Chereads / MOON BRIDE UNIVERSE: Spiral Gang / Chapter 32 - Ang Baliw Na Si Jumong (1)

Chapter 32 - Ang Baliw Na Si Jumong (1)

NAGDESISYON SILANG magkakaibigan na magkita sa plaza kinabukasan. Wala pa si Andres nang dumating sila kaya umupo muna sila sa isang mahabang bench doon. Sabado kaya maraming batang naglalaro sa playground na nasa isang panig. Meron ding mga parehang mukhang teenagers na nagkalat sa mga bench, halatang nag de-date.

Hindi pa sila nagtatagal na nakaupo ay nakarinig na sila ng gulat at takot na sigawan mula sa isang parte ng plaza. Napatayo rin tuloy silang tatlo at alertong lumingon. "Anong nangyari?" manghang tanong ni Selna na nagkandahaba ang leeg sa pagsilip sa komosyon.

Higit na mas matangkad si Danny sa mga kababata niya kaya siya ang una nakakita kung ano ang tunay na nangyayari. Nakita niya ang isang lalaking taong grasa na humahalakhak at parang sumasayaw pero mayamaya ay mukhang natatakot na sumusuntok at sumisipa nang mag-isa.

"Si Jumong! Ginugulo ang mga nag de-date," imporma niya sa kanyang mga kababata.

Humiyaw si Jumong, parang may kaaway. Nagtilian na naman ang mga nasa paligid nito at mabilis na nagsipagalisan. Nawala na tuloy ang mga nakaharang na tao kaya nakita na rin nina Ruth at Selna ang nag-iisang taong grasa sa bayan ng Tala.

Elementary sila nang magsimulang magpagala-gala si Jumong. Hindi naman ito dating ganoon. Sabi ng mga matatanda, dating mangangahoy ang lalaki. Mayroon din itong asawa at mga anak. Pero isang araw naglayas daw ang mag-iina ni Jumong. Isang maiksing sulat lang ang iniwan ng asawa nito. Nagpapaalam na ayaw na raw nito ang buhay sa Tala at bumalik na sa sarili nitong probinsya kasama ang mga anak.

Ayon sa mga usapan, iyon daw ang dahilan kaya unti-unti itong nabaliw at naging taong grasa. May usapan pa nga noong first year high school sila na ilang beses na ito tumalon mula sa tulay na lupa pabagsak sa ilog sa ilalim, nagpapakamatay. Pero palagi itong nakakabalik na buhay na buhay at ni walang injury sa katawan. Mula noon hanggang ngayon palaging topic ng asaran at tawanan ng mga kabataan si Jumong. Panakot naman ito ng matatanda sa mga batang malilikot.

Humiyaw na naman ito, parang takot na ewan. Pagkatapos sumuntok-suntok at sipa na naman. Aminado si Danny na isa siya sa mga batang nakikisali noon sa usapan kapag related kay Jumong. Pero ngayon habang pinagmamasdan niya ito, napapaisip siya kung ano kaya ang nakikita nito kapag umaakto ito ng ganoon? Bakit ito nabaliw?

"Guys, sorry late ako!"

Nawala ang atensiyon nila kay Jumong at lumingon nang marinig ang boses ni Andres. Hinihingal pa ito nang makalapit sa kanila. "Nagpunta ako ng munisipyo para itanong kung saan ang mga lugar na may sagingan. Sabi ng mga tanod meron daw malapit sa Abba College."

Ang Abba College ang nag-iisang kolehiyo sa bayan ng Tala. Pagmamay-ari rin iyon ng pamilya Ilaya at lampas fifty years na mula nang itayo. Kahit dulong bayan sila at malayo sa kabihasnan, kilalang mataas ang kalidad ng edukasyon sa kolehiyo na iyon.

"Hindi ba sila nagtaka kung bakit ka nagtatanong?" komento ni Danny.

Nahihiyang ngumiti si Andres. "Sabi ko kailangan natin para sa science project."

At siyempre naniwala naman agad ang mga tanod kasi si Andres Ilaya ang nagsabi.

"Anyway, gusto niyo ba puntahan na natin para makita natin ang sagingan habang maaga pa o ilalagay niyo muna ang mga gamit niyo sa bahay? Malapit lang –"

Biglang sumigaw si Jumong. Nagulat silang lahat at napatalon paatras kasi nakalapit na ito sa kanila. Agad na iniharang ni Danny at Andres ang mga sarili sa harapan nina Selna at Ruth nang sumuntok at sipa na naman sa hangin ang matandang baliw. Inaasahan nila na lalampasan na sila nito katulad ng ginawa nito sa ibang nakatambay sa plaza. Pero bigla itong natigilan, suminghot-singhot at saka pumihit paharap sa kanila.

Nagulat siya kasi nanlaki ang mga mata nito at bumakas ang desperasyon sa mukha. Inangat nito ang mga kamay, parang gusto silang abutin. "Ibalik niyo sa akin… ibalik niyo sa akin 'yan! Akin 'yan!"

Lalong hinarang nina Danny at Andres ang katawan para takpan ang mga babae. Pagkatapos mabilis silang humakbang palayo. Kaso ayaw pa rin tumigil sa paglapit si Jumong. Kakaiba ang kislap sa mga mata nito, parang adik na ewan.

"Akin 'yan. Ang kapangyarihan… akin 'yan," paulit-ulit na sabi nito, may desperasyon sa tono.

"Ano bang sinasabi niya?" manghang tanong ni Selna na nakasiksik sa likod ni Danny.

Biglang lumaki ang mga hakbang ni Jumong, naging marahas ang wasiwas ng kamay. Napaigik si Danny kasi naabot nito ang dibdib niya. Mahaba at matalim ang mga kuko nito at bumaon ang mga iyon sa balat niya kahit nakasuot siya ng t-shirt. Napatili sina Ruth at Selna, hinawakan ang magkabilang braso niya at hinila siya palayo. Pero lalo lang kumislap sa matinding paghahangad ang mga mata ng matandang baliw, nakatutok pa rin ang tingin sa dibdib niya.

"Akin 'yan. Akin 'yan. Akin 'yan!"

Biglang may pumito ng malakas kasabay ng sigaw ng mga tanod na tumakbo palapit sa kanila. Mukhang may nakapagsumbong na sa panggugulo ni Jumong sa plaza. Mabilis na nahawakan ang magkabilang braso nito, naitali patalikod at nahila palayo sa kanilang magkakaibigan. Kung saan ito dadalhin ay hindi nila alam.

"Ayos lang ba kayo?" nag-aalalang tanong ng naiwang tanod.

Wala sa loob na nahimas ni Danny ang dibdib niyang nakalmot ni Jumong. Makirot iyon pero nang silipin niya ay gasgas lang naman ang naiwan, hindi naman malalim ang sugat. Kaya sinabi niyang ayos lang siya.

Nang makaalis ang tanod ay sina Selna at Ruth naman ang nagpakita ng pag-aalala. Ngumiti siya at tinapik ng tig-isa niyang mga kamay ang ulo ng dalawa. "Ayos nga lang ako. Gasgas lang."

Marahas na bumuntong hininga ang mga ito at saka sabay na napatingin sa direksiyon kung saan dinala si Jumong.

"Ang weird, kahit pagala-gala siya sa Tala sabi naman nila hindi raw nananakit ng iba 'yon eh," komento ni Selna.

"Oo nga. Kaya nga hinahayaan lang siya kasi hindi siya nananakit. Kaya bakit niya tayo inatake?" nagtataka ring sabi ni Andres.

"Sabi ni nanay, hindi lang daw ang pagkawala ng pamilya niya ang dahilan kaya nagkaganoon si Jumong," biglang sabi ni Ruth. Napatingin tuloy sila sa dalagita. "Namaligno raw siya. Baka kaya inatake niya tayo kasi may naramdaman siya sa atin na kahawig ng sa nilalang na dahilan kaya siya nawala sa tamang pag-iisip."

Natahimik silang lahat. Wala sa loob na nahaplos uli ni Danny ang dibdib niyang may kalmot. Kung pagbabasehan ang mga sinasabi kanina ng matandang baliw, ibig bang sabihin may kinuha rito ang maligno at akala nito nasa kanila iyon?

Tumikhim si Andres. "Anyway, kailangan natin mag focus sa misyon natin para mamayang gabi."

Sumangayon sila at nawala na ang tensiyon na namayani sa kanila kanina dahil kay Jumong. Mayamaya pa napagdesisyunan nilang pumunta muna sa bakanteng lupain na malapit sa Abba College bago umuwi sa bahay nila Andres.