DALAWANG LINGGO pagkatapos ng recruitment day, unti-unti napansin ni Danny na nagbabago ang mood sa bahay nila. Kung dati kapag nagising siya sa umaga para maghanda sa pagpasok ay maririnig niyang nagkukuwentuhan ang mga magulang niya sa kusina, lately tahimik ang mga ito. Madalas din nahuhuli niyang tulala ang mama niya. Ang papa naman niya ginagabi ng uwi samantalang dati alas siyete pa lang nasa bahay na ito.
Isang gabi rin naalipungatan siya nang ala una ng umaga kasi may narinig siyang mahinang ingay mula sa labas ng kuwarto niya. Maingat siyang bumangon. Hinayaang patay ang ilaw na lumapit siya sa pinto at dahan-dahan iyong binuksan. May liwanag sa kusina nila. Mas naging malinaw rin sa kanyang pandinig ang ingay.
Umiiyak ang kanyang ina. Sa pagitan ng mga hikbi narinig niya ang mahina at paos na boses nito.
"Napanaginipan ko siya. Humihingi siya ng tulong. Tinatawag niya tayo pero hindi natin siya nailigtas."
Narinig din niya ang mahina at masuyong boses ng papa niya, nang-aalo.
"Kung alam ko lang kung ano talaga ang nangyari, mas mapapanatag ako. Kaso hindi eh," umiiyak pa rin na sabi ng mama niya.
Sumikip ang dibdib ni Danny at uminit na rin ang kanyang mga mata. Maingat na isinara niya uli ang pinto ng kuwarto at humiga uli sa lower bed ng double deck. Pero hindi na siya nakatulog. Tumitig siya sa kamang nasa taas at bumulong. "Kuya, umiiyak na naman si mama." Suminghot siya, kinusot ang mga mata para hindi matuloy ang pag-iyak at saka tumagilid. Niyakap niya ang mga tuhod at pinilit matulog uli. Pero naging mahirap na iyon para sa kaniya.
Naging aware na kasi siya na mas maluwag na kaysa dati ang kuwartong iyon. Na sa dalawang study table doon, matagal nang walang laman ang isa maliban sa nakapatong na picture frame. Hindi na niya nadaan sa imagination ang lahat. Kasi ang totoo, matagal nang walang natutulog sa itaas na double deck. Matagal na siyang nag-iisa sa kuwarto na iyon.
Totoo na may nakatatandang kapatid si Danny at mahal na mahal niya ito. Si kuya Lando. Pero pitong taon ang nakararaan, nagpaalam lang itong magpapatrol sa bayan dahil volunteer tanod ito pero hindi na bumalik.
Maulan nang gabi na iyon. Kumatok ang mga tanod sa bahay nila para ibalita na bigla na lang daw nawala ang kuya niya na parang bula. Ang tanging nakita lang ng mga ito ay bakas ng paa sa maputik na daan papunta sa direksiyon ng gubat. Pero ang nakapagtataka, bago pa man tuluyang makapasok sa masukal na kagubatan ay bigla na lang naputol ang footprints ng kanyang kuya Lando. Wala ring bakas ng putik sa kahit saang direksiyon na posibleng tinahak nito. Basta bigla na lang ito nawala.
Pagkalipas ng isang linggo, saka lang nila nakita si kuya Lando. Pero wala na itong buhay at wala ring dugo ang katawan. Napansin din ng mga nakakita sa katawan nito ang dalawang maliit na butas sa leeg nito. Parang kinagat ng kung anong mabangis na hayop. O mas malala, pinatay ng kung anong nilalang na mas nakakatakot pa kaysa hayop.
Mula noon tuwing nalalapit na ang anibersaryo ng pagkamatay ng kapatid ni Danny, nagiging tulala at malungkutin ang mga magulang niya. Kahit siya bumibigat ang pakiramdam. Hindi pa rin nila matanggap hanggang ngayon ang naging pagkawala ni kuya Lando. Lalo at hindi pa rin malinaw kung ano ba talaga ang nangyari seven years ago.
Kung malalaman kaya nila ang katotohanan, makakalaya kaya ang pamilya niya sa walang katapusang cycle ng pagluluksa tuwing malapit na ang death anniversary ni kuya Lando? Kung sana totoo ang time machine. Babalik si Danny sa nakaraan at aalamin ang totoong nangyari.
Iyon pa rin ang nasa isip niya hanggang sa wakas makatulog na siya. Pero hindi ang kuya niya ang naging laman ng panaginip niya kung hindi ang misteryosong tindahan na nakita niyang sumulpot sa dulo ng bahaghari noong nagpunta sila sa Villa Ilaya. Pero sa panaginip malinaw na niyang nakikita ang nakasulat sa pinto. Store Hours. Tindahan Ng Mga Natatanging Bagay, Sagot Sa Lahat Ng Kahilingan. Murang Mura lang.
KINABUKASAN lalong tumindi ang kalungkutan sa bahay nina Danny. Sinabayan pa iyon ng malakas at walang tigil na ulan. Ni hindi sila nag-usap ng tatay niya habang bumibiyahe sila papunta sa Tala High School. Distracted tuloy siya at halos walang naintindihan sa lahat ng naging klase nila. Napapatingin lang siya palagi sa labas ng bintana, naghahalo sa isip ang alaala ng nangyari seven years ago at ang panaginip niya kagabi.
"Huy, Danny. Okay ka lang ba?"
"Ha?"
Kumunot ang noo ni Selna na biglang kinurot ang magkabilang pisngi niya. "Aray," reklamo niya.
"Ang tahimik mo mula pa kaninang umaga. Hindi ako sanay. May sakit ka ba? Gusto mo bang umuwi na lang?"
Kumurap siya at iginala ang tingin sa paligid. Nasa loob na sila ng literature club room. Nakatayo sa harapan sina Andres at Ruth, may ipinapaliwanag na activity sa sampung freshmen na bago nilang members. Noong unang araw na nagrecruit sila nasa kuwarenta ang gusto sumali pero kada araw nababawasan. Hanggang ngayon nga hindi pa rin sila sigurado kung aabot sa graduation nila ang natitirang sampu.
"Danny?" Bumuntong hininga si Selna. Pagkatapos nagulat siya nang bigla itong lumingon kina Andres at malakas na sinabing, "Guys, mauuna na muna kami umuwi ha? Masama pakiramdam ni Danny."
Nanlaki ang mga mata niya, binuka ang bibig para sabihing okay lang siya pero… totoo na hindi maganda ang pakiramdam niya. Magiging kill joy lang siya kung mananatili roon. Kaya tumayo siya mula sa pagkakasalampak sa sahig at nahihiyang ngumiti. "Sorry."
Halatang nag-alala sina Andres at Ruth. Mukhang lalapit pa nga sa kaniya pero itinaas niya ang kamay para pigilan ang mga ito. "Ituloy niyo ang activity. Mauna na kami."
"Mag-iingat kayo ha?" sabi ni Ruth, halatang nag-aalala pa rin.
Naging masuyo ang ngiti ni Danny at tumango. Saka sila umalis ni Selna. Huminto na ang ulan kaya hindi na nila kinailangan magpayong palabas ng school. Nang naghihintay na sila ng tricycle, sumilip na ang araw. Sabay silang napatingala. At parehong namangha nang makitang may lumitaw na rainbow.
"Wow. Nang huli tayo makakita ng rainbow ay noong nagpunta tayo kina Andres, 'di ba? Ang ganda talaga 'no?" pabuntong hiningang sabi ni Selna.
Natigilan si Danny kasi naalala na naman niya ang panaginip kagabi. Agad na hinanap niya ng tingin ang direksiyon kung nasaan ang dulo ng bahaghari. Parang malapit lang iyon. Kumabog ang kanyang dibdib. Bago pa siya nakapag-isip hinawakan na niya ang kamay ni Selna at hinila ito patakbo.
"Anong nangyari sa'yo Danny? Saan tayo pupunta?"
"Basta may gusto lang ako masiguro."
Ilang minuto silang lakad-takbo. Hanggang makaliko sila sa isang kanto at makita na niya sa wakas kung nasaan nakaturo ang dulo ng rainbow.
"Danny, napapagod na ako," reklamo ni Selna.
Humigpit ang hawak niya sa kamay nito. "Malapit na tayo."
Takbo pa sila uli hanggang makita niya ang isang bakanteng lote. Kumikinang na naman iyon, may iba-ibang kulay na naman. "Selna, tingnan mo 'yon maigi!"
Naramdaman niyang lumingon ang kababata at napasinghap nang makita ang nakikita niya. Para na namang multo na unti-unting sumulpot ang Store Hours, see-through noong una hanggang naging solid na iyon. Na para bang talagang noon pa nakatayo roon ang tindahan.
"Wow. Ano 'yan? Bakit biglang sumulpot?" manghang sabi ni Selna.
Pinisil niya ang kamay nito. "Pasok tayo."
Gulat na nilingon siya nito. "Seryoso ka?"
Sinalubong niya ng tingin ang mga mata ni Selna. "Seryoso ako."
Ilang segundo ang lumipas bago ito tumango. "Okay. Tara."
Magkahawak ang kamay na lumapit sila sa pinto ng Store Hours. Pinihit niya ang doorknob. Hindi naka-lock. Huminga siya ng malalim at saka iyon binuksan.