NAPAKALAWAK nga ng bakanteng lupain na tinutukoy ni Andres. Matataas ang mga damo at napakaraming puno ng saging. Higit sa lahat sobrang dilim doon lalo at malalim na ang gabi. Mabuti na nga lang hindi umuulan.
"Baka naman may lumabas na namang ibang nilalang ngayong gabi," kinikilabutang sabi ni Selna. "Dapat yata nanghingi tayo ng protective charm sa nanay mo, Ruth."
"Hindi na eepekto sa atin 'yon sabi ni nanay. Kasi naiwan na sa atin ang amoy ng Nawawalang Bayan. Kumbaga may part daw ng pagkatao natin ang nabibilang na sa mundo ng mga kakaibang nilalang kaya kahit ano pang charm ang gamitin natin mararamdaman at maamoy na nila tayo. Kailangan na lang natin mag-ingat at huwag magpadala sa takot kapag may sumulpot."
Pinagpawisan ng malamig si Danny kasi kabado pa rin siyang makakita ng ibang mga nilalang. Hindi pa rin niya nakakalimutan na ilang beses siyang nabiktima ng mga iyon noong pinaglaruan sila ng mga Engkanto. Pero dahil kasama niya ang mga kaibigan niya, nababawasan ang kaba niya. Lalo at alam niyang naroon silang lahat dahil sa kaniya.
"Masyadong maraming puno ng saging. Kailangan yata natin maghiwa-hiwalay para mas marami tayo ma-check kung alin sa mga 'yan ang may puso na naka-bend sa direksiyon ng silangan," sabi ni Andres.
Nagkatinginan silang apat. Pagkatapos tumingin uli sa dilim. Halos magkakasabay na huminga ng malalim bago nagsalita si Ruth. "Wala tayong choice. Kailangan natin maghiwa-hiwalay. Pero huwag masyadong malayo ha? Kapag may nangyari o kaya nakita ang puso ng saging na hinahanap natin, sumigaw lang para malapitan ng lahat, okay?"
"Okay," sagot nilang tatlo.
Tumingin si Danny sa wristwatch na suot niya. Eleven thirty na ng gabi. May thirty minutes sila para maghanap ng puso ng saging. Huminga siya ng malalim at humigpit ang hawak sa flashlight. "Mag-ingat tayo lahat ha? Game!"
Saglit pa naghiwa-hiwalay na sila. Isa-isa niyang inilawan ang mga puno ng saging, humahanap ng puso. May mga nakikita siya pero hindi naman nakayuko at nakaharap sa silangan. Hanggang matingnan na niya lahat ng puno na nadaanan niya pero wala pa rin. Laglag na ang mga balikat na akmang maglalakad na siya pabalik sa starting point nang marinig niya ang malakas na boses ni Selna.
"May nakita ako!"
Naging alerto si Danny at mabilis na tumakbo papunta sa direksiyon kung saan nagpunta si Selna kanina. Mayamaya pa naramdaman na rin niyang tumatakbo rin sina Ruth at Andres hanggang magkakitaan na sila.
Naabutan nila si Selna na nakatayo malapit sa puno ng saging na nag-iisa at malayo sa karamihan. Nakayuko ang puso niyon paharap sa silangan. Napabilis ang lapit nilang tatlo nang kumislap ang dulo ng puso, parang may likidong mahuhulog. Napahinto sila at manghang napatitig lang doon. Hindi niya akalain na talagang may makikita silang mutya ngayong gabi. Masyado silang namangha sa nakikita na nawala sa isip nila kung ano ang dapat gawin para makuha ang mutya.
Nakatunganga pa rin sila nang mahulog na iyon mula sa puso ng saging. Bumagsak ang mutya sa mababang dahon at lalong kumislap bago nahulog sa isa pang dahon at lumipat uli. Katulad iyon ng inaantok na paru-parong dumadapo sa mga bulaklak.
Nakalayo na iyon sa kanila bago nahigit ni Danny ang paghinga. "Kailangan ko nga pala saluhin ng bibig ko!" Natauhan na rin ang mga kaibigan niya. Sinubukan nila habulin ang mutya pero bago pa sila makalapit ay dumapo na iyon sa isang dahon sa huling pagkakataon bago parang bula na pumutok, sandaling nag-iwan ng mga kislap na parang bituin bago tuluyang naglaho.
Napanganga na lang siya at nalaglag ang mga balikat. "Sayang!"
Narinig din niya ang nanghihinayang na ungol ng mga kaibigan niya. Pagkatapos nagkatinginan silang apat.
Tumikhim si Selna. "Baka meron pang puso ng saging na nakayuko sa tamang direksiyon."
Umiling si Danny. "Wala akong nakita sa side ko."
"Wala rin sa pinuntahan ko," sabi naman ni Ruth.
Negative din ang resulta ng paghahanap ni Andres. Matagal na natahimik sila. Napalampas nila ang pagkakataon.
Huminga ng malalim si Danny. "Puwede natin subukan uli bukas ng gabi. Sa ngayon… umuwi na lang muna tayo."
Sumangayon ang mga ito. Pero biglang parang may naisip si Andres. "Alam niyo, imbes na lumabas kayong tatlo at bumiyahe papunta rito ng gabi, bakit hindi na lang kayo magpaalam sa mga magulang ninyo na mag o-overnight kayo sa bahay namin? Sa lunes pa ang balik ng pamilya ko kaya ako lang at ang mga kasambahay ang nasa bahay. Puwede rin tayo sabay-sabay na gumawa ng assignments at magplano ng activities at projects para sa Literature Club. At para sigurado tatawag ako sa bahay ninyo Danny at sa bahay niyo rin Selna, para ipaalam kayo. That way puwede tayo magkita-kita bukas ng hapon. Pagdating ng linggo ipapahatid ko pa kayo sa driver."
"Magandang ideya 'yan," nakangiting sabi ni Danny. Pagkatapos napasulyap siya kay Ruth at nawala ang ngiti. "Paano ka pala? Wala kayong telepono 'di ba? Gusto mo bang ipaalam kita sa nanay mo?"
Ngumiti si Ruth at umiling. "Hindi na kailangan. Sinabi ko sa kaniya ang totoong ginagawa natin."
Oo nga pala. "Pero wala ba siyang sinabi? Hindi ba niya sinabing delikado o na huwag natin gawin kasi baka may maistorbo tayong mapanganib na nilalang o kung ano pa man?"
Umiling uli ang kababata niya. "Nakinig lang siya sa kuwento namin ni Selna at sa dahilan kung bakit gusto natin makuha ang mutya. Tumango-tango lang si nanay at tinanong kung sino ang sasalo. Sabi namin ikaw. Tapos sabi lang niya, 'Ah, kung si Danny, kakayanin niya 'yon. Walang problema'."
Magkahalong tuwa at pagkalito ang naramdaman niya nang marinig ang sinabi ni manang Saling tungkol sa kaniya. Tuwa kasi mukhang bilib ito sa kaniya pero nalito rin siya kasi ano ang kakayanin niya? May iba pa ba siyang kailangan gawin maliban sa saluhin sa bibig ang mutya?
"Anyway, daan tayo sa bahay namin. Gigisingin ko ang driver para maihatid kayo sa inyo," sabi ni Andres na nagsimula na maglakad.
Umagapay dito sina Selna at Ruth habang si Danny naman ay nahuhuli ng ilang hakbang. Hindi pa man sila tuluyang nakakalayo sa sagingan bigla nang nanayo ang mga balahibo niya sa batok. Nanlamig siya kasi pakiramdam niya may nakamasid sa kanila. Huminga siya ng malalim at dahan-dahang lumingon.
Doon, sa sagingan na malapit sa kung saan galing ang mutya, may naaninag siyang pigura. Na para bang may nagtatago sa likod ng mga puno at nag-aabang. Naningkit ang mga mata ni Danny at napahinto sa paglalakad. Kasi mukhang malaki ang nilalang na iyon. Pagkatapos kumabog ang kanyang dibdib nang makita niya sa pagitan ng mga dahon ang isang pares ng galit na mga matang nagliliwanag sa dilim – nakatitig sa kaniya. Mabilis na binawi niya ang tingin at tumakbo pasunod sa mga kaibigan niya.