Chereads / High School Zero / Chapter 42 - Chapter Forty-Two

Chapter 42 - Chapter Forty-Two

Naglalakad si Banri sa hallway ng school, dama niya ang pagtitig sa kanya ng kanyang mga ka-eskwela. Nang makalagpas na siya, umugong ang bulungan ng mga ito.

Tinatagan ni Banri ang kanyang puso nang makarinig ng mahinang pagtawa sa likod niya. Pumasok siya sa loob ng kanilang classroom. Ang kaninang maingay na mga estudyante ay biglang tumahimik. May dumaang anghel.

"Chii~!" bati ng dilaw na sisiw sa ulo ni Banri. Tumingin ito sa paligid at pinagmasdan ang ibang estranghero sa silid.

"PFFT!" Napa-takip ng bibig ang isang lalaki at pilit na nagpigil ng tawa. Mahal niya ang kanyang buhay.

Hindi siya nag-iisa sa pagpipigil ng tawa. Kung titignan, ang isang mukhang siga na si Banri at isang dilaw na sisiw sa ulo nito. Ang ganitong tanawin ay maaaring maisama sa Eight Wonders of the World. Tunay na nakamamangha.

"A-Alpha, hindi parin ba bumibitaw ang sisiw na 'yan?" lakas loob na tanong ni Bo. Tatlong araw na ang nakalipas simula nang pumasok si Banri na may dalang sisiw.

"Sa tingin mo, gusto kong pumasok sa school kasama ang sisiw na 'to sa ulo ko?" Bumuntong hininga si Banri. Nasira na ang imahe niya sa school. Marami na ang pinagtatawanan siya. Hindi lang sa loob ng school kundi pati na rin sa labas. Maging sa sarili nilang gym ay hindi siya ligtas.

Nang maka-uwi siya sa bahay nila, nagawa naman niya itong alisin sa kanyang ulo nang pakainin ito ng kanyang ate. Pero pagkatapos non? Hindi ito tumigil sa kakaiyak. At ang iyak na ito ay tumagos sa puso ng kanyang ate at pinilit siya nitong ibalik ang sisiw sa ulo niya. Saka lang ito tumahimik nang mabalik sa pugad nito.

"SI KING TAMMY, BUMALIK NA!!!" sigaw ng humahangos na si Gun mula sa labas ng classroom. Muli itong tumakbo paalis upang sumalubong, kumuha ng pictures at maunang mag-post sa forum.

"Si King Tammy pumasok na?"

Dali-daling tumakbo sa bintana ang mga kaklase ni Banri. Nakita nila si King Tammy na kapapasok lang ng school gate. Sa kanilang paningin, tila may mga pink na petals ng rosas na pumapatak mula sa langit.

Ang totoo ay hindi sila namamalikmata. Totoong may naghahagis ng petals mula sa rooftop at itinatapat nila ito sa higanteng electric fan upang hanginin papunta kay Tammy.

Ang pasimuno nito ay walang iba kundi si King Nino.

"My eyes have been blessed," nakangiting sabi ni Nino habang may hawak na telescope. Halata ang masayang mood nito.

Blanko ang mukha nina Lily at Yana habang sinusunod ang utos ni Nino. Pagdating sa mga magagandang bagay, makikita talaga ang appreciation ng hari nila.

Nagtataka na tumingin sa langit si Tammy. Bakit parang may ikakasal? Nagkibit balikat siya at nagpatuloy sa paglalakad. Pumasok siya sa school building at maraming estudyante na bumati sa kanya.

"Welcome back, King Tammy!"

"Kumusta ang bakasyon mo, King?"

"Hi King Tammy!"

"Welcome back, King!"

Binigyan niya ng tango at tipid na ngiti ang mga sumalubong sa kanya. Nang makarating na siya sa kanyang classroom at maka-upo, saka lang siya nakahinga nang maluwag.

"King, welcome back!"

"Tammy, kumusta ang bakasyon mo?"

"Parang mas gumanda ka lalo. I hate you na talaga."

Nilapag ni Tammy ang paperbag sa mesa. Mula roon ay naglabas siya ng isang itim na box. Meron itong kumikinang na gold ribbon.

"Para sa inyo," sabi ni Tammy. Binuksan niya ang box at nakita ng mga kaklase niya ang ilang gold packets ng chocolate.

'CHOCOLATE GALING KAY KING TAMMY!' sigaw sa isip ng mga lalaki.

Mabilis na lumapit ang mga kalalakihan at kanya-kanyang kuha ng chocolate mula sa box. Masaya nilang pinakatitigan ang pasalubong sa kanila. Siguradong marami ang maiinggit sa kanila. Buwahahaha!

"GOVIDA Gold," basa ni Helga sa wrapper. "Is this new? Wala pa akong nakikitang ganitong chocolate nila."

"Saan ka ba pumunta, Tammy?" tanong ni Cami. Kaagad itong nag-selfie kasama ang chocolate, saka inalis sa wrapper at kinain. Napapikit ito at halatang nag-enjoy sa kinakain.

"Sa Switzerland."

"Switzerland? Kaya naman pala," sagot ni Helga. Nasa bansang iyon ang HQ ng GOVIDA.

"Ang hirap mo mahanap Tammy, gumawa ka naman ng accounts sa social media. O kaya mag-blog ka para may idea kami kung saan ka pumunta. Bigla kang naglaho," sabi ni Lizel sa nagrereklamong tono.

"Oo nga," tango ni Fatima na katulad ni Cami ay kumakain na rin ng chocolate.

"Blog?" bulong ni Tammy. May idea na pumasok sa kanyang isip.

***

Napaubo si Nix nang marinig ang request ni Tammy.

"Gusto mo'ng tulungan kita na gumawa website?" tanong ni Nix habang kumakain ng lunch – ang paborito niyang kare-kare. "Kaya mo na 'yan."

Hindi masabi ni Nix na pinarusahan siya ng Madam Boss. Gusto niyang mag-lie low muna. Baka muli siyang ipatawag kapag may ginawa siyang tatama sa bottom line ng Mama ni Tammy.

Hindi man siya naparusahan nang mabigat, ngunit dignidad naman niya ang nasira. Ilang tao ang pumasok sa opisina ng Madam Boss habang siya ay naka-face the wall? Wala siyang mukha na maiharap.

Nagtataka man ay hindi pinilit ni Tammy si Nix na tulungan siya. Gaya ng sabi nito, kaya niyang gumawa ng website ngunit masyado siyang magiging busy ngayon. Bukas ay kailangan na nilang pumunta sa capital para sa quiz bee contest.

Ang akala niya ay hindi niya maaabutan ang contest. Hindi niya alam kung ano'ng nangyari pero nagpapasalamat siya.

Gusto talaga niyang sumali roon para mag-represent sa Pendleton High. Sa ganitong paraan, hindi na puro negatibo ang magiging tingin sa kanila ng mga tao.

Lumabas ng security room si Tammy.

Siguro, kay Timmy nalang niya ibibigay ang assignment na tinanggihan ni Nix.

Habang naglalakad pabalik sa school building, nakarinig ng tunog si Tammy.

"Chii~ Chii~ Chii~"

Sinundan niya iyon at nakita si Banri na nakaupo sa damuhan, nakatitig ito sa isang sisiw sa palad nito.

"Ano'ng ginagawa mo?" tanong ni Tammy.

Mabilis na napatingin sa kanya si Banri at nagulat. "King..."

"Chii~?"

Tumayo si Banri. Kanina ay pinapakain niya ang sisiw. Gusto niyang iwan ito ngunit nako-konsensya siya maisip pa lang niya ang maaaring mangyari. Sa lahat ng tao, bakit siya pa?

At sa malas niya, nakita pa siya ni Tammy. Siguradong pagtatawanan din siya nito. Hindi yata kakayanin ng kanyang babasaging puso kapag ito na ang tumawa sa kanya.

"Chii~ Chii~" tawag ng sisiw kay Tammy.

"Saan galing ang sisiw?" tanong ni Tammy. Gamit ang hintuturo, hinawakan niya ang ulo ng sisiw.

"Uh." Napalunok si Banri. Nagulat siya dahil lumapit si Tammy sa kanya para hawakan ang sisiw. "Ibinigay ng mga bata sa playground. Naghahanap sila ng mag-aampon." Hindi maalis ni Banri ang tingin sa dalaga.

Ngumiti si Tammy. "Cute."

'Sino? Ako o yung sisiw?' Napatingin saglit si Banri sa sisiw na hinahawakan parin ni Tammy. Nakaramdam siya bigla ng inggit.

"Chii~" tila naintindihan ng sisiw ang sinabi ng dalaga. Nagbigay ito ng proud look. Nakalabas ang dibdib nito at nakatingala.

Itinigil ni Tammy ang ginagawa at tumingin kay Banri.

"I'm sure pinili ka nila dahil nakita nilang responsable kang tao," paliwanag ni Tammy. Muli niyang tinignan ang sisiw. Saglit na pumasok sa kanyang isip ang pag-aalaga ng sisiw. Ngunit kaagad din itong nawala nang makita niya ang mukha ng pusang si Cosine.

Isang natural predator ang pusa nila. Napakarami nitong hinuhuli at iniuuwi sa bahay nila. Minsan ay nag-uwi ito ng patay na ahas, sumakit tuloy ang ulo ng kanilang Mama.

Dahil sa malalim na iniisip, hindi nakita ni Tammy ang pamumula ng mukha ni Banri. Paulit-ulit na nag-play sa isip ni Banri ang papuri sa kanya ng dalaga.

***

Ilang bus ang magka-kasunod na huminto sa tapat ng Green Leaf Hotel. Dito magche-check in ang mga estudyante na kasali sa quiz bee contest. Gaganapin ito sa loob ng tatlong araw.

Sixty High Schools ang sumali sa contest. Mula ito sa iba't-ibang parte ng bansa.

Sumalubong sa kanila ang engrandeng entrada ng luxury hotel. Kumikislap na crystal chandelier sa itaas, at magandang ambiance. Ang hotel ay mayroong ipinagmamalaking luxurious rooms na may maganda view, outdoor infinity pool, gym, spa, business centre, at marami pang iba.

Hindi lang sa ganda ng hotel ito kilala, marami ring pumupuri sa first class services na ino-offer sa mga customers. Ilang food critic na rin ang nag-stay dito para lang matikman ang mga pagkain.

Lumapit ang mga organizers sa reception area at inayos ang rooms ng mga kalahok. Hindi parin sila makapaniwala na sa hotel na ito sila manunuluyan habang nagaganap ang contest.

Alam ng karamihan na ang Green Leaf Hotel ay isang maliit na paraiso kung maituturing. Malawak ang lupa na sinasakupan nito. Meron itong sariling forest area. Napapalibutan ang hotel ng mga puno. Sa gitna ng magulong city, para kang pumasok sa ibang mundo. Isa nga talaga itong maliit na paraiso sa gitna ng syudad.

Nang magkaroon ng problema ang mga organizers dahil sa kamalasan, biglang tumawag ang Green Leaf Hotel manager sa kanila. Nag-alok ito ng fifty percent discount sa kanilang hotel.

Nang marinig nila ito, hindi sila makapaniwala. Bakit ang palaging fully booked na hotel ay tatawag sa kanila at mag-ooffer ng ganito kalaking discount? Nagtataka man ay mabilis din nilang sinunggaban ang offer.

Matapos non ay saka sila nag-imbestiga. Nalaman nila na ang may ari ng hotel ay ang chairman ng Pendleton High.

Pendleton High? Ang kinatatakutan na eskwelahan? Naalala nila na may ipinadalang representatives ang school.

Muling nag-usap ang mga organizers sa lumitaw na problema. Hindi naman siguro sila ipagtatabuyan sa oras na matalo ang school sa elimination round?

Walang kamalay-malay ang tatlong representatives ng Pendleton High sa iniisip ng mga organizers ng contest.

Nasa pool area sila ngayon at nagpapahangin, kasama ni Tammy sina Jessica at James. Silang tatlo ang pambato ng Pendleton High sa contest.

Bukod sa kanilang tatlo, si Willow Rosendale na dapat ay kasama ang team nito, hindi maalis ang kapit sa braso ni Tammy.

"Tammy~ Tammy~ Roommate tayo, please?" Hindi pinapansin ni Willow ang existence ng dalawa pang kasama ni Tammy. Si Tammy lang ang nakikita niya ngayon.

Nauna nang nagpa-book si Willow sa hotel. Kinuha niya ang presidential suite sa tulong ng kanyang Lolo. Matagal nawala si Tammy kaya naman balak niyang bumawi sa bonding nila. Magiging masaya ang kanilang stay sa hotel. Para lang itong pajama party. Napaka-raming scenario ang naisip ni Willow saka humagikgik.

Hindi pinansin ni Tammy ang weirdong pagtawa ng kaibigan niya. Siguradong mapapabuntong hininga lang siya kapag nalaman niya kung ano ang tinatawa nito.

Nasa ibang bagay ang focus niya. Kung magiging roommate sila ni Pillow, bibigyan niya ito ng maraming pagkain. Kapag nangyari iyon, maibabalik na ba ang kanyang malambot na unan? Hmm.

Isa itong chance na hindi niya dapat palagpasin.