"ALAS-SIYETE pa lang, lights out na agad?" reklamo ng kagrupo nina Andres at Danny. Nasa loob na sila ng tent at naghahanda nang matulog.
"Maaga kasi tayong gigising bukas para sa short trekking at panonood ng sunrise," sagot ni Andres. Iyon kasi ang mabilisan niyang ipinalit na activity at idinahilan na rin sa teachers kaya pumayag ang mga ito na maagang patulugin ang mga estudyante.
"`Di bale, pagod na rin naman ako. Tulog na tayo," sabi ni Danny na nauna pang humiga.
Napatitig si Andres sa kaibigan niyang tinakpan ng braso ang mukha at pumikit. Hindi niya nasabi sa mga ito ang babala ng mga mangingisda dahil hindi siya nakakuha ng tiyempo. Binago ang program ng camp kaya naging abala siya sa pag-assist sa teachers. Pagkatapos, napansin din niyang nagsisimula nang tingnan nina Danny at Selna ang isa't isa. Medyo nag-uusap na rin ang dalawa kaya ayaw niyang sirain ang mood.
Na-distract si Andres nang marinig ang pamilyar na echo ng binubuksang microphone. "Time to sleep, kids!" narinig niyang announcement ni Sir Jonathan. "Mag-iikot kami sa bawat tent para siguruhing hindi kayo lalabas. Kapag kailangang mag-CR, dapat buddy system ang pagpunta. Good night."
Umungol ang dalawang classmates ni Andres at halatang napipilitan lang din na humiga at pumikit. Mayamaya pa, humiga na rin siya. Tama si Danny, masyado ngang nakakapagod ang araw na iyon. Kaya kahit ang daming iniisip, nakatulog pa rin siya agad.
NAALIMPUNGATAN si Andres na sobrang tahimik ng paligid. Naging alerto agad siya nang ma-sense na may kakaiba. Hindi normal ang katahimikan. Nasa tabing-dagat sila pero sa kung anong dahilan ay hindi niya naririnig ang hampas ng alon. Ni walang tunog mula sa mga kulisap o ibon na meron kanina bago siya makatulog. Ang katahimikan ngayon ay katulad noong maliit pa siya nang madaanan ng mata ng isang bagyo ang bayan ng Tala.
Bumangon paupo si Andres at sinulyapan ang mga kagrupo. Saka niya napansing wala sa loob ng tent si Danny. Nataranta siya. Saan nagpunta ang kaibigan niya na hindi siya ginigising?
Siniguro muna niyang malalim ang tulog ng kanyang mga classmate bago maingat na binuksan ang tent. Paghakbang palabas, saka niya napansin na may lumabas din mula sa katabi nilang tent. Nagkagulatan pa sila ni Ruth.
"Saan ka pupunta nang mag-isa?" manghang bulong ni Andres nang tuluyang makalabas at lumapit sa dalagita. Inalalayan niya itong makatayo nang maayos.
"Naalimpungatan ako na wala sa tabi ko si Selna," pabulong na sagot ni Ruth.
Kumunot ang kanyang noo. "Wala rin si Danny."
Nagkatinginan silang dalawa. Pagkatapos, sabay nilang inilibot ang tingin sa paligid. Talagang napakatahimik. Mukhang malalim ang tulog ng lahat maliban sa kanilang magkakaibigan. May ibang bonfire ang namatay na kaya medyo madilim ang paligid.
"Nasaan kaya sila?" worried na tanong ni Ruth.
Humigpit ang hawak ni Andres sa kamay ng dalagita. "Hanapin natin sila. Tara." Maingat niya itong hinila palayo ng campsite. Una silang nagpunta sa hilera ng mga banyo pero walang katao-tao roon. Kaya naglakad sila papunta sa dalampasigan.
"Andres… may kakaiba sa dagat," biglang sabi ni Ruth na humigpit ang hawak sa kamay niya. "Masyadong… tahimik."
Kumabog ang kanyang dibdib at napasulyap sa karagatan. Madilim kaya ang hampas lang ng mga alon sa dalampasigan ang kanyang nakikita. "Kanina ko pa napansin, Ruth. At hindi maganda ang kutob ko kaya kailangang makita na natin sina Danny at Selna. We should stay away from the water."
Tumango si Ruth, nakatitig pa rin sa dagat pero nagsimula nang maglakad. Nakarating sila hanggang sa malalaking batuhan bago narinig ang pamilyar na boses nina Danny at Selna. Nakapuwesto pala ang mga ito sa parteng nilabasan nila kanina galing ng falls. Nakatayo ang dalawa sa tuktok ng isang malapad at mataas na bato, may distansiya sa isa't isa pero nag-uusap na.
Nakalapit sina Andres at Ruth sa batuhan pero mukhang hindi sila napapansin ng dalawa.
"Alam kong nagulat ka sa pag-amin ko sa feelings ko. Gusto ko nang maging aware ka sa akin pero ayoko namang nagkakailangan tayo nang ganito."
Nagkatinginan sina Andres at Ruth nang marinig ang sinabi ni Selna. Pareho silang hindi makapaniwala. Kailan nag-confess ng feelings si Selna kay Danny?
"Ayoko rin namang ganito tayo, Selna. Kaya nga gusto kitang kausapin na tayo lang pero ikaw ang hindi pumapansin sa akin. Mula nang araw na ipaalam mo sa akin ang… nararamdaman mo, araw-araw na kitang naiisip. Importante at espesyal ka sa akin pero…"
"Alam ko," putol ni Selna sa sinasabi ni Danny. "Alam ko na iba sa nararamdaman ko ang nararamdaman mo. Alam ko rin na iba ang gusto mo."
Napatitig si Andres sa mukha ni Ruth nang humigpit ang hawak nito sa kanyang kamay. Bigla niyang na-realize na aware ang dalagita na may gusto rito si Danny.
"Selna, iba na ang sitwasyon ngayon. Hindi na katulad ng dati ang feelings ko para sa kanya. Pero hindi pa rin ako sigurado kung masusuklian ko ba ang feelings mo para sa `kin. Gusto ko lang naman…" Bumuntong-hininga si Danny. Parang may sasabihin pa ito nang biglang may magbago sa paligid. Iyong feeling na parang nasa loob sila ng vacuum at huminto ang oras.
May humagod na kilabot sa likod ni Andres nang bumasag sa katahimikan ng gabi ang isang malamyos na boses.
"Ano `yon?" malakas at pasinghap na nasabi ni Ruth.
"Ha? Ruth? Andres?"
Napatingala sila sa batuhan. Nakayuko sa kanila sina Danny at Selna, parehong nanlalaki ang mga mata sa pagkagulat.
"Hinahanap namin kayo kanina pa," sabi ni Ruth.
"K-kanina pa kayo diyan?" tanong ni Danny na halatang napahiya.
"Yes," sagot ni Andres. Napaungol ang dalawa. Madilim pero may palagay siyang namumula ang mga mukha ng mga ito.
Lumalakas ang malamyos na boses, umaawit ng isang nakakalungkot pero napakagandang melody. Masyadong malakas at nakakaakit ang awitin kaya hindi nila mabalewala. Sabay-sabay silang napalingon sa direksiyon ng dagat dahil doon nanggagaling ang boses.
"Parang pamilyar ang kantang `to," komento ni Danny na naningkit ang mga mata at pinag-igi ang pakikinig. Mayamaya, nanlaki ang mga mata nito at lumingon kay Selna. "Ito `yong narinig natin sa malaking kabibe na ibinebenta sa Store Hours. Natatandaan mo ba? Sabi ni Hannah, awit daw iyon ng sirena na nangungulila sa mortal na lalaking mahal niya na nangakong babalikan siya pero hindi na nagpakita uli."
"Oo nga! Ito nga `yon," sang-ayon ni Selna. "Teka, na-record lang din ba `to ng mga bato na katulad n'ong kabibe. O…" Tumitig ito sa dagat at biglang suminghap. "Ruth, Andres, umakyat kayo dito, dali! May nakikita ako!"
Mabilis silang umakyat sa itaas ng malaking bato. Nang nakatayo na silang apat doon, itinuro ni Selna ang isang parte ng dagat. May kumikislap sa tubig, nire-reflect ang liwanag na galing sa crescent moon na nasa kalangitan. Nagkaroon ng ripple sa tubig at biglang may lumitaw na… malaking buntot ng isda na may iba't ibang kulay ng kumikinang na kaliskis!
Manghang nagkatinginan silang apat bago tumingin uli sa tubig. This time, lumitaw uli ang buntot na sinundan ng isang braso ng babae. Nakabuka ang kamay nito na maputla at halos grayish na parang inaabot ang buwan. Lalong nag-echo sa paligid ang malamyos na boses.
Kumabog ang dibdib ni Andres. Naalala niya ang mga imahe sa painting na nasa pangangalaga ng kanyang pamilya. Naalala niya ang babala ng mga mangingisda. At ngayong nakikita na talaga niya nang personal, nasiguro niya na totoo ngang may sirena!