MAY LAWA sa ilalim ng bangin. Malalim ang parte na kinabagsakan nila kaya hindi masyadong masakit ang impact. Nagawang iangat ni Ruth ang ulo niya kasama si Selna. Sabay pa silang naubo kasi may nalunok silang tubig. Pagkatapos lumangoy sila hanggang makaahon sila at mapasalmapak ng upo sa lupa. Nakaalis na rin sa tubig sina Andres at Danny.
"Anong nangyari?" nalilitong tanong ni Selna.
"Nasaan tayo?" nauubo namang tanong ni Danny.
Mukhang nakawala na ang mga ito sa mahika ng mga Allawig. Si Andres habol pa rin ang paghinga. Salamat naman kumpleto pa rin sila. Kaso nga lang mukhang kinain na ng lawa ang mga flashlight nila. Wala na kasi silang mga hawak pag-ahon nila sa tubig. Pero at least hindi na nila kailangan baligtarin ang mga suot nila kasi nawala na ang mga mapaglarong bolang apoy. Kung naging alerto lang sana siya kanina, sana naiwasang mapailalim sa mahika ang mga kababata niya at hindi sana sila nagkandaligaw.
Pero walang panahon para makahinga ng maluwag o ma-relax. Kasi nang hawiin niya ang buhok na nakatabing sa mukha niya at malinaw na niyang nakikita ang paligid, napansin niya agad na may inconsistency na naman sa nangyayari sa kanila.
Mukhang nasa loob pa rin sila ng kagubatan pero hindi na malalim ang gabi. Katunayan maliwanag pa ang kalangitan na parang hapon pa lang.
Kumapit sa braso niya si Selna. Nang lingunin niya ito nakita niya sa mukha nito na natatakot na ito. "Ruth, gusto ko na umuwi. Hindi na 'to simpleng pagpapakita ng engkanto. Nakakatakot na talaga. Gabi lang kanina 'di ba? Bakit maliwanag na uli? Hindi ko na alam kung ano ang totoo at kung ano ang hindi."
May bumara sa lalamunan niya at humapdi rin ang kanyang mga mata. Kasi naalala niya ang sinabi nito kanina. Basta kasama ko si Ruth wala akong dapat ipagalala…Pero ang totoo, mahina siya. Marami siyang alam sa iba't ibang klase ng mga nilalang. Nakikita at nararamdaman din niya ang mga ito. Pero wala siyang kakayahan para lumaban. Hindi pa dumarating sa parte na iyon ang mga turo ng kanyang ina. Ni hindi rin niya alam kung paano sila makakalabas sa gubat na iyon. O kung nasa gubat ba talaga sila o nililinlang lang sila ng mga hindi nila nakikita.
"Makakauwi pa kaya tayo?" mahinang tanong ni Danny na laglag ang mga balikat habang pilit pinupunasan ng basang t-shirt ang eyeglasses nito.
"Magandang alaala dapat ng summer vacation natin ang gabing 'to. Pero paano kung dito na pala matatapos ang mga buhay natin? Ayoko pa! Mga bata pa tayo," naiiyak na litanya ni Selna.
"Hindi tayo puwede magpadala sa takot," biglang sabi ni Andres. Napatingin silang tatlo rito. "Lalo tayong hindi makakauwi kapag nawalan tayo ng pag-asa. At least huwag tayo huminto sa paghahanap ng paraan para makalabas sa gubat na 'to."
Nagkatinginan silang tatlo. Kahit mukhang takot pa rin sina Danny at Selna ay nakita niya na naging determinado na ang mga ito. Kahit papaano nakahinga siya ng maluwag. Maasahan talaga si Andres pagdating sa pagbibigay ng encouragement sa iba.
Huminga ng malalim si Ruth at pinilit tumayo. "Subukan natin uli." Inilahad niya ang kamay niya sa kanyang mga kababata. Inabot ng mga ito ang tig-isa at nagpahila sa kaniya hanggang makatayo na ang mga ito.
Tatalikod na sana siya nang biglang itaas ni Andres ang mga braso nito. Gulat na niyuko niya ito. "Tulungan mo rin ako makatayo."
Napanganga si Ruth at napatitig sa mga kamay nito.
"Bilisan mo na. Hindi tayo puwede magtagal dito," sabi pa ni Andres.
Uminit ang mukha niya pero mabilis din niya itong hinawakan at hinila patayo. Naramdaman niyang pinisil nito ang mga kamay niya at bumulong, "Magiging okay ang lahat."
Naramdaman ba nitong sinisisi niya ang sarili niya kasi wala siyang kakayahang protekahan ang grupo nila? May bumikig sa lalamunan niya at nagbaba siya ng tingin.
"Anong way tayo pupunta?" tanong ni Danny.
Hinila ni Ruth ang mga kamay para makawala sa hawak ni Andres. Iginala niya ang tingin sa paligid. Pagkatapos tiningala niya ang bangin na kinahulugan nila. "Kailangan yata natin makaakyat uli sa kung saan tayo nahulog kanina."
Tumingala rin ang tatlo. "Masyado matarik at mataas pero kung bibilisan natin ang pag-akyat kakayanin natin makarating sa dulo nang hindi nadudulas pababa," sabi ni Andres.
Sabay-sabay silang huminga ng malalim. "Okay! Kaya natin 'yan!" determinadong sabi ni Danny na nagsimula na maglakad palapit sa paanan ng bangin. Naglakad na rin sila.
"Dapat mauna sina Selna at Ruth para kung kapusin sila ng hangin maitutulak namin kayo," sabi ni Andres.
Humanap sila ng lugar na mas maraming bato at mga halaman na puwede nila kapitan. Kapag kasi may madulas lang sa kanila, siguradong dere-deretso ang bagsak at magsisimula na naman sa pinakaibaba.
"Ready na kayo?" tanong ni Danny.
Nagkatinginan sila ni Selna, sabay huminga ng malalim at tumango. "Handa na kami."
Nagsimula silang umakyat. Madulas ang lupa at marupok ang mga bato at halaman na kinakapitan nila kaya kinailangan nilang maging mabilis. Hindi rin sila puwede huminto kasi kapag ginawa nila iyon dumudulas sila pababa. Nang sa wakas makarating sila sa tuktok ay napahiga na sila sa lupa habang habol ang paghinga.
"Mas mataas 'yon kaysa unang tingin," hinihingal pa rin na sabi ni Danny.
Tumayo silang apat. Maputik na ang basang mga damit. May biglang naalala si Ruth. "Alam niyo, sabi ni nanay sa mga Allawig daw ginagamit pero baka makatulong din sa atin. Na kapag daw naliligaw dapat baligtarin natin ang mga suot para makita natin uli ang tamang daan."
Hindi nagdalawang isip na tumalikod sina Danny at Andres. Hinubad ang mga t-shirt. Ganoon din ang ginawa nila ni Selna. Nang maisuot na nila pabaligtad ang mga t-shirt nila nagsimula na uli sila maglakad. Maliwanag pa kaya kung tutuusin hindi naman nakakatakot sa gubat. Wala na rin sila nakasalubong na kakaibang nilalang na katulad kanina. Pero sa totoo lang, mas kinikilabutan si Ruth sa kakaibang katahimikan na bumabalot sa kanila. Hindi kasi humahangin at hindi gumagalaw ang mga dahon ng puno. Wala ring huni ng ibon o insekto.
Biglang bumalik sa kasalukuyan ang isip niya nang marinig niya ang masayang tili ni Selna. "Nakikita ko na ang labas ng gubat!"
Nilingon niya ang tinuturo nito. May maluwag na dirt road nga ilang metro mula sa kanila. Napabilis ang paglalakad nila na naging takbo hanggang tuluyan sila makalabas sa gubat.