Chereads / MOON BRIDE UNIVERSE: Spiral Gang / Chapter 11 - Sitio Nawawala (2)

Chapter 11 - Sitio Nawawala (2)

Ngayong inaalala ni Ruth ang nakaraan, naging malinaw sa alaala niya na may mga nilalang na hindi nakikita ang mahilig tumabi sa kaniya habang nasa ilalim siya ng puno na iyon. Kaya siguro naiintindihan niya ang mga Allawig at ang Bantay sa gubat kasi bata pa lang siya nakikipag-usap na siya sa iba't ibang elemento. Nakalimutan na lang niya sa paglipas ng mga taon mula nang gawan siya ng pangontra ng nanay niya. Pero ngayon natatandaan niya na nakaupo siya sa ilalim ng puno na iyon nang una siyang kausapin ni Selna.

Nakikipag-usap siya noon sa babaeng Aghoy na nakatira sa puno na iyon. Maliliit na nilalang ang mga Aghoy, mabait, palakaibigan at ang paraan ng pagsasalita ay tunog sipol kaya minsan napagkakamalang ibon ang gumagawa ng tunog.

"Sinong kausap mo diyan?" biglang tanong ng limang taong gulang na si Selna na hindi namalayan ni Ruth na nakalapit sa kaniya. Sa mga panahong iyon, hindi pa niya alam kung paano magsinungaling kaya sinabi niya ang totoo at itinuro pa kung saan nakaupo ang Aghoy. Sinulyapan ni Selna ang espasyo sa tabi niya, naningkit ang mga mata kaya nasiguro niyang hindi nito nakikita ang nakikita niya. Napahiya na siya at humigpit ang yakap sa kanyang mga tuhod kasi sigurado siyang tatawanan siya nito at aasarin na katulad ng ibang bata.

Kaya nagulat siya nang inilahad nito ang kamay sa harapan niya. "Sa akin ka naman makipag-usap. Saka maglaro tayo." Pagkatapos matamis pa itong ngumiti. At dahil nasa likuran nito ang liwanag, sa paningin ni Ruth nagmukha itong anghel. Kaya inabot niya ang kamay nito at hinayaan ang batang babae na hilahin siya papunta sa playground para maglaro. Mula noon hindi na nag-isa si Ruth. Sa tuwing napag-iiwanan siya ng ibang mga bata, lalapit agad sa kaniya si Selna at hihilahin siya.

Pagdating naman ng grade one, naging close sila kay Danny. Iisa kasi ang daan nila papasok at pauwi galing sa school kaya palagi sila magkakasama. Hindi siya iniwan ng mga ito kahit kung tutuusin marami ring ibang kaibigan ang dalawa. Noong grade four pa nga sila, nakita niya nang kausapin ng buong klase sina Selna at Danny, tinatanong kung bakit daw nagtitiyaga ang mga ito na kaibiganin siya. Na nakakatakot daw siya at mangkukulam at madadamay lang daw ang mga ito sa pagiging gloomy niya. Na kapag daw hindi tumigil sina Selna na kaibiganin siya, hindi na rin daw papansinin ng buong klase ang mga ito.

Hindi mapapatawad ni Ruth ang sarili kapag na-bully din ang mga kaibigan niya dahil sa kaniya. Kaya kahit para siyang sinasakal noon kapag tinitingnan ng maraming mga mata, naglakas loob siyang magpakita sa mga kaklase niya para ipagtanggol sina Selna at Danny. Nagalit sa kaniya ang mga ito, naitulak siya at sinabihan ng masasakit na salita. Pero lumaban siya at namalayan na lang niya nakikipagtulakan na rin ang mga kababata niya. Tatlo laban sa buong klase kaya nang dumating ang teachers gulo-gulo ang buhok nila, sira-sira ang uniporme at puro sugat.

Naparusahan ang mga kaklase nila at pinatawag lahat ng mga magulang. Pagkatapos niyon nilipat silang tatlo ng ibang section para matapos ang gulo. Pero dahil kumalat na sa buong school ang nangyari naging ilag sa kanila ang ibang estudyante. Ikinalungkot iyon ni Selna na bata pa lang ay mahilig na sa mga tao at gusto ng maraming friends. Kahit si Danny wala nang makausap na mahilig sa comics. Sobrang nakonsiyensiya si Ruth at nag sorry sa dalawa. Pero hinawakan lang ng mga ito ang mga kamay niya at sinabing, "Magkakaibigan tayo. Walang iwanan."

Kung alam lang ng mga ito na matindi ang naging epekto kay Ruth ng mga salitang iyon. Kung paanong nakaya niyang balewalain ang opinyon ng iba tungkol sa kaniya dahil alam niyang kahit anong mangyari may kakampi siya. Kung gaano kaimportante ang mga ito sa buhay niya.

"Salamat." Hindi nakatiis na niyakap niya si Selna. Pagkatapos si Danny. At saka humarap siya kay Andres na may tipid ding ngiti sa mga labi habang pinapanood sila. "Salamat din kasi kinaibigan mo kami kahit maraming gusto maging close sa'yo," lakas loob na sabi niya sa binatilyo.

Lumawak ang ngiti nito at isa-isang tinapik ang mga balikat nila. "Ako ang dapat nagpapasalamat sa inyo." May nahimigan siyang kakaiba sa tono nito pero bago pa siya makapagtanong tinapik uli nito ang mga balikat nila at sumeryoso. "Kaya hindi tayo padadaig sa takot. Makakalabas tayong apat sa kung nasaan man tayo ngayon. Makakauwi tayo."

Tumango sila. Pagkatapos nagsimula na uli sila sa lakad takbo. Balot na ng dilim ang paligid at ang dirt road na lang na dinadaanan nila ang nakikita nila. Makalipas ang ilang minuto may natanaw na silang liwanag sa di kalayuan. Nabuhayan sila ng pag-asa at napabilis ang takbo. Pero nagulat sila at napahinto nang may mapagtanto.

Bumalik sila sa komunidad na tinakasan nila kanina. Ang arko na kanina hindi nila mabasa ngayon malinaw na ang nakasulat. Sitio Nawawala.

"Paano nangyari 'to? Sigurado akong tumakbo tayo palayo eh," manghang sabi ni Danny.

"Come on. Subukan natin lumayo uli," sabi ni Andres. Sumangayon sila lahat, tumalikod sa Sitio Nawawala at tumakbo uli palayo.

Pero makalipas lang ang ilang minutong paglakad-takbo sa dirt road nakita na naman nila sa harapan nila ang komunidad na tinatakasan nila. Mas maingay na ang mga tambol. Sinabayan pa ng ingay ng mga nakatira roon; masayang ingay na parang kumakanta at sumisipol. Lumayo uli sila, sa talahiban naman dumaan kahit madilim pero mayamaya lang naroon na naman sila. Para silang nasa isang spiral. Kahit anong direksiyon sila magpunta, doon at doon pa rin sila bumabalik.

"Tama ang sinabi ng lalaki kanina. Kapag inabot tayo ng gabi, hindi na tayo makakaalis," laglag ang mga balikat na sabi ni Selna.

"Kung huminto kaya tayo sa kalagitnaan at doon na lang tayo magpalipas ng gabi? At least malayo tayo sa kanila," suhestiyon ni Andres.

Sasangayon pa lang sana si Ruth nang lumingon siya sa madilim na talahiban. May naramdaman kasi siyang kakaiba, parang may mga gumagalaw sa kadiliman. Sunod siyang lumingon sa dirt road kung saan sila nanggaling. Mas madilim na doon kaysa kanina at katulad sa talahiban may nararamdaman din siyang presensiya doon. Para bang nagaabang na humakbang sila palapit.

Nanayo ang mga balahibo niya sa batok.

"Hindi puwede," sabi niya.

"Bakit?" sabay-sabay na tanong ng mga ito.

Huminga siya ng malalim. "Hindi niyo ba napapansin? May buhay ang dilim na bumabalot sa paligid. Kapag lumapit tayo… hindi ko alam kung ano ang biglang hahablot sa atin. Mas nakakatakot at mas malupit kaysa sa mga nagkakasiyahan doon." Turo niya sa Sitio Nawawala. "Noon pa man palagi na sinasabi sa akin ni nanay na marami raw klase ng kakaibang nilalang sa mundo. Katulad din daw ng mga tao, may mabait at may masama, may malumanay at may palaging galit, may kaya magbigay ng awa at merong malupit. At na mas mag-iingat daw ako sa mga nilalang na naninirahan sa dilim kasi mas mapanganib daw ang mga iyon. Ang problema habang lumalalim ang gabi, kakalat ng kakalat ang dilim. Kapag nanatili tayo rito wala na tayo mapagtataguan."

"Paano 'yan? Wala tayong choice kung hindi bumalik doon? Pero… pero nakakatakot din ang mga nakatira 'don eh," nanlalaki ang mga matang sabi ni Danny.

Napangiwi si Ruth at tiningnan sina Andres at Selna na halatang nagaalala rin. Kinuyom niya ang kanyang mga kamao. Bakit ba wala siyang kapangyarihan para masigurong hindi mapapahamak ang mga kaibigan niya? Para saan pa at nakakakita siya ng mga hindi pangkaraniwang nilalang kung wala rin naman siyang magawa sa ganitong sitwasyon?

"Tama ako ng hinala. Nandito pa nga kayo."

Napasigaw silang apat at napatalon sa gulat nang may boses na nanggaling sa dilim. Humakbang ito palapit hanggang makita na nila kung sino ang nagsalita. Ang guwapong estranghero na nakausap nila kanina. Nagbalik ito!