Kunot ang noo ni Helga habang naririnig na naman ang payabangan ng mga kaklase niyang lalaki. Tungkol na naman ito sa kung sino ang nakilala nilang babae sa bar, saan sila pumunta pagkatapos, kung ilan ang girlfriends nila ngayon, etc. Sino'ng niloko nila? Mga virgins! Sila sila lang naman din ang naglolokohan! Mga bwisit na totoy!
Noong una ay hindi ito napansin ni Helga, maging siya ay napapaniwala ng mga ito na marami nga silang babae ngunit paglipas ng ilang buwan nang pakikinig, napansin niyang puro gawa-gawa lang ng mga ito ang mga kwento.
Kapag dumadating na sa linyang 'Pakilala mo naman ako', bigla silang iiwas at gagawa ng excuse. Ilang beses na itong narinig ni Helga. Ano'ng blond hair at blue eyes? Ano'ng umuwi na sa Sweden? Ano'ng nahuli siyang may kasamang ibang chicks kaya nag-break? Ano'ng nabangga ang sasakyan at nagka-amnesia? Ano'ng may malubhang sakit at nasa hospital? Ano'ng pinaghiwalay sila ng parents dahil sa Pendleton High sya pumapasok? WTF?!
Pwede na silang makapag-produce ng drama sa dami ng plot twist! Tapos sila sila rin ang artista, magaling naman silang umarte at mag-adlib, eh.
"Oy, di nga. Pakilala ko kayo next time pag-uwi niya galing New York. Pero baka matagalan, fashion week kasi kasunod ng event niya, eh. Sabihin ko sa kanya pakilala niya rin mga kaibigan niyang modelo."
"Sige sige. Basta doon tayo sa tago kasi baka mahuli ako ng gf ko. Japanese pa naman 'yon, baka mag-harakiri kapag nalaman nambababae ako."
"Paano naman yung girlfriend ko, taekwondo champion 'yon. Ako ang bugbog. Hahaha!"
Nasapo ni Helga ang noo. God! Bakit may mga ganitong stupid na tao na nabubuhay?! Gusto na talaga niyang sapakin ang mga ito isa-isa para matapos na ang paghihirap niya. Ang yayabang! Hindi niya kinakaya!
"Gago talaga nito si Martin, absent na nga nagpasa pa ng link!"
"Hahaha! Horny na naman ng gago! Play mo nga!"
"Hwag baka mamaya mahuli tayo ni King!"
"Tsk. Bantay nga kayo sa pinto."
"Wala 'yon, narinig ko pinatawag ni VP sa faculty. Mamaya pa 'yon."
"Play mo na nga!"
'Kuuuu! Mga stupid talaga!' saisip ni Helga. Sigurado siya na hindi napasok rito sa Pendleton High ang mga ito dahil sa nilabag na rules ng school kung hindi dahil sobrang baba ng IQ. Sobrang baba na sinukuan na sila ng lahat ng schools sa Pilipinas. Mga stupid, horny virgins!
Kinuha ni Helga ang magazine na dinala ni Cami at nirolyo. Tumayo siya at naglakad palapit sa grupo na nakatingin sa cellphone. Hahampasin na sana niya ang mga ito sa ulo pero nang mahagip ng tingin niya ang video na naka-play, kaagad siyang napatigil.
WHAT THE HELL IS THIS?!
***
Sinusundan ng isang itim na kotse ang isang itim na sportbike na matulin ang takbo. Nang mapunta sila sa traffic area, tuluyan nang nawala ang sinusundan nila nang makalusot ang bike sa gitna ng mga sasakyan.
Ipinakita ang dalawang lalaking banyaga na nasa loob ng sasakyan. May tinawagan ang isa sa kanila sa cellphone.
Patuloy ang takbo ng bike ngunit bigla itong napahinto nang lumiko sa kabilang kalsada. May nakaharang na dalawang sasakyan sa kanyang daraanan. Mula sa mga saksakyan ay bumaba ang anim na kalalakihan. Pare-pareho ang suot ng mga ito, naka-itim na suit at necktie - katulad din ng dalawang lalaking banyaga na unang sumusunod sa kanya kanina.
Bumaba rin sa bike ang driver. Ipinakita ang itim na leather boots, itim na pants, itim na leather jacket, sa likod nito ay may itim na backpack. Nang tanggalin na ng driver ang itim nitong helmet, dito makikita ang bata at maamong mukha ng isang dalaga. Magkaganon man, ang emosyon na ipinapakita ng mga kulay abo nitong mga mata ay malayo mula sa pagiging maamo.
"Give us the package and we will spare you," ang sabi ng lalaking banyaga.
"Get out of my way and I will spare you," kalmadong sagot ng dalaga.
Kaagad naman na tumawa ang mga lalaki. Ang pinaka-leader ng grupo na kaninang nagsalita ay lumingon sa mga kasama niya. Binigyan na niya ng pagkakataon ang dalaga na makaalis ngunit sinayang lang nito. Sumenyas siya sa mga lalaki saka tumalikod sa babae at naglakad pabalik sa kotse. Nagsindi siya ng sigarilyo.
Ngunit nagulat siya nang biglang tumilapon sa gilid niya ang isa niyang tauhan. Mabilis siyang napalingon at ang kakasinding sigarilyo ay nalaglag mula sa kanyang bibig. Hindi siya makapaniwala sa nakikita.
Umikot ang camera sa nangyayari. Naka-sentro ito sa dalaga na mabilis ang galaw habang nilalabanan ang mga lalaki.
Nahatak ng isang lalaki ang bag at nagawang alisin sa likod ng babae. Ngunit kaagad na nahila ng dalaga ang kabilang strap. Sinipa niya ang braso ng lalaki at ang bag ay tumilapon paitaas. Umikot ang babae at nagbigay ng 360 turning kick. Kaagad na bumagsak ang lalaki kasabay ng pagbagsak ng backpack sa likod ng dalaga na saktong naisukbit ang straps sa magkabilang balikat.
Patuloy sa pag-ikot ang camera at minsan ay may mga slow motion upang ma-emphasize ang mga cool na self-defense moves. Hindi nagtagal, bumagsak ang limang lalaki at natira nalang ang leader na tulala parin.
Nang tumingin sa kanya ang dalaga, kaagad siyang nag-taas ng dalawang kamay at pumunta sa gilid upang magbigay ng daan.
Sumakay sa sportbike ang dalaga at muli itong pinatakbo.
Ang kasunod na scene ay sa isang malaking mansion – isang butler ang lumabas sa mansion at kinuha ang package mula sa driver ng bike.
Umakyat ang butler sa mahabang hagdan. Kumatok siya sa isang puting pinto. Nang mabuksan iyon, makikita ang isang magandang babae na may ginintuang buhok. Nakaupo ito sa harap ng mesa at umiinom ng tsaa habang nagbabasa ng libro.
Ang kwarto ay puno ng mamahaling dekorasyon at antiques.
Ipinatong ng butler ang misteryosong itim na package sa mesa. Lumabas na ang lalaki matapos maibigay ang kahon.
Inalis ng babae sa kahon ang package, makikita ang isang ginintuang kulay ng kahon na may tatak ng GOVIDA. Ngumiti ang babae at binuksan ito. Anim na chocolate ang nakadisplay sa tray, dalawa sa mga ito ang naiiba ang kulay; isa'ng kulay puti at isa'ng kulay ginto. May iba't-ibang hugis din ang mga ito.
Ang unang tinikman ng babae ay ang kulay ginto. Nagpakita ito ng matamis na ngiti at ninamnam nang mabuti ang masarap ng tsokolate.
Lumabas ang mga salitang, GOVIDA Gold – the taste of luxury.
Ang commercial ay tumagal ng isa at kalahating minuto. Ang Gold edition ay lumalabas yearly at may limited lang na bilang. Ngayon, ang GOVIDA ay sine-celebrate ang ika-56th anniversary ng kompanya.
***
"Hehehe..." mahinang tawa ni Willow habang nakatingin sa smart phone nito. Paulit-ulit nitong pine-play ang video ng commercial ni Tammy. "Ang galing galing talaga ni Tammy. Ang cool ng mga galaw niya."
Binasa niya ang mga comments sa ibaba at ni-like lahat ng pumupuri kay Tammy.
Ang kanyang comment na "Bestfriend ko yan!" ay umani ng 563 likes at 164 comments. Karamihan dito ay tinatanong kung ano ang pangalan ni Tammy at kung saan ito nag-aaral. Ngunit syempre, hindi ito sinagot ni Willow at nagpatuloy lang sa panonood.
Ang video ngayon ay may half a million views na. Lumabas ang video kaninang umaga lang.
"Willow? Excuse me, Willow!" tawag kay Willow ng classmate niya.
"Ano 'yon?"
"Sasama ka ba sa farewell party ni Jasmine?"
"Huh? Sino?"
Bumuntong hininga si Giselle. "Si Jasmine! Don't tell me nakalimutan mo na ang teammate natin sa contest?"
"Ahhh... Si Jasmine. Ano'ng meron?" hindi interesadong tanong ni Willow. Gusto lang niyang bumalik sa panonood ng video. Kung dala lang niya ang kanyang tablet ngayon, mas maganda sana. Papanoorin niya ulit ito mamaya sa theatre room kapag nakauwi na siya. Mas malaking screen, mas maganda!
"Meron siyang farewell party. Invited tayo, sama ka ba? Mamayang six 'yon, sa Estra."
Naging komplikado ang mukha ni Willow. Hindi naman sila close ni Jasmine. At hindi rin niya nagustuhan ang ginawa nito sa teammate ni Tammy. Bukod doon, naipit pa siya sa gulo. Muntik na siyang maging kriminal ah! Paano kung walang nakuhang ebidensya?
"Sabi ni Jasmine, pinagsisisihan na raw niya ang ginawa niya. Gusto niyang mag-sorry bago siya umalis. Kung pwede, gusto niya rin iinvite ang mga rep ng Pendleton High sa contest."
"Imposible! Hindi pupunta si Tammy." Siguradong busy si Tammy ngayon dahil sa lumabas na commercial. Paano nalang kung may paparazzi na stalker si Tammy?
Hindi alam ni Tammy na dahil sa commercial, ang kanyang bestfriend na si Willow ay nakagawa na ng napakaraming senaryo kung saan siya ang bida. Stampede. Paparazzi. Stalkers. Kidnapping.
Nagtataka si Giselle dahil sa malaking reaksyon ni Willow. "Okay, pero kailangan nating pumunta. Kawawa naman, e."
"Hmp," ipinatong ni Willow ang kanyang baba sa kanyang palad. "Hindi naman mangyayari yung gulo kung hindi dahil sa kanya. Bakit niya ba kasi ginawa 'yon?"
"Hindi ko rin alam. Siguro dahil sa pressure. Ang alam ko hindi maganda ang takbo ng kompanya nila ngayon, e. Sinabi sa akin ni Dad. Hindi magtatagal, malalaman na rin ng iba ang tungkol doon. Baka mag-announce na rin sila ng bankruptcy."
"Giselle, sa tingin mo ba para lang mag-sorry ang dahilan ni Jasmine?"
"Bakit? May iba pa bang rason?"
"Ikaw na rin ang nagsabi. Palubog na ang kompanya nila."
Napaisip si Giselle. "Iniisip mo ba na hihingi siya ng tulong sa atin?"
"Hindi sa iyo, sa akin," sagot ni Willow. "Ngayon alam ko na kung bakit sobrang friendly niya sa akin."
"Hindi naman siguro? Tsaka hindi naman kayo ganon kayaman, diba?"
Napa-ubo si Willow. Nasasabi ito ni Giselle dahil hindi nito alam ang iba pang investments ng kanyang Lolo. Ang pamilyang Rosendale ay kasama sa mga old money. Hindi sila nouveau riche. Ang yaman nila ay tumagal ng ilang henerasyon at hindi bagong salta lamang. May matatag silang pundasyon.
Ang kanyang Lolo Faust ay may malawak na koneksyon lalo na dahil sa naging dati nitong career. Hindi na bago kay Willow na may mga lumapit sa kanya upang makipag-kaibigan para lamang maipakilala sa kanyang Lolo ang pamilya nila.
"Basta hindi ako pupunta. Sabihin mo, busy ako." Manonood pa siya ng video ni Tammy mamaya! Busy talaga siya!
Bumuntong hininga si Giselle. "Kung hindi ka pupunta, hindi na rin ako pupunta."
"Akala ko ba naaawa ka sa kanya?"
"Wala akong kasama, e! Ayokong pumunta mag-isa!" reklamo ni Giselle.
Iniba ni Willow ang usapan. "Pahiram ng tablet mo."
"Ah, sandali." Bumalik sa upuan nito si Giselle at may kinuha sa bag. Bumalik itong dala ang tablet.
"Hehehe," tawa ni Willow habang binubuksan ang tablet.
Napatingin si Giselle kay Willow dahil sa creepy nitong tawa.
"Ano ba ang gagawin mo?"
Hindi sumagot si Willow at tinap ang play button ng isang video. Tahimik na nanood si Giselle.
"WHAT? Si ano ba 'yan? Si... yung bestfriend mo?!"
"Si Tammy! Oo siya yan. Hehehe!"
"Wow! Model pala siya. Wow! Ang ganda niya! Dapat pala nagpapicture ako kasama siya! Pakilala mo ako Willow! Bakit di mo sinabi na model pala siya?! Sayang ang chance ko."
"Hahaha! Sige." tawa ni Willow na parang siya ang pinupuri.
***
Kumalat ang topic ng GOVIDA commercial ni Tammy sa forum ng Pendleton High. Ito ang hot topic ngayon.
TonyDeservedBetter: paano kaya nakuha si Tammy sa commercial?
iWentForTheHead: ang galing ni King magtago! Kung ako yon, matagal ko nang sinabi na may commercial ako! Hahahaha!
TakeTheStairs: hindi ko parin matanggap na hindi si King ang kumain ng chocolate! #unfair
NotReadyForNat: hahaha! IKR?! Yan rin ang iniisip ko, ang laki ng hirap niya para sa chocolate tapos hindi sa kanya mapupunta?
MeltedIceCream: Y ba sila naglalaban para sa chocolate? Di ko gets? Can sum1 explain?
SeeYouInAMinute: limited edition lang kasi yon :<
YouDidItSir: papa-reserve na ako kaagad!
IAmInevitable: Kailangan ba pumunta sa Switzerland? I doubt magkakaroon ng stocks sa PH
LetGoItsOkay: sabi ko sa butler namin magpa-book na ng flight #parasafe
AmericasAss: wow sana all
YouBetterNotThrowUpOnMyShip: Mainggit kayo! Nabigyan na kami ni King pagdating niya HAHAHAHA!!!
Noobmaster69: ^ reduce to atoms, you shiet!