Chereads / MOON BRIDE UNIVERSE: Spiral Gang / Chapter 12 - Ibang Tala (1)

Chapter 12 - Ibang Tala (1)

LUMAMPAS sa kanila ang tingin ng estranghero, natutok sa talahiban. Nasiguro ni Ruth na nakikita nito ng malinaw ang mga nilalang na nagtatago sa kadiliman at naghihintay ng pagkakataong makalapit sa kanilang magkakaibigan. Pagkatapos ibinalik nito ang tingin sa kanila.

Lumunok siya at nilakasan ang loob na humakbang palapit sa estranghero. Narinig niyang pinipigilan siya ni Andres pero hindi siya huminto. Sa halip pilit niyang hinuli ang tingin ng lalaki. "Paano kami makakauwi?" tanong niya.

Nang magtama ang mga mata nila naramdaman na naman niya ang pagdaloy ng init at nakakakuryenteng sensasyon sa buong katawan niya. Pero hindi na katulad kanina na hindi siya makahinga. "Paano mo naman naisip na alam ko kung paano kayo makakaalis dito?"

Lumunok si Ruth at pinilit umastang matapang. "Wala akong masasabing dahilan pero sigurado akong alam mo kung paano."

Matagal na nagkatitigan lang sila. Pagkatapos nagulat siya nang may gumuhit na misteryosong ngiti sa mga labi nito. "Tama ka. Alam ko nga. Pero kailangan niyo muna hintayin mag bukang-liwayway. Masyadong maraming nakaabang sa paligid para gawin kayong hapunan."

Impit na tumili sa takot si Selna at sumiksik kina Danny at Andres na nang lingunin ni Ruth ay nakita niyang mga namutla rin.

"Sumunod kayo sa akin," sabi ng lalaki kaya bumalik ang tingin niya rito. Seryoso na uli ang mukha nito. "Pagsapit ng bukang-liwayway, dadalhin ko kayo sa daan palabas. Pero sa ngayon ang pinakaligtas na lugar para sa inyo ay doon," turo nito sa Sitio Nawawala. "Hindi katulad ng mga nakaabang sa dilim, mas sibilidado ang mga nakatira doon. May batas silang sinusunod kasi noon pa mang sinaunang panahon ikinatutuwa nilang magkunwaring mga normal na tao."

"Paano naman kami nakakasiguro na hindi ka isa sa kanila? Na wala kang patibong na nakahanda kapag sumama kami sa'yo?" dudang tanong ni Andres.

Sinulyapan ito ng estranghero. "Hindi nila ako katulad. Mas lalong wala akong panahon para gumawa ng patibong para sa mga taong ni hindi ko alam na mapapadpad dito. Kung gusto kong pumatay o kumuha ng alipin, kaya kong gawin sa isang kisapmata lang. Pero hindi ako interesado sa inyo kaya wala kang dapat ipag-alala." Biglang bumalik ang tingin nito kay Ruth at nagkaroon ng kakaibang kislap ang mga mata nito. "Isa lang sa inyo ang nakakuha ng interes ko."

Napanganga siya. Bago pa may makapagsalita sa kanilang apat tumalikod na ang lalaki at nagsimulang maglakad papunta sa sitio. Huminga siya ng malalim at nilingon ang mga kaibigan niya. "Sumunod tayo sa kaniya."

"Ruth, hindi siya mapagkakatiwalaan," giit ni Andres.

"Pero totoo ang sinabi niya na maraming nakaabang. Tingnan niyo ang daan kung saan tayo galing, balot na ng dilim. Hindi 'yan ganiyan kanina."

Nilingon ng tatlo ang dirt road. Bigla parang may mga aninong lumabas mula sa lupa, mga kamay na gusto sila abutin. Napaatras ang mga kaibigan niya at tarantang napasigaw.

"Alam ko walang rason para magtiwala tayo sa isang estranghero, pero malakas ang pakiramdam ko na magiging ligtas tayo kapag malapit tayo sa kaniya," mahinang sabi ni Ruth.

Napunta sa kaniya ang tingin ng mga kaibigan niya. "Ruth," sabi ni Selna. "Mula pa noon alam ko na hindi ka basta nagtitiwala sa kahit na sino. Hindi ka rin basta nagiging komportable. Kahit kay Andres, halos isang taon ang lumipas bago mo nagawang makipag-usap sa kaniya, 'di ba?"

Uminit ang mukha niya at napasulyap sa binatilyo na titig na titig sa kaniya. Nahiya naman siya na narinig nito ang sinabi ng bestfriend niya. Paano niya ipapaliwanag na iba ang rason kaya naiilang siya at hindi matingnan sa mukha si Andres mula pa noong first year sila?

"Pero bakit ang lalaking 'yon parang pinagkakatiwalaan mo agad? Hindi ka ba natatakot sa kaniya?" tanong pa uli ni Selna.

Inalis ni Ruth ang tingin kay Andres at sandaling nilingon ang estranghero na malapit na sa arko ng Sitio Nawawala. Huminto pa ito at humarap sa kanila, hinihintay ang desisyon nila. Ibinalik niya ang atensiyon sa mga kaibigan niya. "Hindi ko rin maipaliwanag pero pakiramdam ko kilala ko siya at kilala niya ako. At malakas siya. Nangilag ang mga nilalang na nagtatago sa dilim nang dumating siya. Saka wala naman na tayong choice kung hindi magpalipas ng oras sa loob ng sitio."

"Okay," biglang sabi ni Andres. "Pagkatiwalaan natin siya. Pero ngayon lang."

Sinulyapan ni Ruth ang binatilyo at tipid na ngumiti. Nang tingnan niya sina Danny at Selna ay nakita niyang bumuntong hininga ang mga ito at sumangayon na rin. Sandali pa naglakad na sila palapit sa estranghero.

Umangat ang gilid ng mga labi nito. "Mayroon lang kayong dapat malaman bago pumasok sa loob," sabi nito. "Una, siguruhin niyong hindi kayo masusugatan. Pangalawa, kahit gaano pa sila maging mabait sa inyo, huwag na huwag kayo kakain o iinom ng kahit anong iaalok nila sa inyo. Maliwanag ba?"

Tumango sila lahat at sumunod nang tumalikod ang lalaki at maglakad papasok sa Sitio Nawawala. Napasinghap si Ruth. Narinig din niyang nagulat at namangha ang mga kaibigan niya nang makita nila ang nangyayari sa gitna ng kalsada. Para talagang fiesta. Nagsasayaw at kumakanta ang karamihan sa mga residente ng sitio. May apat na malalaking tambol sa bawat sulok at malakas iyong hinahampas ng matatandang lalaki. Sa isang panig may mahabang lamesa na punong puno ng mga masasarap na pagkain at inumin na binabantayan naman ng mga matatandang babae. Napakaliwanag sa paligid dahil sa maraming alitaptap at bolang apoy na paikot-ikot sa paligid.

"Master Lukas! Isang malaking sorpresa ang pagdating ninyo sa aming lugar," masayang sabi ng magandang babae na may-ari ng bungalow kung saan sila muntik na kumatok kanina. Mabilis itong humiwalay sa mga nagsasayawan sa gitna at lumapit sa kanila. Iba ang ngiti nito ngayon sa ngiti nito kanina sa kanila. Iba rin ang kislap ng mga mata habang nakatitig sa lalaki; may respeto, may paghanga at may iba pang emosyon na hindi pa pamilyar para sa kanilang mga teenager, may malisya pero mas intense.

Sa mga sandaling iyon dalawang bagay ang nalaman ni Ruth. Una, Lukas pala ang pangalan ng estranghero. Pangalawa, kung kilala ito ng magandang babae at tinatawag na 'master', ibig sabihin hindi ito mortal na tao. Pero bakit ganoon? Hindi rin naman ito mukhang Engkanto at mas lalong hindi katulad ng mga nakatira sa Sitio Nawawala. Kung ganoon, ano ito?