Dela Cruz Residence,
Villa Merah
"Psst! Psst!"
Lumingon si Blue sa batang nagtatago sa likod ng halaman. Sa liit nito, madali lang para rito ang makapagtago. Kanina pa niya naramdaman ang pagdating nito, pero sadyang hindi niya pinansin.
Ipinagpatuloy niya ang pagpapakain sa mga alagang koi fish ng kanyang ama.
"Hihihi! Psst!"
"..."
"Uy! Bata! Psst!"
Nakailang sitsit ito sa kanya bago sumuko at lumabas na mula sa pinagtataguan nito.
"Ako naman!" nilahad ng bata ang mga kamay nito at gusto kunin mula sa kanya ang pagkain ng mga isda.
Nakita ni Blue ang kabuuan ng batang kumukulit sa kanya. Isa itong batang babae na mukhang manika. Maputi ang balat nito at bilugan ang mga mata ā kulay abo ang mga iyon at hindi niya karaniwang nakikita sa mga taong nakapaligid sa kanya. Ang buhok nito ay nakatirintas sa likod nito. Naka-suot ang bata ng light pink na flower tutu dress. Mukha itong flower fairy at kulang nalang ay isang magic wand.
Siguro ay dahil sa mas maliit ang batang babae sa kanya kaya hinayaan niya itong malapitan siya.
Tahimik niyang ibinigay sa bata ang hinihingi nito.
"Kinain nila!" tuwang tuwang sabi nito. "Come, fishy! Fishy!"
Ngayon ang ika-siyam na kaarawan ni Blue. Maraming tao ang pumunta sa kanilang bahay. Kahit na ayaw ni Blue, kahit na hindi siya komportable sa mga taong biglang kumausap sa kanya, kinailangan niyang tumayo sa harap ng mga ito at tanggapin ang mga regalo para sa kanya.
Nang iwan siya ng kanyang Lola kasama ang mga batang ipinakilala nito sa kanya, kaagad siyang pumuslit papunta sa hardin. Dito siya nagtago.
Hanggang sa nakita siya ng batang babae na kasama niya ngayon.
"Ang ganda ng kulay! Siguro masarap silang kainin!"
"..."
"Kapag kinain sila, magiging orange kaya ako?"
"..."
"Ako si Tammy, bata ano'ng pangalan mo?"
"..."
"Bata, ako si Tammy. T-A-M-M-Y, Tammy. Ano'ng name mo?"
"..."
"Bakit ayaw mo'ng mag-salita?"
"..."
'Bakit ayaw mo'ng magsalita?' Tanong na palagi niyang naririnig sa mga taong hindi siya kilala. Isa sa mga rason kung bakit ilag siya sa mga tao. Hindi niya magawang sabihin ang rason dahil hindi niya rin kayang ipaliwanag.
Tumalikod si Blue sa bata at naglakad paalis.
"Bata!" Sumunod ito sa kanya. "Sandali! Saan ka punta? Sama ako!"
Naramdaman ni Blue na hinigit higit ng babae ang manggas ng damit niya.
"Ano'ng pangalan mo?" kulit nito sa kanya. "Wala ka bang pangalan? Kawawa ka naman. Gusto mo... gusto mo ba bigyan kita ng pangalan?"
"..."
Tinuro ni Blue ang mga dandelions hindi kalayuan sa kanila.
"Ano 'yon?" nagtatakang tinignan ng batang si Tammy ang mga asul na bulaklak. Nagkumpulan ang mga iyon sa isang bahagi ng hardin. "Color blue, ang ganda! Pwede kaya ako'ng pumitas ng isa? Ipapakita ko kay Mommy!"
Lumapit si Blue sa halaman at bumunot ng isang asul na dandelion. Ibinigay niya ito kay Tammy.
"Sa'kin nalang?"
Tumango si Blue. Kinuha ng bata ang dandelion at masaya siyang nginitian. Kumikislap sa saya ang inosenteng mga mata nito.
"Salamat! Ang ganda," tumatawa nitong sabi habang tuwang tuwa sa dandelion.
Ngayon, isa na talaga itong flower fairy na hawak ang nawawalang magic wand nito.
May sumilip na ngiti sa mga labi ni Blue sa sandaling iyon. Hindi niya namalayan, sa pagkakataon na ito ni hindi niya ginustong tumakas mula sa batang kasama niya. Isinama niya ito sa paborito niyang parte ng hardin. Seryoso siyang nakinig sa mga kwento nito. Pinanood niya ang pag-iiba ng expression sa mukha nito habang nagku-kwento.
Mabilis na lumipas ang oras. Nang magpaalam sa kanya ang bata, doon lang niya naalala na hindi pa pala nito alam ang pangalan niya.
Ang masayang araw ay biglang napalitan ng lungkot. Siguradong katulad ng iba, makakalimutan din siya nito.
***
Nagising si Blue mula sa kanyang panaginip. Saglit niyang ipinikit ang kanyang mga mata saka tumayo mula sa kanyang kama. Tinamaan ng liwanag ang kanyang likuran. Tanging itim na pajama lang ang suot niya.
Malawak ang loob ng kwarto ngunit tanging kama at bedside table lang ang laman nito. Maging mga kurtina ay hindi makikita sa salaming bintana. Malayang nakakapasok ang sinag ng araw sa loob ng silid.
Puti ang mga haligi at kisame, sandalwood naman ang sahig. Sa sobrang kaunti ng gamit sa kwarto, hindi mo aakalain na isang teenager na lalaki ang nagmamay-ari nito.
Pumasok si Blue sa bathroom at mula sa medicine cabinet ay kinuha niya ang pill bottle. Dalawang tablets ang isinubo niya at nilunok.
Itinuon niya ang dalawa niyang kamay sa sink at tinitigan ang maputlang mukha sa salamin.
Hinubad niya ang kanyang tanging suot at dumiretso sa shower. Hindi nagtagal, natakpan ng hamog ang mga salamin sa loob.
***
MCM Clothing Company, HQ
Nagmi-meeting sina Michie, Maggie, at China sa loob ng opisina ni Michie. Pinag-uusapan nila ang tungkol sa mangyayaring fashion show next month. Nahinto sila nang makatanggap ng tawag si Michie sa telepono.
"...Yes. Uh-huh. Oh, that's great! Uh-huh. Sure! Okay. Uh-huh. No problem. I will send it to you now. Yes. Yes. Okay. Thank you. Have a nice day!" Ibinaba ni Michie ang telepono at sandaling nag-type sa kanyang computer.
"Bading, sino kaya kausap non?" tanong ni China kay Maggie.
"Hindi ko alam. Baka tungkol sa artist 'yan," sagot ni Maggie habang tinitignan ang design ng stage.
"Sent!" masayang sabi ni Michie saka tumayo sa kanyang swivel chair.
"Bakla, sino'ng kausap mo?" tanong ni China.
"Representative ng GOVIDA Chocolate," sagot nito na kumikislap ang mga mata. "Maganda yung offer kaya in-approve ko na."
"GOVIDA? Diba yan yung sa Switzerland? Luxury chocolate, wow."
"Yup!" (*u*)
"Sikat 'yon ah. Paano naman nila tayo na-contact? Wala naman tayong pangalan sa Switzerland," nagtatakang tanong ni Maggie.
"Tayo pa talaga ang nilapitan nila? May audition ba na nangyari roon? Bakit walang nag-inform sa atin? Sino'ng artist natin ang nasa Switzerland?"
"Si Tammy~ hehehe," nakangiting sagot ni Michie.
"Si Tammy?"
"Oo nga pala, nasabi ni Sam na pinagbakasyon niya muna si Tammy sa Switzerland," tumatangong sabi ni Maggie.
"Teka, wait lang! Si Tammy?!" tanong ulit ni China. "Bakla, sinabi mo ba kay Samantha muna? Nagpaalam ka ba muna sa kanya?"
"Ah?" Napa-kurap ng mata si Michie.
"Please, sabihin mo na nagpaalam ka sa kanya?"
"Patay tayo dyan," sambit ni Maggie.
"Talagang patay pero hindi ako kasali rito kasi uuwi na ako. Mag-aalaga pa ako ng anak ko. Okay. Bye!"
"Teka lang! Hindi ninyo ako pwedeng iwan!" nagpapanic na sabi ni Michie nang ma-realize niya kung gaano kalaki ang problema.
"Ayaw namin madamay sa pag-sunog sa'yo ni Samantha!"
"Pero maganda yung offer nila! Mapapatawad naman siguro ako ni Sammy, diba?"
"Magkano mo ba ibinenta ang anak ni Samantha?"
"Hehe. Twenty thousand dollars." (*u*)
"Binenta mo si Tammy sa mga foreigners sa halagang twenty thousand?!"
"Malaking halaga na rin 'yon, okay?! Isang milyon na iyon kapag ni-convert sa peso! At ang isa pa, kilalang brand ng chocolate 'yon! Malaki ang maitutulong nito sa career ni Tammy bilang model! Makikita siya sa international TV! Makikilala ang company natin! Magkakaron tayo ng mas malawak na connections sa ibang bansa!" paliwanag ni Michie.
"Hate to say this pero may point naman si Michie," sabi ni Maggie.
Bumuntong hininga si China. "Well, yes. Alam ko naman. Pero alam mo naman si Samantha, di ba? Papayag ba 'yon?"
"Kung ganon payag na rin kayo? Tutulungan ninyo ba ako na magpaliwanag?" Nakakita ng pag-asa si Michie.
"May mga bagay na kailangan mong tahakin mag-isa para mag-grow," sagot ni Maggie.
"What doesn't kill you makes you stronger," dugtong ni China.
"Magpakatatag ka, Michie! Hwag mo lang titignan sa mga mata si Sammy para hindi ka maging bato!"
"Palagi mong tatandaan, prayer is the key!"
Bago pa makasagot si Michie, tumakbo na nang matulin ang magkapatid at mabilis na nakalabas ng opisina niya.
"Mga wala kayong awaaaa... huhu... Ngayon ko ba kailangan sabihin? Bukas nalang?"
Biglang bumukas ang pinto at sumilip ang ulo ni Maggie. "Do it now and be free!" seryosong sabi nito saka muling nawala.