Chereads / MOON BRIDE UNIVERSE: Spiral Gang / Chapter 5 - Mag-ingat Sa Amoy Ng Bulaklak (2)

Chapter 5 - Mag-ingat Sa Amoy Ng Bulaklak (2)

Mayamaya may sumitsit kay Ruth. Hindi siya lumingon. Sumitsit uli at biglang may magaan na kamay na humaplos sa braso niya. Halos mapatalon siya sa gulat at napalingon sa tumatawag sa atensiyon niya. Nakatayo pala siya sa tabi ng isang maliit na booth kung saan nakaupo ang isang magandang babae. May tarot cards sa harapan nito. Manghuhula. Mukhang kasing edad lang ito ng ate niya. Mahaba ang itim na buhok nito na may parteng kumikislap. Nilagyan ba nito ng glitters ang buhok nito?

"May importanteng bagay kang naiwala, miss. Kaya ngayon naaamoy at nakikita ka nila. Katulad nang kung paanong naaamoy at nakikita mo rin sila."

Napatitig si Ruth sa mukha ng babae na direkta ring nakatingala sa mukha niya. "Anong sinasabi mo?"

Ngumiti ito. "Huwag mo balewalain ang napapansin mong signs, miss. Kasi totoo ang kutob mo. Nakikita ko sa aura mo na marami kang alam tungkol sa kanila. Hindi ka ordinaryong tao, tama ba?"

Tarantang sinulyapan ni Ruth ang mga kaklase niya at nakahinga ng maluwag na walang nakarinig sa manghuhula. Ayaw niyang lalo pang matakot at mailang ang mga ito sa kaniya.

"Gusto mo bang hulaan din kita? Palad mo lang, makikita ko na ang mangyayari sa'yo sa hinaharap. Magaling akong manghuhula, miss. Fifty pesos lang."

Ibinalik niya ang tingin sa manghuhula. "Hindi ho ako interesado malaman ang hinaharap ko." At masyado siyang mahal maningil.

Pinakatitigan siya nito at biglang ngumiti. "Hindi ka naniniwala sa akin, 'no? Sige bibigyan na lang kita ng libreng hula. Balang araw, kapag nagkatotoo, maalala mo lang ako, sapat nang bayad para sa akin. Pahiram ng kamay mo." Umiling siya. "Sige na, libre 'to. Interesado lang talaga ako malaman kung ano ang mangyayari sa'yo." Ngumiwi si Ruth pero sa huli pinagbigyan din niya ito. Inilahad niya ang kamay sa harapan ng manghuhula na maingat iyong hinawakan at pinakatitigan.

Bigla narealize niya na hindi gumagalaw ang babae at hindi kumukurap habang nakatitig sa palad niya. Namangha siya at hindi rin tuloy inalis ang tingin dito. Kumikislap-kislap pa rin ang ilang parte ng buhok nito pero wala siyang makitang glitters. Paano kaya nito nagawa 'yon?

Biglang naalis ang tingin ni Ruth sa buhok ng manghuhula nang suminghap ito at gumalaw na uli. Nagulat siya nang pagtingala nito sa kaniya ay nakita niyang tumutulo ang mga luha nito. Parang nilamutak ang puso niya nang makita ang labis na kalungkutan at pagdurusa sa mga mata ng babae. Nanlamig siya kasi may palagay siyang umiiyak ito dahil sa nakita nitong future niya. Ibinuka nito ang bibig pero naunahan siya ng takot kaya mabilis niyang hinila ang kamay niya palayo rito.

"Huwag mo na sabihin sa'kin," pigil niya.

Bumakas ang pag-unawa sa magandang mukha ng manghuhula. "Hayaan mong sabihin ko lang sa'yo ang isang bagay, miss. May taong nakalaan para sa'yo pero marami pa kayong pagdadaanan bago kayo magiging masaya. Nakatakda kang maipit sa pagitan ng dalawang magkasalungat na panig at wala kang magagawa kung hindi hayaang umayon ang lahat sa dapat mangyari. Sa tuwing darating ka sa punto ng buhay mo na akala mo hindi mo na kaya, isipin mo lang na matindi rin ang nararanasan niya at na pareho kayong hindi makakatikim ng saya kapag may isa sa inyo ang sumuko."

Hindi niya naiintindihan ang sinasabi ng manghuhula at sa totoo lang gusto niyang kalimutan ang mga iyon sa lalong madaling panahon. Pero may kung ano sa pagtitig nito sa kanyang mga mata na nagsasabi sa kaniyang kahit maraming taon ang lumipas, hindi mawawala sa isip at puso niya ang mga sinasabi nito ngayon.

"Ruth, ano pang ginagawa mo diyan? Kanina pa nakaalis ang iba."

Kumurap siya at lumingon nang lumapit sa kaniya si Andres. Kumunot ang noo nito nang sumulyap sa manghuhula bago nito hinawakan ang braso niya at hinila siya para lumapit kina Selna at Danny at sa walo pang natitirang kaklase nila.

"Isang paalala lang ngayong gabi!" habol pa ng manghuhula. "Mag-ingat sa amoy ng bulaklak. Alam mo ang sinasabi ko, miss!"

"Medyo nakakatakot naman pala 'yung manghuhula. Akala ko harmless kasi bata pa at maganda," kunot noong sabi ni Selna nang makalapit sila ni Andres sa mga ito.

Huminga ng malalim si Ruth. "Nasaan na ang iba?" pag-iiba niya sa usapan para hindi na magtanong ang mga kaibigan niya kung ano ang nangyari sa kanila ng manghuhula. Nararamdaman kasi niya na gusto magtanong ng mga ito.

"Nahati ang klase sa apat kada grupo," paliwanag ni Danny. "Bawat grupo may dalang mapa at flashlights. Lalabas sa exit tapos pupunta sa gubat. Hahanapin ng grupo ang mga palatandaan na inilagay ng booth coordinator. May premyo raw sa bawat tanda. Kapag nakuha na ang lahat ng premyo babalik na uli dito. Ganoon lang kasimple."

"Okay, next group!" sigaw ng isa sa dalawang bantay ng booth. Nagpaalam ang apat na kaklase nila at bitbit ang flashlights na naglakad na palayo papunta sa direksiyon ng gubat. "Next group," sabi uli ng bantay makalipas ang ilang minuto. Silang apat na lang ang natitira kaya pumuwesto na sila sa labasan ng perya. Inabutan sila ng tig-iisang flashlight habang ang mapa naman si Andres ang humawak kasi ito ang tatayong group leader.

Napatitig si Ruth sa flashlight na hawak niya. Hindi niya maintindihan pero parang may mali sa gabing iyon. Sa tuwing gusto niya sabihin kina Selna ang nararamdaman niya, hindi naman siya makahanap ng tamang salita para ipaliwanag kung anong mali. Huminga siya ng malalim at lalong nanuot sa ilong niya ang matapang na amoy ng sariwang bulaklak.

"Last group. Good luck sa inyo at enjoy," sabi ng bantay.

Hinawakan ni Selna ang kamay niya at nagsimula na sila maglakad palabas. Nang makalabas na sila sa perya naisipan ni Ruth na lumingon sa pinanggalingan nila. Kumabog ang dibdib niya nang mapansin na nakatingin na naman sa kaniya ang mga dayo. Malayo ang mga ito sa kaniya pero sa kung anong dahilan ay malinaw niyang nakikita ang mukha ng mga ito. Magaganda at guwapo talaga. Parang hindi mga normal na tao –

Nahigit niya ang kanyang hininga nang isa-isang ngumiti ang mga ito na para bang aliw na aliw. Saka siya may napansing kakaiba. Parang nilamutak ang sikmura niya at humigpit ang hawak niya sa kamay ni Selna. Mabilis niyang binawi ang tingin at tumingin sa tatlong kaibigan niya.

"Huwag tayo tumuloy," garalgal na sabi ni Ruth.

Gulat na lumingon ang mga ito sa kaniya. "Bakit? Natatakot ka ba? Huwag ka mag-alala, nandito naman kami ni Andres," sabi ni Danny.

"Saka nandito na tayo sa loob ng gubat. Sayang naman kung babalik pa tayo," sabi naman ni Selna.

Kumurap si Ruth at gulat na iginala ang tingin sa paligid. Kasi napapalibutan na nga sila ng matataas na puno at nakabukas na ang mga flashlight na hawak nila. Kailan pa sila nakapasok doon?

Lumingon siya uli at narealize niya na sobrang layo na nila sa perya at mahina na sa pandinig niya ang ingay na nagmumula roon. Pero bakit nanunuot pa rin sa ilong niya ang amoy ng bulaklak?

Hindi na talaga niya kaya pa balewalain ang mga napapansin niya. Isinuksok niya ang isang kamay sa bulsa at parang nilamutak ang sikmura niya nang hindi nakapa ang protective charm na inilagay niya roon kanina bago sila umalis sa bahay nina Selna. Iyon ang sinasabi ng manghuhula kanina na naiwala niya!

"Ruth?" nagtatakang tawag ni Selna sa pangalan niya sabay pisil sa kamay niyang hawak pa rin nito.

Isa-isa niyang tiningnan ang mukha ng mga kaibigan niya, sinisiguro na talagang mga kaibigan niya ang mga ito. Nang makumpirma ay huminga siya ng malalim. "Hindi ko alam kung maniniwala kayo sa akin pero may kailangan ako sabihin sa inyo."

"Ano 'yon?" tanong ni Danny.

"Huwag na tayo bumalik sa perya. Umuwi na tayo."

Halatang nagulat ang tatlo. "Pero bakit?" nagtatakang tanong ni Andres.

Sa totoo lang, ang binatilyo ang huling tao na gusto niyang makaalam kung gaano siya ka-weirdo. Pero kailangan niya sabihin kasi dahil sa kaniya may posibilidad na mapahamak ang mga ito.

"Kasi hindi lang taga Tala at taga kalapit bayan ang mga nasa perya. May iba pang mga dayo ang nagkalat doon. O baka hindi dayo ang dapat itawag sa kanila kasi sabi ni nanay nauna pa raw sila manirahan sa Tala bago ang mga tao at –"

"Ruth? Anong sinasabi mo? Sino pa ang nasa perya?" nagtatakang tanong ni Selna.

Huminga siya ng malalim bago sumagot, "Mga engkanto."