TAHIMIK at mabigat ang atmosphere na nakapalibot sa Spiral Gang nang umuwi sila sa mansiyon ng mga Ilaya. Nagulat pa ang mga kasambahay nang makitang basang basa at maputik sila. Ang pagkagulat ng mga ito ay naging pagtataka nang mapansin na namamaga ang mga mata nila, halatang nagsipag-iyak.
Kanina, nang bumalik sila sa kasalukuyan nagpaalam agad si Lukas. Base raw kasi sa nakita nila sa nakaraan pitong taon nang nasa mundo nila si Rosario, ang babaeng pakay nito. Malaki raw ang posibilidad na talagang malayo na ang babae sa Tala kaya kailangan nitong magimbestiga pa ng husto.
Nauna matapos maligo at magbihis si Danny. Bitbit ang kanyang backpack ay nagpunta siya sa balkonahe sa second floor ng bahay nila Andres, umupo sa isang silya at tumitig sa labas. Doon niya balak hintayin ang mga kaibigan niya. Maganda na ang sikat ng araw, asul na ang langit at wala na ni katiting na bakas ng mahinang ulan na meron buong gabi hanggang kaninang umaga. Maingay na rin sa labas patunay na gising na at nagsipaglabasan na sa kani-kanilang bahay ang mga tao. Mukhang normal na araw lang. Pero bakit pakiramdam niya napakalaki ng nabago sa mundo? O siya ba ang nagbago?
Kumurap siya nang may maramdaman siyang magaan na haplos sa likod niya. Lumingon siya. Nakalapit na pala si Ruth, hindi niya namalayan. Umupo ito sa katabi niyang silya at tinitigan ang kanyang mukha. "Okay ka lang?" masuyong tanong nito.
Pilit siyang ngumiti at marahang tumango. Mahabang sandaling tumitig lang sila pareho sa labas bago nagsalita uli si Ruth. "Nagsisisi ka bang pinili mong makita ang nakaraan kaysa sa mutya?"
Sandaling pinag-isipan ni Danny ang tanong nito bago umiling. "Sa tingin ko mas magsisisi ako kung mananatili akong ignorante sa tunay na nangyari. At least ngayon alam ko na ang totoo. Alam ko na rin na hindi lang sa mga kriminal ko dapat protektahan ang mga taong mahalaga sa akin. Na may mga nilalang sa mundo na mas makapangyarihan at mapanganib."
"Pero kung pinili mo ang mutya, 'di ba matutupad sana ang pangarap mong maging superhero? Katulad sa comics, 'di sana may kapangyarihan ka nang maging tagapagligtas ng maraming tao."
Pumihit si Danny paharap kay Ruth. Tinitigan ang mukha nito. At bigla nagawa niyang sabihin ang mga bagay na takot siya ipaalam dito noon. Para bang nang sandaling buksan niya ang jar of memories ay natanggal din ang takip na iniharang niya sa puso niya. "Ikaw ang isa sa dahilan kaya gusto kong maging malakas."
Halatang nagulat ang kababata niya. Tipid siyang napangiti. "Natatandaan mo noong una tayo naging magkaibigan? Grade one. Binubully ka ng mga kaklase nating lalaki kasi noon pa man kapansin-pansin nang kakaiba ka. Pinagtanggol kita at ang nangyari ako ang nakipagsuntukan at ako ang pinakanasaktan kasi hindi ko sila kaya. Marami sila eh. Tapos mula noon naging malapit na ako sa inyo ni Selna. At sa mga sumunod na buwan at taon, palagi pa rin may nambu-bully sa'yo. Pero kahit isang beses lang, hindi ka gumanti, hindi nagpakita ng reaksiyon at lalong hindi ka umiyak. Natatandaan mo?"
Tumango si Ruth at tipid na napangiti. Huminga ng malalim si Danny at nagpatuloy sa pagsasalita. "Pero noong grade four tayo, noong kami ni Selna ang pinressure ng mga kaklase natin, saka ka lang nag react. Hindi mo siguro alam kung ano ang hitsura mo 'non pero namamasa ang mga mata mo at namumula ang mukha mo habang pinagtatanggol mo kami. Iyon din ang nag-iisang pagkakataon na lumaban ka ng pisikalan."
Napangiwi ito, namula ang mukha at halatang nahiya. May init na humaplos sa puso niya. "Mula noon, naging determinado ako na sa susunod, ako na dapat ang magtatanggol sa'yo. Na hindi na ako papayag may mambully pa sa'yo. Hindi ko kailangan maging superhero ng lahat. Ang pangarap ko lang, maging superhero mo."
Napanganga si Ruth, napatitig sa kanyang mga mata na para bang sinisiguro kung seryoso ba siya. Ngumiti lang si Danny. Hindi na takot ipakita sa kanyang kababata ang totoong nararamdaman niya. "Mula pa noong mga bata tayo palagi ko sinasabi sa sarili ko na crush lang 'tong nararamdaman ko para sa'yo. Pero ngayon kaya ko na maging honest sa sarili ko at sa'yo. Hindi lang kita crush. Ikaw ang first love ko, Ruth."
"D-danny…" halatang hindi makapaniwalang bulong nito.
Muli ngumiti lang siya. Kasi kahit mukhang hindi nito alam ang sasabihin, siya alam kung ano ang totoong nararamdaman nito. Tinapik niya ang ulo nito. "Huwag ka maiilang sa akin ha? Saka alam ko naman na hindi mo ako nakikita sa ganoong paraan. Alam ko kung sino ang gusto mo, Ruth. Nauna ko pa nga yata nalaman kung sino bago ka naging aware sa feelings mo eh. Kaya huwag ka mag-alala, okay?"
Namasa ang mga mata nito, hinawakan ang kamay niyang nasa ulo nito at pinisil iyon. "Salamat, Danny. Pero tama ka. Kapatid ang turing ko sa'yo at ayoko mabago 'yon. Ngayon at hanggang matatanda na tayo."
Akala niya masasaktan siya kapag narinig niya ang pormal na rejection ni Ruth sa feelings niya. Pero wala siyang naramdamang kirot sa puso niya. Katunayan nakahinga pa siya ng maluwag na para bang natanggal ang pabigat sa dibdib niya. Lumawak tuloy ang ngiti niya at tumango.
Mayamaya narinig niyang bumukas ang pinto ng isang kuwarto. Napalingon sila ni Ruth nang lumabas mula roon si Selna bitbit ang sarili nitong backpack. Natigilan ito nang makita sila. Pinaglipat-lipat ang tingin sa kanilang dalawa. Pagkatapos napatitig sa kamay niyang mahigpit pa rin palang hawak ni Ruth.
Noon naman bumukas ang kuwarto ni Andres kung saan din natulog si Danny kagabi. Nakapaligo at bihis na rin ito. "Ready na kayong lahat? Tara na sa garahe, ipapahatid ko na kayo pauwi."
"Okay," sabay na nasabi nila ni Ruth. Binitawan nito ang kamay niya at tumayo na sila.
Habang naglalakad sila pababa sa hagdan ay napansin ni Danny na nakatitig pa rin sa kaniya si Selna. Nilingon niya ito. "Bakit?" pabulong na tanong niya.
Nagkibit balikat ito at hindi nagsalita. Kumunot tuloy ang noo niya kasi hindi normal na walang masabi ang kababata niya. Hindi na lang niya ito nakulit kasi sandali pa nasa garahe na sila at sumakay sa kotse na palaging naghahatid kay Andres sa school. Pagkatapos nilang magpaalam dito ay bumiyahe na sila.
Matagal na tahimik lang silang tatlo. Nang malapit na sila sa tulay na lupa ay saka lang binasag ni Ruth ang katahimikan. "Sasabihin mo ba sa mga magulang mo ang nalaman natin tungkol kay kuya Lando?"
Huminga ng malalim si Danny. "Hindi ko nga alam eh. Iniisip ko kung makakabuti ba o makakasama sa kanila kapag sinabi ko ang totoo. Bukod sa hindi ko alam kung maniniwala sila."
Namayani uli ang mahabang katahimikan. Nasa tulay na lupa na sila nang magsalita si Selna sa unang pagkakataon mula nang umalis sila sa mansiyon ng mga Ilaya. "Bakit hindi natin hingin ang opinyon ni manang Saling? Sa kaniya puwede natin sabihin ang lahat. At dahil adult siya, mas alam niya kung tama ba o hindi na ipaalam natin ang totoo sa mga magulang mo, Danny."
Napalingon siya rito at relieved na ngumiti. "Sige. Dumeretso tayo sa bahay nila Ruth bago tayo umuwi."
Kaya iyon ang ginawa nila. Nilampasan ng sasakyan ang bahay nila Danny at Selna at dumeretso sa dulong bahagi ng kanilang Sitio, sa ilalim ng bundok kung saan nakatayo ang bahay nina Ruth.
Naabutan nila si manang Saling sa bukana ng kusina, nakaharap sa kalan na de uling at may niluluto sa malaking kaldero. Base sa amoy, pinaghalo-halong mga halamang gamot iyon. Lumingon ito nang pumasok sila sa bahay. Tinitigan nito ang mukha ni Ruth, pagkatapos ang mukha naman ni Selna at pagkatapos tumagal ang titig nito kay Danny. Kumabog ang dibdib niya pero hindi nag-iwas ng tingin.