Chereads / MOON BRIDE UNIVERSE: Spiral Gang / Chapter 41 - Katangian Ng Isang Superhero (2)

Chapter 41 - Katangian Ng Isang Superhero (2)

"Nay, may sasabihin po si Danny," sabi ni Ruth.

Tumango si manang Saling na para bang alam na nito iyon bago pa magsabi ang anak nito. Ibinalik nito sandali ang atensiyon sa niluluto, hinalo ng ilang beses bago inalis sa kalan ang kaldero. Pagkatapos lumapit ang matandang babae sa kanila at sumenyas na umupo sila sa papag. "Anong sasabihin mo, Danny?"

Sumulyap siya kina Ruth at Selna na tinanguan naman siya. Kaya huminga siya ng malalim, ibinalik ang tingin kay manang Saling at sinabi rito ang lahat ng nangyari kagabi. Kahit ang pagdating ni Lukas para tulungan sila. Mukhang hindi ito nagulat, patunay na nasabi na rin ng anak nito ang tungkol sa misteryosong lalaki. Nang nasa punto na siya ng kuwento na nakita na nila ang nakaraan, sumikip na naman ang dibdib ni Danny. Ilang beses siyang napahinto sa pagsasalita kasi gusto na naman niya maiyak. Mabuti na lang napipigilan niya ang sarili. Pero kahit matagal, natapos din niya ang kuwento.

"Isa po sa dahilan kaya ko ginusto malaman ang totoong nangyari kasi naisip ko na baka makatulong 'yon para maghilom ang sakit na nararamdaman ng mga magulang ko lalo na kapag ganitong malapit na ang death anniversary ni kuya. Pero… ano po ang gagawin ko, manang? Sasabihin ko ba sa kanila ang totoo? Makabubuti ba 'yon o lalong makakasama?"

Matagal na tumitig lang sa kaniya si manang Saling, halatang nag-iisip. Mayamaya bumuntong hininga ito. "Sinasabi ko na nga ba na may kakaiba sa mga naiwang bakas ng paa ng kapatid mo pitong taon ang nakararaan. Personal ko 'yon pinuntahan nang kumalat sa buong bayan ang pagkawala niya. Ang tinatawag niyong Lukas pala ang may gawa niyon. Sa tingin ko imbes na tanungin mo ako, mas makabubuti kung ikaw ang magdesisyon, Danny. Ikaw ang mas nakakakilala sa mga magulang mo. Isa pa, tama pa naman ang mga daan na napili mo hanggang ngayon. Hanga nga ako sa'yo sa totoo lang."

Nagulat si Danny. "Bakit niyo naman po nasabi 'yan?"

"Isipin mong mabuti. Kung sa nakaraang mga araw nagkamali ka ng piniling daan kahit isang beses lang, tiyak na makakaapekto 'yon sa nakaraan. Kung hindi mo sinundan ang bahaghari, kung hindi mo nakita ang garapon, kung hindi ka matapang na hanapin ang mutya, kung hindi mabuti ang iyong puso at naging ganid na pinili na lamang ang kapangyarihan, kung hindi malakas ang 'yong loob na harapin ang nakaraan, eh 'di sana hindi rin nakita ni Lukas ang nangyari sa kuya mo. Wala sanang bakas na maiiwan sa putikan. Kung nagkataon, malaki ang posibilidad na hindi makikita ang katawan ng kapatid mo."

Kinilabutan si Danny sa sinabi ni manang Saling. Nang sulyapan niya sina Ruth at Selna ay yakap ng mga ito ang mga sarili, patunay na ganoon din ang naging epekto sa mga ito.

Tipid na ngumiti si mang Saling, parang naaliw sa reaksiyon nila. "Konektado ang lahat ng bahay dito sa mundo. Ang oras at panahon ay isang buong sirkulo. Kaunting desisyon, maliit na gawa, lahat 'yan malaki ang epekto sa takbo ng buhay natin. Hindi man ngayon pero balang araw, baka maraming taon pa mula ngayon, lahat ng mga nararanasan ninyo ay siguradong magkakaroon ng kabuluhan. Lahat ng desisyon na ginawa at gagawin niyo pa lang, magiging piraso para mabuo ang isang malaking senaryo. Kaya Danny, gawin mo kung ano ang sa tingin mo tama. Kaya mong isulat ang sarili mong buhay. Hindi mo kailangan ang opinyon ko."

May init na humaplos sa puso ni Danny. Tumagos kasi sa pagkatao niya ang mga sinabi ni manang Saling. Ngumiti sya at tumango. "Salamat po."

Ngumiti ang matanda. "Alam ko na maiintindihan mo ako. O siya't umuwi na kayo. Sigurado akong gusto na kayo makita ng mga magulang ninyo."

Tumayo na sila. Nagpasalamat uli at nagpaalam. Nakalabas na sila ni Selna sa pinto nang tawagin siya uli ni manang Saling. Humarap uli si Danny sa matanda na lumapit sa kaniya at hinawakan ang magkabila niyang pisngi. "May kasabihan ang mga tao noong unang panahon, noong may mga tribu pa dito sa ating bayan. Sinasabing ang bawat binatilyo raw ay may demonyong nakatakdang harapin para maging ganap na binata. Naharap mo na ang sarili mong demonyo at nakabalik ka ng ligtas. Isang tingin ko pa lang kanina sa'yo Danny nakita ko na agad. Nagbago ka na. Hindi na ikaw ang binatilyo na kilala ng lahat. Isa ka nang ganap na binata. Gamitin mo sa mabuti ang lahat ng natutunan mo sa'yong naging karanasan. At palagi mo tatandaan na higit sa kapangyarihan, ang mga katangian na mayroon ka ang magiging tunay mong kalakasan."

Nabagbag ang damdamin niya sa sinabi nito. Ngumiti siya. "Salamat po."

Tumango si mang Saling, tinapik ang kanyang mga pisngi saka siya pinakawalan.

Sinulyapan niya si Ruth na nakatayo sa bukana ng pinto. Nagkatitigan sila. Kumaway siya. "Kitakits sa school."

Ngumiti ito at gumanti ng kaway. "Babye."

Bigla pakiramdam ni Danny hindi lang siya basta nagpapaalam kay Ruth. Pakiramdam kasi niya, nagpapaalam na rin siya sa feelings niya para rito. Nagpapaalam siya sa kanyang first love.

Magkaagapay na naglakad sila ni Selna palayo sa bahay nila Ruth. Tahimik lang silang dalawa hanggang marating nila ang bahay nito. Humarap si Danny sa kababata, hinuli ang tingin nito bago nagsalita, "Okay ka lang ba?"

Mukhang nagulat ito sa tanong niya. "Ikaw dapat ang tinatanong ko kung okay ka lang."

Ngumiwi si Danny at napahawak sa batok. "Ang tahimik mo kasi. Naninibago ako. Saka hindi lang naman ako ang maraming naranasan at nakita kagabi. Ikaw rin. Kaya okay ka lang ba?"

Tinitigan siya ni Selna. "Hindi ako okay."

Nagulat siya. Nataranta at agad pinasadahan ito ng tingin mula ulo hanggang paa, automatic na hinahanap kung may sugat ba ito o pasa o kung ano pa man. Parang inis na bumuntong hininga si Selna, hinawakan ng dalawang kamay ang magkabila niyang pisngi at tiningala siya hanggang magtama ang mga paningin nila. "Wala akong injury. Hindi lang ako okay kasi hindi ko alam kung kailan gagana ang love charm na binili ko sa Store Hours. Kailan mo ba ako makikita sa paraan na gusto kong makita mo ako, Danny?"

Natigilan siya nang mabasa ang emosyon sa mga mata ni Selna na ngayon lang niya nakuha ang ibig sabihin. Napanganga siya at bigla hindi alam kung ano ang gagawin. Itinirik nito ang mga mata, marahas na namang bumuga ng hangin bago tinapik ang mga pisngi niya at saka dumistansiya sa kaniya. "Kalimutan mo ang sinabi ko. Alam ko na may mas importante kang dapat alalahanin ngayon. Kitakits na lang tayo sa school at good luck sa parents mo ha? Bye, Danny."

Tulala pa rin siya nang mabilis itong tumalikod at makapasok sa bahay. Ni hindi na siya nilingon kahit isang beses lang. Mayamaya napakurap siya at napahugot ng malalim na hininga. Hindi niya alam na ganoon ang nararamdaman ni Selna para sa kaniya. Kailan pa? Noong sinabi niya rito na may gusto siya kay Ruth… espesyal na ba ang pagtingin nito sa kaniya?

Bigla bumalik sa isip ni Danny ang mga pagkakataong nahuhuli niya ang kakaibang ekspresyon sa mukha ni Selna sa nakaraang mga buwan… sa nakaraang mga taon. Sumikip ang dibdib niya at mariing napapikit. Napakamanhid niya.

Mayamaya naramdaman niya ang pagpatak ng mahinang ambon. Dumilat siya at sumulyap sa bintana ng kuwarto ni Selna. Nakasara pa rin iyon. Bumuntong hininga siya at saka tumakbo pauwi.

Bukas na ang tindahan nila, ganoon din ang mababang gate pero nasa loob ang tricycle. Ibig sabihin nasa bahay ang kanyang ama. Sandaling tumayo siya sa tapat ng pinto. Naririnig niya ang boses ng mga magulang niya sa loob. Nanlamig siya kasi hindi pa rin niya alam kung sasabihin ba o hindi ang nalaman niya.

May narinig si Danny na mga batang tumatakbo sa labas. May sinisigaw. Lumingon siya. Umaambon pa rin pero may araw. Tumingala siya sa langit at kumabog ang kanyang dibdib. Kasi doon sa malayong bahagi ng kalangitan, mayroong bahaghari.

Biglang bumukas ang pinto. "Danny? Nakauwi ka na pala, anak," sabi ng mama niya.

Inalis niya ang tingin sa langit at napatitig sa kanyang mga magulang. Nakabuo siya ng desisyon. Hindi na kailangan malaman ng mga ito ang tungkol sa kapre, kay Jumong o kay Rosario. Pero kailangan malaman ng mga ito ang pinakaimportante sa lahat.

"Mama, papa, may sasabihin ako sa inyo."

"Ano 'yon?" nagtatakang tanong ng papa niya.

Huminga siya ng malalim, humakbang papasok sa bahay at niyakap ang mga ito. "Alam ko na kung ano ang nangyari kay kuya. Namatay siya dahil may iniligtas siya. Hanggang sa huli, kahit alam niyang nasa panganib ang buhay niya, hindi siya nagdalawang isip na tumulong. Sigurado po ako, hindi siya nagsisisi sa ginawa niya. Kasi ganoon si kuya, 'di ba? Superhero. Kaya huwag na tayo malungkot tuwing malapit na ang death anniversary niya, papa, mama. Alam ko na gugustuhin niyang maging masaya tayo kahit wala na siya."

Halatang nagulat ang parents niya. Pero mayamaya lang, niyakap din siya ng mga ito at isinubsob sa magkabilang side ng ulo niya ang mukha ng mga ito. "Sorry, pinag-alala ka namin, anak. Magiging okay na kami. Magiging okay na tayo," naiiyak na sabi ng kanyang ina.

Naiyak na rin tuloy si Danny. Matagal na magkakayakap lang sila. Umiiyak. Pero ayos lang. Kasi alam niya na malapit na maghilom ang mga sugat. Balang araw, magagawa na nilang ngumiti at hindi na malulungkot masyado sa tuwing dumarating ang buwan na ito.

Sa labas ng bahay nila, masaya pa ring nagtatakbuhan ang mga bata at sumisigaw. "May rainbow! Rainbow! Karera tayo, paunahan sa dulo."