Nilapitan ni Mary Rose ang vanity table, may tatlo itong salamin – isang center at dalawa sa sides. Nakapatong dito ang isang matangkad na crystal vase – naglalaman iyon ng tatlong piraso ng pink anemone flower. Ngayon lang niya nakita ang bulaklak na ito sa personal.
"Tignan mo, Rose! May sarili tayong patio!" tuwang tuwa na sabi ni Aisha habang binubuksan ang pintuan non. "Hwaa! Ang ganda ng view! Picture-an mo ako dali!" Ibinigay nito ang cellphone sa kaklase at gumawa ng pose na palagi nitong nakikita sa instagram.
Matapos makuhanan ng ilang shots, mabilis na binawi ni Aisha ang cellphone at nag-umpisang picture-an ang mga magagandang bahagi ng kwarto.
Humiga si Mary Rose sa malaking kama, saka niya inabot ang remote control para sa TV.
"Woo. Ang lamig naman," sabi ni Hazel nang lumabas mula sa bathroom – basa ang mukha nito. Sa mga kamay nito ay isang puti at makapal na towel. "Pwede ba pakihinaan ang aircon? Paano ba 'yon hinaan? Bakit nasa itaas? Hindi ko maabot."
"Baka de-remote rin?" hula ni Aisha.
"Huh? May remote ba?" tanong ni Hazel.
"My goodness! Napaghahalataan tayo."
"Sorry naman, electric fan kasi gamit sa bahay. Malay ko naman sa mga ganyan. Yung aircon naman sa internet shop de-pihit lang din e. Hahaha!"
Nakita nila ang remote sa bedside table at sa wakas ay nakuha na ni Hazel ang gusto nito. Binuksan nito ang travel bag at hinalungkat ang mga gamit.
"Ang ganda ng banyo, guys. Dito na ako titira sa loob!" anunsyo ni Aisha. Nakita nito ang jacuzzi at hindi na makapaghintay na gamitin iyon.
"Hoy, nauna ako! Pumila ka!" sagot ni Hazel. Naghanap lang siya ng pamalit na damit upang makaligo na.
"Pwede kaya tayong mag-swimming sa pool mamaya? Nakita nyo ba kung gaano kalawak yung pool?" tanong ni Aisha.
"Gulay, wala ako'ng dalang panligo. Pwede ba ang tshirt at shorts?"
Tinignan ni Mary Rose ang dalawa niyang ka-teammate. Nakalimutan yata ng mga ito na wala sila sa bakasyon.
Nagulat silang tatlo nang may tumunog na bell.
"Ano 'yon?" tanong ni Mary Rose sa mga kasama.
"Doorbell ata?" tumayo si Hazel at binuksan ang pinto. Nakita niya na nakatayo ang kanilang adviser na si Mrs Cuenco. Nasa fifty years old na ito at may maamong mukha.
"Okay lang ba kayo rito?" tanong nito.
"Opo teacher," sagot ni Aisha mula sa loob ng silid.
"Mabuti naman. Halika na kayo sa ibaba at nang makakain na tayo ng tanghalian. Siguradong gutom na kayo," malumanay na sabi ng guro.
"Yehey! Siguradong masarap ang mga pagkain dito! Woohoo!" excited na sabi ni Aisha.
"Shh. Aisha, hwag kang maingay. Baka may makarinig sa'yo, isipin nila hindi ka pinapakain sa inyo," saway ni Hazel. Maging siya ay excited na rin sa kakainin nila pero naalala niya ang mga kasabay nilang estudyante kanina sa bus. Puro mga galing sa private school hindi katulad nilang tatlo.
Pumunta sila sa dining area ng hotel, nakita nilang marami na ang nandoon.
Pumili sila ng table at umupo. Isang waiter ang kaagad na lumapit sa kanila at nagbigay ng menu. Matapos non ay umalis ito at lumapit sa kabilang mesa kung saan may mga gusto nang magbigay ng order.
Inikot ni Aisha ang paningin sa paligid. May malumanay na tunog ng piano sa loob ng kainan. Ang set ng mesa at upuan ay mukhang galing sa Victorian era. Muli niyang inilabas ang cellphone upang kumuha ng mga larawan.
"Nakakalula naman ang mga presyo ng pagkain dito," bulong ni Hazel. "Pero sagot naman ito ng mga organizers, hindi ba? Kasi wala akong extra na pera pambayad."
"May inilaan na budget ang mga organizers, mukhang kasya naman iyon para sa ating lahat," nakangiting paliwanag ni Mrs Cuenco.
"Ayos naman pala." Nakahinga nang maluwag si Hazel, maging sina Aisha at Mary Rose din.
Nagulat din silang dalawa nang tignan ang menu. Makakabili na sila ng bigas at ulam na kasya ng dalawang araw sa presyo ng isang meal dito. Maging ang mga inumin dito ay napaka-mahal.
Sa grupo nila, tanging si Aisha lang ang masasabing kayang magbayad sa mga pagkain dito. Ang ama nito ay nagta-trabaho sa dubai kaya naman nabigyan ito ng extra money ng ina. Ngunit sina Mary Rose at Hazel, ang laman ng wallet nila ay sapat lang para makabili ng tinapay at noodles.
Isang matinig na tunog ang kanilang narinig.
Napahawak si Mary Rose sa bulsa ng kanyang jacket at mula roon ay kinuha niya ang kanyang cellphone.
[Ate, nandyan na raw ba kau sa hotel? Pinapatanong ng Nanay. Txtbk]
Naging abala si Mary Rose sa pagre-reply, hindi niya napansin ang ilang tingin na pumukol sa kanya.
Isa sa mga napatingin kay Mary Rose dahil sa tunog ay si Jasmine Fontanilla – ang teammate ni Willow. Kanina pa ito wala sa mood dahil hindi niya malapitan si Willow. Nakadikit ito ngayon sa babaeng taga-Pendleton High. Ew.
Ngunit kahit na badtrip siya, hindi ito makikita sa kanyang maamong mukha na hindi nawawalan ng ngiti sa mga labi. Kausap nito ang ilang representatives ng ibang school.
"Wow. First time kong makita ang cellphone na iyon in real life," sabi ni Lincee.
"Nakikita ko 'yon sa mga meme sa internet. Matibay daw 'yon at mahaba ang battery life – tumatagal ng tatlong araw," sabi naman ni Erika.
"Ano'ng school sila?" curious na tanong ni Jasmine.
"Mm. No idea," kibit balikat na sagot ni Tanya. Tumingin ito sa tshirt na suot ng babae sa kabilang table. "Now ko lang nakita ang logo ng school nila."
"Anyway, nasaan ba yung dalawa mong teammate, Jasmine?" tanong ni Erika.
"Yeah, why are you mag-isa here ba?" dugtong ni Tanya.
"Giselle went to the spa, Willow's over there," turo ni Jasmine kay Willow na masayang kumakain at kausap ang isang babae na nakatalikod sa direksyon nila.
Muli siyang nakaramdam ng dismaya at inis. Ang tagal niyang dinikitan si Willow pero hindi ito nagbigay ng ganoon kasayang ngiti. Halos araw-araw ay magkasama sila dahil sa practice pero ni minsan ay hindi siya nito itinuring na kaibigan. Ang akala niya ay ganoon lang talaga si Willow, mailap sa tao. Ngunit ngayon, ano itong nakikita niya?
Naikuyom niya sa galit ang mga kamao.
***
"Tammy, ano yung narinig ko na tumunog?" tanong ni Willow na lumabas mula sa banyo. Basa ang buhok nito na pinupunasan ng puting twalya.
"Tammy?" Hindi niya nakita si Tammy sa kwarto. Lumabas siya at nakitang may lalaki na pumasok sa silid. May itinutulak itong clear glass serving cart ng pagkain.
"Thank you," sabi ni Tammy saka nag-abot ng tip.
Matapos lumabas ng lalaki, lumapit si Willow sa cart. Inalis niya ang mga takip at nakita kung ano ang mga nandoon.
Nakita niya ang isang plato ng fluffy na pancake, may strawberry ito sa tabi at vanilla syrup. Bukod doon ay meron din mga macarons na iba't-ibang kulay. Tig-iisang slice ng cheesecake, blueberry cake, chocolate mousse cake, at mocha caramel cake.
"Tammy, sino'ng darating? Ininvite mo ba ang teammates mo?" tanong niya at nakaramdam ng dissapointment.
"Hindi."
"Eh, bakit ang daming pagkain?" Balak ba ni Tammy na kainin nilang lahat 'yan? Pero gabi na? Hindi sila dapat kumakain ng marami sa gabi. Baka muli siyang tumaba.
Saglit na nag-isip si Tammy bago sumagot.
"Magce-celebrate tayo."
Na-curious si Willow. "Celebration para saan, Tammy?"
"Dahil nakatapos ako ng project, Pillow. Next month, makikita mo na ang commercial na ginawa ko sa Switzerland."
"Wow! Talaga?! Ano'ng commercial 'yon, Tammy? Excited na akong mapanood! Siguradong maganda 'yon!" tuwang tuwa na sabi ni Willow at nakaramdam ng pride para sa kaibigan niya.
As expected of Tammy, kahit ang mga foreigners hindi maiwasan na mahulog sa karisma ng kaibigan niya. Gusto na niya talagang makita ang commercial! Kahit na ano pang product iyon, susuportahan niya.
Inayos ni Tammy ang mga pagkain, inilapag niya ang mga ito sa lamesa sa living room. Ngumiti siya at inabot kay Willow ang tinidor habang ikinu-kwento kung ano'ng nangyari sa kanya sa Switzerland.
Sa paglalim ng gabi, hindi nila namalayan ang oras hanggang sa maubos ang mga pagkain sa harap nila. Nauna nang pinatulog ni Tammy ang kaibigan. Siya naman ay naging abala sa paglalagay ng mga plato at baso sa cart.
Hindi maitago ang matamis na ngiti sa mga labi niya habang tinitignan ang mga plato na wala nang laman. Sa silid, maririnig ang mahinang pagtawa.
***
"Hoaaah~" hikab ni Willow sa ika-siyam na beses. Sumandal siya sa balikat ni Tammy at nanatiling nakakapit sa braso nito.
Nasa loob sila ng waiting area ng isang convention center kung saan gaganapin ang contest. Nakaupo sila kasama ang iba pang mga participants at naghihintay na tawagin sila.
Ngayong araw, thirty schools ang mae-eliminate. Nahahati ang contest sa elimination round, semi-final round, at final round. Mayroon itong live broadcast sa website ng national quiz bee.
Nasa pang-umagang schedule kasali ang school ni Tammy pati na rin ang school ni Willow. Ngunit hindi nila alam kung magiging magkalaban sila sa round na iyon.
Ibinigay ni Tammy ang iniinom niyang iced latte sa kaibigan. Kinuha naman iyon ni Willow at uminom.
"Calling all representatives of Pendleton High, Dizon High, Clementine High, XX City High," tawag ng isang babaeng organizer. "Please follow me to room B."
Tumayo si Tammy nang marinig ang pangalan ng kanilang school.
"Tammy, good luck! Magkita tayo sa final round!" masiglang sabi ni Willow at hindi na pinansin ang semi-final round bukas.
Ngumiti si Tammy sa kaibigan. "See you."
***
Binuksan ni Ms Romualdez ang pinto ng class 1-A. Pumasok siya habang dala ang laptop, nandoon ang powerpoint na gagamitin niya sa kanyang lesson ngayong araw.
"Goodmorning class, nagawa ninyo ba ang homewo—" napatigil siya sa pagsasalita nang makita na wala ni isang estudyante sa loob ng classroom. "Anak ng tilapia! Nag-cutting ba sila?" inis niyang tanong sa sarili.
Naging masyado ba siyang mabait sa mga ito at ngayon ay may lakas na ng loob na hindi pumasok sa klase niya? At mukhang nag-usap usap pa talaga ang mga ito ha! Nangati ang kamao niya na muling turuan ng leksyon ang mga ito.
Lumabas na siya at pumunta sa faculty room. Padabog niyang ibinagsak sa mesa ang kanyang laptop na agad naman niyang pinagsisihan. Napaka-mahal ng bili niya rito at wala siyang pambayad kung sakaling masira ito. Muli niyang sinisi ang class 1-A.
"Ms Romualdez, ano'ng problema?" tanong ng kapwa guro niya na palabas na ng silid.
"Absent lahat ng estudyante ko, bwisit! Hwag sila papasok bukas, makikita nila," inis niyang sabi.
"Huh? Paano nangyari iyon? Nakita ko yung iba sa kanila na pumasok sa classroom ah," sabi ng guro. Magkasunod lang ang kanilang mga classroom kaya naman kilala niya ang mga estudyante nito.
"Sigurado ka?" tanong ni Ms Romualdez.
Bago pa makasagot ang kausap na guro ay pumasok sa faculty ang Vice-Principal. Ngingiti-ngiti pa ito habang hinihimas ang maumbok na tyan.
"Ms Romualdez, Ms Quizon, magandang umaga. Hindi pa ba kayo pupunta sa klase ninyo?" nagtataka nitong tanong. Alas otso na, dapat ay nasa classroom na ang dalawa at nagtuturo.
Nag-excuse si Ms Quizon at lumabas na ng faculty room.
"Ano'ng problema, Ms Romualdez?"
"Sir, wala po kasi sa classroom ang buong class 1-A," paliwanag ni Ms Romualdez.
"Class 1-A? Ah yung mga kaklase ni Ms Pendleton. Nakita ko ang ilan sa kanila na bumili ng pagkain sa cafeteria,"
"Nandito po sila, Sir?" gulat na tanong ng guro.
"Oo, hmm. Kung hindi ako nagkakamali, papuntang AV room ang direksyon na tinungo nila. Tignan mo roon," sagot ng Vice Principal.
Mabilis na nagpaalam ang guro at nagmamadaling pumasok sa AV room.
'Mga lokong 'yon, ang lakas ng loob mag-cutting at pumunta sa AV room. Humanda talaga sila, nakuu,' nanggigigil na isip ni Ms Romualdez habang lakad-takbo ang ginagawa.
Binuksan niya ang double door na pinto ng AV room. Nakita niya ang kanyang mga nawawalang estudyante roon. Naka-upo at may pinapanood sa screen. Tila ginawang sinehan ang lugar dahil may kani-kanila pa itong mga pagkain at inumin.
"CLASS 1-A! BUMALIK KAYO SA CLASSROOM NGAYON DIN!" sigaw niya sa mga ito.
Nagulat ang mga estudyante at napalingon sa kanya ngunit imbes na sumunod ay pinatahimik pa siya ng mga ito.
"Shh! Teacher, hwag kang maingay. Third question na," sabi ng isa sa mga ito atsaka muling tumingin sa screen.
"Anak ng—" Akma na niyang pipingutin sa tenga ang nagsabi non nang marinig niya ang boses sa video.
"Para sa ating ikatlong katanungan: ano'ng uri ng panitikan ang Ibong Adarna?"
[bzzz]
Halos magkakasabay ang pagpindot sa buzzer ng mga kalahok. Tumingin ang host sa screen na nakalagay sa tapat nito upang tignan kung sino ang naunang nag-buzz.
"Pendleton High, what is your answer?"
Nag-zoom in ang camera sa tatlong kalahok na representatives ng school nila. Pinaggigitnaan nina Jessica at James si Tammy. Angat na angat ang kagandahan ng dalaga.
"GO KING!"
"SSHHH!"
"Korido," ang sagot ni Tammy.
"WOOO PANALO NA 'YAN!"
"Sa tanong na: ano'ng uri ng panitikan ang Ibong Adarna, ang sagot ng Pendleton High ay Korido," ulit at pambibitin ng host. "Korido is correct!"
"WOOOHH!!"
"Ang galing mo, King!"
"Bilis ng kamay ni King! Nakaka-elibs!"
Pumalakpak ang buong class 1-A. Napatulala naman si Ms Romualdez. Maging siya ay napapalakpak. Nawala sa isip niya na pagagalitan niya nga pala ang klase. Umupo siya sa bakanteng silya at nakinuod sa nangyayari. Inabot niya ang isa sa mga chichirya sa mesa, binuksan niya iyon at kumain habang hindi inaalis ang mga mata sa screen.