Chereads / MOON BRIDE UNIVERSE: Spiral Gang / Chapter 38 - Tunay Na Nangyari Sa Nakaraan (1)

Chapter 38 - Tunay Na Nangyari Sa Nakaraan (1)

MAHINANG umaambon nang makarating sila sa maputik na daan malapit sa gubat, kung saan huling natagpuan ang mga bakas ng paa ng kuya ni Danny halos pitong taon na ang nakararaan. Tumitig siya sa lupa na unti-unti nang nagiging putik, inaalala ang kapatid.

Mayamaya naramdaman niyang lumapit sa kaniya si Selna, inabot ang isa niyang kamay at pinisil iyon. Napasulyap siya rito. Napansin niya na mukha itong worried habang nakatitig sa mukha niya. "Handa ka ba talagang makita ang nangyari? Okay lang ba talaga sa'yo na ipakita rin sa amin ang nakaraan?"

Ngumiti siya at pinisil ang kamay nitong nakahawak pa rin sa kamay niya. "Kaya nga ako handa at determinadong makita ang totoo kasi nandito kayo sa tabi ko. Saka pagkatapos niyo ako tulungan makuha ang mutya, tama lang na i-share ko rin sa inyo kung ano ang totoong nangyari."

Bumuntong hininga si Selna at tumango. "Okay. Simulan na natin habang maaga pa." Sinenyasan nito sina Ruth at Andres na lumapit sa kanila. Kahit si Lukas mukhang interesado talaga na makita ang nakaraan kasi tumayo ito sa kabilang side niya. Huminga siya ng malalim at sandaling tinitigan ang jar of memories. Pagkatapos pumikit si Danny, inalala ang araw na namatay ang kuya niya, at saka tinanggal ang takip ng garapon.

Nang dumilat siya nakita niyang lumabas ang ulap na nasa loob ng garapon. Parang usok. Pero hindi katulad ng normal na usok ay hindi iyon nawala. Katunayan dumami pa iyon, kumapal, pumalibot sa kanila hanggang hindi na nila nakikita ang paligid. Parang hamog sa madaling araw kapag malamig ang panahon. Mayamaya unti-unting numipis ang ulap. Hanggang humangin ng malakas at tuluyan iyong nawala. Malinaw na uli nilang nakikita ang paligid.

"'Yon na 'yon? Wala naman nangyari ah?" nagtatakang tanong ni Andres.

"May nangyari. Hindi niyo ba napapansin? Pakiramdaman niyo ang paligid," sagot ni Lukas.

Sabay-sabay na iginala nila ang tingin. Nagulat si Danny nang mapansin na mas madilim kaysa kanina. Imbes na umaga parang mas pagabi na ang oras. Lumakas din ang buhos ng ulan. Nanginig siya sa lamig, niyakap ang sarili at wala sa loob na bumaba ang tingin. Nanlaki ang kanyang mga mata kasi nakalubog ang mga paa nila sa putik. Na para bang kanina pa talaga umuulan kaya lumambot ng ganoon ang lupa.

"Lukas… hindi na ito ang kasalukuyan tama ba?" biglang tanong ni Ruth.

"Tama ka."

Manghang napalingon silang lahat sa lalaki. Ito lang ang kalmado sa kanilang lahat. "Pero hindi ibig sabihin na bumalik tayo sa nakaraan. Ang nakikita lang natin ngayon ay ang alaala na naiwan sa lugar na ito base sa gustong makita ni Danny. Makikita natin ang lahat ng nangyari rito pero kung may tao mang dumating, hindi nila tayo makikita. Hindi niyo rin mababago ang mga nangyari na at mas lalong wala kayong kakayahan mangielam ng kahit anong bagay sa panahon na ito."

Mahabang katahimikan ang namayani pagkatapos magpaliwanag ni Lukas. Lalong lumakas ang ulan at lalong dumilim. Mayamaya nakarinig sila ng mabibigat na yabag sa putikan. Na-tense silang lahat at napalingon. Isang lalaki na nakasuot ng kapote at bota ang naglalakad palapit sa kinatatayuan nila. May bitbit itong… itak?

"Guys… 'di ba si Jumong 'yon?" basag ni Selna sa katahimikan.

Naningkit ang mga mata ni Danny at pilit inaninag ang mukha ng lalaki. Nang makalapit na ito sa kanila ay saka niya narealize na totoong si Jumong nga ito. At hindi ang baliw na lalaking nakikita nilang nagpapagala-gala sa Tala. Ang nakikita nila ngayon ay si Jumong noong isa lamang itong normal na mangangahoy. May determinasyon sa mukha nito at deretso ang tingin, ni hindi lumingon kahit halos magkabunggo ang mga balikat nila. Patunay na talagang hindi sila nakikita roon.

"Saan siya pupunta? Mangangahoy kahit malakas ang ulan?" nagtatakang tanong ni Andres. Nilampasan na kasi sila ni Jumong at pumasok na sa gubat.

"Duda akong makakalabas siya ng normal pa rin," sabi ni Lukas. "Nakita ko sa mga mata niya na may pinaplano siyang hindi maganda. Mukha siyang desperado at suko na sa buhay."

Nanlalaki ang mga matang nagkatinginan na lang silang magkakaibigan. Sasabihin pa lang sana ni Danny na sundan nila si Jumong para malaman kung ano ang nangyari rito nang biglang kumidlat at dumagundong ang malakas na kulog. Pagkatapos kumurap lang sila biglang naging gabi na. Pero hindi sila nagkaroon ng pagkakataong mamangha kasi nakarinig sila ng malakas at takot na sigaw mula sa loob ng gubat. Sa sobrang lakas nag echo pa 'yon. Kasunod niyon ay nakarinig sila ng tilamsik ng putik at patakbong yabag ng mga paa mula sa direksiyon kung saan galing kanina si Jumong.

"D-danny, tingnan mo kung sino ang parating," nanlalaki ang mga matang sabi ni Ruth.

Lumingon siya at sandaling nasilaw sa liwanag na galing sa flashlight na bitbit nang bagong dating. Sa gubat, nag echo na naman ang malakas na sigaw ng isang lalaki. Nanayo ang balahibo niya nang marealize na si Jumong iyon. Kung ano man ang nangyayari sa loob ng gubat, malamang iyon ang dahilan kaya nabaliw ito. Pero nawala roon ang isip ni Danny nang makarecover siya mula sa pagkasilaw sa liwanag na galing sa flashlight. Kasi nakita na niya kung sino ang bagong dating.

Si kuya Lando!

Nakasuot ito ng clear na kapote kaya kita ang t-shirt na uniporme ng mga tanod sa Tala kapag nagpapatrol. Napatitig si Danny sa mukha nito at uminit ang kanyang mga mata. Kasi ito nga ang kapatid niya halos pitong taon ang nakararaan. Iyon ang mukha na nakikita niya araw-araw sa picture frame na nakapatong sa study table sa kuwarto niya. Fifteen years old na siya ngayon pero ang kuya Lando na nakikita niya ngayon, eighteen years old pa rin. Halos magkasingtangkad na sila. Samantalang noong araw na nagpaalam ito sa kaniya na lalabas, hanggang baywang lang siya nito.

"Kuya…" Alam ni Danny na hindi siya nito naririnig o nakikita pero hindi niya napigilan humakbang palapit. Sumisikip ang dibdib niya pero pinilit niya magsalita. "Bakit ka nandito, kuya? Umuwi ka na. May pagkakataon pa, kuya. Umuwi ka na ngayon. Hindi ko alam kung ano pero may masamang mangyayari sa'yo dito."

"Danny… hindi ka niya naririnig," pahikbing sabi ni Selna mula sa likuran niya.

Huminto sa paglalakad si kuya Lando, nakakunot ang noo at parang nakikiramdam. "Dito banda ang narinig kong sigaw ah. Guni-guni ko lang ba?" Iginala nito ang tingin sa paligid, pinaraan ang ilaw ng flashlight sa gubat.

Tatalikod na sana ito nang umalingawngaw na naman ang malakas at takot na sigaw ni Jumong. Marahas na napalingon si kuya Lando at nagsimula maglakad palapit sa bungad ng gubat. Napasinghap si Danny kasi nakatayo siya sa mismong harapan nito at walang kahirap-hirap siyang nalampasan ng kapatid niya na para bang isa siyang multo. Inaasahan naman niya iyon pero sumikip pa rin ang dibdib niya sa kumpirmasyon na talagang hindi siya nito nakikita. Na hindi niya ito mayayakap sa huling pagkakataon.

"Hello?! Nasaan ka, kailangan mo ba ng tulong?" sigaw ni kuya Lando na pilit iniilawan ng flashlight ang madilim na kagubatan.

Pilit kinalma ni Danny ang sarili at pumihit paharap sa kanyang kapatid. Lumakas at naging malapit ang sigaw hanggang makarinig sila ng kaluskos ng mga halaman. Pagkatapos patakbong lumabas sa gubat si Jumong, hindi na hawak ang itak at gula-gulanit ang suot na kapote na parang kinalmot ito ng kung anong mabangis na hayop. Namumutla at halos lumuwa ang mga mata nito sa takot. Nakita nito si kuya Lando. "Tulong! Tulungan mo ako!"

"Anong nangyari. Sinong gumawa niyan sa'yo?" tanong ng kapatid ni Danny na walang pagdadalawang isip na sinalubong ang matandang lalaki.

"Kinuha niya sa akin…. akin 'yon. Akin 'yon. Tulungan mo akong bawiin. Papatayin niya ako. Papatayin niya tayo lahat!"

"Ha? Anong sinasabi mo –"

Hindi natuloy ni kuya Lando ang sinasabi kasi lumampas kay Jumong ang tingin nito. Nanlamig si Danny nang makita ang nakikita ng kanyang kuya na papalabas ng gubat. Ang kapre na kinalaban nila kagabi!