Chereads / MOON BRIDE UNIVERSE: Spiral Gang / Chapter 10 - Sitio Nawawala (1)

Chapter 10 - Sitio Nawawala (1)

Nagulat sila lahat at napaatras palayo roon. Ramdam ni Ruth na lahat sila halos hindi humihinga habang hinihintay kung ano ang lalabas. Lalo na nang may kamay na humawak sa hamba ng pinto mula sa loob ng bahay. Kasunod ang pagsilip ng isang babae. Mata lang nito ang nakikita nila kasi maliit lang ang pagkakabukas ng pinto.

"Kabastusan ang mag-ingay sa labas ng bahay na hindi sa inyo," sabi nito sa mababang tinig na para bang kakagising lang nito.

"Ah, pasensiya na ho kung nakakaistorbo kami. Hindi namin intensiyon maging bastos. Kakatok lang ho sana kami at makikigamit ng telepono kung puwede ho," magalang na sabi ni Andres.

"Makikitawag?" Biglang naningkit ang mga mata ng babae at isa-isa silang tinitigan. Na-tense si Ruth kasi tumagal ang tingin nito sa kaniya. Pagkatapos tuluyan nitong binuksan ang pinto kaya nakita niyang maganda pala ang babae at mukhang hindi pa lalampas sa trenta ang edad nito.

Malawak itong ngumiti. "Ah. Mga bisita. Tamang tama ang pagpunta ninyo. Ngayong gabi ang pista ng bagong buwan. Kayo ang perpektong pandagdag sa magiging kasiyahan."

Sa isang iglap naging alerto siya. Kasi kahit nakangiti ito, ramdam niya ang kalupitan sa mga mata nito. "Naku, hindi ho kami magtatagal. Paalis na rin ho kami. Pasensiya na ho sa abala," mabilis na sabi ni Ruth. "Tara na. Nakakaistorbo na tayo," sabi niya sa mga kaibigan niya na mukhang nakaramdam kasi tumango ang mga ito at maingat na nagpaalam sa magandang babae. Hindi nga sila tumalikod agad at paatras lang na naglakad palayo sa bungalow.

"Ganoon ba? Pero paano ba 'yan? Huli na ang lahat," nakangiti pa ring sabi nito.

Tuluyan nang dumilim. Unti-unti nagkaroon ng ingay sa paligid. Isa-isang bumukas ang ilaw ng mga bahay at nagkaroon ng kakaibang sigla sa loob ng mga iyon. Ang komunidad na kanina parang natutulog ay unti-unti nang nagigising.

Umatras pa silang lalo para makalayo sa magandang babae hanggang nakatayo na sila sa gitna ng kalsada. "A-anong nangyayari?" nanginginig ang boses na tanong ni Selna.

Ang mga pinto kasi ng mga bahay, dahan-dahang bumukas. Naglabasan ang mga nakatira, magkakaiba ng edad at hitsura. May maganda. May guwapo. May normal ang hitsura at mayroon din namang sa sobrang tanda ay nakakatakot na ang pagkakulubot ng mukha. Mayroon ding mga aso, pusa, kalabaw at iba pang hayop ang lumalabas sa mga bahay na para bang ang mga ito talaga ang nakatira doon. Bigla mula sa kung saan, nagkaroon ng masigla at malakas na tunog ng tambol. Ang paligid unti-unting lumiwanag dahil sa mga alitaptap at bolang apoy.

Kung hindi lang nag-aalala si Ruth para sa kaligtasan nila, baka humanga siya at natulala sa nakikita niya. Para kasing fiesta. Parang eksena na sa imahinasyon lang niya nakikita noong bata pa siya. Parang magic. Kaso mukhang napansin na sila ng ibang mga residente, napapalingon na sa kanila, naniningkit ang mga mata at may gumuguhit na nakakakilabot na ngiti sa mga labi.

"Umalis na tayo rito," mahina pero determinadong sabi ni Andres. Hinawakan nito ang kamay niya. "Hindi mga tao ang nakatira rito." Tumango siya. Pagkatapos hinawakan naman niya ang kamay ni Selna na nasa tabi niya. Nang sulyapan niya ang bestfriend niya ay nakita niyang inabot din nito ang isang kamay ni Danny.

"Huwag kayong matakot," biglang sabi ng magandang babae na nakatira sa bungalow. Nagulat sila kasi nakatayo na ito malapit sa kaniya at nakabuka ang mga braso na parang wine-welcome sila. "Sa nakaraang mga taon bihira na kami magkaroon ng bisita dito sa aming bayan. Magiging mabait kami sa inyo."

"H-hindi na ho. Aalis na kami," sabi ni Ruth. Pagkatapos nagsimula sila tumakbo pabalik sa malaking dirt road kung saan sila nanggaling kanina.

"D-dapat yata sa kabilang direksiyon tayo dumaan kanina. Mali tayo ng pinuntahan," sabi ni Danny habang tumatakbo.

"Pero mukha kasing talahiban na ang dulo 'nung kabilang side ng kalsada kanina eh," sabi naman ni Selna.

Takbo sila ng takbo. Nang hindi na nila marinig ang ingay mula sa likuran nila saka lang sila lumingon. Nakalayo na sila. Hinihingal sila nang huminto sila. Si Danny sumalampak na ng upo sa lupa. "Ayoko na! Bakit ba nangyayari sa atin 'to?"

Parang nilamutak ang sikmura ni Ruth. Tumalungko siya sa harapan ng kababata niya. "Sorry," nakokonsiyensiyang sabi niya. "Ako ang may kasalanan kaya nangyayari sa atin 'to."

Gulat na napatingin sa kaniya si Danny. Naramdaman din niyang nakikinig sa kaniya sina Andres at Selna. Huminga siya ng malalim. "Dapat binalewala ko na lang kahit alam kong napapalibutan tayo ng mga engkanto. Kaso nakipag eyecontact pa ako sa kanila. Kaya nalaman nila na nakikita ko sila. At dahil 'don kaya nila tayo pinaglaruan. Pero sa tingin ko itong sitwasyon natin ngayon, hindi na sila ang may gawa. Kasi hindi ko nararamdaman at naamoy ang presensiya nila."

"Huwag mo sisihin ang sarili mo Ruth," sabi ni Selna. Napatingala sila ni Danny. Halatang takot pa rin ito pero nagawang ngumiti. "Magkakaibigan tayo. Walang iwanan. Okay?"

Sa kabila ng lahat ng nangyayari, napangiti siya. "Palagi niyo 'yan sinasabi noong mga bata pa tayo."

Tumayo si Danny at inalalayan din siya makatayo. "Kasi palagi mo nakakalimutan kaya dapat pinapaalala namin sa'yo palagi," sabi pa nito.

Hindi namalayan ni Ruth na naging masuyo ang ngiti niya nang maalala ang nakaraan.

Nagkaisip na siya na palagi siyang na bu-bully ng mga kaedad niya. Sabi ng nanay niya, nararamdaman daw kasi ng ibang tao lalo na ng mga bata na 'espesyal' siya. At na noon pa mang sinaunang panahon, natural instinct daw ng mga mortal ang maging malupit sa mga katulad niyang may kakaibang kakayahan para itago ang takot at inferiority na nararamdaman ng mga ito. Pero hindi gumaan ang pakiramdam niya sa paliwanag na iyon ng nanay niya.

Sa batang isip niya, buo ang paniwala niya na may mali sa kaniya kaya hindi siya gusto ng mga kaedad niya. Ang nangyari tuloy natakot na rin siya makipagkaibigan at palagi na lang mag-isa. Sa kindergarden, habang ang mga kaklase niya masaya naghahabulan sa playground, siya nakaupo lang sa ilalim ng puno sa labas ng classroom nila at nanonood.