Chereads / High School Zero / Chapter 14 - Chapter Fourteen

Chapter 14 - Chapter Fourteen

Napabalikwas ng bangon si Sid nang makita ang puting kisame. Shit. Ano'ng nangyari? Wala siyang maalala.

"Gising na si Sid!" anunsyo ng isang lalaki na hindi napansin ni Sid sa kanyang tabi.

"Uy, Sid. Ayos ka lang 'tol?" lapit sa kanya ng kanyang kaklase.

"Nasaan ako?" tanong niya.

"Nasa infirmary ka. Dinala ka rito matapos mong mawalan ng malay kanina."

"Bakit, ano'ng nangyari?"

"Hindi mo maalala? Na-knock out ka ni Pendleton sa match ninyo kanina. Ang bilis nga natapos e."

"Oo nga. Di ka man lang naka-palag," natatawang sabi ng isa pa niyang kaklase.

"Ugh." Napahawak si Sid sa kanyang ulo. Malabo parin sa alaala niya ang nangyari. Ngunit unti-unti nang lumilinaw dahil sa kanyang mga narinig.

"Pero Sid, hanga ako sa'yo. Akala namin sasaktan mo nang totohanan si Tammy kanina e. Kinabahan ako."

"Oo nga," sang ayon ng iba pang mga lalaki sa tabi niya.

"Pero mas mahalaga parin pala sa'yo ang grupo natin."

"Dahil dyan, naisip namin na gawin kang pinuno ng Tammy Protection Squad. Congrats tol."

"Huh?" naguguluhan niyang sambit.

"Ah. Pero yung susunod na laban ni Tammy, mukhang mahihirapan siya."

"Tsk. Oo nga e. Si Gum pa naman ang makakalaban niya."

"Pero mas mabuti nang si Gum ang kalaban niya kaysa kay Banri. Delikado siya ron."

"Tama. Tsk, isa ring K.O. ang laban non kanina."

"Mabuti pa at pumunta na tayo ron baka ma-miss natin ang laban."

***

"Tammy, kumain ka muna. Nag-dala ako ng lunch box para sa'yo," sabi ni Willow habang inihahanda sa mesa ang mga tupperware ng pagkain. Nasa loob sila ng canteen ng school.

Nagulat nalang si Tammy kanina habang palabas ng gymnasium nang makita si Willow. Hindi niya inaasahan na makikita ang kaibigan. Hindi naman kasi niya sinabi rito ang match ngayong araw. Pero hindi na rin siya nagtataka. May alam na paraan si Willow upang malaman ang ilang bagay tungkol sa kanya.

"Nag-skip ka ba sa klase mo ngayon, Pillow?" tanong ni Tammy saka tinignan ang mga nakahandang pagkain sa harap niya. "Hindi ako pwedeng kumain nang mabigat. May laban pa ako mamaya. Ten minutes nalang mag-uumpisa na ulit kami."

"Ay ganon ba? Sige ito nalang fruits kainin mo. Diba gusto mo ng grapes? Meron din ditong apples, ako ang naghiwa niyan. Ang cute no? Mukhang bunnies. Hihihi. Hindi ako nakahanap ng strawberries, sorry Tammy. Nagmamadali kasi ako kanina," paliwanag nito.

Kinuha ni Tammy ang tinidor at tinusok ang isang hiwa ng apple. Mukhang umalis na naman si Willow nang hindi nagpapaalam sa Lolo nito.

"Yung susunod mong kalaban, nanalo sa points," sabi ni Willow.

Tumango si Tammy. "Hmm."

"Yung depensa niya malakas."

Nagpatuloy lang sa pagkain si Tammy.

"Pero kayang kaya mo 'yon. Alam kong ikaw ang magiging King! Excited na ako. May korona ba kayong ipapatong sa ulo?"

"Uhh..."

"HAHAHA! Stuuuuupid," singit ni Helga. Kasama nito ang tatlong kaibigan na lumapit sa mesa nila. "Ano 'to, Binibining Pilipinas? Kokoronahan ang nanalo? Jologs mo naman."

"Teka nga, sino ka ba? Bakit ka nakikisali sa usapan naming dalawa?" naiinis na tanong ni Willow. "Hanggang dito lang yung usapan oh." Gumuhit sa hangin si Willow ng linya paikot ng kanilang mesa.

"Outsider ka, ikaw ang dapat na wala rito. Magpasalamat ka at hindi ka namin isinusumbong sa security," sagot ni Helga.

"Wow. Sinabi ko ba na hwag ninyong sabihin?" mataray na sagot ni Willow. "Sige lang, sabihin mo na, hindi naman kita pipigilan. Baka mamaya niyan singilin mo pa ako sa utang na loob. Hwag nalang."

"Don't worry hindi kita sisingilin. Isa ka lang naman sa mga charity works ko."

"What the ferragamo? Gusto mo bang bilhin ko ang buong pagkatao mo?"

At nagpatuloy ang dalawa sa sagutan nila.

"Tammy, friend mo?" tanong ni Lizel.

"Hello, Tammy's friend," bati ni Cami kay Willow.

"Nah. Hindi ko siya kilala, bigla nalang siyang lumapit sa akin," sagot ni Tammy habang kumakain ng apples.

"Tammy, you jerk!" sigaw ni Willow. "Matapos kong maghiwa ng apple para sa'yo. Ibalik mo 'yan!"

Ngumiti si Tammy at muling nag-tusok ng apple sa tinidor.

"Mukhang kalmado ka Tammy, ah. Hindi ka ba kinakabahan sa laban mo? Magaling yung si Gum ng class 1-C," sabi ni Lizel.

"Oo nga. Napanood namin ang laban niya kanina. Nanalo siya sa puntos," sabi ni Fatima.

"Hmp! Si Tammy ang mananalo!"

"Paano mo naman nalaman?" tanong ni Fatima.

"Basta. Alam ko lang."

Umiling nalang si Tammy at nagpatuloy sa pagkain.

***

[At muli tayong nagbabalik sa arena matapos ang maiksing break! Nakikita natin ang mga contestants na pumapasok sa ring para sa kanilang mga laban. Sa kaliwa ay ang class 1-A alpha versus class 1-C alpha! Sa kabila naman ay class 1-B alpha versus class 1-D alpha!]

[Excited na akong makita kung sino ang mananalo at makakapasok sa final round. Makikilala na natin ang susunod na King ng mga freshmen maya-maya lang.]

Patuloy na ipinapaliwanag ng referee ang mga rules ng laban. Ngunit hindi iyon naririnig ni Gum na nakatingin lamang sa kanyang kalaban. Isang babae, ang school idol na si Tammy Pendleton.

Nakita niya ang laban nito kanina at nagulat siya sa ipinakita nitong roundhouse kick. Hindi isang amateur ang kanyang kalaban. Pero wala siyang dapat na ikabahala. Natutunan niya kung paano sanggahin ang maraming atake sa kanya. Marami na rin siyang nakalaban na mga taekwondo at muay thai players. Perpekto ang kanyang depensa.

"Ready!" sabi ng referee.

Inayos ni Gum ang kanyang tindig at itinaas ang kanyang dalawang kamay bilang depensa.

"Fight!" sigaw ng referee saka dumistansya.

Hinintay ni Gum na sumugod si Tammy. Wala siyang kailangang gawin kung hindi ang tumayo lang at pagurin ang kalaban niya. Sa ganitong paraan siya nanalo kanina. Nakakuha siya ng maraming puntos sa pag-block sa mga atake ng kalaban niya. May kalahating oras lang ang kada laban. Ubusan ng oras.

Tinignan niya si Tammy. Pinanood niya ito. Dumaan ang limang minuto na hindi ito umaalis sa pwesto nito. Nakatayo lang ito at nasa magkabilang gilid ang mga kamay. Kalmado. Inosente ang mga mata nitong nakatingin sa kanya.

Sa isang iglap bigla itong sumugod. Kaagad siyang napa-atras at napamura sa gulat. Shit! Nagpakawala si Tammy ng side kick na mabilis niyang nasangga. Hindi ito tumigil at mabilis itong sinundan ng sipa sa gilid ng braso niya. At sa pangatlo ay ginamit nito ang roundhouse kick.

F*ck! F*ck! F*ck! Sunod sunod ang mura ni Gum habang sinasangga ang mga tira ni Tammy sa kanya. Panay ang atras niya na kanyang ikinainis. Wala siyang magawa kundi ang sanggahin lahat ng atake nito. Hindi ganoon kalakas ang mga sipa ng kalaban niya, isa parin itong babae. Kumpara sa mga nakalaban niya, magaan lang ang mga sipa nito. Pero hindi niya alam kung bakit siya napapaatras. Perpekto ang kanyang depensa.

Biglang huminto si Tammy at umatras. Naglagay ito ng distansya sa kanilang dalawa. Humihingal si Gum habang nakatingin sa babae. Pinagpapawisan siya. May kakaiba sa kalaban niya. Hindi niya maipaliwanag kung ano iyon.

Katulad kanina, nakatayo lang si Tammy habang nasa magkabilang gilid ang mga kamay. Walang bakas ng kahit na ano'ng emosyon sa mukha nito. Nakatingin lamang ito sa kanya gamit ang dalawang inosenteng mga mata.

Shit. May kung ano sa mga mata ng babae. Dahil ba sa kulay abo ang mga ito?

Naghanda si Gum nang biglang gumalaw si Tammy. Itinaas nito ang dalawang kamay, bukas ang mga palad. Gumagalaw ang mga paa nito.

Mabilis ulit itong sumugod sa kanya at nagpakawala ng dalawang jab na sinundan ng isang malakas na straight.

F*CKING SHIT! Marunong din ito ng boxing?!

***

"Hihihi! Lagot na siya," tawa ni Willow habang nanunuod ng laban. "Malapit na siyang ma-corner ni Tammy."

"Bakit? Sino ang lagot?" tanong ni Lizel na katabi ni Willow.

"Hindi gumagana ang instinct ng kalaban ni Tammy. Kaya hindi niya masasangga lahat ng atake sa kanya. Mamaya lang, makikta ninyo."

"Instinct? Ano'ng ibig mong sabihin?" tanong ni Fatima.

"Sa laban, mahalaga ang instinct ng tao. Gumagana iyon kapag nararamdaman nilang may mangyayari. Dahil doon, natural na gumagalaw ang katawan natin. Lalo na kung may panganib, awtomatikong poprotektahan natin ang sarili natin, diba? Pero iba sa kaso ng laban nila ni Tammy. Hindi iyon gagana sa lalaking 'yon," paliwanag ni Willow.

"I do not follow," sabi ni Helga.

"In short, hindi naglalabas ng panganib si Tammy laban sa lalaking 'yon. Kaya hindi gagana ang instinct niya. Hindi niya magagamit ng lubusan ang depensa niya. Sabihin nalang natin na mas may pag-asa siyang manalo kung aatake siya kay Tammy."

"Medyo hindi ko parin maintindihan," sabi ni Cami.

"Kung hindi mo nararamdaman na may panganib sa buhay mo, hindi mo magagamit nang husto ang depensa mo. Walang presensya na nilalabas si Tammy sa arena. Para lang siyang hangin."

"Oh, I get it. She doesn't have bloodlust. She's not dangerous that's why nakababa ang depensa ni Gum laban sa kanya," sabi ni Helga.

"At hindi iyon alam ng kalaban ni Tammy. Mahirap mapansin iyon kung nakaharap ka na sa kanya," sabi ni Willow.

"Wow! Ang cool ni Tammy!" sabi ni Fatima.

Ngumisi si Willow. "Of course!"

***

F*CK SHIT! DAMMIT!!!

Nalilito si Gum sa nangyayari. Sinusundan lang ng kanyang mga mata ang kilos ni Tammy. May mali sa katawan niya ngayon. Hindi ito gumagalaw nang normal tuwing lumalaban siya. Hindi niya alam kung pabilis ba nang pabilis si Tammy o siya ang bumabagal ng galaw.

Panay ang suntok nito sa kanya. Muntik na siyang tamaan ng hook kanina.

Kapag nagpatuloy ito, siya ang matatalo sa puntos! Hindi ito ang plano niya! F*CK!!!

Nakita ni Gum ang paparating na jab at inayos ang kanyang depensa. Ngunit nagulat siya nang huminto iyon! ISANG FAKE!!! F*CKING HELL!!! Tumingin siya sa harap at nanlaki ang mga mata niya nang wala na si Tammy sa kanyang harap.

Ang sunod na nangyari ay hindi niya nasundan, may malakas na tumama sa kanyang abdomen na halos ikawala niya ng malay.

"DOWN!!!!!!!"

Napaluhod siya sa sahig at napa-suka. Hindi siya makahinga sa sobrang sakit. Nasa tabi niya ang referee at tinatanong siya sa kanyang lagay.

F*CK! F*CK! F*CK! F*CK! F*CK! F*CK! Hindi ito dapat na nangyayari! Saan nanggaling ang tira na 'yon?! Hindi niya ito nakita!!! F*CK! F*CK! F*CK!

Naipikit niya ang mga mata at narinig ang sigawan ng mga tao. Tumayo ang referee at inanunsyo ang pagkapanalo ni Tammy. Saka siya nawalan ng malay.

***

Napasipol si Gabe nang mapanood ang laban ni Tammy Pendleton. Humahanga siya sa babae. Tumingin siya sa kasamang si Reo.

"Nasurpresa ako ron ah. Di ko alam na may tinatagong bagsik pala itong si Pendleton," nakangising sabi ni Gabe.

"She's more dangerous than that."

"Ano'ng ibig mong sabihin?"

"Nothing."

Dumating si Nino kasunod si Marko na beta nito. Pumunta lamang ito para panoorin ang laban ni Tammy.

"C'est une grande habileté que de savoir cacher son habilité," nakangiting sabi ni Nino habang nakatingin sa papalabas ng ring na si Tammy. "She really is my Queen."

"Whatever you say, man," kibit balikat ni Marko na hindi na naman naintindihan ang sinabi ng kaibigan. Pero hanga siya sa ipinakitang galing ng babae. Hindi niya iyon inaasahan.

[AT MULING NANALO SI TAMMY PENDLETON!!! Napaka-gandang pagkapanalo para sa Alpha ng class 1-A! Naririnig mo ba partner ang sigawan ng kanyang mga taga-suporta? Buhay na buhay sa loob ng ating gymnasium!]

[Oo partner! At kung bubuksan ang forum sa ating site, siya ang nasa top one. Hindi maikakaila na marami ang humahanga sa kanya. Siguradong magiging maganda ang final match! Hindi na ako makapag-hintay.]

[Sa kabilang ring naman ay makikita natin na natapos na rin ang laban! Ang magiging kalaban ni Tammy sa final round ay walang iba kung hindi si BANRIIIII LEE!!!]

[Sino kaya sa kanilang dalawa ang mananalo sa King's Game? Abangan natin 'yan mamaya.]

[Samantala, panoorin natin ang replay sa ating screen.]

***

Bago tuluyang nakaalis si Tammy sa ring, naramdaman niya ang tumatamang titig sa kanya. Agad siyang napalingon at nakita ang isang lalaking nakatakip ng hood at may itim na facemask. Nakatayo ito sa may hagdan sa itaas ng audience area. Kaagad itong tumalikod at umalis nang titigan niya.

Nagmadali siyang bumaba at umalis ng ring. Kaagad niyang hinabol ang lalaki. May nagsasabi sa kanya na habulin niya ito. Hindi man niya nakita ang mukha, ramdam niyang kilala niya ang lalaki.

Tumingin siya sa paligid ngunit hindi na niya ito nakita pa. Hindi maalis ang pag-asa sa puso niya. Naikuyom niya ang kanyang mga kamao. Kung ganon ay nandito nga ang taong hinahanap niya matagal na.