"Narinig nyo na ba ang balita tungkol sa nangyari sa babaeng estudyante sa Phoenix High?"
"Nabasa ko sa forum! Pangatlong biktima na raw siya."
"Ang mas malala pa, sa kabilang city lang ang Phoenix High. Ang lapit lang! Baka dito na manggaling ang susunod na biktima!"
"Nakakatakot. Sa tingin nyo ba mapapadpad dito sa ang suspect?"
"Baka? Kasi target niya ang mga highschool students."
"Ano ba ang ginagawa ng mga police? Hindi parin nila nahahanap?"
"Haay. Hindi na ako magpapagabi sa labas hangga't hindi nahuhuli 'yang psychopath na 'yan!"
"Hwag kang mag-alala, sure ako na hindi ka magiging biktima."
"Paano mo naman nasigurado?"
"Kasi puro magaganda lang ang binibiktima niya."
"..."
Umalis ang apat na babae sa kabilang lamesa nang matapos silang kumain. Hindi maiwasan ni Tammy na marinig ang kanilang pinag-uusapan dahil katabi lang nila ang lamesa ng mga ito.
"May nangyari ba?" tanong niya sa mga kasama.
Sina Cami at Fatima ang nasa harap niya. Katabi naman niyang kumakain si Willow. Tahimik ito at nakasimangot habang kumakain ng french fries.
"Hindi mo nabalitaan? May gumagalang slasher sa kabilang city!" saad ni Fatima.
Tumango si Cami. "Ang mga binibiktima niya ay mga babaeng estudyante. So scary! Baka tayo na ang next."
"Ang sabi sa forum yung mga babae raw na nabiktima, may sugat sa isang pisngi nila. Parang hiniwa ng kutsilyo. Palagi silang nabibiktima tuwing gabi na. Sa alley sila madalas dinadala para gawin ang krimen. Pero after naman masugatan sa mukha ang victims nila, umaalis na yung slasher," kwento ni Fatima.
"Parang gusto lang talaga ng slasher na papangitin yung mga biktima. Kasi lahat ng biktima puro magaganda," dagdag ni Cami. "Kaya mag-iingat ka Tammy."
Biglang tumawa si Fatima. "Sa galing ni Tammy makipag-laban, yung slasher dapat ang mag-ingat sa kanya."
"Oo nga pala! Nakalimutan ko na!"
"Enough of this slasher, nakita mo ba yung bagong shop sa..."
Nagpatuloy sa pag-uusap sina Cami at Fatima. Ang isip naman ni Tammy ay napunta sa slasher. May gumagalang tao na naninira ng mukha ng mga babae. Ano kaya ang motibo nito sa ginagawang krimen?
"Uhm, Tammy, may sasabihin nga pala ako sa'yo," sabi ni Willow sa malungkot na boses. "Ang totoo nyan kasi baka hindi na tayo masyadong makalabas ngayon hanggang next month. May gagawin kasi ako sa school, eh."
"Busy?"
Tumango si Willow. "Mm. Kasali kasi ako sa national quiz bee. Next month na 'yon kaya kailangan namin mag-review."
"National quiz bee!!!" sabay na ulit nina Cami at Fatima.
Nagulat si Willow dahil sa reaksyon ng dalawa. Iniisip ba ng mga ito na wala siyang utak? Ganon ba?!
Biglang tumawa ang dalawang babae na ikinainis ni Willow.
"Malas mo naman, Pillow!" sabi ni Fatima.
"A-Ano'ng ibig ninyong sabihin na malas?! And my name is Willow, okay?! Willow Rosendale not Pillow!"
Hindin pinansin ng dalawang babae ang sinabi ni Willow. Patuloy ang mga ito sa pag-ngiti habang nakatingin sa dalaga. Para bang sayang saya ang mga ito na makita ang mukha nito.
"What a coincidence, ah! Kasali rin sa national quiz bee ang school namin!" anunsyo ni Fatima.
Nagulat si Willow sa narinig. "Kasali ang Pendleton High? May representative kayo? Teka, hindi naman sumasali sa mga national contest ang school ninyo ah. Niloloko ninyo ba ako?"
Ayon sa mga narinig ni Willow tungkol sa Pendleton High mula sa mga ka-eskwela niya, walang sinasalihan na contest ang school ni Tammy. Dahil doon, naging Zero ang tawag sa mga estudyante na pumapasok doon. Naging katatawanan pa dahil zero rin daw ang test scores ng mga ito.
"Hindi ka namin niloloko, Pillow."
"Oo nga. Itanong mo pa kay Tammy."
Napatingin si Willow sa katabi. Hindi niya alam pero may masama siyang kutob dito. Kinabahan siya habang nakatingin sa kaibigan.
"Tammy, i-ikaw ba ang representative ng school?"
Tumingin sa kanya si Tammy at mabagal na tumango. Napasinghap si Willow. At sa loob niya ay gusto niyang sumigaw.
"Wow, magkalaban pala kayong dalawa, no?"
"What a coincidence talaga! Hahaha!"
'Magkalaban pala kayong dalawa... magkalaban pala kayo... magkalaban...' Paulit ulit na ume-echo sa isip ni Willow ang mga salitang ito.
Silang dalawa ni Tammy... magkalaban? MAGKALABAN SILANG DALAWA NI TAMMY?! Hindi ito maaaring mangyari!
Sa isip ni Willow, hindi kailanman lumabas ang mga salitang 'magkalaban sila ni Tammy'. Ang gusto lang niya ay maging magkakampi silang dalawa habangbuhay! Paano sila naging magkalaban?!
Ang mga salitang 'magkalaban', 'Willow' at 'Tammy' ay hindi maaaring mag-exist sa iisang sentence!
Biglang nag-short circuit ang utak ni Willow. Ganoon ang nararamdaman niya ngayon. Tila tumigil ito sa pag-function. Hindi niya naririnig ang sinasabi ng dalawang babae na kasama nila. patuloy lang siya sa pagkakatulala sa kanyang hindi pa nakakain na burger.
Sa unang pagkakataon, sa loob ng mahabang panahon, nagkaroon ng matinding dilemma si Willow Rosendale.
***
"Yo Banri, ano ba talaga ang problema mo?" tanong ni Gun sa mukhang problemadong Alpha.
"Oo nga Alpha, bakit ang tahimik mo?" tanong ni Bo habang kumakain ng bananacue.
Naglalakad sila sa shopping district at balak sana nilang aliwin si Banri dahil napansin nilang tahimik ito. At dahil aaliwin nila si Banri, natural na kailangan silang ilibre nito. Pero kahit na ano'ng pagkain ang ipabili nila, hindi ito umaangal. Patuloy lang ito sa pagbunot ng pera sa wallet. Nakapagtataka! Ang akala nila ay magrereklamo ito at pagagalitan sila katulad ng dati.
Ngayon ay napansin nila na may malaki nga itong problema.
Narinig nilang bumuntong hininga si Banri. "May sakit ako."
Natigilan ang dalawang lalaki sa narinig. May sakit?
"B-Banri, hwag kang magbiro pre. Hindi na kami magpapalibre sa'yo."
"Oo nga. Ano'ng sakit ang sinasabi mo? Naglaro pa tayo ng basketball kanina lang sa PE class."
"Hindi ako nagbibiro. May sakit talaga ako, pero hindi ko pa alam. Mukhang malala na kaya hindi ko kayang magpunta sa ospital. Baka malaman ko lang kung kailan ang taning ko." Humawak si Banri sa dibdib niya. Habang tumtatagal ay lumalala ang sakit niya. Namomroblema siya kung paano sasabihin sa kanyang Tatang at Mama.
Natahimik ang dalawang lalaki at hindi alam ang reaksyon na gagawin. May malalang sakit si Banri?! Wala sa hitsura, mukha naman itong malusog. Pero may ganoon talagang mga sakit. Akala mo lang healthy sila pero may matindi palang karamdaman.
Umakbay si Gun kay Banri. "Pre, kung natatakot ka na magpunta sa ospital pwede ka naman namin samahan ni Bo. Kung gusto mo, ngayon na, magpa-full body check ka para malaman natin."
Tumango si Bo at umakbay din kay Banri. "Oo nga Alpha, lahat ng test gawin natin ngayon. Urinalysis test, blood test, X-ray, CT scan, fertility test. Kahit na ano'ng test pa 'yan, samahan ka namin."
Biglang nanindig ang balahibo ni Gun sa narinig na 'fertility test'. Impotency, isa ito sa mga pinaka-nakakatakot na sakit para sa kanila. Para narin namatay ang kanilang dignidad bilang isang lalaki. Kung ito nga ang sakit ni Banri...
Ngayon ay tuluyan nang nakaramdam ng lungkot si Gun para sa kaibigan. Gusto niya itong sabihan ng 'condolence'.
Hindi lang si Gun ang nag-iisip tungkol sa sakit na ito. Maging si Bo na nagsabi ng suhestyon ay nalunod din sa sarili nitong imahinasyon.
Hindi alam ni Banri ang iniisip ng dalawang lalaki tungkol sa kanya. Hindi niya alam na iniisip ng kanyang mga kaibigan na may erectile dysfuntion siya. Kung malalaman lang niya ang iniisip ng mga ito...
Biglang nagsalita si Banri. "Kailangan ko sigurong operahan. Siguro isang transplant."
'Transplant?! Napapalitan ba ang parte na 'yon?!'
Biglang nagkatinginan sina Bo at Gun. Posible ba 'yon? Puputulin at papalitan ng iba? Biglang nanindig ang balahibo ng dalawang lalaki dahil sa naisip. Napalunok sila at pinagpawisan bigla sa takot.
"M-Maaga pa naman para malaman kung may sakit ka nga Alpha," sabi ni Bo.
"T-Tama, hwag ka munang mag-isip tungkol sa t-transplant," saad ni Gun.
"S-Sabihin mo muna sa amin kung ano ba ang nararamdaman mo. Baka may maitulong kami."
Nag-isip si Banri. Baka nga makatulong ang dalawa.
"Kung minsan nahihirapan akong makahinga. Bigla nalang tumitigil yung oras."
"Tumitigil ang oras?"
"May naririnig din akong tugtog kahit wala naman. Hindi ako makatulog, hindi ako makakain."
'Insomnia? Hallucination?'
"Pero masaya ako kapag nangyayari 'yon. Kahit na kakaiba sa pakiramdam, hinahanap hanap ko parin."
'High? Addiction? Nag-aadik ba si Banri?'
Napamaang na naman at nagkatinginan sina Bo at Gun dahil sa naisip. Hindi nila inakala na ito pala ang sakit ni Banri. Pero mas malaki ang tyansa na magamot ito kaysa sa...
Gumaan ang pakiramdam ng dalawang lalaki at natutuwang hinampas ang likod ni Banri. Tumawa ang dalawa.
"Yun lang pala, akala ko naman malala na!"
"Oo nga, akala ko ang bigat ng sakit mo. Sus! Pinag-alala mo lang kami sa wala!"
"Alam mo Banri, marami naman na may ganyang sakit pero gumaling din naman. Kailangan lang talaga ng kontrol at matatag na loob kung gusto mo talagang bumalik sa normal."
"Tama siya. Hwag ka nang mag-alala, hindi naman malala ang sakit mo. Magpasalamat ka 'yan lang ang sakit mo hindi yung—"
"At kung titignan kong mabuti hindi naman mukhang malala ang sakit mo. Parang nasa early stage palang. Kailan ba nag-umpisa 'yan?"
"Kailan lang, noong weekend lang."
"Sus naman! Wala pa 'yan!"
"Tama si Gun, Alpha. Wala pa yan! Kayang kaya pa 'yang lunasan."
"Kinabahan kami ron."
Nagulat si Banri sa narinig. Nakita niyang masaya ang dalawa niyang kasama. Hindi ba talaga... malala ang sakit niya? Dahil sa asal ng mga kasama niya, napawi ang kanyang pag-aalala. Siguro nga, hindi ito malala. May pag-asa pa itong mawala. Hindi niya talaga alam kung paano magpapatuloy dahil sa nararamdaman niya.
Nawala bigla ang bigat sa dibdib ni Banri. Tama ang desisyon niya na sabihin sa mga ito ang sakit niya. Ngayon alam na niya na wala naman pala siyang dapat ipag-alala. May solusyon naman pala! Huminga siya nang malalim at tumawa kasabay ng dalawang lalaki.
"Dahil dyan, mag-celebrate tayo!" sabi ni Gun.
"Libre mo kami ng dinner, alpha!" sabi ni Bo.
Dahil masaya si Banri, kaagad siyang pumayag. "Sige, doon tayo sa restaurant ni ate."
"Ayos!" sabay na sabi ng dalawang lalaki.
Habang naglalakad sila papunta sa restaurant, nadaanan nila ang isa pang kainan. Biglang bumukas ang pinto non at lumabas ang grupo ng apat na babae.
"Uy, si King Tammy 'yon, ah!"
"Tara, yayain natin kumain!"
"Sama na rin natin si King Tammy, Banri."
Tumingin sina Gun at Bo kay Banri ngunit muli silang napamaang. Biglang naglaho na parang bula ang kaibigan nila. Tumingin sila sa paligid upang hanapin ang lalaki ngunit bigo silang makita ito.
"Banri?"
"Saan nagpunta 'yon?"
Ang naglahong si Banri ay nasa gilid ng isang fishball stand. Nagtatago ito habang nakatingin sa babaeng papaalis. Dahil sa hitsura ni Banri, nagsi-alisan ang mga bumibili sa fishball stand. Naiinis man ang nagbebenta dahil sa nangyari, hindi naman nito magawang paalisin ang lalaki dahil natatakot din ito. Lalo na at nakita nitong naka-itim na uniform ang binata. Isa itong Zero!
Nanatiling inosente si Banri sa nagawang kasalanan sa nagbebenta ng fishball. Nanatili siyang nakatago sa gilid nito habang nakatingin parin kay Tammy Pendleton.
Napahawak siya sa kanyang dibdib at naramdamang mabilis na naman ang tibok nito. Nang makita niya si Tammy, biglang huminto ang oras para sa kanya at isang musika ang biglang tumugtog sa isip niya.
Baby, I want you
Like the roses want the rain
You know I need you
Like a poet needs the pain
And I would give anything
My blood, my love, my life
If you were in these arms tonight~
Namula ang mukha ni Banri. Mukhang lumalala na ang sakit niya! Kailangan niyang malunasan ito. Kailangan na talaga itong mawala bago pa ito malaman ng King!
Natatakot siya sa maaaring mangyari sa oras na malaman ito ni Tammy Pendleton. Hindi nito iyon pwedeng malaman! Nararamdaman niyang hindi maganda kapag nalaman nito ang nararamdaman niya!
"Alpha! Nandito ka lang pala!" Sa wakas ay nakita na nina Bo at Gun si Banri.
"Banri, ano'ng ginagawa mo rito? Pinagtataguan mo ba kami?"
"Sayang naman! Umalis na si King Tammy! Hindi na natin siya mayayayang kumain."
"Tsaka mukhang kakatapos lang din niya kumain."
Namumula ang mukha na humarap si Banri sa dalawa. "Ano'ng gagawin ko? Lumalala na yata ang sakit ko. Sa tuwing nakikita ko siya, hindi ko mapigilan na kabahan. May naririnig akong musika. Biglang tumitigil ang oras. Hindi ko magawang hindi siya tignan pero hindi ko rin siya magawang lapitan."
Sabay na nagulat at natigilan sina Bo at Gun. Dumaan ang isang minuto bago sila nakapag-salita.
"Yung sakit na sinasabi mo...nangyayari..."
"Sa tuwing... nakikita mo siya?"
"Kapag nakikita ko si King, lumalala ang sakit ko. Kailangan ko ba siyang iwasan palagi? Ano'ng gagawin ko?!" desperadong tanong ni Banri habang namumula ang mukha at magkabilang tenga nito.
Tila nabuhusan ng malamig na tubig sina Bo at Gun sa narinig. Ito ang sinasabing sakit ni Banri?! Hindi nila akalain na isang nakakagulat na sikreto ang kanilang malalaman. Tila ba may nabuksan silang pinto na hindi dapat buksan. Mas malala pa sa sakit na addiction at erectile dysfunction ang sakit ng kaibigan nila! At ang malala pa, wala silang alam na lunas para sa lovesickness!
'T****na.' Sabay na napamura sa isip nila ang dalawa.
Ngayon, nakaramdam na talaga sila ng awa para kay Banri. At gusto na nila talaga itong sabihan ng 'condolence' para sa mamamatay nitong unang pag-ibig.