Chereads / High School Zero / Chapter 36 - Chapter Thirty-Six

Chapter 36 - Chapter Thirty-Six

Patuloy sa pagkurap ang ilaw sa poste sa tapat ng isang eskinita. Isang babae ang humahangos ng takbo papasok doon. Yakap nito ang bag habang umiiyak sa sobrang takot.

Isang bote ang naapakan ng babae na naging dahilan ng pagkakabagsak nito sa basang semento. Ilang daga sa isang malapit na basurahan ang nabulabog at nagtakbuhan palayo.

Kaagad na lumingon ang babae sa likod nito. Nakita niya ang matangkad na bulto ng tao. Nakasuot ito itim na saklob at mask. Tanging mga mata lang nito ang makikita sa mukha nito. Sa kaliwang kamay nito makikita ang hawak nitong kutsilyo.

Sinubukan ng babae na tumayo ulit ngunit nakaramdam siya ng matinding sakit sa kanyang tuhod. Nakita niyang nagdudugo na ito. Muli siyang tumingin sa lalaking nakasunod sa kanya.

"H-Hwag... maawa ka..." umiiling na sabi niya. Patuloy ang pagtulo ng kanyang mga luha. "H-Heto ang bag ko... kunin mo na... hwag mo lang akong sasaktan... please..."

Hindi sumagot ang lalaki. Nagpatuloy lang ito sa paglalakad palapit sa kanya.

"Hwag... please... please... parang awa mo na..."

Parang walang naririnig ang lalaki. Hinawakan nito ang mahabang buhok ng babae at hinila palapit. Agad na umalpas ang babae ngunit hindi siya makawala sa pagkakahawak nito sa kanya. Kinain na ng takot ang buong puso niya.

Itinaas ng lalaki ang kutsilyo at mabilis na ibinaba sa mukha ng babae.

Sa madilim na eskinita, isang malakas na sigaw ang maririnig at ang ilaw sa poste ay tuluyan nang namatay.

***

Sa paligid ng soccer field, tumatakbo ang class 1-A. Si Tammy Pendleton ay kasalukuyang nasa pinaka-hulihan ng klase kasama ang mga babae.

"It's so hot! Masusunog na ako!" reklamo ni Lizel habang nagpupunas ng pawis gamit ang panyo.

"Umagang umaga mag-aamoy araw na tayo," reklamo ni Fatima.

"Hindi pa ba tayo hihinto?" tanong ni Cami.

"May isang lap pa. Ang bagal nyo tumakbo bilisan nyo nga. Naiiwanan na tayo!" inis na sabi ni Helga.

"Pero hindi ko na kayang tumakbo!" sagot ni Cami.

"Dapat talaga sa gym nalang tayo, maglaro nalang dapat ng basketball," sabi ni Lizel. "May bago pa naman akong sneakers tapos gagamitin lang sa labas."

"Para ano? Pagtatawanan na naman tayo ng mga boys kapag naglaro tayo ng basketball," sabi ni Helga saka umirap.

"Yabang nila, e. Sila lang marunong?" inis na sabi ni Lizel.

"Si Tammy parang naglalakad lang sa park, mukhang fresh parin. This is so unfair!" reklamo ulit ni Fatima.

"Cancelled daw yung history class natin mamaya. Maaga tayong makakauwi," anunsyo ni Cami habang nagbabasa ng message sa cellphone.

Sa tuwing may mahalagang anunsyo ang mga teachers, nagpapadala sila ng email o text message sa mga estudyante.

"Wow! Punta tayo sa shopping district mamaya!" yaya ni Lizel.

Tinignan saglit ni Tammy ang mga kasama. Nitong umaga, napansin niya ang maagang meeting ng mga teachers. Mukhang balisa ang mga guro sa faculty. At habang naglalakad siya sa hallway, narinig niya ang usapan ng dalawang teachers tungkol sa gumagalang slasher. Ang sabi nila, nasa city na nila ito at may nabiktima nang estudyante kagabi.

"Umuwi kayo ng maaga mamaya," sabi ni Tammy. "Nasa city na nating ang slasher."

"Wow Tammy, kailan ka pa naging updated sa mga balita?" natatawang tanong ni Cami.

"Nabasa ko nga 'yon kanina sa forum. Kaya pala maaga tayong uuwi mamaya," sabi ni Lizel.

"Ang ibig bang sabihin non, posible tayong mabiktima?" masayang tanong ni Fatima na may kumikislap na mga mata.

Kumunot ang noo ni Helga. "Bakit ang saya mo pa?"

"Ibig sabihin non, maganda rin ako. Ahihihi~" hagikgik ni Fatima.

Hindi napigilan nina Cami at Lizel na itulak si Fatima palayo. "Umuwi ka na nga!"

"Hey! Hwag nyo akong itulak. Huhu binubully nyo ako dahil maganda ako? Huhu! Mga insecure!"

Umiling nalang si Helga at bumulong: "Stupid."

***

Nakatingin si Hanna Song sa kanyang cellphone, binabasa niya ang mga naka-post sa private group na kanyang nasalihan. Myembro roon ang kanyang pinsan na babae at inimbitahan siyang sumali.

Ang sabi ng kanyang pinsan, isa raw sa mga members na naroon ang gumagalang slasher. Kung sino ito, hindi nila alam.

Dala ng matinding curiosity, gamit ang isang dummy account, kaagad siyang sumali.

[OMG sikat na sikat na talaga si Master ngayon! Pinag uusapan na naman siya sa school namin! Hahaha! Buti nga kay Sabel, ang landi kaya ng haliparot na 'yon! Tignan ko lang kung makapang-agaw pa 'yon ng boyfriend sa mukha non ngayon! Hahahaha! :D]

[Master! Ako naman ang pagbigyan mo! Ito si Kylie, isa rin sa mga makakating higad na dapat turuan ng leksyon! Tatlo ang boyfriend niyan! Napakalandi talaga! Pati yung crush ko inagaw niya! *insert picture*]

[Master, please tulungan mo ako mabawi ang boyfriend ko mula sa babaeng 'to! Please!!! Nagmamakaawa ako!!! *insert picture*]

Napataas ang isang kilay ni Hanna Song sa mga nabasang posts. Hindi niya alam kung totoo ba ang sinabi ng kanyang pinsan na nasa group ang slasher.

"OHH!!! Tignan nyo! Tumatakbo si King!"

"Puso ko 'tol! Ugh!"

"Ang ganda talaga ni King Tammy. Kung naging kamukha ko lang sana si King Nino, baka niligawan ko na 'yan."

Nagpantig ang mga tenga ni Hanna Song nang marinig ang pangalan nina Tammy at Nino. Hindi lang ang posisyon niya ang inagaw ng babaeng iyon kundi pati na rin ang atensyon ng mga Kings! Ano ba ang meron kay Tammy na wala sa kanya?!

So what kung kaya ni Tammy na makipag-laban sa tournament? So what?! Pinagbigyan lang naman ito sa last fight nito! Hindi ba nila nakikita na nandaya si Tammy at ginamit ang pagiging babae nito para manalo sa laban?!

Lahat sila nagpapaloko sa babaeng iyon!

Inis na tumayo si Hanna at lumabas ng classroom. Pumunta siya sa lady's room at pumasok sa isang cubicle. Binuksan niya ang forum ng school nila at naghanap ng picture ni Tammy Pendleton.

[Tammy Pendleton – a fake bitch! *insert picture*]

***

"Tammy, thank you sa pag-sama mo sa'kin dito sa bookstore," sabi ni Willow habang papasok sila ng bookstore. "Yung gusto ko kasing hiramin na libro sa library namin nahiram na. Sana may book sila non rito."

"Tutulungan kitang maghanap."

Kumuha ng basket si Willow. Napatingin doon si Tammy.

Ngumiti si Willow. "Hehe. Baka kasi makakita rin tayo ng ibang books na pwede pang bilhin. Release na ngayon ang third book ng inaabangan ko, e. Kailangan ko na ulit maghanap ng ibang books na babasahin."

"Someone's confident," puna ni Tammy sa kaibigan. "May oras ka pa na magbasa ng ibang libro bukod sa reviewer mo."

"B-By team naman ang contest kaya okay lang na mag-focus lang ako sa mga piling subjects! Atsaka, pagod na ang utak ko sa kakabasa ng reviewer, gusto ko naman magbasa ng ibang libro." Pinalobo ni Willow ang kanyang mga pisngi hanggang sa nagmukha itong hamster.

Hindi napigilan ni Tammy na sundutin gamit ang daliri ang pisngi ng kaibigan. Namimiss na talaga niya ang matabang pisngi nito.

"Walang sisihan kapag hindi kayo nakapasok sa final round."

"Wow Tammy, ikaw ang confident dyan, ah. Sure na sure ka na makakapasok kayo sa finals."

"Of course, even if you're my bestfriend I won't show you any mercy."

"Grr! Bring it on, Tammy! Kami ang mananalo sa finals!" deklara ni Willow.

Ngumiti lang si Tammy at nagpatuloy sila sa paghahanap ng mga libro na mabibili.

Alas siete na ng gabi nang maisipan nila na umuwi. Nagpadala ng sasakyan ang Lolo ni Willow para sunduin ang apo nito.

"Tammy, sumabay ka na. Ihahatid ka namin," alok ni Willow.

Umiling si Tammy. Nasa magkabilang direksyon ang mga bahay nila. Hindi man ito magkalapit, hindi rin naman ganoon kalayo. Pero may iba pa siyang gagawin kaya naman minabuti niyang tumanggi.

Pinanood niya ang kotse na lumayo saka siya nagpatuloy sa paglalakad sa shopping district.

Kanina pa niya nararamdaman na may sumusunod sa kanila ni Willow. At hindi nawala ang pakiramdam na ito ngayong mag-isa nalang siya. Kung ganon, tama ang hinala niya na siya ang sinusundan nito.

Maaari siyang sumabay sa sasakyan ni Willow para ligtas na makauwi. Pero kung siya ang target ng taong sumusunod sa kanya, baka sa susunod ay madamay na si Willow. Kailangan niyang malaman kung ano ang pakay ng taong ito.

Lumiko siya sa isang makipot na daan, nagtago siya sa isang madilim na bahagi at hinintay na makalapit ang taong sumusunod sa kanya.

Nakita niya ang isang matangkad na bulto ng lalaki. Ngunit hindi niya maaninag ang mukha nito.

Pumulot ng bato si Tammy at ibinato ito sa kabilang direksyon. Nang marinig ng lalaki ang ingay, kaagad itong napatingin doon.

Mabilis na kumilos si Tammy at sinipa sa likod ang lalaki. Dahil hindi ito handa kaagad itong nawalan ng balanse at natumba sa sahig. Hinawakan ni Tammy ang kamay ng lalaki at pinilipit ang braso nito sa likod habang ang kanyang tuhod ay nakatuon sa likod nito.

"Sino ka?" malamig niyang tanong. "Bakit mo ako sinusundan?"

"K-King! Wala akong masamang intensyon! Suko na ako, suko na ako!" anunsyo nito.

Kumunot ang noo ni Tammy. Tinawag siya nitong King. Ang ibig sabihin, ka-eskwela niya ang taong ito.

"Sino ka?" Tinignan ni Tammy ang kalahati ng mukha ng lalaki. Kaagad naman niya itong namukhaan ngunit hindi niya maalala ang pangalan. "Ikaw si... number two?"

'N...number two? Nakalimutan nya na ba ang pangalan ko?' saisip ng lalaki saka nakaramdam ng pagkadurog ng kanyang puso.

"Ako 'to, si Banri."

Pinakawalan ni Tammy si Banri saka siya tumayo. "Ano'ng kailangan mo? Bakit mo ako sinusundan?"

Tumayo si Banri at humarap sa kanya. Minasahe nito ang napilipit na braso. "Narinig ko kasi na nandito lang sa paligid ang slasher. Kaya sinundan kita para masigurado na ligtas ka."

Natigilan si Tammy sandali. Hindi naman sila close ni Banri, bakit nito iyon gagawin?

"Hindi mo na dapat ginawa iyon. Kaya ko ang sarili ko," sabi ni Tammy.

Naiilang na tumawa si Banri at napakamot sa ulo. "Alam ko, malakas ka. Hindi mo ako kailangan para protektahan ka kaya naman patago ako na sumunod."

Napa-ubo si Tammy sa narinig. Hindi niya alam kung bakit bigla siyang nailang sa narinig.

"Paano mo naman naisip na ako ang target ng slasher?"

"Kasi maganda ka," diretso na sagot ni Banri. Nang ma-realize nito ang nasabi, kaagad na namula ang mukha at tenga nito. Ngunit dahil madilim ang paligid, hindi iyon napansin ng dalaga.

Muling natigilan si Tammy sa narinig. Hindi siya ang tipo ng tao na itatanggi kapag nakarinig ng compliment. Alam niya sa sarili niya na maganda siya dahil pareho niyang nakuha ang genes ng kanyang mga magulang.

Maraming nakapagsabi na maganda siya kaya naman tumatak na ito sa isip niya. Hindi bago sa kanya ang mapuri, pero may kakaiba sa pagkakasabi ni Banri kaya naman bigla siyang natigilan.

Sinabi iyon ni Banri bilang katotohanan at hindi sa paraan ng pagbibigay ng compliment sa isang tao.

"Kaya ko ang sarili ko, mag-isa lang ang slasher hindi ba?" pag-iiba ni Tammy ng usapan.

Tumango si Banri. "Kayang kaya mo nga siya, walang panama ang slasher na 'yon sa'yo! Lalo na sa sipa mo, tumba kaagad 'yon," nakangiti nitong sabi saka humawak sa likod nito.

Tinignan ni Tammy saglit si Banri bago umiwas. Bigla niyang naitanong sa sarili kung gawain ba talaga nito na mag-sabi ng mga positibong bagay sa mga tao?

"King, saan ang bahay ninyo? Hatid na kita sa inyo."

"Hindi mo na kailangan—" Natigilan si Tammy nang lingunin niya si Banri. Sa likod nito ay may nakatayong matangkad na tao at may hawak itong mahabang bagay.

Huli na bago pa niya masabi kay Banri na umiwas. Malakas na tumama ang metal pipe sa ulo ni Banri na kaagad nitong ikinabagsak.

"Banri!" Hindi nakalapit si Tammy dahil mabilis na lumapit sa kanya ang slasher para ihampas ang tubo.

Isang tubo sa isang kamay at isang kutsilyo sa kabila. Umatras si Tammy upang makaiwas. Hindi niya mamukhaan ang slasher dahil sa saklob at mask nito. Mas matangkad ito kaysa sa kanya at may mahahabang braso. Malawak ang sakop ng hampas nito.

"Tch!" sabi ng slasher nang makaiwas na naman si Tammy mula sa atake niya.

Habang abala sa pag-iwas si Tammy sa slasher, unti-unti naman na bumalik ang paningin ni Banri. Nakakaramdam parin ito ng matinding pagkahilo. Nang makita niya ang nangyayari sa harapan niya, kaagad siyang kumilos.

Sinunggaban ni Banri ang mga binti ng slasher. "Ngayon na, King!"

Hindi nag-aksaya ng oras si Tammy. Mabilis niyang sinipa ang metal pipe na palapit sa kanya. Kaagad iyong tumalsik. Muli sanang aatake si Tammy ngunit itinaas ng slasher ang kabilang kamay na may hawak na kutsilyo. Ngunit nang akala niya na sa kanya ito papunta, nag-iba ito ng direksyon.

"Bitawan mo ako!!!" sigaw ng slasher kay Banri bago nito isinaksak ang kutsilyo sa likod nito.

"Argh!" sigaw ni Banri nang bumaon ang patalim sa likod nito.

Nang makita iyon ni Tammy, kaagad siyang nablanko at kusang kumilos ang katawa niya. Buong lakas niyang sinipa sa sikmura ang slasher. Dahil hindi parin nabibitawan ni Banri ang mga paa nito, kaagad itong tumumba.

"B-Banri!" Nilapitan ni Tammy si Banri at tinignan ang likod nitong may nakabaon na kutsilyo. Hindi malalim ang pagkakabaon nito ngunit nakaramdam parin ng matinding takot si Tammy lalo na nang makita niya ang dugo.

Kaagad na nanginig ang buo niyang katawan nang pumasok ang mga alaalang pilit niyang ibinaon noong bata pa siya.

'Timothy!!!'

'Saklolo, tulungan ninyo kami! Tulong!!!'

'Timothy, gumising ka!!!'

Naging kulay pula ang paningin ni Tammy. Pakiramdam niya ay nalulunod siya sa dugo. Nahirapan siyang huminga at nawalan siya ng pakiramdam sa kanyang paligid. Wala siyang naririnig kundi ang sigaw ng kanyang Mama. Bumalik siya sa nakaraan at muli niyang nakita ang eksena na nagbigay sa kanya ng walang hanggan na bangungot.

Hindi nagtagal, nagdilim ang kanyang paningin at kaagad siyang nawalan ng malay.

Hindi nagtagal, nagdilim ang kanyang paningin at kaagad siyang nawalan ng malay