NGUMIWI si Ruth kasi halatang hindi alam ng mga kaibigan niya kung paano mag re-react sa sinabi niya. "Alam ko mahirap paniwalaan. Kapag narinig na naman ako ng mga kaklase natin tatawanan na naman nila ako. Ayoko rin talaga sabihin sa inyo kasi kayo na lang ang mga kaibigan ko at ayokong ma-weirdohan kayo sa akin. Natatakot ako na baka… iwasan niyo na rin ako. Ang totoo…nakakakita ako ng mga nilalang na hindi nakikita ng iba."
Uminit ang mukha niya nang hindi pa rin nagsalita ang mga kaibigan niya. Nawala na ang pagkagulat sa mukha nina Selna at Danny at nagpalitan ng makahulugang tingin. Si Andres naman ramdam niya na titig na titig sa kaniya. Parang gusto niya lumubog sa kinatatayuan niya.
"Ah… Ruth, alam na namin 'yan ni Danny noon pa," biglang basag ni Selna sa katahimikan.
Gulat na napatitig siya sa mukha nito. "Ha?"
"Noong mga bata pa tayo palagi kang may kausap na kung sino-sino na hindi namin nakikita. Tapos marami kang kuwento tungkol sa kanila at sa kung saan sila nakatira at kung anu-ano pa," paliwanag ni Selna.
"Noong una pa nga akala ko malawak lang ang imagination mo. Tanda mo na noong elementary tayo sabi ko sa'yo gumawa tayo ng comics? Ako ang mag do-drawing at ikaw ang magsusulat ng kuwento. Pero nang sabihin natin kina mama at papa ang tungkol sa mga magaganda at guwapong nakatira sa bundok malapit sa bahay niyo at saka sa mga nakikita mong lumilipad na mga kakaibang hayop sa langit kapag pawala na ang buwan at kung anu-ano pa, sinabi nila sa atin na huwag natin sasabihin sa iba kasi baka raw may mambully sa'yo," litanya naman ni Danny.
Nagulat si Ruth na aware pala ang mga kababata niya sa kanyang kakaibang kakayahan. Pagkatapos na-touch siya na kahit alam ng mga ito na weirdo siya ay nanatili pa rin ang mga ito sa tabi niya.
"Pero huminto ka na magkuwento tungkol sa kanila noong grade five tayo ah. Saka pansin ko naman parang wala ka na nakikita sa nakaraang mga taon," nagtatakang komento ni Selna.
Kumurap siya at napangiwi na naman. "May pangontra ako na ginawa ni nanay. Mula nang nagkaroon ako 'non wala na akong nakita. Kaso naiwala ko kanina sa perya. Baka nahulog ko nang dumukot ako ng purse sa bulsa ko. Pagkatapos kasi 'non naamoy at nakita ko na ang signs na may ibang nakisali sa mga tao na nasa perya."
"Anong signs?" biglang tanong ni Andres na kanina pa tahimik at ngayon lang uli nagsalita.
Lakas loob na tiningnan ni Ruth ang mukha nito, prepared na sa takot, disgusto at rejection na puwede niya makita sa mga mata nito. Na-caught off guard siya kasi curiousity lang ang nakita niya at wala ang mga kinakatakutan niyang emosyon.
"Hindi ka natatakot sa mga engkanto?" alanganing tanong niya.
Mukhang nagulat si Andres sa tanong niya at napasulyap kina Selna at Danny. "Kayo natatakot ba kayo?"
"Well, lumaki kaming kasama si Ruth at madalas kami pumunta sa bahay nila kaya mula pa noon nakakarinig na kami ng kuwento tungkol sa mga kakaibang nilalang. May takot akong nararamdaman pero feeling ko basta kasama ko si Ruth wala akong dapat ipagalala," sagot ni Selna.
"Ako hindi ako takot," mayabang na sagot ni Danny na namaywang pa at itinaas ang noo. "Pangarap ko maging superhero at ang mga sumusugpo sa mga masasama dapat walang kinatatakutan. Kahit engkanto pa o kung ano man 'yan."
Ibinalik ni Andres ang tingin sa kaniya. "Hindi rin ako natatakot, Ruth. Nakalimutan mo na ba na ang pamilya namin ang pinakamatandang pamilya dito sa Tala? Lumaki ako na palagi nila sinasabi na puno raw ng hiwaga ang bayan natin. Mga alamat at mga kuwentong kababalaghan ang bedtime stories ng lolo ko sa akin noong bata pa ako. Hanggang ngayon naniniwala ang mga matatanda sa pamilya namin sa mga diyos, diyosa at mga nilalang na hindi nakikita. Kaya lahat ng sasabihin mo, paniniwalaan ko rin. Katunayan, naiinggit nga ako sa'yo na nakikita mo sila."
Nakahinga siya ng maluwag sa sinabi nito. Iyon ang unang beses na nalaman niyang naniniwala pala ito sa mga ganoon. Naramdaman niya kahit papaano na lumiit ang distansiya sa pagitan nilang dalawa. Tumikhim siya at sinagot ang tanong nito kanina, "Isa sa mga sign na may mga engkanto sa paligid ay amoy ng mga bulaklak. Hindi rosas kung hindi mga ligaw na bulaklak na sa gubat mo lang makikita. Matapang at halos masakit na sa ilong. Sa perya kanina, humahalo ang amoy na 'yon sa hangin. Nang igala ko ang tingin sa paligid, nakita ko sila."
Suminghap si Selna. "M-marami ba sila?" Tumango siya. "Pero bakit wala kami napansin? Ayon sa kuwento ng lola ko magaganda at guwapo raw ang mga engkanto. 'Di ba dapat nakita rin namin kung totoong ganoon ang hitsura nila?"
"May kakayahan silang mag blend in sa crowd at hindi ipaalam ang presensiya nila lalo na sa mga lugar na katulad ng perya na maraming tao. Nagkataon lang na nang mawala ang proteksiyon na ginawa ni nanay sa akin, naging aware na ako sa kanila at naging aware sila sa akin. Kaya nakita ko sila at napansin din nila ako. Pero tingin ko pinaglalaruan din nila ako kanina kasi ang tagal bago nag register sa utak ko ang isa pang sign na patunay na mga engkanto sila."
"Ano?" tanong ni Danny.
Itinuro ni Ruth ang guhit sa nguso niya. "Wala sila nito. Sa guhit na ito mo malalaman kung totoong tao o engkanto lang na nagbabalatkayo ang nakikita mo."
Natahimik silang apat. Mayamaya nagsalita si Andres, "Ruth, sa halos apat na taon nating orgmate, ngayon lang kita narinig magsalita ng derederetso. Masaya siguro kung ganito ka araw-araw," komento nito.
Uminit ang mukha niya at tumikhim. Nagsimula siyang humakbang palayo sa direksyon ng perya. "Basta kailangan na natin umuwi. Pero hindi tayo puwede bumalik sa pinanggalingan natin kasi naroon pa sila. Humanap tayo ng ibang malalabasan. Huwag na lang tayo maghiwa-hiwalay," pag-iiba niya sa usapan.
"Okay!" sangayon ng mga ito at mabilis na umagapay sa kaniya.