Chereads / MOON BRIDE UNIVERSE: Spiral Gang / Chapter 3 - Ang Anak Ng Manggagamot (2)

Chapter 3 - Ang Anak Ng Manggagamot (2)

Pagpasok sa bahay binati siya ng mga magulang nina Selna. Inalok pa siya ng merienda. Kaunti lang ang mga taong gusto ni Ruth at kasama ang pamilya Villamor sa mga iyon. Magkaibigan ang mga magulang nila mula noong kabataan daw ng mga ito. Nang magkagustuhan ang ate Faye niya at si kuya Rafael, hindi nagdalawang isip ang mga ito na tanggapin sa pamilya ang kapatid niya kahit hindi pabor ang mga kamag-anak ng mga ito. Kahit kasi takbuhan ng buong bayan ang nanay niya, deep inside halos walang gusto mapalapit sa kanilang magkapatid. Walang gusto maging related sa mga anak ng manggagamot. Lalo na sa kaniya. Kaya nga sa loob ng fifteen years ng buhay niya, dalawa lang ang masasabi niyang kaibigan… o tatlo. Pero hindi na lalampas pa roon.

Pagkatapos nila mag merienda umakyat na sila sa kuwarto ni Selna. Kung siya napapalibutan ng libro kanina, ang kama naman ng kaibigan niya puno ng teen fashion magazines at songhits. Parang nadagdagan din ang poster ng boybands na nakadikit sa pader nito kaysa noong huli siya dumalaw doon. Lumapit ito sa maliit na cassete player na nakapatong sa study table nito at pinindot ang play button. Mahinang tumugtog ang kanta ng Nsync na alam niyang personal nitong nirerecord sa tape mula sa pinapatugtog sa FM radio stations.

Hindi pa sila nagtatagal sa kuwarto nito may narinig na silang busina mula sa labas ng bahay. Nagkatinginan sina Ruth at Selna. Kasi alam nila kung kaninong busina iyon.

"Tao po! Selnaaaa!"

Sabay silang tumayo mula sa pagkakaupo sa kama at sumilip sa labas ng bintana. Nakatingala si Danny, nakasakay pa sa bisikleta nito. Kaedad nila ito. Matangkad na medyo chubby. Maamo ang mukha at mas matatawag na cute kaysa guwapo. Good boy hindi lang hitsura kung hindi pati ang ugali. Nakasuot ito ng eyeglasses kasi elementary pa lang sila malabo na ang mga mata nito.

Ngumiti si Danny nang makita sila. "Ruth! 'Buti naman nandiyan ka. Dadaanan din sana kita sa inyo eh."

"Bakit ba?" tanong ni Selna sa kababata nila.

"May tinayong perya sa bayan. Punta tayo. Pupunta raw ang mga kaklase natin eh."

Napangiwi si Ruth. Umatras at akmang babalik ng upo sa kama pero mabilis na kumapit sa braso niya si Selna. Nakatingin pa rin ito kay Danny. "Teka lang, bababa na kami!"

"Ayoko sumama," reklamo niya. Isipin pa lang na makikita niya ang mga kaklase nila, pinagpapawisan na siya ng malamig.

Hinarap siya ng kaibigan niya. "Pupunta tayo at mag e-enjoy. Huling summer vacation na high school students tayo. Gumawa naman tayo ng memories na maaalala natin pagtanda natin. Saka chance na 'to para makita ng classmates natin na isa ka ring normal na teenager. Para hindi na sila nag-iisip ng kung anu-anong hindi maganda tungkol sa'yo."

Umiling si Ruth. "Mula pa noong bata ako, tingin na nila sa akin mangkukulam at nakakatakot ako. Hindi 'yon mababago ng isang araw lang."

Biglang hinawakan ni Selna ang magkabilang pisngi niya at tinitigan siyang maigi. "Huwag ka magsalita ng ganiyan. Hindi pa huli ang lahat para makita nila kung ano ang nakikita namin nina Danny sa'yo. Ikaw kaya ang pinakamaganda, pinakamabait at pinakamatalinong tao na kilala ko."

Lalo napangiwi si Ruth. Hindi siya komportable kapag pinupuri siya ng ganoon at alam niyang alam iyon ni Selna. Strategy ng kaibigan niya na purihin siya ng purihin hanggang mapapayag na siya sa gusto nito. Hinawakan niya ang mga kamay nito at inalis iyon sa magkabilang pisngi niya. "Oo na. Sasama na ako."

Ngumisi si Selna at mahigpit siyang niyakap. "Yes!" Narinig na naman nila ang busina ni Danny kaya naghiwalay na sila. Pagkatapos bumaba na sila at nagpaalam sa parents nito. Naghihintay pa rin sa labas ang kaibigan nila na nakatayo na sa tabi ng bike nito at pinupunasan ng laylayan ng t-shirt ang eyeglasses. Nang mapansin sila isinuot nito uli iyon at ngumiti. "Daan tayo sa bahay namin para maibalik ko 'tong bike ha."

Sumangayon sila. Malayo kasi sa bayan (ang tawag nila sa sentro ng Tala) ang sitio na iyon. Kailangan pa sumakay ng tricycle na tatawid naman sa isang makipot at mahabang tulay na tanging daan para makapasok at makalabas sa sitio. Bangin ang nasa magkabilang gilid niyon kung saan umaagos naman ang ilog na ang tubig ay mula sa bundok at papunta naman sa dagat sa kabilang bahagi ng Tala.

Alas singko na nang makarating sila sa bayan. Sa may plaza nagtayo ng perya. Hindi pa masyadong madilim pero bukas na ang mga ilaw ng rides at booths. Marami na rin tao sa paligid at mukhang may pumasok na sa hunted house booth kasi nag-echo ang sigawan mula sa loob niyon.

"Cotton candy! Bili tayo," masayang aya ni Selna na hinawakan ang kamay niya at balak siya hilahin papunta sa hilera ng food stalls.

"Mamaya na ang pagkain. Bumili muna tayo ng ticket para sa freak show. 'Yon ang dahilan kaya ko kayo inaya eh," reklamo ni Danny na hinawakan naman ang kabilang braso niya para hindi siya mahila ni Selna. Mahilig kasi sa mga kagila-gilalas na nilalang at superpowers ang binatilyo. Noong kinder sila hanggang elementary kapag tinatanong sila ng teachers kung ano ang gusto nito maging ang palagi nitong sagot ay, "Maging superhero!"

"Hey! Nandito rin kayo?"

Na-tense si Ruth nang marinig ang masayang boses na iyon na galing sa bandang likuran niya. Huminto sa pagtatalo ang mga kaibigan niya at lumingon. Umaliwalas ang mga mukha nina Selna at Danny. Pagkatapos kumaway pa ang mga ito at sabay na sumigaw, "Andres!"

Pasimple siyang huminga ng malalim kasi naramdaman na niyang lumapit sa kanila ang lalaki. "Kayo ha, may usapan pala kayong pupunta sa perya, hindi niyo ako sinabihan."

"Kailangan pa ba? Marami naman siguradong mag-aaya sa'yo," sabi ni Danny.

"Pero alam niyo naman na kayo ang first priority ko. Lalo na napasama niyo si Ruth. Hi, Ruth. Long time no see."

Lumunok siya bago pumihit paharap. Kahit nakakasilaw para sa kaniya, pinilit niyang tingnan ang mukha ni Andres. "Ngayon lang tayo makukumpleto nang wala tayo sa loob ng club room o library, 'di ba? Sa inyo ako sasama mag-ikot sa perya. Okay lang ba, Ruth?" nakangiting tanong nito.

Three seconds. Ganoon kaiksing sandali lang niya nagawang salubungin ng tingin ang mga mata nito bago siya yumuko at tumango. Ang hirap naman kasi tingnan ni Andres. Masyado itong guwapo at malakas ang dating kaya nahihirapan siya maging komportable sa presensiya nito.

"Andres! Ano pang ginagawa mo diyan? Let's go," sigaw ng kung sino sa isang grupo ng mga teenager na nakatayo ilang metro ang layo mula sa kanila. Mga estudyante rin ng Tala High School ang grupo. Rich kids ng school. Mga dayo ang mga magulang na nagtayo ng kung anu-anong negosyo sa bayan at nagdesisyon na doon na manirahan. Ang mga ito ang tipo ng teenager sa lugar nila na nagbabakasyon sa maynila kapag ganoong walang pasok. Nakakapagtaka na naroon ang mga ito.

"Sorry! Mauna na kayo. Sasama ako sa orgmates ko ngayong gabi."

Nagkatinginan sina Ruth, Selna at Danny nang tapunan sila ng masamang tingin ng grupo. Pero kahit nagrereklamo hindi rin naman napilit ng mga ito si Andres na sumama. Sa huli umalis din ang mga ito pagkatapos mag promise ni Andres na sasama sa balak namang swimming ng grupo sa darating na weekend.

"Grabe. Ikaw lang talaga ang puwede mang indiyan ng mga kasama na walang magagalit sa'yo. Iba ka talaga," bilib na sabi ni Danny.

"Wala eh, siya ang prinsipe ng Tala High. Mahirap magalit sa kaniya. Tingnan mo nga, kahit sila na hindi tubong Tala gusto siya maging bestfriend," sabi naman ni Selna.

Nahihiyang tumawa si Andres at napahawak pa sa batok. "Huwag niyo na nga ako inaasar. Saka kahit magalit man sila sa akin, mas gusto ko pa rin kayo kasama. Loyal ako sa Literature Club."

"Dapat lang maging loyal ka. Apat na lang tayong member eh," natatawang sabi ni Danny.

Ang Literature Club ang isa sa mga pinakamatandang organization sa Tala High School. Elementary pa lang siya naririnig na niya kung gaano kasikat ang org na iyon mula sa mga kuwento ng ate Faye niya na that time ay high school student. Member pa nga raw ito at si kuya Rafael ng club na iyon. Kaya nang maging first year si Ruth, kahit hindi siya sanay sa maraming tao at hindi proactive, hinanap niya agad ang club room ng Literature Club at lakas loob na sumali.

Ang hindi niya inaasahan, sa nakaraang mga taon pala bago siya maging high school, nabawasan na ang mga estudyante na interesado sa club. Dumami na kasi ang sports team at iba pang organization sa school at sa mga iyon mas interesado ang karamihan. Kaya nang maging member siya ng Literature Club, sampu lang ang seniors niya. Pagkatapos sina Selna, Danny at Andres lang ang ka-year niya na sumali. Nang unti-unting maka-graduate ang mga mas matatanda sa kanilang estudyante at walang mas bata na gusto sumali, natira na lang silang apat.

"Kapag ginalingan natin ang promotion sa pasukan, madadagdagan tayo. Huwag kayo mawalan ng pag-asa," sabi ni Andres.

Ito ang isa pa sa mga hindi niya inaasahan nang sumali siya sa Literature Club. Kung hindi dahil sa club, malabong maging related sila ni Andres sa isa't isa. Hindi naman kasi sila naging magkaklase kahit kailan maliban last year, noong third year high school sila. Grade five pa lang popular na ito. Matalino, athletic, paborito ng mga teacher at lahat ng girls crush ito. Higit sa lahat isa itong Ilaya, ang pinakamatanda at pinakamayamang pamilya sa bayan ng Tala.

Parang may sinasabi pa si Andres kina Selna at Danny nang bigla itong sumulyap kay Ruth. Nang magtama ang mga paningin nila saka lang niya narealize na nakatitig pala siya sa mukha nito. Nginitian siya nito. Nagbaba uli siya ng tingin.

Mayamaya tumalikod na ang mga ito at nagsimula maglakad. Sumunod siya, tumitig sa likod ni Andres at masuyong ngumiti. Nakakangiti lang kasi si Ruth ng ganoon kapag walang nakakakita.