MALIIT na bayan lamang ang Tala pero mayaman at malalim ang kasaysayan. Sinasabing isa ito sa pinakaunang tinirhan ng mga sinaunang Pilipino, bago pa man dumating ang mga dayuhang mananakop. At siguro dahil sa lokasyon (kadulu-duluhang bayan sa probinsiya at nakakulong sa nakapalibot na mga kabundukan) kaya sa kabila ng paglipas ng maraming taon kapansin-pansin na maraming sinaunang kaugalian at paniniwala ang nananatili sa Tala. Nahuhuli rin ito pagdating sa teknolohiya kaya simple ang pamumuhay ng mga naninirahan dito.
Pero huwag magpapalinlang sa nakikita ng mga mata. Mukha mang normal at katulad din ng ibang lugar ang Tala ay puno naman ito ng misteryo at kababalaghan. Hindi lahat ng sabi-sabi ay tsismis lang. Hindi lahat ng panakot na kuwento ng matatanda sa mga makukulit na bata ay kasinungalingan. Hindi lahat ng alamat ay walang katotohanan. At minsan, hindi lahat ng taong binabati at nginingitian mo ay 'normal'. Dahil mula pa sa sinaunang panahon hanggang sa kasalukuyan, ang bayan ng Tala ay nababalot ng hiwaga.
Ayaw mo maniwala? Paano kung sabihin namin sa'yo na may isa pang Tala? Hindi iyon nakikita ng normal na paningin at nagpapakita lamang sa gusto nito pakitaan. Ayon sa kasabihan ng matatanda, kapag daw may hayop o taong nawawala at hindi makita, siguradong napadpad doon at hindi na makakabalik pa. Ang tawag namin sa bersiyon na 'yon ng Tala… Ang Nawawalang Bayan.