Chereads / MOON BRIDE UNIVERSE: Spiral Gang / Chapter 50 - Tinig Na May Dalang Panganib (2)

Chapter 50 - Tinig Na May Dalang Panganib (2)

PAKIRAMDAM ni Andres ay kaiidlip lang niya nang marinig ang pamilyar na tunog ng megaphone. Kasunod niyon ang boses ng isang babaeng teacher, ginigising ang lahat at inuutusang lumabas ng tent.

"Ano ba `yon? Oras na agad para bumangon?" inaantok na ungol ng dalawang kasama nila ni Danny sa tent.

Hindi kumilos ang kaibigan niya sa pagkakahiga at naghihilik pa.

"Students, please get out of your tents, ASAP!" ulit ng teacher na may hawak ng megaphone.

Napipilitang lumabas ang dalawang classmate ni Andres. Pinilit naman niyang gisingin si Danny at kahit nakapikit pa ito ay hinila na rin niya palabas. Medyo maliwanag na ang paligid at usok na lang ang natira sa mga bonfire. Halatang lito at antok pa ang mga estudyante na nakatayo na sa labas ng kani-kanilang tent. Agad niyang hinanap ng tingin sina Ruth at Selna na pareho pang naghihikab.

Hinila niya si Danny palapit sa dalawa. "Good morning," bati niya.

"`Morning," sabay na bati nina Ruth at Selna.

"Oras na ba para maghanda sa trekking?" tanong ni Selna na nag-inat.

"Oo yata." Hinanap ni Andres ng tingin ang mga teacher. Kumunot ang kanyang noo nang makitang nagkukumpulan ang mga ito sa isang panig at seryosong nag-uusap. Ganoon ba dapat ka-intense ang meeting para sa trekking?

Naghiwa-hiwalay ang mga teacher. Umakyat sa isang bato na nagsisilbing stage mula pa kahapon ang may hawak ng megaphone. "Class presidents, please do a roll call for your own class."

Sa pagkakataong iyon ay naging alerto na si Andres. Mukhang tuluyan na ring nagising sina Danny, Selna, at Ruth. Kakaiba kasi ang tono ng teacher nang iutos iyon. Para sa kanilang apat na ilang beses nang nasuong sa panganib, malakas ang radar nila kapag may hindi nangyayaring maganda. Mabilis tuloy niyang inikot ang bawat tent ng section nila. Kahit paano, nakahinga siya nang maluwag nang masigurong kompleto sila.

Mayamaya, lumapit ang lahat ng class presidents sa mga teacher para i-report ang roll call. Sa malapitan at sa mas maliwanag nang paligid, nakita ni Andres ang magkahalong pagkabalisa at takot sa facial expression ng mga ito. Kumabog ang kanyang dibdib. "Ano ho'ng nangyayari?" tanong na niya.

"Wala bang kulang na estudyante?" tanong ng isang teacher imbes na sagutin ang kanyang tanong.

Walang kulang ayon sa mga class president.

"That's good," halatang relieved na sagot ng mga teacher. Pagkatapos, nagulat silang mga estudyante nang marinig ang sunod na instruction sa kanila. Sabihan daw nila lahat ng kanilang classmates na magligpit na at maghanda sa pag-uwi. Hindi na raw tuloy ang second day ng youth camp.

Kahit halatang nagtataka, tumalikod na ang ibang class presidents at bumalik sa kani-kanilang klase. Pero si Andres ay nanatiling nakatayo roon.

"Ano po ba talaga ang nangyayari?" pangungulit niya. "I think we have the right to know what's really going on, Ma'am. Hindi na kami mga batang walang kamuwang-muwang."

Nagkatinginan ang mga teacher, halatang nagdadalawang-isip. Pero siguro nakita ng mga ito ang determinasyon sa kanyang mukha kaya sinabi na rin ang totoong sitwasyon.

"Nawawala ang Sir Jonathan ninyo."

Napakurap si Andres at inilibot ang tingin sa paligid. Oo nga, wala si Sir Jonathan!

"Kasama ko siya sa tent," sabi ng isang lalaking teacher. "Natatandaan ko na naalimpungatan ako nang bumangon siya kaninang madaling-araw. Para daw may naririnig siyang boses ng mga estudyante kaya lumabas siya ng tent para i-check. Sa antok ko, nakatulog uli ako. Pero nang magising ako, wala pa rin siya. Nag-ikot na kaming mga teacher kanina bago pa namin kayo gisingin at nakita namin ang pares ng tsinelas niya na sumasabay sa hampas ng alon sa dalampasigan. Pero… wala si Jonathan."

Kumabog ang dibdib ni Andres at napaatras. Nakonsiyensiya at natakot siya. Una, sigurado siya na silang magkakaibigan ang narinig ni Sir Jonathan kaya ito nagising at lumabas ng tent. Pangalawa, malamang ay narinig nito ang awit ng sirena at napasailalim sa magic niyon kaya nagpunta sa dagat. Kaya pala huminto sa pagkanta ang sirena. Hindi dahil napagod na ito o natapos na ang melody kundi dahil may nakuha na itong tao.

"Sige na, Andres. Sabihan mo na ang mga kaklase mong maghanda sa pag-uwi. Tatawag pa kami sa bayan para mag-request ng rescue team na maghahanap kay Sir Jonathan. Bago sumakay sa bus, sasabihin namin sa lahat ang totoo," sabi ng babaeng teacher na napansin niyang naluluha na. Ganoon din ang iba pa.

Nanlalamig pa rin siya nang maglakad pabalik sa mga kaklaseng nagkukumpulan sa isang panig ng campsite, hinihintay siya. Halos sabay-sabay na nagtanong ang mga ito kung ano ang nangyayari pero umiling lang siya at sinabing mag-ayos na para sa pag-uwi.

"Magpapaliwanag sila mamaya kaya bilisan na lang natin at sundin ang gusto ng mga teacher, okay?"

Sumunod ang lahat maliban kina Danny, Ruth, at Selna na expectant ang tingin sa kanya.

Huminga nang malalim si Andres at tinapik ang braso ng mga ito. "Later," sabi lang niya.

Sabay-sabay na tumango ang tatlo at nagsipagpasukan sa kani-kanilang tent.

Bandang alas-sais ng umaga, natupi na ang lahat ng tent. Nakapila na uli by section ang mga estudyante bitbit ang kani-kanilang bag. Binuhay na ng mga assigned driver ang makina ng mga bus. Nakahilera na sa harapan niyon ang mga teacher at unti-unti nang nagkakaroon ng bulungan mula sa mga estudyante, siguro dahil napapansin nang may kulang.

Nagturuan ang mga teacher bago may humawak ng megaphone. Sa garalgal na boses ay in-announce nito ang totoong dahilan kaya naputol ang youth camp at kailangan na nilang bumalik sa Tala High School. Nawawala si Sir Jonathan at parating na ang rescue team para maghanap.

Nasa harap ni Andres si Danny na biglang lumingon, nanlalaki ang mga mata. Tumiim ang kanyang mga bagang at tipid na tumango. Namutla ang kaibigan niya at sabay silang lumingon sa pila ng mga babae. Nakatingin na rin sa kanila sina Ruth at Selna, makahulugan ang facial expressions. Alam niyang alam din ng dalawa ang posibleng kinahantungan ni Sir Jonathan.

Kaya nang magpuntahan na sa bus ang mga estudyante, hindi na nagtaka si Andres na katulad niya, hindi kumilos sa pagkakatayo ang mga kaibigan. Nang may teacher na makapansin sa kanila ay siya na ang nagsalita, "Gusto po sana naming magpaiwan hanggang makita si Sir Jonathan."

"Ano ba'ng sinasabi mo? Kailangan n'yo nang umuwi. Mga estudyante pa lang kayo. Problema ito ng matatanda."

Humikbi na si Selna. "P-pero kami po ang dahilan kaya siya nagising at lumabas ng tent. Kami po ang narinig niyang mga gising na estudyante kaninang madaling-araw."

"Kasalanan po namin na hindi namin napansin na hinahanap niya kami. Akala namin walang ibang nagising maliban sa amin," naiiyak na ring sabi ni Ruth.

"Please po, hayaan n'yo kaming tumulong," determinado namang dugtong ni Danny.

"Please," pakiusap din ni Andres.

Halatang nagulat ang mga teacher. Inihanda nilang apat ang mga sarili para sa galit at panenermon mula sa mga nakatatanda. Kaya nagulat sila nang sa halip na ganoon ang mangyari, napaiyak lang ang mga ito.

"Sana makita na siya agad," sabi pa ng isa.

Nagkatinginan silang apat. Iyon din ang hiling nila. Saka sana… buhay pa si Sir Jonathan.

Related Books

Popular novel hashtag