Chereads / High School Zero / Chapter 17 - Chapter Seventeen

Chapter 17 - Chapter Seventeen

Mabagal na pinaandar ni Jared Dela Cruz ang kanyang kotse. Nakatuon ang tingin niya sa babaeng naglalakad di kalayuan sa kanya. Kasama nito ang nag-iisa nitong anak na lalaki. Sinundan niya ang mga ito hanggang sa makapasok sa loob ng isang grocery store.

Ihininto niya ang kotse sa parking lot. Kaagad siyang bumaba mula sa sasakyan at sinundan ang babae at ang anak nito.

Ilang beses niyang tinatanong sa sarili kung bakit ba niya ito ginagawa. Hindi ba at dapat ay sa airport na siya didiretso? Ngunit nagkataon na napunta siya sa subdivision kung saan nakatira si Samantha. Nagkataon din na doon siya inabutan ng pagod at nagpahinga. Nagkataon din na nakita niyang lumabas ito makalipas ang halos isang oras niyang paghihintay.

Nagkataon... Kung ganon, bakit niya ito sinusundan? Nang umuwi siya sa Pilipinas, hindi niya akalain na magiging isa siyang ganap na stalker. Ilang beses niyang minura ang sarili, inutusan na umalis na. Ngunit hindi nakikinig sa kanya ang katawan niya.

Damn it! Para siyang isang teenager na sabik makita ang crush nito.

Matapos niyang maglakad sa loob ng grocery store, nakita niya rin ang kanyang hinahanap. Nakatayo ito sa tapat ng isang meat shop at kausap ang isang babaeng umaasikaso sa binibili nito.

Isang matamis na ngiti ang sumilay sa mga labi ni Jared habang pinagmamasdan si Samantha. Nakatago siya sa isang shelf ng mga cereals at nag-iingat na hindi makita nito.

Kahit na ilang taon na ang nakalipas, wala parin itong ipinagbago. Ito parin ang Samantha na kilala niya noon. Gusto niya itong lapitan, kausapin. Ngunit hindi niya magawa. Natatakot siya sa kanyang sarili. Ang makita si Samantha mula sa malayo ay sapat na sa kanya.

Thud.

Nakaramdam siya ng sipa sa kanyang kaliwang binti. Lumingon siya at nakita ang isang batang lalaki sa tabi niya. Nakatingala ito sa kanya habang hawak ang dalawang pancake box.

Sa mga mata nito, nakita niya ang kaibigan niyang si TOP. Pakiramdam niya ay bumalik siya sa panahon noong bata pa sila.

"Bakit mo tinitignan ang Mama ko?" ang matapang na tanong nito.

Ngumiti siya sa bata at lumuhod. Inalis niya ang kanyang suot na itim na salamin.

"Tumangkad ka," ang sabi niya sa batang lalaki saka niya ginulo ang buhok nito. Ilang taon na rin niya itong hindi nakikita. Marahil ay nakalimutan na siya nito.

Kaagad na umiwas ang bata sa kanya. Kunot ang noo nito at bigla niyang naalala ang ama nito noong bata pa. Kamukha nito ang kaibigan niya at hindi maiwasan na makaramdam siya ng kirot sa kanyang puso.

Hindi niya maiwasan na isipin, kung itinuloy niya ang engagement nila noon ni Samantha, may anak na rin kaya silang tulad nito ngayon? Masaya kaya sila bilang isang pamilya? Pero kung ibabalik niya ang nakaraan, hindi niya babaguhin ang kanyang naging desisyon.

"Timmy, kanina pa kita hinahanap. Hwag kang masyadong lalayo sa'kin."

Sa malalim na pag-iisip ni Jared, hindi niya namalayan ang paglapit sa kanila ni Samantha. Nang marinig niya ang boses nito, hindi siya kaagad nakagalaw. Napahawak siya sa kanyang dibdib. Ramdam niya ang pagbilis ng tibok ng kanyang puso na akala niya ay matagal nang namatay.

Ito lang talaga ang tanging babae na kayang gawin ito sa kanya.

***

Inihatid ni Tammy si Willow papunta sa washroom. Ilang beses itong naghilamos ng mukha. Nabawasan na ang maputlang kulay ng mukha nito.

"Okay ka na ba?" tanong ni Tammy.

"It's too much, Tammy," mahinang sabi ni Willow.

Kinuha ni Tammy mula sa bulsa niya ang kanyang panyo. Nilapitan niya si Willow at pinunasan ang mukha nito.

"Gusto mo na bang umuwi?"

"Panonoorin mo pa ba ang final match?"

Tumango si Tammy. "Pero kung kailangan mo nang umuwi, ihahatid kita sa inyo."

"Hwag na. Ite-text ko nalang ang driver namin para sunduin ako rito."

"Sasamahan kitang maghintay sa labas."

Tumango si Willow at lumabas sila ng washroom. Pumunta sila sa waiting area malapit sa gate ng Pendleton High.

Nang mapanood nila ang match nina Alex at Bullet, hindi iyon kinaya ni Willow. Masyadong naging marahas ang laban ng dalawang lalaki. Walang nagawa ang referee kundi ang patigilin ang laban dahil sa pagdurugo ng parehong kalahok.

Sa huli, ang nanalo ay walang iba kundi si Bullet. Hindi na niya alam kung sino ang nanalo sa match nina Reo at Nino. Hindi pa tapos ang laban ng dalawa nang lumabas sila ni Willow sa gymnasium.

Nang sa wakas ay dumating na ang sundo ni Willow, umalis na ito matapos magpaalam. Bumalik si Tammy sa gymnasium para panoorin ang final match.

Hindi niya alam kung ano'ng klase ng tao si Bullet. Pero ayon sa mga narinig niya tungkol dito mula sa mga kaklase niya, sadyang marahas ang ugali nito. Hindi niya nakita kung paano lumaban si Nino. Hindi niya masabi kung sino ang mananalo lalo na at noong huling naglaban ang dalawa ay nanalo si Nino dahil sa foul na ginawa ni Bullet.

"Tammy, akala namin hindi ka na babalik? Nasaan si Willow?" tanong ni Cami sa kanya nang umupo siya sa tabi nito.

"Umuwi na siya. Sino ang nanalo?" kaagad niyang tanong.

"Si Nino ang nanalo sa laban nila ni Reo. Mahigpit din ang laban nila pero kumpara sa laban nina Alex at Bullet..." hindi na dinugtungan ni Cami ang sinasabi.

"Malapit nang mag-simula ang final match. Sino kaya ang mananalo sa kanilang dalawa?" tanong ni Fatima.

"Sana si Nino parin," sagot ni Lizel.

"Sana hindi masyadong masaktan si Nino!" ang sabi ni Fatima.

"Hindi ko mapapatawad si Bullet kapag nagalusan ang gwapong mukha ni Nino!"

"Bakit, kaya mo bang saktan si Bullet?"

"Hwag mong maliitin ang kakayahan ng mga fangirls ni Nino!"

Nang pumasok sa ring sina Bullet at Nino nabalot ng tensyon ang paligid. Tahimik ang lahat ng manonood sa gymnasium. Ramdam ng lahat kung gaano ka-seryoso ang laban ng dalawa. Dahil sa nakaraan ng dalawang kalahok, ito ang magiging totoong labanan sa titulo ng hari. Dito nila malalaman kung karapatdapat nga bang nanalo noon si Nino. Dahil hindi mabubura sa isip ng karamihan na si Bullet ang mas malakas sa dalawa.

Nagtagal ang referee sa pagbibigay ng rules kina Nino at Bullet. Mapapansin na mas nakatuon ang atensyon nito sa huli. Marahil ay dahil sa technique na gamit nito kaya ito pinapaalalahanan nang mabuti.

Nang sa wakas ay nagbigay na ng signal ang referee upang umpisahan ang laban, doon nagbigay ng reaksyon ang mga manonood.

Pagbaba palang ng kamay ng referee ay kaagad nang sumugod si Bullet kay Nino. Magkakasunod na atake ang ginawa nito. Kombinasyon ng mga suntok at pag-sipa. Nang hindi ito naging mabisa laban kay Nino, umtras si Bullet at saka muling sumugod. Sa ikalawang pag-sugod nito ay sinubukan nitong gamitin ang double-leg takedown. Ginagamit ito upang mapabagsak ang mga kalaban na mas matangkad sa kanila. Sinugod ni Bullet si Nino saka ibinaba ang katawan, tinarget nito ang dalawang hita ni Nino. Ngunit kaagad iyong nabasa ni Nino, umatras ito at ibinagsak ang mga kamay sa likod ni Bullet. Kalahati ng katawan niya ay nakadagan sa likod ng kalaban. Gumamit ito ng sprawl, isang mabisang depensa laban sa atake ni Bullet. Nakasentro sa ulo ni Bullet ang bigat na ibinigay ng katawan ni Nino. Nanatili itong nakadapa.

"DOWN!!!"

Nag-sigawan ang mga manonood nang makitang may bumagsak na sa dalawang kalahok.

Pinaghiwalay ng referee ang dalawa. Muling sumugod si Bullet kay Nino. Isang spinning back kick ang iginanti nito. Kaagad iyong tumama sa abdomen ni Nino at agad itong napaatras.

Muling nag-sigawan ang mga estudyante sa nangyari. Hindi nagpapatalo ang dalawa sa isa't-isa. Sa bawat pag-sugod ni Bullet, nakakaganti si Nino. At sa bawat ganti ni Nino ay may naisasagot si Bullet.

Ngunit habang tumatagal ay mas nakikita na ni Tammy ang kaibahan sa kakayanan ng dalawa. Mas lamang si Nino dahil sa hindi nito natitibag na konsentrasyon sa laban. Si Bullet naman ay halatang nadadala sa galit at inip na mapatumba ang kalaban. Mas mabilis na nauubos ang lakas nito.

"Ten minutes nalang bago matapos ang laban nila," sabi ni Cami na nakatingin sa screen kung saan may countdown.

Nang muling tignan ni Tammy ang ring, nakita niyang nag-iba na ng tindig si Bullet. Hindi niya alam kung bakit siya biglang kinabahan. Nang tignan niya si Nino, mukhang nahalata rin nito ang pag-iiba kay Bullet. Mukhang inaasahan nito iyon.

Nang sumugod si Bullet kay Nino, kaagad na nakilala ni Tammy ang technique nito. Hindi siya makapaniwala sa napapanood. Gumagamit si Bullet ng technique na tinatawag na Krav Maga. Isa itong martial art na gumagamit ng brutal na atake sa mga kalaban kung saan hindi iniisip ang magiging kahihinatnan ng makakatanggap ng atake. Ito ang sinasabing pinaka-delikadong martial art na nalikha.

Sa pagbabago ng atake ni Bullet, nagbago rin ang kilos ni Nino. Malapit sa Krav Maga ang istilo na ginamit nito. At pamilyar si Tammy sa mga galaw na iyon. Dahil iyon din ang ginamit niya kanina sa laban nila ni Banri. Masasabing ang Systema ay malapit sa uri ng Krav Maga, parehong self defense ngunit malaki ang pagkakaiba. Ang Systema ay compassionate at ang Krav Maga naman ay brutal.

Nang maghiwalay ang dalawa, nagulat ang lahat nang sa pagkakataon na ito ay si Nino naman ang sumugod. Nagpakawala ito ng suntok sa mukha ni Bullet. Ngunit nasangga iyon ni Bullet at inasinta ang gilid ng mukha ni Nino gamit ang palad nito. Umatras naman kaagad si Nino bago iyon dumapo sa mukha. Matapos umatras ay humakbang ito palapit at ibinigay nito ang buong lakas upang gamitin ang balikat at braso para banggain ang sentro ng katawan ni Bullet. Kaagad itong napaatras nang ilang hakbang at muntik nang matumba.

Dahil sa nangyari ay mas nakita ang galit sa mukha ni Bullet. Malakas itong sumigaw at sumugod kay Nino. Muli nitong binaba ang katawan at binangga ang middle section ng katawan ni Nino, doon ito nawalan ng balanse at bumagsak.

"DOWN!!!"

Muling nabuhay ng sigawan ang mga manonood. Ngunit hindi pa tapos si Bullet sa ginagawa. Habang nakaupo ito sa katawan ni Nino, magkakasunod na suntok ang iginawad nito sa kalaban. Walang nagawa si Nino kundi ang depensahan ang sarili gamit ang dalawang braso. Nakabantay nang maigi ang referee.

"AAAACK! Yung mukha ni Nino!!!"

"Walang hiya ka Bullet!!!"

Magkakasunod na mura ang pinakawalan ng mga babaeng katabi ni Tammy. Hindi niya ito pinansin at pinanood nang mabuti ang laban.

Sa wakas ay nakahanap ng pagkakataon si Nino. Ginamit niya ang dalawang hita upang bigyan ng triangle choke si Bullet. Mahigpit na naka-lock ang ulo at isang braso ni Bullet sa mga hita ni Nino. Hindi ito makagalaw. Ngunit hindi pa tapos si Nino. Muling gumalaw ang isang hita nito at iniba ang posisyon ng lock. Hinawakan ni Nino ang isang pulso ni Bullet at hinila nito ang braso ng kalaban habang naka-lock ang isa pang braso at ulo nito. Ang sinomang makatanggap ng armbar ay makakaramdam ng unti-unting paghiwalay ng braso sa balikat nito, nauuwi iyon sa pagka-dislocate ng buto.

Matapos ang sampung segundo ay nag-tap out si Bullet. Napasigaw ito sa sakit ng paghila ni Nino sa kanyang braso.

"TAP OUT!!!" ang malakas na sabi ng referee.

Pinakawalan ni Nino si Bullet at saka ito tumayo. Ilang segundo nakaupo sa sahig si Bullet habang hawak ang sumasakit na braso. Masama ang tingin nito kay Nino at galit na lumabas ng ring.

Itinaas ng referee ang isang kamay ni Nino, senyales na ito ang nanalo sa dalawa. Nagdiwang ang mga manonood at napuno ng cheer ang buong gymnasium. Maliwanag na sa pagkakataon na ito, si Nino ang totoong panalo sa laban nila.

"KYAAAAAAAAAAAHH!!! NINO MY LOVE!!"

"Mabuti nalang siya ang nanalo!"

"My God! Yung mukha niya, nagalusan!!!"

"Kawawa naman siya pero okay lang yan, mahal ko parin siya!"

"Ay ang landi, mahal kaagad? Parang hindi ka naglaway kay Reo kanina."

"Ano ka ba? The more the merrier!"

Pumalakpak si Tammy kasabay ng mga estudyanteng nagsasaya. Tapos na ang laban para sa araw na ito. At may dalawa nang hari ang Pendleton High. Sa kabila nito, hindi parin nahahanap ni Tammy ang taong gusto niyang makita.