SUMMER VACATION. Malakas ang huni ng mga kuliglig at sumasabay sa ingay ang dahon ng mga puno at kawayan kapag humahangin. Alas dos ng hapon. Kahit nasa loob ng bahay nakakapaso pa rin ang init ng araw. Ayon sa balita sa radyo kaninang umaga, ngayon daw inaasahang maitatala ang pinakamainit na panahon para sa kasalukuyang taon ng ninety ninety nine.
Nasa kuwarto niya si Ruth, nakasalampak ng higa sa sahig na gawa sa kawayan at napapalibutan ng mga librong hiniram niya sa school library bago magsimula ang bakasyon. Balak niya tapusin basahin ang lahat ng iyon bago magpasukan.
Nasa kalagitnaan siya ng interesanteng chapter tungkol sa mga propesiya na magugunaw na raw ang mundo pagdating ng year two thousand nang may malakas na kumatok sa pinto. Malaking kubo-style ang bahay nila kaya kapag may kumakatok ng ganoon umaalog ang buong kabahayan. Mahirap magkunwari na walang naririnig.
"'Nay! Ruth! Pakibuksan ho ang pinto!"
Bumuntong hininga siya, nilagyan ng bookmark ang parte na binabasa niya at tumayo. Lumabas siya ng kuwarto, nilampasan ang munti nilang sala, bumaba sa tatlong baitang na hagdan papunta sa bahagi ng bahay nila na hindi na nakaangat sa lupa. Maluwag doon. May mga upuang kawayan malapit sa pinto at may papag pa. Sa isang panig naroon ang lutuan nila at sa mga pader na sawali nakasabit kasama ng mga kaldero, takure at sandok ang kung anu-anong mga dahon, baging at iba pang ginagamit ng nanay niya kapag nanggagamot ito.
"Tao po!" sigaw na naman ng boses lalaki.
Binuksan niya ang pinto. Nakita niya ang kanyang ate at ang asawa nito. Pagkatapos ang may kalakihang bag na bitbit ng lalaki. Nanlaki ang mga mata ni Ruth at napunta naman ang tingin sa malaking tiyan ng babae. "Manganganak ka na ate?"
"Oo yata. Si nanay?"
Umatras siya para makapasok ang mag-asawa. "Nagpunta kila Aling Maria kasi pinapatawas 'yung apo niya. Tawagin ko ba?"
Umiling ang ate Faye niya at hirap na umupo sa papag. "Hindi puwedeng istrobohin kapag tawas. Humihilab lang ang tiyan ko pero mukhang 'di pa naman lalabas agad-agad. Malayo sa bahay nina Rafael itong bahay natin kaya nagpunta na kami. Dito na namin hihintayin na lumabas si baby. Hindi ka pa hinahayaan ni nanay na manood ng panganganak 'di ba? Kina Raf ka muna matulog ngayong gabi. Nandoon naman si Selna kaya hindi ka maiinip."
"Okay. Mageempake lang ako ng dadalhin ko," walang pag dadalawang isip na sagot niya. Halos tumakbo siya pabalik sa kuwarto niya at nagsimula magligpit ng mga libro. Mahal niya ang pamangkin niya kahit hindi pa ito lumalabas pero ayaw niya manood ng panganganak. Katunayan ayaw din niyang nasa bahay siya kapag nanggagamot ang nanay niya. Alam kasi niya na pasimple siya nitong tinuturuan at sa bawat turo alam niyang unti-unti rin nito pinapasa sa kaniya ang kapangyarihan nito. Alam niya kasi sinabi na iyon ng nanay niya noon pa mang sampung taong gulang siya. Na sa kanilang magkapatid, siya raw ang may malakas na aura at mas may kayang manahin ang kakayahan nito.
Pero ayaw ni Ruth maging albularyo at komadrona. Mula pa noong bata siya hanggang ngayon, tampulan siya ng tukso at ilag ang mga kaedad niya sa kaniya dahil kilala ang nanay niya sa buong bayan nila. Sa mga matatanda, isang magaling na manggagamot ang kanyang ina. Pero para sa mga bata at teenager, mangkukulam ito at kampon ng kasamaan. Mga salitang tawag din sa kaniya mula pa noong maliit siya.
Hindi sa ikinahihiya niya kung ano ang nanay niya. Marami ito natutulungan at ginagalang ng halos lahat ng tao sa Tala. Pero hindi lang talaga para sa kaniya ang ginagawa nito. May iba siyang gustong maging pagtanda niya. Actually, hindi lang isa ang gusto niya maging. Mula pa noong bata pa siya, gusto niya maranasan ang maraming buhay. Ayaw niya makulong sa maliit lang na mundo.
Hinaplos niya ang cover ng mga librong hiniram niya sa library. Pagkatapos natutok ang atensiyon niya sa isang softbound na libro na iba sa lahat. Handmade iyon. Nakatahi lang ng yarn ang gilid para hindi maghiwahiwalay ang mga pahina. Wala rin nakasulat sa cover. Nakita niya ang title sa unang pahina na nasa loob. Typewritten. Collection Of Stories. A project of Tala High School's Literature Club, batch 1993.
Bago sila makagraduate, kailangan din nila magpasa ng ganoong proyekto. Ngayon pa nga lang nag-iisip na siya kung ano ang ipapasang contribution para roon. Basta gusto niya iyong kakaiba. Iyong kahit lumipas ang mahabang panahon, may estudyante pa ring maiisip tingnan ang gawa nila at babasahin iyon. Iyong mag-iiwan ng legacy nila sa school kahit na matagal na silang wala.
Bubuklatin pa sana ni Ruth ang susunod na pahina sa project ng batch 1993 kaso narinig na niya ang boses ng nanay niya mula sa labas ng bahay, mukhang kararating lang. Isinilid din niya sa backpack ang librong hawak niya. Nakapagbihis na siya at nakasukbit na sa mga balikat ang bag nang kumatok sa pinto ng kuwarto ang kanyang ina.
Tumaas ang mga kilay nito nang lumabas siya. "Handang handa ka na pala umalis ah."
Ngumiwi siya at humigpit ang hawak sa strap ng kanyang backpack. "Para makapunta na ako agad kina Selna." Kapatid ni kuya Rafael si Selna. Maliit lang ang populasyon sa bayan ng Tala at halos lahat ng magkakaedad sa kanila nagiging magkaklase at least isang beses sa buong buhay nila. Lalo at iisa lang naman ang elementary school at isa lang din ang high school sa bayan nila. Si Selna naging kaklase niya mula kindergarden hanggang third year high school. Hindi na siya magugulat kung magiging classmate rin sila sa darating na school year.
"O siya, sige. Mag-iingat ka at huwag kayo lalabas sa gabi. Bilog ang buwan ngayon. Ang proteksiyon mo, dala mo ba?"
"Opo. Nasa bulsa ko." Isa sa mga ginagawa ng nanay niya para sa mga humihingi rito ng tulong ay protective charms. Meron siya na pangkontra sa masasamang elemento na ginawa nito at ikinabit sa kaniya bata pa lang siya. Lapitin kasi siya ng mga nilalang na hindi nakikita. Mula nang gawan siya ng charm ng kanyang ina ay wala na siya nae-encounter o nararanasang kakaiba.
Nagpaalam si Ruth sa ate niya at asawa nito at saka lumabas ng bahay. Mataas pa rin ang sikat ng araw kaya binuksan niya ang itim na payong at nagsimula maglakad. Normal na magkakalayo ang mga bahay sa Tala pero pinakaliblib sa lahat ang tirahan nila. Literal na sa paanan ng bundok sila nakatira at ilang minuto pang lakaran bago mararating ang maluwag at flat na main road. Mula sa main road mga fifteen minutes namang lakaran para makarating sa bahagi ng Sitio nila na maraming bahay. Doon nakatira ang pamilya ni kuya Rafael at Selna.
Nakatayo pa lang siya sa labas ng gate ng bahay ng mga ito ay narinig na niya ang masaya at matinis na boses ng bestfriend niya. "Ruth! Sa wakas nandito ka na."
Tumingala siya. Nakita niyang nakadungaw halos kalahati ng katawan ni Sela sa bintana ng second floor. Nakaharap kasi sa kalsada ang kuwarto nito. Ngiting ngiti ang kaibigan niya. Kumakaway pa. Gumanti siya ng awkward na kaway. "Papasukin mo kaya ako."
"Ay, oo nga pala. Sorry. Teka lang." Nawala ito sa bintana. Naiimagine na ni Ruth na tumatakbo ito pababa ng hagdan at malamang ilang beses pa mauuntog o may masasanggi bago mabubuksan ang pinto. Clumsy kasi si Selna kapag excited.
Nakumpirma ang hinala niya nang lumabas ito ng bahay at nakangiwing hinahaplos ang tuhod. Binuksan nito ang gate at pinapasok siya. "Noong isang araw ko pa sinasabi kina ate Faye na papuntahin ka rito. Inip na inip na kasi ako. Ayoko talaga ng summer vacation," reklamo nito sabay kapit sa braso niya, naglalambing.
"Hindi ka na maiinip kapag lumabas na ang baby nila."
Ngumisi si Selna. "Tama ka. Magiging tita na tayo. Nakakatuwa!"