Walking distance lang mula sa plaza ang kolehiyo kaya mabilis sila nakarating doon. Pero imbes na pumasok sila sa loob ng higanteng gate ay dumere-deretso pa sila palampas sa mataas na pader na harang hanggang makarating sila sa pinakadulo ng Abba College, iyong nasa mismong ilalim na ng bundok. Sa parteng iyon ng property wala nang pader pero may mataas na bakod na gawa sa barbed wire. Nakikita pa nga nila ang isang building na nakatayo malapit sa harang. Halatang bago pa kasi malinis pa ang pintura.
"Ayun ang sagingan." Tinuro ni Andres ang mga puno ng saging ilang metro ang layo sa kinatatayuan nila. Nasa pataas na parte iyon ng bundok pero nasa bungad lang. Nagsimula sila maglakad. Medyo maputik at madulas ang daan kasi gabi-gabi umuulan lately at kahit may araw naman mula pa kaninang umaga ay hindi pa rin natuyo ang lupa doon.
Nauuna sina Ruth at Andres habang nasa likod sila ni Selna. Tumalon ang puso ni Danny nang biglang magkamali ng apak si Ruth at mawalan ng balanse. Ibinuka niya agad ang mga kamay, handa itong saluhin kapag natumba ito. Pero mas maagap at malapit si Andres kaysa sa kaniya. Napaikot nito ang mga braso sa baywang ni Ruth na napayakap din sa katawan ng binatilyo. Tapos nasubsob pa ang mukha ni Ruth sa dibdib ni Andres.
Matagal na ganoon lang ang mga ito bago dahan-dahang tumingala ang kababata niya. Nakayuko naman si Andres kaya halos magdikit ang mukha ng mga ito. Sumikip ang dibdib ni Danny kasi biglang parang may sariling mundo na ang dalawa, nagkatitigan lang at parang humigpit pa yata ang yakap sa isa't isa.
"Ehem," malakas at exaggerated na tikhim ni Selna. Napakurap sina Ruth at Andres, biglang mukhang mga nahiyang lumayo sa isa't isa. Naglakad na uli silang apat. Nang makarating sa sagingan inisa-isa nila ang mga puno para tingnan kung alin ang may nakausling puso.
Pero distracted na si Danny, patingin-tingin pa rin kina Ruth at Andres na magkatabi na naman. Parang may binubulong ang lalaki sa kababata niya na namumula ang mukha. Mariing tumikom ang bibig niya at hindi namalayan kung gaano katagal siyang nakatitig sa dalawa. Nagulat na lang siya nang biglang humarang sa harapan niya si Selna. Nagtama ang mga paningin nila. "Tama na, Danny."
Napakurap siya. Mahina ang boses nito kaya alam niyang siya lang ang nakakarinig dito. "Huwag mo saktan ang sarili mo."
Sumikip ang dibdib niya, napangiwi at nagbaba ng tingin. Ayaw din naman niya ang ganitong pakiramdam. Pero kapag ba sinabi niya ng paulit-ulit sa isip niya na tama na, mawawala ba talaga ang pagtingin niya kay Ruth? Kasi mukhang kahit anong sabi niya sa sarili niya na crush lang 'to at mawawala rin, parang hindi effective.
Biglang kinurot ni Selna ang magkabilang pisngi niya. "Aray!" gulat na reklamo niya. Napalakas ang boses niya kaya napalingon sa kanila sina Ruth at Andres.
"Bakit?" nagtatakang tanong ni Ruth na lumapit pa sa kanila.
Umiling siya at hinaplos ang magkabilang pisngi niya.
"Nakita na natin lahat ng puno rito. Umalis na tayo at bumalik na lang uli mamayang gabi," sabi ni Selna. Nakatalikod na ito at naglalakad na pababa ng bundok kaya hindi niya nakita ang facial expression nito.
"Bakit uminit ang ulo 'non?" tanong ni Andres.
"Ewan ko nga eh. Tara na nga," sagot ni Danny na hinihimas pa rin ang mga pisngi.
BANDANG eleven thirty ng gabi, balik na naman ang Spiral Gang sa likod ng Abba College, may dalang mga flashlight at umaakyat papunta sa mga puno ng saging. Patay na ang lahat ng ilaw sa kolehiyo at sa mga kalapit na bahay kaya sobrang dilim sa paligid. Walang mga bituin sa langit kasi makapal ang mga ulap. May buwan pero sobrang nipis na niyon, nasa huling stage na bago tuluyang mawala kaya hindi rin masyadong nagbibigay ng liwanag sa daan.
"Mas kaunti ang puno ng saging dito pero mas marami ang may puso kaysa doon sa malapit sa Villa Ilaya. Sana ngayong gabi makuha na natin ang mutya," sabi ni Ruth.
"Hindi na ako matutulala, promise. Magiging alerto na ako para masalo ko agad kapag nahulog," sagot ni Danny.
Mayamaya pa iniisa-isa na nila ang mga puno. May tatlo silang nakitang puso ng saging na nakayuko pero walang nakaharap sa direksiyon ng silangan. Nalaglag ang mga balikat niya. Nang sulyapan niya ang mga kaibigan nakita niyang dismayado rin ang mga ito.
"Paano pala kung walang mutya dito? Dapat bang bumalik na lang tayo sa sagingan na una nating pinuntahan?" tanong ni Selna. Napasulyap siya rito. Nakahinga siya ng maluwag na mukhang okay na ang mood nito. Hindi katulad kanina sa plaza.
Sinagot ni Andres ang tanong ni Selna. "Puwede rin. Kung bibilisan natin baka makarating tayo agad doon."
Napatingin si Danny sa kanyang wristwatch. Umiling siya. "Hindi na tayo aabot. Five minutes na lang alas dose na ng madaling araw."
"Wait lang. Maghintay muna tayo."
Kakatapos pa lang magsalita ni Ruth nang biglang humangin ng malakas. Nangikig sila sa lamig kasi may kasama iyong mahinang ambon. Sandaling napapikit si Danny. Nang muli siyang dumilat may nahagip ang tingin niya na kumislap. Naging alerto siya at pumihit paharap doon. Ang isa sa mga puso ng saging na nakayuko, biglang nakaharap na ngayon sa silangan at nasa dulo niyon ang pamilyar na liwanag ng mutya.
"Ayun!" excited na sigaw niya sabay takbo palapit sa puno ng saging. Tumakbo siya pero sa pagmamadali niya nadulas siya sa putikan at nawalan ng balanse. Mabuti na lang hindi siya natumba. Humangin uli ng malakas at tuluyang nahulog ang mutya mula sa puso. Nanlaki ang kanyang mga mata at walang pagdadalawang isip na lumundag. Tumingala siya at ibinuka ang bibig kaya bago mahulog sa lupa ang mutya ay nasalo na niya iyon.
Mabilis na itinikom ni Danny ang kanyang bibig. Bumagsak siya pasubsob sa putikan pero hindi na niya masyadong naramdaman ang sakit. Mas napansin niya ang pakiramdam ng mutya sa loob ng kanyang bibig. Likido iyon nang pumatak sa dila niya pero bigla iyong tumigas at lumamig na parang maliit na holen. Naalala niya na sinabi ng may-ari ng Store Hours na si Hannah na kailangan manatili sa bibig niya ang mutya hanggang mag-umaga kaya isiniksik niya iyon sa isa niyang pisngi na parang candy.
"Danny! Okay ka lang?" worried na tanong ni Ruth.
"Nasalo mo ba?" tanong naman ni Selna.
Sabay na tumakbo palapit sa kaniya ang mga kababata niya at niyuko siya. Tumingala siya, itinaas ang mga braso at nag thumbs up. Halatang nakahinga ng maluwag ang mga ito. Pagkatapos inabot nina Selna at Ruth ang tig-isa niyang kamay, hinila siya at inalalayan makatayo.
"Mutya ba talaga ang nasalo mo?" tanong naman ni Andres na nakalapit na rin sa kanila. Tumango siya. "Anong pakiramdam? May nararamdaman ka bang kakaiba?"
Nilaro ni Danny ng dila ang mutya sa loob ng kanyang bibig para lalong maisiksik iyon sa isang pisngi. Pagkatapos sinubukan niya ibuka ang bibig para magsalita pero mabilis niya rin iyon itinikom uli. Nanlaki ang mga mata niya kasi parang may sariling buhay na kusang gumalaw ang mutya at muntik na makalabas kung hindi lang siya naging alerto.
"Bakit? Anong nangyari?" taranta at sabay-sabay na tanong ng mga kaibigan niya.
Huminga siya ng malalim at umiling. Pagkatapos pinilit niya sumenyas para sabihin na hindi niya puwede ibuka ang bibig. Kumunot lang ang noo ng mga ito, halatang hindi siya maintindihan. Ngumiwi siya at sesenyas sana uli nang biglang nagkaluskusan ang mga dahon ng puno sa paligid nila. Natigilan silang apat at nanlalaki ang mga matang nagkatinginan. Kasi hindi naman humahangin.