MARAMING tao at maingay sa loob ng perya. Hindi makapaniwala si Ruth na ganoon karami ang nakatira sa bayan na katulad ng Tala. Kapag kasi lumalabas siya sa umaga o sa hapon, may mga araw na halos wala siyang nakakasalubong na tao sa labas.
"Parang hindi lang taga lugar natin ang mga nandito," komento niya habang iginagala ang tingin sa paligid.
"Ah, marami talagang dayo ngayong gabi. Mga taga kalapit na bayan na nakarinig na may perya raw dito ngayon," nakangiting sabi ni Andres na biglang lumingon sa kaniya.
Nagulat si Ruth kasi hindi niya inaasahan na maririnig siya nito. Napatingala siya sa mukha nito. "Kaya pala."
"Ruth! May footlong na binebenta rito. Bili tayo," malakas na tawag ni Selna na nakapila sa harap ng isang food stall.
Inalis niya ang tingin kay Andres at nagmamadaling nakipagsiksikan sa mga tao para makalapit sa kaibigan niya. Habang naglalakad isinuksok na niya ang kamay sa bulsa para kunin ang purse niya. "Ugh." May nakasalubong siya na nakabangga sa balikat niya. Muntik na tuloy niya mabitawan ang purse kasi sa lakas ng puwersa ng banggaan nila naalis ang kamay niya sa kanyang bulsa.
"Pasensiya na," mabilis na sabi nito, ni hindi siya tiningnan at mabilis nang naglakad palayo.
"Ruth!"
Kumurap siya nang tawagin uli siya ni Selna. Naglakad na lang rin siya uli para makalapit sa food stall kung saan nakapila ang kaibigan niya. Umorder sila ng isang footlong na pinahati nila para sa kanilang dalawa. Si Danny at Andres na lumapit din sa stall, tig-isang buo ang binili. Naglakad-lakad sila habang kumakain.
Napansin ni Ruth na habang lumilipas ang oras ay naghahalo-halo ang amoy sa paligid. Amoy ng mga binebentang pagkain, amoy ng pabago ng mga tao na may halong pawis at amoy –
May kung sinong dumaan sa likuran niya at nag-iwan ang taong iyon ng matapang na amoy ng bulaklak. Hindi niya alam kung bakit pero nanayo ang balahibo niya sa batok. Lilingon na sana siya kaso nahawakan na ni Selna ang kamay niya.
"May manghuhula 'don. Magpahula tayong apat!"
"Eh, 'di naman totoo 'yan," reklamo ni Danny. "Panoorin na lang natin ang freak show sa kabilang side ng perya. May lalaki raw na apat ang braso. Tapos meron daw sirena. Bagong huli sabi 'dun sa poster."
"Duh, mas hindi totoo ang mga 'yon. Costume lang 'yon. Bakit ka magsasayang ng pera sa gan'on?"
Mukhang hindi na naman magkakasundo ang dalawa kaya namagitan na si Andres. "Bakit hindi muna natin pagbigyan si Selna? Ladies' first. Tapos saka tayo pupunta sa gusto mong panoorin, Danny."
Mukhang pumayag ang dalawa. Hindi nga lang masyado nasundan ni Ruth ang usapan kasi may naamoy na naman siyang bulaklak. Iba-ibang uri na katulad ng tumutubo sa gubat na malapit sa bahay nila. Imposibleng pabango iyon. Amoy sariwa kasi.
Hindi na talaga niya nakaya pa balewalain. Iginala niya ang tingin sa paligid, mas alerto at observant ang kanyang mga mata. Siya lang ba o parang lalong dumami ang mga tao sa perya? At ngayon niya napansin na marami ang halatang hindi taga Tala. Parang hindi rin taga kalapit bayan. Katunayan mukhang foreigner ang mga ito kasi matatangkad. Kakaiba rin ang kagandahan at kaguwapuhan. At ang mga kasuotan, parang may maliliit na bato na kumikislap kapag tinatamaan ng ilaw. May mga sumasayaw sa saliw ng maharot na mga kanta sa isang bahagi. May naglalaro ng bingo at color game, may ibang naglalakad-lakad lang at may iba… patingin-tingin sa kaniya.
Bumilis ang tibok ng puso ni Ruth at wala sa loob na niyakap niya ang kanyang sarili. Bigla kasi siyang nilamig na hindi niya maintindihan. Napatingala siya sa langit. Bilog na bilog ang buwan. Bigla niyang naalala ang bilin ng nanay niya. Huwag kayo lalabas sa gabi…
"Ruth?"
Napasinghap siya nang magsalita si Andres malapit sa tainga niya at maramdaman niya ang magaan na haplos ng kamay nito sa likod niya. Nilingon niya ito. Bakas ang pag-aalala sa mukha nito habang nakatitig sa kaniya. "Okay ka lang? Nahihilo ka ba sa dami ng tao? Gusto mo bang magpahinga muna? Alam ko hindi ka sanay sa mga ganitong lugar."
Kumurap siya at marahas na umiling. "Ayos lang ako. Ano nang gagawin? Magpapahula 'di ba?"
"Ah, naiba na ang plano," nakangiwing sabi nito. Naramdaman niyang lumayo na ito sa kaniya ng kaunti at may itinuro sa likuran nito. Lumingon siya at nanlaki ang mga mata. Naroon na rin ang mga kaklase nila, nakikipag-usap kina Danny at Selna. "May pakulo pala na puwede natin gawin as a whole class. Hindi rin naman masama kung makisali tayo sa kanila. Okay lang ba?"
"Okay lang naman." Hindi talaga okay. Pero ayaw niya masabihan na killjoy.
Ngumiti na naman si Andres, mukhang natuwa sa sagot niya. Inilahad nito ang kamay, pinapauna siya. Tumikhim si Ruth at kahit naiilang ay naglakad palapit sa mga kaklase nila. Nahinto ang masayang usapan ng mga ito nang makita siya.
"Kumpleto na tayo lahat. Paano ang hatian ng grupo?" tanong ni Andres.
Nagkatinginan ang mga kaklase niya, halatang hindi komportable na naroon siya. Nailang na rin tuloy siya at napasulyap kina Selna at Danny. "Isang grupo kaming Literature club," sabi ng bestfriend niya na hinila si Danny palapit sa kinatatayuan ni Ruth.
"Pero gusto rin namin maging kagrupo si Andres," reklamo ng mga babae.
Nagsimula na naman magtalo ang mga ito. Bumaling siya kay Selna. "Ano bang activity ang gagawin natin?" pabulong na tanong niya.
Ngumiti ang kaibigan niya at kumislap sa excitement ang mga mata. "Test of courage."
Kumurap siya. "Ha?"
May tinuro ito. Lumingon siya. Sa dulong bahagi ng perya may isang booth na malayo sa karamihan. Ang disenyo niyon ay dalawang sulo na nakasindi sa magkabilnang gilid. Maliit lang iyon at dalawang tao lang ang bantay. Ang nameplate na nakadikit sa itaas ay, 'Hamunin Ang Tapang'.
Kumunot ang noo ni Ruth. "Paano natin hahamunin ang tapang natin sa ganoon kaliit na booth? Bakit hindi na lang tayo sa Hunted House?"
"Iyong ayaw sumali, maiwan na lang," parinig ng isa nilang kaklase na mukhang narinig ang sinabi niya.
Uminit ang mukha ni Ruth at nag-iwas ng tingin. Hindi na siya kumibo at nagpahuli na lang habang naglalakad ang grupo nila palapit sa booth. Kahit nang nakikipag-usap na ang mga ito sa dalawang bantay, nanatili siya sa likuran at tahimik na hinihintay makabalik ang mga kaibigan niya.