Gumalaw na naman ang mga dahon at nagkaroon ng kakaibang tensiyon at kadiliman sa paligid. Wala sa loob na humakbang sila palapit sa isa't isa habang iginagala ang tingin sa paligid. "Wala namang hangin pero bakit gumagalaw ang mga puno?" tanong ni Selna.
Bigla nagsimulang pumatak ang mahinang ambon. Napatingala silang lahat sa kalangitan. Suminghap si Ruth kaya napunta rito ang tingin nilang tatlo. Nanlalaki ang mga mata nito at namumutla. "Naku… may paparating."
"Paano mo nalaman?" alertong tanong ni Andres.
Nakatingala pa rin sa langit si Ruth at may itinuro. "Ang buwan… kaunti na lang mawawala na, hindi ba?" Tuminga din silang tatlo. "Sabi ni nanay, kapag daw nasa kanluran ang buwan na ganiyan ang hugis at umaambon na katulad ngayon, dapat nasa loob lang daw ng bahay. Sabi niya sa mga ganitong gabi daw lumalabas at nagpapagala-gala ang mga demonyo at malulupit na mga nilalang ng ibang mundo."
Nanayo ang mga balahibo sa batok ni Danny. Humagod ang kilabot sa kanyang likod kasi nakaramdam siya ng ibang presensiya sa paligid. Dahan-dahan siyang lumingon sa kaliwa at doon, sa likod ng mga puno, isang metro lang ang layo mula sa kinatatayuan nila, nasalubong ng kanyang tingin ang pares ng nanlilisik at nagliliwanag na mga mata. Takot na napaatras siya. Kasi iyon ang nilalang na nakita niya sa sagingan na malapit sa Villa Ilaya!
Hindi siya makasigaw pero gumawa siya ng ingay at itinuro ang nakikita niya. Dahil doon naging alerto ang mga kaibigan niya at napalingon din. Biglang lumabas mula sa pinagtataguan ang isang mahaba, malaki, maitim at mabalahibong braso. Bago pa may makapag-react sa kanila walang kahirap-hirap na nitong nahablot ang mga binti ni Danny.
Nagulat siya at kumabog ang kanyang dibdib nang umangat ang katawan niya mula sa lupa. Narinig niya ang takot at tarantang sigawan ng mga kaibigan niya, tinangka siyang abutin pero nabigo ang mga ito. Kahit siya gusto sumigaw pero ayaw niyang ibuka ang kanyang bibig sa takot na makawala ang mutya.
Mayamaya pa, kumilos ang may-ari ng nakakatakot na braso. Nanlaki ang mga mata niya nang tuluyang umalis sa pinagtataguan ang nilalang na may hawak sa kaniya. Nakaupo pala ito at ngayong dumeretso ng tayo ay nalaman niyang ga-higante pala ang laki nito! Hanggang balakang lang nito ang pinakamatataas na puno ng saging.
"Kapre!" sigaw ni Ruth.
Nanlamig sa takot si Danny kasi napakalaki at napakalapad ng katawan ng kapre. Nakakakilabot din ang mukha niyon, maitim, mabalahibo at malapad ang bibig na may matatalim na ngiping kasalukuyang may kagat na malaki ring tabacco. May matinding amoy na parang kambing na nagmumula rito, nakakahilo at masakit sa ulo. Ibinuka nito ang bibig, may sinasabi sa lengguwahe na hindi niya naiintindihan at sa kanyang pandinig ay parang angil ng isang mabangis na hayop. Pagkatapos nahigit niya ang kanyang hininga nang marahas siya nitong alugin at iwasiwas. Napangiwi siya nang ilang beses na tumama ang katawan niya sa mga puno sa paligid. Naramdaman niya ang kirot sa mga braso at binti niya sa tuwing nasusugat siya ng mga sanga.
"Danny! Gusto niyang makuha mula sa'yo ang mutya," sigaw ni Ruth.
Mariing tumikom ang kanyang bibig. Gusto niya mapahiyaw sa sakit pero pinipigilan niya. Hindi siya papayag na makuha ng kapre na ito ang mutya mula sa kaniya. Sisiguruhin niyang mananatili iyon sa loob ng bibig niya hanggang mag-umaga.
Umangil na naman ang kapre. Lalong naging marahas ang pagwasiwas sa kanyang katawan. Malakas na tumama ang katawan niya sa isang puno. Napapikit siya at napaungol sa sakit.
"Danny! Hoy bitawan mo siya!" Narinig niyang sigaw ni Selna kasabay ng mga batong tumama sa katawan ng kapre. May isang tumama sa mata nito. Halatang nagulat ang halimaw at biglang nilingon ang mga kaibigan niya. Umangil na naman, itinaas ang isang binti at akmang aapakan ang mga ito. Tumakbo para makaiwas ang mga kaibigan niya pero dahil maputik ang lupa, nadulas si Selna at nadapa. Napahinto sa pagtakbo sina Andres at Ruth, walang pagdadalawang isip na binalikan ito at inalalayan makatayo. Pero dahil doon maaabot ng higanteng paa ng kapre ang mga ito.
Kumabog ang dibdib ni Danny at kumuyom ang kanyang mga kamao. Hindi siya papayag na masaktan ang mga kaibigan niya. Noong nasa Nawawalang Bayan sila, maraming beses na siya ang naging dahilan kaya muntik na sila mapahamak. Ayaw na niya maging pabigat. Ayaw na niyang siya ang palagi tinutulungan. Gusto niyang siya ang poprotekta sa mga taong mahalaga sa kaniya.
Kaya nagsimula siya magpumiglas, pilit kinukuha ang atensiyon ng kapre. Nawala na ang takot sa kanyang puso, napuno na ng determinasyon at tapang. Sa sandaling iyon bigla niyang naramdaman ang pagpapalit ng temperatura ng mutya sa loob ng kanyang bibig. Nanlaki ang mga mata niya kasi unti-unting iyong uminit. Pagkatapos naramdaman niya ang pagkalat ng init na iyon sa buong katawan niya, na para bang naglalakbay sa mga ugat niya ang kakaibang kapangyarihan.
Lumakas ang loob ni Danny at iginalaw ang mga binti. Walang kahirap-hirap na nakawala siya sa hawak ng kapre. Bumalik ang atensiyon nito sa kaniya. Nahulog siya pero nagawa niyang mapaikot ang kanyang sarili kaya ang mga paa niya ang naunang bumagsak sa lupa imbes na mawalan ng balanse. Dahil doon nagawa niyang iharang ang sarili sa pagitan ng kapre at ng mga kaibigan niya.
Umangil ang halimaw, itinaas ang dalawang malalaking mga kamay at sinakal siya. Napangiwi si Danny pero sandali lang. Narealize kasi niya agad na hindi naman siya nasasaktan. Kaya ikinuyom niya ang mga kamao at sinuntok ang mga kamay ng kapre. Mabilis na nabitawan siya nito, napaatras at humiyaw sa sakit. Sa sobrang lakas ng ungol nito ay nag-echo iyon sa kagubatan.
Namamanghang napatitig si Danny sa kanyang kamao. Kahit kasi siya naramdaman ang matinding puwersa na nanggaling sa suntok niya. Katunayan, aware siya sa kapangyarihang dumadaloy sa buong katawan niya.
"Wow! Danny, that was amazing," narinig niyang bilib na sabi ni Andres.
Napalingon tuloy siya sa mga ito. Nakatayo na rin si Selna at katulad niya maputik na rin ito. Pero bukod doon ay mukhang okay naman ito. Sunod niyang tiningnan si Ruth at nakahinga siya ng maluwag kasi wala ito kahit kaunting galos.
"Kung ganoon totoo ang alamat tungkol sa mahiwagang mutya," manghang sabi pa ni Ruth. "Nagbibigay nga ito ng supernatural strength sa taong magmamay-ari nito."
Nagulat si Danny at napasulyap kay Selna na nakatitig din sa kaniya. Nang magtama ang kanilang mga paningin alam niyang pareho sila ng iniisip – na hindi nabanggit ni Hannah ang tungkol sa kapangyarihang puwedeng ibigay ng mutya sa kaniya.
Biglang umangil na naman ang kapre at kahit nakatalikod siya naramdaman niyang aatakehin na naman siya nito. Maagap na hinarap niya ito at nagawang salubungin ng suntok ang malaki nitong kamay. Nagdulot ng malakas na hangin ang puwersa ng pagtatama ng mga kamao nila. Nag-echo na naman ang hiyaw nito at hinablot ng malaya nitong kamay ang kanyang katawan. Inangat siya sa ere, inilapit sa mukha nito, ibinuka ang bibig at inilabas ang matatalim na mga ngipin.
Pero malakas na ang loob ni Danny. Ramdam na ramdam niya ang kapangyarihang dumadaloy sa kanyang katawan. Ito ang pangarap niya. Ang maging superhero. At ngayong gabi natupad iyon! Kaya bago pa siya makagat ng kapre ay nasipa na niya ito sa mukha. Nagalit ito pero hindi siya binitawan. Sa mga sumunod na sandali nagpalitan sila ng pag-atake sa isa't isa. Natatamaan siya nito pero hindi niya iniinda. Katunayan, alam niyang mas nasasaktan ito kasi sa huli nabitawan din siya ng kapre na napaluhod na.
Napangiti siya at namaywang. Ganito pala ang pakiramdam ng superheroes sa mga comics na nababasa niya pagkatapos sugpuin ang kasamaan. Umangil ang kapre, sinubukan uli siya abutin pero hindi na nito maangat ang mga kamay. Lumobo ang dibdib niya sa magkakahalong emosyon at sa huli hindi napigilan ang sarili na magyabang. "Huwag ka na uli mananakit ng mga tao dahil hindi mo ako kaya!"
Pagkatapos niya sumigaw saka lang narealize ni Danny ang kanyang pagkakamali. Kasi nang ibuka niya ang bibig nakawala ang mutya at nahulog sa lupa, malapit sa kapre. Agad na naramdaman niya ang pagkawala ng kapangyarihan sa buong katawan niya. Habang ang halimaw, kumislap ang mga mata at mabilis na hinablot ang mutya. Tumawa ito. Malakas, nakakapanginig ng laman.
Parang nilamutak ang puso ni Danny, kumalat ang matinding takot sa kanyang pagkatao. Nanlambot ang mga tuhod niya at napaupo sa putikan. Nakita niyang naging mas malaki kaysa kanina ang kapre. Inilapit nito ang mukha sa kaniya, ngumisi, ibinuka ang bibig at sinakmal siya.
Malakas na sumigaw si Danny. Inundayan niya ng suntok at sipa ang kapre pero wala nang lakas ang bawat atake niya. Nag-echo sa loob ng isip niya ang tawa nito. Ramdam na ramdam niya ang pagbaon ng mga ngipin nito sa katawan niya. Masakit. Sobrang sakit. Pagkatapos napahikbi siya nang marealize na mamamatay siya at na hindi niya magagawang ipagtanggol ang mga kaibigan niya.
Namaluktot siya, itinago ang mukha sa pagitan ng kanyang mga tuhod. Bigla kasi parang umiikot ang paligid. Naririnig pa rin niya ang tawa ng kapre. Nararamdaman ang talim ng mga ngipin nito at naaamoy ang mabaho nitong hininga. Alam niya na sumisigaw pa rin siya sa takot kasi nananakit ang lalamunan niya pero bigla nawala sa kanyang pandinig ang sarili niyang boses.
Lalo siyang nanginig sa takot nang may mga imaheng pumasok sa kanyang isip. Ang mga magulang niya, magigising bukas ng umaga at malalaman na hindi siya umuwi. Maghahanap ang mga ito at kapag nakita siya ay isa na siyang malamig na bangkay. Katulad ng nangyari kay kuya Lando. Iiyak na naman ang mga ito, magdurusa dahil sa kaniya. Kahit wala naman siyang ibang hiling kung hindi ang protektahan at pasayahin ang kanyang mga magulang.
Pagkatapos biglang nakita ni Danny sa kanyang isip ang kapatid niya. Naramdaman niya ang affectionate na haplos nito sa ulo niya nang araw na nagpaalam itong magpa-patrol sa bayan. Ang ngiti nito na matagal na niyang nakalimutan, malinaw niyang nakikita ngayon. Naalala niya na isa ang kuya Lando niya sa mga idolo niya, higit pa sa mga superhero sa comics. Gusto niyang maging katulad nito. Gusto niyang makatulong sa mga nangangailangan. Natatandaan niya na gusto maging pulis ng kuya Lando niya. Pero hindi na iyon natupad.
Naglaho ang nakangiting mukha ng kapatid niya sa kanyang isip at napalitan ng ibang imahe. Sa gubat, patay na ito at nakahandusay sa lupa. May dalawang butas sa leeg. Sumigaw na naman si Danny, may halo nang iyak. Lalo at ang sumunod niyang nakita ay ang mga kaibigan niya, duguan at napatay na ng kapre na may hawak ng mutya.
Biglang lumingon sa kaniya ang halimaw, nanlilisik ang mga mata, nakakatakot ang ngiti at nagsimulang maglakad palapit sa kaniya. Siya naman ang papatayin nito. Sumigaw siya ng sumigaw, sumuntok at sumipa. Pagkatapos napasinghap siya nang may puwersang biglang tumama sa dibdib niya. Hindi iyon masakit pero parang naalog ang utak niya. Napahinto siya sa pagpasag at tumigil sa pagsigaw. Kumurap siya at nawala ang kapre. Pinalitan ng mukhang hindi niya akalain na makikita pa niya uli.
Si Lukas.