MARAMING anyong tubig ang matatagpuan sa bayan ng Tala. Kaya hindi nakapagtataka na napakaraming kuwento at alamat ang ipinamana ng mga ninuno natin na umiikot sa katubigan. May mga sabi-sabi tungkol sa magagandang diwatang tubig na naninirahan sa mga talon at nang-aakit ng mga mangangaso. May kuwento rin tungkol sa nilalang na naninirahan sa pinakamahabang ilog sa Tala na mukhang normal na isda sa malapitan pero kapag sinundan mo sa pinakamalalim na parte ng tubig ay nagiging anyong lalaki na may berdeng mga mata, may hasang imbes na mga tainga at kulay lumot at makaliskis na balat. Mayroon ding tungkol sa isang malalim na lawa na pinagbabawal nang puntahan kasi raw ay nangunguha ng mga dayo.
Pinakapopular sa lahat ang kuwento ng sirena lalo at may dagat sa likod ng malawak na kabundukan na bahagi pa rin ng Tala. Ang mga mangingisda na ilang araw nasa dagat, hindi lang masaganang huli ang nauuwi. Marami din silang dalang kuwento. Isa na roon ang tungkol sa maganda at nakakaakit na tinig na biglang naririnig ng mga mangingisda kapag malalim ang gabi. Mas malakas at malinaw kapag bilog ang buwan. Sa tuwing naririnig na raw nila iyon ay mawawala na sila sa kanilang mga sarili. Kapag tumahimik uli ang paligid, matatauhan sila na umiiyak.
May iba naman daw mga lalaki na hindi lang pag-iyak ang epekto kapag narinig ang awit ng sirena. Mayroong nahuhumaling talaga at nawawala sa tamang pag-iisip, hindi na nakakausap at palaging nakatitig sa dagat. Nangungulila sa kung anong hindi maintindihan ng mga normal na tao. Mayroon ding tumatalon sa dagat at hindi na umaahon, kusang sinasakripisyo ang sarili para makapiling at makita ang umaawit.
Ang mga bagong salta sa bayan ng Tala, tinatawanan lang ang mga kuwentong ito. Hanggang isang araw, narinig uli ang kakaibang tinig mula sa karagatan. At alam ng mga matatanda… may buhay na namang mawawala.