha ang matamis na oo ng Wildflowers at hindi dahil sa sariling kakayahan.

"Alam mo, dapat ay matapos na ang mga tsismis na ito. Dahil alam namin kung gaano ka naghirap para maging matagumpay ang benefit concert na ito," biglang bulalas ni Lottie nang dumating sa opisina bitbit ang ilang tabloids. Hapon na at galing ito sa meeting.

Ikinagulat ni Daisy ang komento ni Lottie. "I don't really care about those stories anymore."

Marahas na bumuga ng hangin ang babae. "Hay, pero mukhang hindi ang mga big boss."

Napaderetso siya ng upo. "Nagreklamo ba sila sa iyo tungkol sa akin?"

Tumango ito. Nalaglag naman ang kanyang mga balikat. Ayaw niyang madamay si Lottie sa nangyayari sa kanya. Naging mabait sa kanya ang babae mula nang magtrabaho siya sa Foundation.

Huminga nang malalim si Daisy at kinalma ang sarili. "Okay. Huwag mo nang problemahin `yon, Lottie. Iisip ako ng paraan para matigil na ang mga balitang `yon tungkol sa akin. Ayokong may makaapekto sa publicity ng benefit concert natin."

Ngumiti si Lottie. "Alam ko na `yan ang sasabihin mo. Good luck, then."

Pagsapit ng gabi ay iniisip pa rin ni Daisy kung paano mapapahinto ang mga maling balita tungkol sa kanya. Nahinto lang iyon nang tumawag si Rob habang naglalakad siya sa lobby.

"Nakaalis ka na ng opisina?"

Ngumiti si Daisy. "Nasa lobby pa ako."

"Good. Narito ako sa parking lot at hinihintay ka. Let's go out."

Tumamis ang kanyang ngiti. "Okay." Nasasabik na binilisan niya ang paglalakad patungo sa parking lot.

Natanaw agad ni Daisy ang sasakyan ni Rob. Hindi na niya hinintay na umibis ang binata. Binuksan niya ang pinto sa front passenger seat at sumakay. Nakangiti niyang hinarap ang binata at walang salitang tinawid ang pagitan nila upang siilin ito ng halik sa mga labi. Naramdaman niya na napangiti si Rob habang magkalapat ang kanilang mga labi. Mayamaya ay naramdaman niya ang isang kamay ng binata sa kanyang batok habang ang isa pang kamay ay lumapat sa kanyang baywang at hinigit pa siya palapit na halos mapunta na siya sa kandungan nito.

Napaungol si Daisy nang palalimin ni Rob ang halik. He possessed her mouth completely. Ganoon din ang ginawa niya. Sa totoo lang, habang tumatagal ay parang lalo siyang nasasabik sa mga halik at haplos ni Rob. At ngayong hindi na niya masyadong iniisip ang hinaharap ay mas nabibigyan niya ng laya ang nararamdaman para sa binata. O marahil, dahil alam niyang may katapusan ang lahat kaya niya nilulubos ang bawat sandaling may pagkakataon siyang makasama ang binata.

Sumikip ang dibdib ni Daisy sa isiping iyon kaya agad niyang pinalis sa isip. Si Rob ang pumutol sa halik.

"You've missed me that much?" tanong ng binata na bahagya pang nakangiti. Kumikislap sa amusement ang mga mata nito at humigpit pa ang hawak sa kanyang baywang.

Hinabol niya ang paghinga bago sumagot. "Not really."

Tumawa si Rob—malutong at tila musika sa pandinig ni Daisy. God, she loved it when he laughed. Bihirang mangyari iyon, kapag ganoong silang dalawa lang. Kaya kapag tumatawa ang binata, hindi niya inaalis ang tingin sa mukha nito. Mayamaya, nakangiti pa rin na masuyong hinalikan niya si Rob sa pisngi bago siya nito tinulungang makaupo nang maayos sa passenger seat. Ito pa ang nagkabit ng kanyang seat belt.

Higit pa sa mga halik at haplos ni Rob, mas bumibilis ang tibok ng puso ni Daisy sa mga ganoon kasimpleng gawi ng binata. Minsan pa nga, may palagay siya na hindi napapansin ni Rob ang mga kilos nitong iyon. He did not know how special those simple gestures, like a peck on the cheek, could make her feel.

"Saan tayo pupunta?" tanong ni Daisy.

Binuhay muna ni Rob ang makina ng kotse bago sumagot. "Dinner. But first, I want to show you something."

"Ano?"

Umangat ang gilid ng mga labi ng binata at sumulyap sa kanya. "You'll see."

Na-curious si Daisy. Subalit alam niya na kahit kulitin pa niya si Rob ay hindi ito magsasalita.

"Kumusta ang preparation para sa benefit concert? Excited na ang Wildflowers para doon. Matagal na silang hindi nagpe-perform sa harap ng maraming tao," komento ni Rob.

Noon lang uli naalala ni Daisy ang pinoproblema nila ni Lottie kanina. Napabuntong-hininga siya, na mukhang napansin ni Rob dahil kunot-noong sumulyap ito sa kanya.

"May problema ba?"

Sumandal siya nang patagilid, paharap kay Rob. "Sa preparations ay wala akong problema. It's just that… pati si Lottie ay naha-harass ng big bosses dahil sa mga nakasulat sa tabloids."

Napansin niya na na-tense ang binata.

"Gusto mo bang gawan ko ng paraan?" mayamaya ay tanong nito.

Umiling siya. "Hindi sa paraang naiisip mo. I'm sure, may maiisip akong paraan para hindi na nila isipin na kaya lang pumayag ang Wildflowers ay dahil may relasyon tayo."

Umangat ang gilid ng mga labi ni Rob. "May relasyon tayo? I like the sound of that."

Tumahip ang dibdib ni Daisy at nag-init ang kanyang mukha. Siya talaga ang unang nagsabi niyon? Tumikhim siya. "Well, anyway, hindi sila naniniwala na ang sarili kong kakayahan ang ginagamit ko para sa trabaho ko."

Tila nag-isip si Rob habang inililiko ang sasakyan sa kaliwa bago nagsalita. "So, kung mapapatunayan mo na ikaw ang kumumbinsi sa Wildflowers na tumugtog ay titigilan na nila ang pagdududa nila, tama ba?"

"Sana."

Tumango ang binata. "Okay. Ako ang bahala."

Napaderetso siya ng upo. "Hindi puwede. Ako ang dapat umisip ng paraan."

Sumulyap si Rob sa kanya. "Nakalimutan mo na ba ang sinabi ko sa `yo noong nakaraang araw? As long as I am with you, I will protect you, sweetheart. Let me do this."

"Kapag ikaw ang gumawa ng paraan, hindi ba lalabas na tama sila?"

"Of course not. Wala akong gagawin."

Kumunot ang noo ni Daisy. "Wala kang gagawin? So, ano ang paraang naiisip mo?"

Inabot ng isang kamay ng binata ang kanyang kamay at pinisil iyon. "Bukas mo malalaman. Relax… Ahm… we're here."

Inihimpil ni Rob ang sasakyan sa gilid ng kalsada. Noon lang naisip ni Daisy na igala ang tingin sa kung nasaan sila. Pulos nagtataasang building ang nasa paligid, maliban sa gusaling nasa kaliwa nila na mukhang limang palapag lamang.

"Nasaan tayo?"

"Gusto kong ipakita sa `yo kung saan ako nakatira. Unfortunately, I can't invite you in," sabi ni Rob at ibinaba ang salamin sa panig ng driver's seat at itinuro ang limang palapag na gusali.

Namilog ang mga mata ni Daisy. "Diyan ka nakatira?" manghang bulalas niya.

Umangat ang gilid ng mga labi ni Rob. "Hindi ka makapaniwala?"

"Well, yes. Ang layo sa personalidad mo na dito ka nakatira."

Bahagyang tumawa ang binata. "`Yan din ang una kong naisip noong dinala ako ng pinsan ko sa building na `yan."