MATAGAL na tahimik lang sina Danny at Selna habang naglalakad palayo sa tindahan ni Hannah. Siya mahigpit pa ring yakap ang sketchpad ni Mars Ravelo. Si Selna naman hawak ang maliit na charm na binili nito. Bago sila lumiko sa kanto papunta sa main road sabay pa silang lumingon para lang siguruhin kung talagang naroon pa ang Store Hours. Nakatayo pa rin iyon doon, mukhang normal na tindahan kung titingnan sa labas. Ilan pa kaya ang papasok doon at malalaman na hindi iyon pangkaraniwan?
Binasag ni Selna ang katahimikan. "Kung nangyari ito sa atin last year, baka nabaliw ako kasi hindi ako maniniwala sa mga sinabi niya."
Inalis ni Danny ang tingin sa Store Hours para ituon ang atensiyon sa kababata. "Tingin mo mapagkakatiwalaan siya?"
Nagtama ang mga paningin nila. Pagkatapos itinaas nito ang hawak na charm at bahagyang iwinagayway sa harap niya. "May nararamdaman ka bang kakaiba?"
Kumunot ang noo niya, naguluhan sa tanong nito. "Wala naman masyado. Bakit?"
Itinigil ni Selna ang ginagawa at ibinulsa ang charm. Pagkatapos marahas itong bumuntong hininga, matalim na tiningnan ang direksiyon ng Store Hours at bumulong. "Niloloko lang yata tayo 'non eh. Umuwi na nga lang tayo."
Kumapit na ito sa braso niya at hinila siya palayo sa street na iyon at papunta naman sa main road para maghintay ng tricycle. Hindi pa sila nagtatagal na nakatayo sa sidewalk ay biglang may tumawag sa mga pangalan nila. Sabay na lumingon sina Danny at Selna.
"Akala ko umuwi na kayo?" gulat na tanong ni Ruth. Kasama nito si Andres at mukhang pauwi na rin galing sa school. O pauwi na nga ba talaga?
"Pauwi na talaga kami kanina pero may nangyari sa amin. Mamamangha kayo!" sabik na sabi ni Selna.
"Really? Then gusto niyo bang tumambay muna? Bibili sana kami ni Ruth ng fruit shake bago umuwi. Sabihin niyo sa amin kung ano ang nangyari," sagot ni Andres.
Parang nilamutak ang sikmura ni Danny. Tama siya ng hinala na hindi pa uuwi ang mga ito. May balak pa palang mag bonding.
Pumayag si Selna sa alok ni Andres. Mayamaya pa pumasok na sila sa popular tambayan ng mga taga Tala High School. Malapit lang kasi sa campus, masarap at mura pa ang paninda. May ilang estudyante roon na napalingon nang dumating sila. Palibhasa sikat si Andres. Pagkatapos tipid na batiin ng kaibigan nila ang mga ito ay biglang nagkaroon ng bakanteng lamesa para sa kanilang apat. Ibang klase talaga.
Hinintay muna nila maka-order ng shake sina Andres at Ruth (wala na kasi silang pera ni Selna dahil sa mga binili nila sa Store Hours) bago sinabi ang lahat nang nangyari. Mula sa paglitaw ng rainbow, sa paghahanap nila sa isang dulo niyon at ang pagsulpot ng tindahan ni Hannah.
Nang sinasabi na nila ang tungkol sa mga kakaibang paninda roon ay nanlalaki na ang mga mata nina Andres at Ruth. Lalo at pinakita pa niya sa mga ito ang sketchpad na nabili niya. Naging seryoso ang usapan nang mabanggit na nila ang tungkol sa mga garapon, lalo na ang jar of memories at kung bakit gusto niyang mabili iyon.
Natahimik sa lamesa nila. Bumakas ang lungkot at simpatya sa mukha ni Ruth. "Natatandaan ko ang nangyari sa kuya mo. Eight years old lang tayo nang mangyari 'yon pero hanggang elementary graduation walang araw na hindi siya napag-uusapan sa sitio natin. Malapit na nga pala ang death anniversary niya."
Nalungkot na naman si Danny at marahang tumango. "Nag-iiba na naman ang mood ng mga magulang ko. Si mama… nagiging iyakin na naman. Si papa naman tahimik at bihira na magsalita. Narinig ko pang sinabi ni mama na kung alam lang nila ang totoong nangyari kay kuya baka mas mapanatag sila. Baka matanggap na nila na wala na talaga si kuya."
Bumalik sa isip niya ang hitsura ng jar of memories. Kumuyom ang mga kamao niya. "May pag-asa na akong malaman ang totoong nangyari seven years ago. Kaso hindi pera ang gusto ni Hannah para ibigay niya sa akin ang garapon na kailangan ko."
"Kung hindi pera, ano ang gusto niya?" nagtatakang tanong ni Andres.
Nagkatinginan sina Selna at Danny. Pagkatapos sinabi nila ang tungkol sa mahiwagang mutya at kung paano iyon makukuha. "Napakaimposible 'di ba?"
Sandaling natahimik silang lahat. Pagkatapos nagsalita si Ruth. "Walang imposible kung magkakasama tayong maghahanap. Sa tingin ko kasi, kailangan ng pamilya mo ng closure, Danny. Kung ang paraan para mangyari iyon ay malaman ang totoong nangyari sa pamamagitan ng jar of memories, tutulong ako sa abot ng makakaya ko para makuha natin ang mutya."
Na-touch siya sa determinasyong narinig niya sa boses nito. Nginitian niya ito. "Salamat, Ruth."
"Tutulong din ako," sabi naman ni Andres. "May malawak na bakanteng lupain malapit sa Villa Ilaya. Sa pagkakatanda ko maraming puno ng saging doon. Puwede tayo magsimula sa paghahanap kahit mamayang gabi."
"Kaso malabong payagan ako ng parents ko na lumabas mamaya. Hindi pa rin nila nakakalimutan ang nangyari sa atin few weeks ago," sabi ni Selna.
"Sabihin mo makikitulog ka sa bahay," sagot ni Ruth. "Sigurado ako na papayag sila. Tapos hindi natin kailangan magsinungaling kay nanay kung saan tayo pupunta kasi maiintindihan niya tayo. Saka distracted naman ang parents mo lately kasi nasa bahay na ninyo si baby Raye, 'di ba?"
"Okay. Daan tayo sa bahay mamaya para makapagpaalam," nakangiti nang sabi ni Selna. Pagkatapos bumaling ito sa kaniya. "Ikaw, Danny? Kailangan ka rin ba namin ipaalam?"
Umiling siya. "Alas siyete pa lang ng gabi nagkukulong na sila sa kuwarto nila. Hindi na nila ako napapansin kaya makakatakas ako. Ikaw, Andres, papayagan ka ba lumabas ng gabi?"
Ngumiti ito pero napansin niyang sandaling naging malungkot ang mga mata nito. "Wala ang pamilya ko sa bahay ngayon. Nagpunta ng manila para pasyalan ang kaibigan ni lolo. Walang magbabawal sa akin umalis."
Mayamaya pa gumawa na sila ng plano. Magkikita sila nina Selna at Ruth sa bungad ng tulay na lupa ng alas otso. Pagkatapos babiyahe sila papuntang sa bahay ng mga Ilaya at doon magpapalipas ng oras.
Nang magkasundo at maubos na ang shake na inorder nina Ruth at Andres ay tumayo na sila at umuwi sa kani-kanilang bahay.