Mula sa malayo ay nakatanaw lang si Arni kay Nathan habang kausap nito ang mga kaibigan sa malawak na sala ng mansion. Nakatayo siya sa gilid ng pinto ng kusina at mula roon ay malinaw niyang nakikita ang binata na masayang-masaya sa araw na iyon.
Nagtapos si Nathan sa senior high nang araw na iyon at nakuha nito ang pinakamataas na parangal sa batch nito, dahilan upang magkaroon ng selebrasyon sa mansion. Karamihan sa mga bisitang naroon ay mga ka-klase at kaibigan ni Nathan sa Asuncion Natividad University, at dahil disi-otso na ang mga ito ngayon ay pinahintulutan sila ng mga magulang na uminom.
She sighed. Ngayong dose anyos na siya ay hindi parin nawawala ang matinding crush niya para kay Nathan. Habang tumatagal ay mas lalo pa ngang tumitindi ang pagkakagusto niya rito. Bakit hindi, eh si Nathan na yata ang pinakamagandang lalaking nakita niya sa buong buhay niya.
Sa kabila ng purong banyaga ang ama nitong si Christian Vhan, ay minana ni Nathan ang mga mata at kulay sa ina. Well, he got his nose and the shape of his face from his father, pero ang mga mata ay nakuha sa ina. Matalim at kasing itim ng gabi. Matangkad din ito sa edad na disi-otso at dahil sa lakas ng dating nito ay nangingibabaw ito sa lahat.
She took a deep breath and gave him one final look bago bumalik sa kusina. Inabutan niya roon ang Mamang niya at si Nana Lumen na nagkakape. Hindi naging abala ang mga ito sa gabing iyon dahil ang mga staff ng catering service na binayaran ni Natalie ang nag-aasikaso sa mga bisita.
"Kumain ka na, Arni. Kanina pa kita nakikitang nakamasid lang sa mga bisita," sabi ni Nana Lumen nang makita siya.
"Mamaya na po siguro, Nana Lumen," aniya na humakbang patungo sa pinto ng kusina. Sa labas niyon ay may daan patungo sa pool area kung saan walang tao dahil lahat ng bisita ay nasa loob lang ng mansion. "Gusto ko po magpahangin muna sa labas."
"Siya nga pala, ang sabi ng inay mo'y tinanghal kang top one sa klase ninyo ngayong taon."
Nahihiya siyang tumango.
"Naku, sigurado akong ikaw ang mag-aahon sa hirap dito sa inay mo. Simula pagkabata ay napakasipag at matulungin mo, lahat na yata ng maihihiling ng isang magulang sa kanilang anak ay nariyan na sa iyo," nasa tinig ni Nana Lumen ang pagkagalak at pagmamalaki.
"Maraming salamat po, Nana." Maya-maya pa'y nagpaalam na siya sa mga ito at tinungo ang daan sa likod papunta sa pool.
Sa loob ng ilang sandali ay naroon lang siya at nakikinig sa mahinang tugtugin mula sa loob at masayang kwentuhan ng mga bisita ni Nathan.
Kanina pa niya gustong batiin ang binata pero hindi niya magawang lumapit dahil sa dami ng bisitang nakapaligid dito.
"What are you doing here?"
Muntik nang mapatili si Arni nang may magsalita sa kaniyang likuran. Mabilis siyang lumingon at nakita si Nathan na nakapamulsang nakatayo ilang dipa lang mula sa kanya.
"N-nagpapahangin. Ikaw, bakit ka narito?"
"Sa kusina ako galing at nang makita ko ang inay mo ay naitanong kita."
She smiled at him, "Congratulations nga pala."
Hindi ito sumagot. Humakbang ito palapit at huminto sa harap niya.
"Ang pogi mo ngayong gabi, lalo tuloy akong nagkakagusto sayo," kinikilig niyang sambit. Pagdating kay Nathan ay nawawalan siya ng hiya. Masaya siyang malaya niyang naipapahayag dito ang damdamin niya.
"Oh my God, can you stop that? Hindi bagay sa edad mo ang mga sinasabi mo," hasik nito.
"Bakit ba, wala namang mali sa pagsasabi ng totoo, 'di ba? Tunay namang gusto kita eh, ikaw lang 'tong hindi naniniwala at iniiwasan ako." Umirap siya at humalukipkip. "At bakit ka ba kasi narito, ano ba'ng kailangan mo?"
Matagal bago ito sumagot. "Narinig kong top one ka sa klase ninyo ngayong taon. Is that true?"
"Paano mong nalaman?"
"Mom told me."
Tumango siya. Marahil ay naikwento iyon ng Mamang niya kay Natalie.
"I'm proud of you."
Sukat sa sinabi ni Nathan ay napahugot siya ng hininga. Hindi niya inaasahang marinig iyon mula rito at natutuwa siya. Gusto niyang maluha sa galak. Sa lahat ng mga bumati sa kanya, maliban sa Nanay niya, si Nathan ang pinaka-espesyal.
"Napagtanto kong hindi lang pala kalokohan ang laman ng utak mo," dugtong nito. "Keep it up. May mga lumang libro ako sa kwarto na magagamit mo pagdating ng highschool, you can have them all. Consider them as a gift from me."
Hindi niya na mapigilan ang maluha habang nakatingala rito. Luha ng kasiyahan, gusto niya itong yakapin sa sobrang galak subalit baka mainis na naman ito sa kanya kaya pinigilan niya ang sarili.
Si Nathan, nang makita ang pagluha niya ay natawa. "What's wrong with you, they're just my books."
"Kahit scratch paper pa ang ibigay mo, mapapaluha parin ako," aniya na pinahid ng mga palad ang mga luha. "Pangako, aalagaan ko ang mga iyon, Nathan."
He smiled. Itinaas nito ang isang kamay at bahagyang ginulo ang kanyang buhok. "I know you would," anito bago tumalikod at muling pumasok sa loob.
Para kay Arni, isa iyong napakagandang pangyayari na hindi niya makakalimutan kahit kailan. Kinausap siya ng matino ni Nathan sa unang pagkakataon at sobra ang kaligayahan niya!
*****
Sabado kinabukasan at muling sumama si Arni sa mansion ng mga Vhan upang tumulong sa ina at para narin makita si Nathan. Kagabi ay halos hindi siya makatulog kakaisip sa pag-uusap nila sa pool, na bagaman saglit lang ay kinakitaan niya ng pagkaaliw sa kanya ang binata.
Pagkadating na pagkadating sa malaking bahay at si Nathan kaagad ang hinanap ng kanyang mga mata. Nang sumilip siya sa malawak na sala ay kaagad na nahagip ng kaniyang mga tingin ang dalawang malalaking maleta sa puno ng malaking hagdan. Kinunutan siya ng noo. Sino ang aalis?
Tuluyan na siyang pumasok sa loob ng mansion at huminto sa harap ng dalawang malalaking maleta.
"There you are."
Napatingala siya sa taas nang marinig ang tinig ng binata.
"Nathan!" aniya, akma niya sana itong babatiin ng magandang umaga nang mapansing nakabihis ito at may kargang karton.
Hinintay ni Arni na makababa ng tuluyan si Nathan bago magtanong, "Sino ang aalis?"
Ibinaba ni Nathan sa harap niya ang karga saka siya muling hinarap. "As promised, inside this box are my books. Mabigat ito kaya magpatulong ka nalang sa driver mamaya, magpahatid ka sa inyo."
Kunot-noong tiningala niya ito, "Hindi mo sinasagot ang tanong ko."
Nathan shrugged. Nilingon ang mga maletang nasa likuran at balewalang sumagot, "I'm leaving. Aalis ako papuntang America para doon mag-college."
Sukat sa sinabi nito'y nahilam ng luha ang mga mata ni Arni. Tila may kung anong bumara sa lalamunan niya na hindi niya magawang magsalita. Pakiramdam niya ay para siyang papangapusan ng hininga at kailangan niyang tumakbo palabas.
"Kailangan kong pumunta doon ng mas maaga dahil madami akong kailangang ayusin sa pag-transfer. Ang party kagabi ay parang despedida ko na rin sa pag-alis ko ngayong araw." Ibinalik nito ang pansin sa kanya at nagulat nang makita ang mga luhang umaagos sa pisngi niya. "Para saan iyang mga luha na 'yan?"
Suminghot siya at yumuko para itago ang pag-iyak, "Maganda naman ang ANU ah? Bakit kailangan mo pang sa America mag-aral?"
"Dahil iyon ang matagal nang napag-usapan namin ng mga magulang ko."
Marahas siyang umiling, "Ang sabihin mo ay gusto mo lang akong iwasan!"
Narining niya ang bahagyang pagtawa nito, "Matagal na naming napag-usapan nina Mom and Dad na doon ako magko-kolehiyo sa America." Yumuko ito at pilit na hinuli ang mga mata niya, "At hindi ko maintindihan kung bakit kailangan kong magpaliwanag sa iyo."
Muling suminghot si Arni at pinahiran ang mga luhang umagos sa mga pisngi. "Nalulungkot ako, Nathan, dahil alam kong matagal kitang hindi makikita."
Huminga ng malalim ang binata saka tuwid na tumayo. Marahan nitong pinahid ang mga luha sa pisngi niya. "Babalik pa rin naman ako. Pagdating ng panahong iyon, dalaga ka na at pwede mo nang ituloy iyang kabaliwan mo sa'kin at sa pagsasabing mahal mo ako. Malay mo, pagdating ng araw, pwede ko nang sakyan iyang mga kalokohan mo."
Hindi alam ni Arni kung bakit, pero sa sinabi ni Nathan ay gumaan ang pakiramdam niya kahit papaano. Malungkot parin siya sa pag-alis nito subalit ang kaalamang babalik din ito ay nagpagaan sa damdamin niya.
"Aasahan ko ang muli mong pagbalik, ha, Nathan?"
Pilit itong ngumiti saka tumango.
"Pagbalik mo ay dalaga na ako. At sa paglaki ko ay gaganda ako lalo, pangako yan." Muli niyang pinahirahan ang mga luha, "Basta huwag mong kakalimutan na maghihintay ako sayo dito, ha? Kapag mahal mo ang isang tao, kahit gaano katagal, maghihintay ka. Di ba ganoon iyon?"
Muling natawa si Nathan sa naturan niya. Tumango lang ito para sumang-ayon nang mula sa itaas ng hagdan ay nagsalita si Natalie na kanina pa nagmamasid sa dalawa.
"Huwag kang mag-alala, Arni. Nathan will come back as soon as possible, dahil hihintayin din siya ng VAC," naka-ngiti nitong sambit.
"Magandang umaga po, Ma'am Natalie," nahihiyang bati rito ni Arni. Kung kanina pa ito naroon ay malamang na narinig nitong lahat ang mga sinabi niya.
Nakababa na si Natalie nang muling magsalita. "May gusto ka na dito kay Nathan simula noong bata ka pa, Arni, and it's really cute. Sana sa pagbalik niya ay ganoon pa rin ang damdamin mo para sa kanya."
Nanlaki ang mga mata niya nang marinig ang sinabi ng ina ni Nathan, "Ibig po bang sabihin ay boto kayo sa akin?"
"Aba, oo naman! Maliban sa mabait at matulunging anak ay maganda't matalino ka pa. Na sa iyo na ang lahat malibang napaka-bata mo pa at maari pang magbago ang pagtingin mo kay Nathan sa paglipas ng panahon."
"Mom, huwag nyo na pong kunsintihin," si Nathan na napakamot nalang.
"O hayan, narinig mo ang Mommy mo, Nathan. Tandaan mong boto siya sa akin kaya bawal kang mag-asawa ng iba."
Si Nathan ay tumaas lang ang kilay sa pagkaaliw.
"Pwede kang.. mag-girlfriend sa America," dugtong niya na may bahagyang pagdadalawang-isip. "Pero bawal kang mag-asawa ng iba. Tandaan mo iyan, ha?"
Mula sa kusina ay sumulpot si Adelfa at nagmamadaling lumapit sa anak, "Naku, ikaw na bata ka talaga, umabot na sa kusina iyang boses mo," bulong nito sa anak saka hinarap ang mag-ina. "Pagpasensyahan niyo na po si Arni, Maam Natalie, Sir Nathan."
"Walang problema sa amin iyon, Adelfa," si Natalie na ipinaypay ang isang kamay sa ere, hindi mawala sa mukha nito ang ngiti. "Mukhang magiging balae pala tayo nito balang araw, ah?"
"Mom, stop it," suway ni Nathan sa ina. Humakbang na ito sa kinaroroonan ng mga maleta at hinila ang isa. "Baka gabihin pa tayo sa daan, umalis na tayo. Where's Dad?"
"Oh, nasa main branch pa ang Dad mo at nagsabing doon nalang natin daanan."
Tumango si Nathan at hinarap muli si Arni, "Promise me that you will study harder, finish your highschool and get your way to college."
Itinaas niya ang kamay at kunwaring nag-krus sa kaliwang dibdib, "Promise!"
Nathan left her with a smile. Tinanguan nito si Adelfa bago tuluy-tuloy na lumabas ng mansion.
Nakasakay na sa sasakyan ang mag-inang Vhan nang mula sa entrada ng mansion ay muling sumigaw si Arni, "Nathan! Tandaan mong mahal na mahal kita! Maghihintay ako sa'yo!"
Hindi sumagot si Nathan, sa halip at inilabas lang ntio sa bintana ng sasakyan ang kanang kamay at kumaway sa kanya.
*****