Chereads / MOON BRIDE UNIVERSE: Spiral Gang / Chapter 13 - Ibang Tala (2)

Chapter 13 - Ibang Tala (2)

"May hinahanap ako," tipid na sagot ni Lukas sa magandang babae.

"Dito? Sa aming lugar na huling sitio sa buong bayan ng Tala?"

Nagkatinginan sina Ruth, Andres, Selna at Danny nang marinig na nasa bayan pa rin sila ng Tala.

"Hindi mo na kailangan malaman ang bawat detalye ng ginagawa ko. Magpapalipas kami ng oras dito hanggang magbukangliwayway," magaspang na sabi ni Lukas.

Nawala ang ngiti ng magandang babae at saka lang sila tinapunan ng tingin. Nanlaki ang mga mata nito. "Ang mga dayo?" Halatang nagtataka ito, parang gusto magtanong kung bakit kasama sila ng misteryosong lalaki pero hindi na nagtanong. Bagkus bumalik na ang masiglang ngiti nito at inilahad ang mga braso. "Welcome kayo sa aming sitio. Halina at makisaya kayo. Marami kaming nakahandang inumin at pagkain. Huwag kayo mahiya."

"Hindi sila gutom. Hindi nila kailangan ng pagkain," matalim na sabi ni Lukas.

Nagkatitigan ito at ang magandang babae, para bang tahimik na nag-uusap. Agad na nagbaba ng tingin ang babae at bahagyang yumuko. "Naiintindihan ko, master Lukas." Pagkatapos ngumiti ito uli nang tumingin sa kanilang apat. "Hayaan niyong tawagin ko ang aking mga alipin para bigyan kayo ng mauupuan. At kapag nagbago ang isip niyo at gusto ninyong kumain, iutos niyo lang sa kanila at susundin nila kayo."

Isang pitik lang nito may dalawang napakatandang lalaki na ang lumapit sa kanila at iminuwestra sila sa mga silyang nakapuwesto sa tabi ng mahabang lamesa. Wala ang mga iyon kanina.

"Ngayon, makikisali na ako uli sa pag-iingay. Master, tawagin niyo lang ako kapag mayroon kayong kailangan." Yumukod ito kay Lukas bago tumalikod at parang lumulutang na bumalik sa mga nagkakasiyahan.

Alanganing sumunod sila sa dalawang matandang lalaki. Pagkatapos maingat silang umupo sa mga silya. Dahil katabi nila ang mahabang lamesa nanuot sa ilong nila ang mabango at nakakagutom na amoy ng iba't ibang uri ng pagkain. Kumalam ang sikmura nilang lahat.

Napalingon sa kanila ang mga alipin ng magandang babae. Ngumiti at parang may balak sabihin pero biglang umupo si Lukas sa bakanteng silya sa tabi ni Ruth. Tinapunan nito ng matalim na tingin ang mga alipin na nawala ang ngiti at parang mga napasong umatras hanggang tuluyang makalayo sa kanila.

"Bakit sila nagkakasiyahan? Ano ang okasyon?" tanong ni Selna. Mukhang natalo ng curiosity ang takot. Habang lumalalim kasi ang gabi palakas ng palakas ang tunog ng mga tambol. Ganoon din ang ingay na ginagawa ng mga residente, hindi lang ang mga anyong tao kung hindi pati ang mga anyong hayop.

"May hirarkiya ang mga nilalang sa lugar na ito," sabi ni Lukas. Napalingon silang lahat. "Mayroong mahina, mayroong mas malakas at mayroon ding kinatatakutan. Ngayong gabi lumabas ang isa sa mga kinatatakutang halimaw na nalikha. Kailangan nila mag-ingay para hindi sila makain. Hindi pagsasaya ang ginagawa nila kung hindi isang paraan para manatili silang buhay."

Kumunot ang noo ni Ruth. Kahit ang mga kaibigan niya mukhang lalong nalito imbes na malinawan sa sinabi nito. Humarap sa kanila si Lukas at itinuro ang daliri pataas. Tumingala sila sa langit.

"Anong meron?" tanong ni Danny.

"Sabihin mo sa kanila kung ano ang meron," sabi ni Lukas na nang sulyapan ni Ruth ay sa kaniya nakatingin.

Tumingala siya uli. Sobrang dilim kasi walang buwan at kakaunti lang ang bituin. May pigurang gumagalaw sa kalangitan pero nang titigan niya maigi narealize niya na hindi iyon mga ulap kung hindi Bakunawa, isang napakalaking mythical beast na ilang beses na niya nakita noong bata pa siya. Noong una hindi pa niya alam kung ano ang tawag doon pero isang gabi noong anim na taong gulang siya, habang nakatingala siya sa langit ay nakita niyang unti-unting umiitim ang bilog na buwan. Kaya tinawag niya ang nanay niya at itinuro iyon.

"Anong nangyayari nanay?"

Tumingala rin sa langit ang kanyang ina. "Titigan mo maigi ang langit, Ruth. Ano ang nakikita mo bukod sa buwan?"

Kaya tumingala siya uli at hinanap ang gusto ng nanay niya na makita niya. Nanlaki ang mga mata niya nang gabing iyon kasi unti-unti nakita niya ang hugis ng isang malaking hayop, parang higanteng pating na may pakpak. Ang kaliskis niyon ay kumikinang na parang mga bituin. Malapad ang bibig, malaki at mukhang matalim ang mga ngipin. Tinatangka niyong isubo ang buwan.

"Nanay! Ano 'yon?"

"Bakunawa ang tawag ng mga ninuno natin. Nakatira sa pinakailalim ng dagat pero kapag nagugutom at natatakam sa kapangyarihan, lumilipad ito sa langit, hinahanap ang araw o kaya ang buwan at sinusubukang kainin. Pagkatapos, kapag hindi nakuntento, humahanap naman ito ng mga tao para kainin din."

Natakot si Ruth kasi unti-unti nang nauubos ng Bakunawa ang buwan. "Nanay, anong puwedeng gawin para iluwa niya ang buwan?"

Niyuko siya ng kanyang ina, ngumiti at hinaplos ang buhok niya. "Madali lang..."

Kumurap si Ruth, inalis ang tingin sa langit at nilingon ang mga residente ng Sitio Nawawala. "Nag-iingay sila para hindi sila lapitan ng Bakunawa."

"Bakunawa?" nagtatakang tanong ni Selna.

Itinuon niya ang tingin sa mga kaibigan niya at ipinaliwanag kung ano ang Bakunawa. Tumingala uli ang mga ito sa langit, naniningkit ang mga mata at pilit inaaninag ang moon-eating beast. "Pansinin niyo ang mga kumikinang sa langit. Gumagalaw 'di ba? Ang totoong mga bituin hindi gumagalaw ng ganiyan."

"Oo nga 'no?" manghang sabi ni Danny. "Gumagalaw nga."

"Kasi mga liwanag 'yan na galing sa kaliskis ng Bakunawa. Camouflage para magkunwari itong bahagi ng galaxy at hindi mapansin na may masama itong balak," paliwanag niya. Pagkatapos nagtatakang hinarap niya si Lukas. "Pero wala namang buwan kaya bakit siya nasa kalangitan ngayong gabi?"

"Dito walang buwan. Pero sa Tala kung saan kayo galing, bilog ang buwan hindi ba? Nakikita rin iyon ng Bakunawa kaya tinatangka niyang kainin. Pero dahil wala ang bilog na buwan dito, mamaya lang hindi na mapapakali ang halimaw na 'yan at maghahanap ng ibang kakainin. Kaya nag-iingay ang mga nakatira rito dahil takot sa ingay ang mga Bakunawa."

Namilog ang mga mata ni Ruth. "Tala kung saan kami galing? Ibig mo bang sabihin wala kami sa mundo namin?"

"Bakit sa tingin mo nakikita ng mga kaibigan mo ang dati ikaw lang naman ang nakakakita?" balik tanong ni Lukas. Napanganga siya kasi paano nito nalaman na noon pa niya nakikita ang mga hindi pangkaraniwang nilalang? Pero bago pa siya makapagtanong nagsalita na uli ito. "Tirahan nila ang lugar na ito kaya hindi nila kailangan itago ang presensiya nila sa mga mortal na katulad ninyo."

"Kung ganoon nasaan kami?" biglang tanong ni Andres na nakatingin na rin kay Lukas. Kahit sina Danny at Selna na kanina lang manghang mangha habang tinitingnan ang Bakunawa nakatuon na rin ang atensiyon sa pinag-uusapan nila.

Sandaling isa-isa muna silang tinitigan ni Lukas. Na para bang iniisip kung ipapaliwanag sa kanila ang lahat o hindi. Mukhang sa huli nagdesisyon itong maging accommodating.

"Nandito kayo ngayon sa isa pang bersiyon ng Tala. Ibang bersiyon ng mundo kung saan kayo galing." Natahimik silang apat. Napatunganga kay Lukas. Umangat ang kilay nito. "Mahirap pa rin ba paniwalaan?"

Nagkatinginan silang magkakaibigan. Nakikita ni Ruth sa mukha ng mga ito na kumbinsido ang mga itong totoo ang sinasabi ni Lukas. Sabagay, sa dami ng mga naranasan nila mula pa nang makaalis sila sa perya, imposibleng hindi sila mapaniwala na talagang nasa ibang mundo sila.