Chereads / MOON BRIDE UNIVERSE: Spiral Gang / Chapter 44 - Ang Tagapangalaga Ng Kasaysayan

Chapter 44 - Ang Tagapangalaga Ng Kasaysayan

ANG PAMILYA Ilaya ang isa sa mga pinakaunang lahi na nanirahan sa bayan ng Tala. Purong kabundukan pa lang dati ang lugar na iyon at hindi pa dumarating ang mga mananakop ay nakatira na roon ang mga ninuno nila. Katunayan, ang apelyidong Ilaya ay base sa sinaunang salitang Tagalog na ang ibig sabihin ay "higher ground." Sa mataas na bahagi kasi ng bundok nakatira ang kanilang tribu noong unang panahon.

Katulad ng iba pang sinaunang Filipino, sumasamba sa mga diyos ang pamilya Ilaya. Tapat silang tagasunod ni Bathala, ang Supreme God na may likha ng lahat. Marami rin silang ritwal na ginagawa. Kapag bilog ang buwan, sumasayaw at kumakanta sila para sa diyosa ng buwan. Noong may malawak pang taniman ang mga Ilaya, bago magtanim ay ginagawa nila ang ritwal para kay Dumangan, diyos ng magandang ani. Kapag naman may malakas na bagyo, humihiling sila kay Anitun Tabu, diyosa ng ulan at hangin, para tumigil ang bagyo at huwag masira ang kanilang tirahan. Umiikot ang buhay ng mga Ilaya sa kanilang paniniwala, mula noon hanggang ngayong nagbago na ang panahon.

Sa mga sinaunang lahi, sila na lang ang nanatiling nasa Tala hanggang ngayon. Ang iba kasi ay likas na mga lagalag na tribu at nagpapalipat-lipat ng lugar. Mayroon din namang bigla na lang naglaho, nilamon ng dagat minsang nagkaroon ng napakalakas na bagyo. Walang natira kahit isang tao o alagang hayop man lang. Isang trahedyang dulot ng masamang panahon.

Iyon ang paniwala ng marami. Pero ang pamilya Ilaya ang nakakaalam ng katotohanan.

Noong unang panahon, hindi pa sakop ng bayan ng Tala ang karagatan sa likod ng bundok. Ibang komunidad ang nakatira doon. Mga "tagalaot" ang tawag sa kanila. Tapat silang sumasamba kay Dumagat, diyos ng karagatan. Pero isang araw, may ginawa silang malaking kasalanan. Ikinagalit iyon ng kanilang diyos at pinarusahan sila. Nagpakawala si Dumagat ng malalaki at malalakas na alon at walang kahirap-hirap na naanod ang buong tribu, nilamon ng dagat at walang nabuhay.

"Ang painting na ito na lang ang natitira sa series of illustrations na nagpapakita sa tunay na nangyari ilang daang libong taon na ang nakararaan," sabi ni Manolo Ilaya, ang kasalukuyang head ng kanilang pamilya at presidente ng Abba College. Seventy years old na ito, puti na ang lahat ng buhok at kulubot ang balat pero matikas pa rin ang pangangatawan. "It is our duty to take care of this, along with all the artifacts in this room. Ang pamilya natin ang inatasan ni Bathala para panatilihing buhay ang kasaysayan ng ating bayan. Naiintindihan mo ba ako, Andres?"

"Yes, Lolo," pormal na sagot ni Andres Ilaya habang nakatitig sa lumang painting na naka-display sa third floor ng ancestral house nila. Naninilaw na ang ginamit na canvas. Isa iyong malaking dahon ng halaman na hindi na nag-e-exist. Ipininta ang image doon gamit ang uling at katas ng iba't ibang kulay na bulaklak. Makikita sa painting ang isang kuweba sa ilalim ng dagat. May mga taong nasa ilalim ng tubig, mayroon ding iba na mukhang mga mermaid at merman dahil buntot ng isda ang lower half ng katawan. Nakapalibot ang lahat sa bunganga ng kuweba at para bang pinagtutulungang alisin ang malaking batong nakatakip doon.

Ayon kay Lolo Manolo, iyon daw ang kasalanang ginawa ng mga tagalaot kaya pinarusahan sila ni Dumagat.

Paano nga ba napunta sa painting na iyon ang usapan nila? Ah, right. Kailangan ni Andres na papirmahan ang waiver na ibinigay ng kanyang school adviser para sa darating na youth camp. Nasa Manila ang parents niya, bumisita sa isang family friend, kaya si Lolo ang nilapitan niya para sa pagpirma.

Taon-taon ginagawa ang youth camp para sa mga fourth year student sa Tala High School. Ginaganap iyon sa likod ng bundok, malapit sa dagat at tinuturuan ang mga estudyante ng survival skills. Leadership training at orientation din iyon para sa future plans at kung ano-ano pa. Literal na camp dahil magtatayo ng tent malapit sa dalampasigan at doon magpapalipas ng gabi ang lahat.

Nabanggit ang dagat at katulad ng dati, naisingit ni Lolo Manolo ang mga kuwento tungkol sa sinaunang panahon. Dinala nito si Andres sa third floor na dim light lang at amoy-museum sa dami ng artifacts at painting na nakaimbak doon. Ang kuwartong iyon ang nakita ng mga kaklase ni Andres noong elementary sila kaya natakot at hindi na bumalik pa sa kanilang bahay.

Mayroon doong mga higanteng rebulto ng mga anito na gawa sa kahoy. Mayroon ding mga stone tablet na may sulat-baybayin. May mga kitchenware na gawa sa bato, pilak, at ginto na ginawa bago pa man dumating ang mga mananakop. May iba't ibang uri at laki ng sandata na sinasabing ginamit pa ng mga mandirigmang bida sa mga kuwentong bayan, epiko, at lumang awitin. At meron ding malalaking Manunggul Jar na isa sa mga ginagamit na libingan noong unang panahon.

May classmate si Andres noong elementary na malikot ang kamay, binuksan ang isang jar at nakitang may buto pa ng tao sa loob. Nagsigawan ang mga ito at tumakbo palabas. Pagkatapos ng araw na iyon, pinagkalat pa ng mga kaklase niya na haunted daw ang bahay ng mga Ilaya. Na weird at nakakatakot daw ang kanilang pamilya.

Mula noon, kahit nakangiti at friendly ang mga kaedad niya kapag nakaharap siya, alam ni Andres na may sinasabi ang mga ito kapag nakatalikod siya. Kung hindi lang sa physical looks niya, sa pagiging top student at sa katayuan ng pamilya Ilaya sa bayan ng Tala, malamang naging isolated na siya mula sa iba.

"Mapanganib at malupit na diyos si Dumagat. Kaya noon pa man sinasabi ko na kahit kanino na hindi dapat nagtitiwala sa karagatan," biglang sabi ni Lolo Manolo kaya bumalik ang buong atensiyon niya rito. Nakatitig ang matanda sa painting, may kakaibang expression sa mukha na parang may naalalang magandang nangyari sa nakaraan. Pero naging malungkot ang ngiti nito nang magsalita uli. "The sea and everything in it are very dangerous but also very beautiful… one cannot help but get attracted to them."

Huminga nang malalim si Andres at magaan na tinapik ang braso ng kanyang lolo. "Lolo, tungkol po sa youth camp ang pinag-uusapan natin kanina. Kailangan ko nang ibigay sa teacher bukas ang pirmadong waiver."

Kumurap si Lolo Manolo at lumingon sa kanya. "Oo nga pala." Tumawa ito at gumanti ng tapik sa balikat niya. "Nawala sa isip ko. Bumalik na tayo sa library. Doon natin naiwan ang waiver, right?"

Lumabas sila sa nag-iisang pinto na daan papunta sa third floor at bumaba ng hagdan. Pumasok sila sa library na may floor to ceiling bookshelves. Mas maliwanag doon kaysa sa third floor pero may feel at amoy rin ng museum. Marami kasing libro doon na mas matanda pa sa lolo ni Andres. May isang portion pa ng shelf na puro journals ng mga naging head ng pamilya mula pa noong unang panahon.

"I want you to enjoy this youth camp dahil isang beses ka lang magiging teenager, Andres," sabi ni Lolo Manolo nang iabot sa kanya ang pirmadong waiver. "Pero gusto ko ring mag-ingat ka. This world of ours is not just black and white. There is also a gray area that is hard to understand. Hindi lang napapansin ng mga tao at kung mapansin man, binabale-wala kasi hindi nila makitaan ng logic. Strange things exist, especially in our town. Hindi ko sinasabi na lahat ng mga kakaiba sa mundo ay masama. Mayroon din namang mabubuti, may magaganda, may hindi kapani-paniwala. Pero mayroon ding nakakatakot at mapanganib. Kaya mabuti na rin ang nag-iingat. Naiintindihan mo ba ako?"

"Yes, Lolo." Imposibleng hindi maintindihan ni Andres ang gustong sabihin ni Lolo Manolo. After all, ilang beses na niyang naranasan kung gaano kahiwaga ang bayan ng Tala. Nakarating na siya sa Nawawalang Bayan. At last week lang ay nakaengkuwentro ng mga kakaibang nilalang sa paghahanap ng mahiwagang mutya. Naranasan din niyang makabalik sa nakaraan at makakita ng isang nilalang na nagparamdam sa kanya ng matinding takot. Hindi nga lang niya sinasabi kahit kanino. Silang magkakaibigan lang ang nakakaalam niyon.

Mayamaya pa, nagpaalam na si Andres sa kanyang lolo. May trabaho pa rin kasi itong gagawin sa library na related sa management ng Abba College at iba pang negosyo ng pamilya. Balak niyang pumunta sa kanyang kuwarto para mag-review. May quiz kasi sila bukas. Pero nang mapadaan sa family room, nakita niyang bukas ang pinto roon at maririnig mula sa loob ang tunog ng bukas na TV.

Sumilip si Andres. Mag-isang nakaupo sa harap ng TV ang kapatid niyang si Frances, five years old. Isang documentary show ang palabas. Tungkol sa predictions at new discoveries na inaasahang mangyayari sa susunod na taon, year 2000.

"Bakit mag-isa ka lang dito? Nasaan ang yaya mo?" tanong ni Andres.

Lumingon sa kanya ang kapatid. Para siyang sinipa sa sikmura nang magtama ang kanilang mga tingin. May kung ano sa mga mata ng batang lalaki na nakakailang para kay Andres. Masyadong matalino at mature si Frances para sa edad nito. Hindi lang dahil nakumpirma ng mga doktor na mataas ang IQ nito. Mas espesyal pa kaysa roon ang nakababatang kapatid.

"Nagpunta sa kusina, Kuya. Kukuha raw ng merienda. Pero alam ko… hindi lang niya kayang makasama ako nang matagal."

Huminga nang malalim si Andres at kahit biglang nailing, nagsimula siyang maglakad palapit kay Frances. Tinapik niya ang ulo nito. "Don't say anything like that. Sa baba ka na mag-merienda. I'll join you. Masyadong madilim dito. Hindi ka dapat nanonood ng TV na nakapatay ang ilaw."

Tinitigan siya ng bata. Pinilit niyang ngumiti at hinaplos ang buhok nito.

"Paano po ang pagre-review mo?"

Muntik na siyang mapaatras palayo sa kapatid. Tumikhim siya. "After na lang nating kumain."

"Okay po." Tumayo si Frances, lumapit sa TV at pinatay iyon. Nang makalapit uli sa kanya ay inabot ng kapatid ang kamay niya. Tiningala siya nito at ngumiti. Mukha itong anghel kapag nakangiti nang ganoon.

Napangiti na rin tuloy si Andres. Hawak ang kamay ng kapatid na lumabas sila ng family room at bumaba sa ground floor para mag-merienda.