SA NORMAL na araw maingay na sa paligid ng Tala High School kahit wala pang alas sais ng umaga. Pero dahil weekend ngayon, tahimik at sarado pa ang mga bahay at tindahan na nadaraanan nila papunta sa street kung saan huling nakita nina Danny at Selna ang Store Hours.
Lumiko sila sa kanto at nakahinga siya ng maluwag nang matanaw niya ang tindahan ni Hannah. Nakaharap iyon sa silangan kaya kumikislap-kislap ang salamin na bintana na nasisinagan ng papasikat na araw.
"Ayon ang tindahan na sinasabi namin sa inyo," sabi ni Selna kina Ruth at Andres.
"Mas maliit kaysa iniisip ko," biglang komento ni Lukas.
Napatingin sila rito, nagtataka pa rin na ginusto nito sumama sa kanila. Akala ni Danny dahil lumiwanag na ay magpapaalam na ito at mawawala na. Palagi kasing gabi nila ito nakakasama. Pero nang sabihin niya sa mga ito kanina na mas gusto niyang makuha ang jar of memories kaysa angkinin ang mutya, sinabi ni Lukas na interesado itong makita ang nakaraan na gustong gusto niya balikan.
Huminga siya ng malalim nang makalapit sa pinto ng Store Hours. Sandaling nag-alangan na baka sarado pa ang tindahan. Pero nang pihitin niya ang doorknob ay bumukas ang pinto. Lumunok siya at tuluyang pumasok sa loob. Tumunog ang wind chime na nakasabit sa door frame at biglang lumiwanag sa tindahan kahit wala namang fluorescent light. Basta nagmukhang mataas ang araw sa labas kahit hindi naman.
Tumutunog pa rin ang windchime sa likuran niya nang sumulpot mula sa kung saan si Hannah. Nanlaki ang mga mata nito nang mapatitig kay Danny at saka malawak na ngumiti. "Aba. Maligayang pagbabalik. Hindi ko inaasahan na makikita pa kita uli. Dala mo na ba ang kabayaran na gusto ko para sa jar of memories?"
Tumango siya at inilahad ang kamay. Bumaba ang tingin doon ni Hannah at napasinghap nang makita ang mutya. "Nakuha mo. Napagtagumpayan mo ang isang bagay na marami ang nabigong gawin." Lumapit pa ito sa kaniya, parang gusto hawakan ang lumiliwanag na bato pero masyado yatang masaya kaya hinaplos lang nito iyon ng hintuturo. "At ibibigay mo ito sa akin? Sigurado ka na ba talaga?"
Ibinuka ni Danny ang bibig para sumagot pero narinig niya uli ang tunog ng windchime, patunay na bumukas ang pinto. Sabay silang napalingon ni Hannah. Ngayon lang pumasok sa Store Hours ang mga kaibigan niya.
Natigilan si Ruth at nanlaki ang mga mata. "Teka lang, 'di ba ikaw 'yung manghuhula sa perya?"
"Hindi ko alam ang sinasabi mo, miss. Hindi ako lumalabas ng tindahan ko," sagot ni Hannah.
Kumunot ang noo ni Ruth. "Pero hindi ako puwede magkamali. Kumikinang-kinang pa nga ang buhok mo nang gabing 'yon. Tinitigan mo ang mga palad ko at binasa mo ang hinaharap ko."
"Talaga?" Sinulyapan ni Danny si Hannah na mukhang inaalala talaga ang sinasabi ni Ruth. Mayamaya biglang umaliwalas ang mukha nito at natawa. "Naku, hindi talaga ako 'yon, miss. Baka ang kapatid ko ang sinasabi mong manghuhula. Siya lang ang may kakayahan magbasa ng hinaharap eh. Kakambal ko siya kaya magkamukha kami."
"Talaga?" manghang tanong ni Selna.
"Totoo ang sinasabi niya," biglang sabi ni Lukas na pumasok na rin sa Store Hours. "Tatlo silang magkakapatid na iisa lang ang mukha."
Napasinghap si Hannah at itinuro si Lukas. "Anong ginagawa mo rito?"
"Kilala mo si Lukas?" nagtatakang tanong ni Andres.
"Mas nakakagulat na kilala niyo siya. Kailan ka pa naging involved sa mga tao, Lukas?"
Humalukipkip si Lukas at nagkibit balikat. Pagkatapos itinuro nito si Danny at nagsalita,"Hindi ako sumama sa kanila para makipagkamustahan sa'yo."
"Ay, oo nga pala." Hinarap siya ni Hannah, sinulyapan uli ang hawak niyang bato bago ibinalik ang tingin sa mukha niya. "So? Ano ang desisyon mo?"
Lumunok siya, sinulyapan ang mga kaibigan niya na tinanguan siya bilang pagpapakita ng suporta. Huminga siya ng malalim at ibinuka ang kamay para makuha ni Hannah ang mutya. "Totoo na pangarap ko maging superhero. Na palagi kong hinihiling na magkaroon din ako ng superpowers na katulad ng mga paborito kong comics characters. Pero higit sa kapangyarihan, mas gusto kong makuha ang katotohanan na ilang taon nang gusto ng pamilya ko. Saka balang araw, gusto kong protektahan ang mga taong mahalaga sa akin na hindi kailangan ng tulong ng mutya o kung ano pa mang mahika. Balang araw, gusto ko maging malakas bilang ako, bilang isang normal na tao."
Tinitigan siya ni Hannah. Pagkatapos ay nakangiti nitong kinuha ang mutya. "Huwag ka mag-alala. Nakikita ko na matutupad mo ang mga 'yan balang araw. You have a strong heart, young man. Kahit walang mahika, nag-uumapaw ang puso mo sa kapangyarihan. The will to protect someone important to you is the source of that power."
Uminit ang mga mata ni Danny kasi nabagbag ang damdamin niya sa sinabi nito. Pagkatapos napakurap siya nang bigla itong pumalakpak. "Anyway! Katulad nang napagusapan natin." Tumalikod ito at mabilis na lumapit sa shelf na nakadikit sa pader. Maingat na inabot ang pamilyar na garapong hinawakan niya noong huli siyang nagpunta sa Store Hours.
Bumilis ang tibok ng puso niya nang maglakad palapit si Hannah at nakangiting inabot sa kaniya ang jar of memories. "Ito na. Natatandaan mo ba kung paano gamitin?"
Nanginginig ang kanyang mga kamay habang hawak ang garapon. Tinitigan niya ang ulap na nasa loob at marahang tumango. "Salamat."
"Walang anuman. Mas nagpapasalamat ako sa'yo kasi nakuha ko ang mutya na matagal ko na gusto magkaroon," masayang sabi ni Hannah. "Kung gagamitin mo 'yan mas maganda kung gawin mo na ngayon. Mas effective kapag makulimlim ang panahon. Ang Diyosa Ng Hangin At Ulan kasi ang may gawa ng mahika sa ulap na nasa loob ng garapon na 'yan."
Tumango si Danny at kinipkip sa dibdib ang jar of memories. Nagpasalamat uli bago tuluyang lumabas ng Store Hours kasama ang mga kaibigan niya. Napansin niya na nagpahuli si Lukas. Isinara pa nito ang pinto kaya may palagay siyang may pinag-uusapan ito at si Hannah.
"Saan natin pakakawalan ang laman ng garapon?" tanong ni Andres.
Napag-isipan na niya iyon kagabi pa. "Sa lugar kung saan huminto ang bakas ng mga paa ni kuya Lando."