Chereads / MOON BRIDE UNIVERSE: Spiral Gang / Chapter 47 - Babala Ng Mga Mangingisda (1)

Chapter 47 - Babala Ng Mga Mangingisda (1)

PINILIT ni Andres na i-focus ang buong atensiyon sa youth camp. Ayaw niyang isipin ang nangyari sa kanya sa falls. Mabuti na lang, interesting ang itinuro ng mga teacher sa kanila pagkatapos bumalik ng lahat mula sa gubat. Tinuruan sila na gumawa ng apoy gamit lang ang pagkikiskisan ng mga bato, mangisda gamit ang pinatulis na kahoy bilang sibat, magluto ng kanin at ulam sa kawayan imbes na sa kaldero, at kung ano-ano pang interesting skills.

Pagkatapos ng tanghalian, binigyan ng free time ang mga estudyante. Natuwa ang lahat, nagsipagpalit ng pang-swimming at nagtakbuhan papunta sa dagat. Hindi agad nakasama si Andres. Tinawag kasi siya ng teachers kasama ang iba pang members ng student council. Sandali silang nag-meeting para sa activity mamayang hapon. Mayroon pa sana silang plano ng gabi pero biglang may estudyanteng lumapit sa kanila.

"Excuse me po."

Napalingon silang lahat. Nakilala ni Andres ang babae na halatang kinakabahan at nag-aalangan. Isa ang estudyanteng iyon na worried kaninang madaling-araw. Kabilang ito sa section na maraming absent.

"Ano `yon, Girlie?" tanong ni Sir Jonathan sa estudyante.

Namutla ang babae, parang hindi alam kung paano sasabihin ang gustong sabihin.

Lumapit si Andres at mabait na ngumiti. "Puwede mong sabihin sa amin kahit ano. Makikinig kami," malumanay na sabi niya.

Napatitig sa kanya si Girlie, lumunok muna bago nagsalita, "Puwede bang agahan na lang nating magpahinga mamaya? Huwag na tayong mag-activity ng gabi?"

"What are you talking about? Masisira ang schedule," kunot-noong sabi ni Sir Jonathan na sinang-ayunan ng iba pang teachers na kasama nila sa meeting.

Namutla ang estudyante, yumuko at lalong naumid ang dila. "S-sorry po." Tumalikod ito at akmang tatakbo palayo pero naging maagap si Andres.

Humarang siya sa harap nito. "Ano'ng problema? Sabihin mo sa `kin." Naging mailap ang mga mata ng estudyante. Magaan niyang tinapik ang braso nito kaya napatingala sa kanya. "Bakit ayaw mong magpagabi tayo mamaya? Pangako, paniniwalaan ko kahit ano'ng sasabihin mo."

Huminga nang malalim si Girlie at worried na tumitig sa dagat. "Mangingisda ang tatay ko."

Kumurap si Andres pero pasensiyoso pa ring tumango. Nagpatuloy ang estudyante sa pagsasalita. "Last week, nang sabihin ko sa kanya ang tungkol sa youth camp, winarningan niya ako. Sabi niya, mas maganda raw kung huwag dito gawin ang camp. Delikado raw ang dagat ngayon kapag gabi, lalo na sa mga lalaki."

Kumabog ang kanyang dibdib at napatingin din sa dagat. Hindi malakas ang alon kaya nakakalangoy sa malayo ang mga estudyante na magaling lumangoy. Iyong iba naman ay nagtatakbuhan sa mas mababaw na parte. Meron ding nasa bandang dulo, sa malalaking batuhan kung saan sila nakalabas ng mga kaibigan niya kanina galing sa gubat. Agad hinanap ng tingin niya sina Ruth, Selna, at Danny. Nasa dalampasigan ang mga ito, gumagawa ng sand castle.

"Naririnig na naman daw nila ang awit ng sirena," bulong ni Girlie.

Gulat na bumalik ang tingin ni Andres sa babae. May takot na sa mukha nito. "Huh?"

Tiningala siya ni Girlie. "Sabi ni Tatay, may sirena at kung ano-ano pang nilalang sa dagat na ito. Mula pa raw noong bata siya, naikukuwento na ng matatandang mangingisda ang tungkol sa mga nilalang na `yon. Hindi raw siya naniniwala noon. Hanggang maging mangingisda na rin si Tatay at marinig din nang personal ang pagkanta ng sirena. Malamyos daw at magical ang boses n'on. Nakakawala raw sa sarili at maraming beses na tumatalon pa raw sa dagat ang mga kapwa mangingisda ni Tatay para hanapin ang sirena pero palagi silang nabibigo.

"Pero kahit daw gano'n, harmless naman daw dati ang sirena. Katunayan, kapag daw naririnig na nila ang pagkanta nito ay nagkakaroon sila ng napakaraming huli. May pagkakataon din daw na may mga bangkang naliligaw at nagiging stranded sa dagat dahil nauubusan ng gas o nasisiraan ng makina. Kapag narinig na nila ang malamyos na boses galing sa ilalim ng dagat, bigla na lang parang himala na natatagpuan ang stranded na bangka. Malaking tulong daw sa mga mangingisda noon ang sirena."

"Noon?" nagtatakang tanong ni Andres.

Mukha na namang natakot si Girlie. "Noon. Kasi bigla raw nagbago ang lahat seven years ago. Naririnig pa rin nila ang sirena na kumakanta. Parehong boses at parehong tunog na masakit sa puso. Pero kung dati raw ay nare-relax sila kapag naririnig iyon, sa mga nakaraang taon ay kinikilabutan na raw sila kapag naririnig ang kanta. Pagkatapos, nagsimula na ang taon-taong pagkalunod ng mga lalaki sa dagat. Hindi alam ng mga mangingisda kung bakit nagbago ang sirena pero ang sigurado nila, tuwing nagpaparamdam na ito at kumakanta, ibig sabihin ay mangunguha ito ng buhay."

May kilabot na kumalat sa buong katawan ni Andres. Bigla kasi niyang naalala ang mga hugis-babae sa may talon kanina. Huminga siya nang malalim. "Hindi ba posible na nagkataon lang ang lahat?"

Umiling si Girlie at seryosong sumagot. "Nangunguha ng buhay ang sirena. Nagsasabi ako ng totoo. Noong huling pagpalaot nina Tatay three days ago, narinig nila ang kanta kaya alam nilang may kukunin na naman itong lalaki. Kaya nga huminto muna sa pagpalaot ang mga mangingisda sa dagat kasi ayaw nilang isa sa kanila ang kunin ng sirena. `Tapos nandito pa tayong lahat ngayon… Marami siyang posibleng maging biktima."

Na-tense si Andres at worried na sumulyap uli sa dagat. "So… kung aagahan nating matulog at pagbabawalan ang lahat na lumabas mula sa mga tent nila, hindi sila maaapektuhan ng sirena kung sakaling iparinig niya ang kanta niya mamayang gabi?"

Suminghap si Girlie, halatang nagulat. "Naniniwala ka talaga sa akin?"

Ngumiti siya kahit nag-aalala pa rin. "Oo naman. Matagal na sa Tala ang pamilya namin. Mas marami pa akong narinig na kuwento mula kay Lolo na mas kakaiba pa kaysa sa kuwento ng sirena." At marami na rin akong na-experience kasama sina Ruth. "Salamat na sinabi mo sa akin ang warning ng tatay mo. Ako na ang bahala."

Halatang nakahinga nang maluwag si Girlie. Nagpaalam na rito si Andres at bumalik sa meeting. Sinubukan niyang ipaliwanag ang sitwasyon sa pinaka-normal na paraan. Alam naman kasi niyang hindi basta paniniwalaan ng mga teacher ang sasabihin niya. Mabuti na lang, nakumbinsi niya ang mga ito na tapusin nang maaga ang unang araw ng youth camp.