Chereads / Young Arni's Love / Chapter 4 - YAL | Chapter 2

Chapter 4 - YAL | Chapter 2

"Hi, Nathan!" masigla bati ni Arni isang araw na isinama na naman siya ng Mamang niya sa mansion. Naroon ang binata sa gilid ng pool at nakaupo, ang mga paa'y nakababad sa tubig.

Lumingon ito at pagka-kita sa kanya ay kumunot ang noo, "Nagpagupit ka ba ng buhok?"

Natutuwang tumango siya, "Maganda ba?"

Nagkibit lang ito ng balikat at ibinalik ang pansin sa mga kasamang naglalangoy.

Napatingin din siya sa mga iyon. Pagkapasok palang nila ng ina sa gate ng mansion kanina ay ang ingay na nagmumula sa pool area na ang kaagad niyang narinig kaya doon siya dumiretso.

"Sino sila?"

"My classmates."

"Mabuti at nakadalaw sila ngayon. Akala ko maliban sa akin ay wala ka nang ibang kaibigan."

Salubong ang kilay ni Nathan nang lingunin siya nito, "And who told you we're friends? Ikaw ang pinakamakulit na batang nakilala ko and for that reason, I don't want to befriend you."

"Sa ayaw at sa gusto mo, kakaibiganin parin kita," matigas niyang tugon dito.

Akma itong sasagot nang tawagin ito ng kasamang babae na nasa pool, "Hey, Nathan! Come join us!"

Napatingin si Arni sa babaeng nakasuot ng puting bathing suit at kinunutan ng noon, "Sino yun?"

"Her name is Sofia. I like her, kaya h'wag kang magulo," anito na dumausdos at lumusong na sa tubig.

"Haaah?" eksaheradong reaksyon niya kasabay ng panlalaki ng mga mata. "Bakit siya, gusto mo. Pero sa akin, ayaw?"

"What?" salubong ang kilay na hinarap siya nito. "Ano ba iyang mga pinagsasasabi mo? Can you just go?"

Subalit nagmatigas siya at hindi umalis sa kinatatayuan. "Nathan, paglaki ko, ligawan mo ako ha?"

Sukat sa sinabi ni Arni ay pinanlakihan ng mga mata si Nathan. Tila ito napako sa kinatatayuan at nasa mukha ang matinding pagkagulat.

"Pangako, gaganda ako paglaki ko. At kapag nangyari yun, ligawan mo ako kaagad, ha? Pangako din na sasagutin kita kaagad."

"Who is she?" nakuha ni Sofia ang atensyon ni Nathan nang lumapit ito at hawakan sa balikat ang binata.

Bago pa man makapagsalita si Nathan ay nauna nang sumagot si Arni, "Ako si Arni. At paglaki ko, ako ang magiging girlfriend at asawa ni Nathan. Sa ngayon, ipapahiram ko muna siya sa iyo. Babawiin ko nalang siya sa takdang panahon."

Una'y nagulat si Sofia sa sinabi ng bata subalit kaagad ding nakabawi at tumawa.

Si Nathan ay napailing nalang at tumalikod. "Go now, Arni. Pumunta ka na sa Mamang mo," anito bago niyaya si Sofia na lumangoy.

"Okay," pabulong na sagot ni Arni habang sinusundan ng tingin ang papalayong si Nathan kasama ang magandang dalagita. Alanganin siyang tumalikod pagkaraan ng ilang sandali at naglakad palayo.

*****

"Sasama ka ba sa field trip natin sa isang linggo?" tanong sa kanya ni Shiela sa kaibigan. Nasa gilid sila ng malubak na daan at naglalakad pauwi sa kanila.

Si Shiela ang nag-iisang anak ni Aling Selly na siyang nagma-may-ari ng malaking tindahan sa lugar nila. Mula kindergarten ay magka-klase at magkalaro na sila nito.

"Malamang hindi, kasi napakamahal ng bayad doon pati kailangan din daw ng pocket money," Asagot niya saka inayos ang pagkakasukbit ng bag sa likuran.

"Nagsabi ka ba sa Mamang mo? Baka pwede siyang manghiram ng pera sa mga amo niya, 'di ba mababait kamo yung mga Vhan?"

Umiling siya, "Malaki na ang utang ni Mamang sa mag-asawang iyon. Kahit may utang kami ay patuloy silang nagpapasahod nang walang ibinabawas mula sa inutang. Ayokong magsabi kay Mamang kasi tiyak na iyon nga ang gagawin at lalo kaming malulubog sa utang."

"Eh paano yan, baka ikaw lang ang hindi makakasama?" nalulungkot na sambit ni Shiela. "Si Mama ay naka-ipon ng pambayad mula sa tindahan para makasama ako. Kung makakasama ka din sana, eh di lalong masaya."

"Okay lang 'yan, kwentuhan mo nalang ako."

Bagaman nalulungkot dahil hindi makakasama ay mahalaga parin kay Arni na hindi mahirapan ang inay sa kakakayod para mahanapan siya ng pambayad sa field trip. Para sa kanya ay hindi praktikal iyon. Naisip niyang kapag nag-aral siya ng mabuti at nakapagtapos, lahat ng lugar na gusto niyang puntahan balang araw ay mapupuntahan din niya.

Mula sa kanilang likuran ay biglang may mga batang lalaking nagsitakbuhan at sadya silang binangga. Si Shiela ay nadapa sa maalikabok na kalsada at ganoon din sana siya kung hindi lang siya kaagad na naka balanse. Si Buboy iyon kasama ang buo nitong barkada. Ang mga iyon ay nasa grade six na at parating nang-aasar sa school. Kapitbahay lang din nila ni Shiela ang mga ito kaya magkakakilala sila.

"Ano ba?!" hiyaw niya sa mga ito nang lingunin sila at ngisihan. Inalalayan niyang tumayo si Shiela bago muling hinarap ang mga ito. "Sinadya niyong banggain kami!"

"Oo, sinadya namin. Bakit, may problema ka?" ani Buboy. Matanda ito ng tatlong taon sa kanya at dalawang beses nang nag-grade six. Dapat ay nasa grade seven na ito ngayon kung hindi lang nagbubulakbol.

"Ano ba'ng problema ninyo sa amin?" muli niyang sigaw sa mga ito.

"Wala," anito sabay tawa. Nakitawa rin dito ang apat pang mga barkada nito. "Yung kriminal mong kuya, ninakaw ang cellphone ng ate ko at ibinenta para may pang-inom. Sana ay nakakulong siya ngayon doon sa presinto sa bayan kung hindi lang siya pinatawad ni Ate."

"Hindi totoo yan! Ang ate mong malandi na may gusto kay Jarod ay hinabi lang ang kwento na iyan para pikutin si Kuya! Hindi pumayag si Jarod na panagutan ang ipinagbubuntis ng ate mo dahil totoo namang hindi ang kuya ko ang ama, nagalit si Daday kaya nag-imbento ng kwento!" Iyon ang narinig niya sa Mamang niya. Totoong hindi responsableng anak si Jarod subalit hindi ito magnanakaw. Totoo rin na hindi si Jarod ang ama ng ipinagbubuntis ng ate ni Buboy dahil hindi ito pinapatulan ng kuya niya, sa dami ba namang tricycle driver ang nagpapasa-pasa kay Daday, hindi nila alam kung sino ang nakabuntis doon. "At hindi kriminal si Jarod!" Totoong hindi sila malapit ng Kuya niya subalit hindi niya kayang dalhin sa dibdib ang mga pagbibintang na iyon sa kapatid.

"Kung hindi kriminal ang kuya mo, bakit siya nakikipagbarkada sa mga adik at kriminal sa atin?" Lumapit si Buboy sa kanya at dinuro-duro ang noo niya, "At huwag mong ipinagtatanggol ang gago mong kapatid, kung ano ang tropa niya ay ganoon din siya. At huwag na huwag mong iinsultuhin ang Ate Daday ko!" anito saka siya nito itinulak dahilan upang siya naman ngayon ang sumudsod sa maalikabok na kalsada. Nagtawanan ang mga ito na tila tuwang-tuwa nang makitang may namumuong luha sa mga mata niya.

Si Shiela ay tumalungko sa tabi niya at tinitigan ng masama ang grupo ng mga batang lalaki. Akma siyang tatayo nang mula sa hindi kalayuan ay narinig niya ang pamilyar na tunog ng motorsiklo na papalapit.

*****

Nathan chose another route para iwasan ang lubak-lubak na kalsada patungo sa kanila. Aayusin ang kalsadang iyon kaya sadyang sinira. Kakayanin ng motorbike niya ang lubak na daan pero ayaw niyang mahirapan kaya pinili niyang umiba ng daan.

Mula sa malayo ay natanaw niya kung paanong itulak ng isang batang lalaki ang kausap na batang babae, halatang mga nag-aaway. He tsked. Ayaw niyang huminto pero hindi niya kayang hayaan nalang ang dalawang batang babae lalo at lima ang mga batang lalaking naroon at pawang malalaki ang katawan.

Ilang metro nalang ang layo niya sa mga ito nang makilala ang batang babaeng nakasubsob sa kalsada.

Kapag minamalas ka nga naman..

Inihinto niya ang motor sa gilid at bumama. Nasa mga batang lalaki ang pansin ni Nathan kaya hindi niya nakita ang paglingon ni Arni kasunod ng panlalaki ng mga mata nito.

"Mga batang babae, pinapatulan nyo?" aniya sa mga ito na nakatingala sa kanya.

Nakita niya ang alarma sa mukha ng mga batang lalaki subalit pilit iyong hindi ipinahalata sa kanya. Umatras ang mga ito ng ilang dipa. Bakit hindi, he's way taller and bigger than them. Kahit sabay-sabay itong sumugod sa kanya ay hindi parin siya ng mga ito matatalo.

Niyuko niya si Arni na nanatiling naka-subsob sa maalikabok na kalsada, her eyes wide open.

"Sino ka ba?" sigaw ng isang batang lalaki na sa tingin niya ay siyang leader ng mga ito. Ito din ang nakita niyang tumulak kay Arni.

"Kaibigan ko ang batang itinulak mo." He stared at them with warning, "Hindi kayo dapat nananakit ng mga babae. Sa susunod na uulitin niyo ito ay ako mismo ang makakalaban ninyo!"

Sapat ang lakas ng tinig niya para matakot ang mga ito at isa-isang magsitakbuhan. Muli niyang niyuko si Arni na nakatanga parin sa kanya. Kahit ang kasama nitong batang babae na nakaluhod sa tabi ay nakatulala rin. Ibinalik niya ang pansin kay Arni.

"Ano, ganyan ka nalang?" pukaw niya rito. Hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit sa tuwing nakikita niya ang batang ito ay lagi nalang siyang naiinis nang walang dahilan. He let out a deep sigh. Inabot niya ang kamay rito at inalalayang tumayo.

Pagkatayo ay pinagpag ni Arni ang palda at saka siya binigyan ng matamis na ngiti. Lihim siyang napa-ilim. The little witch was irritatingly cute, he wondered what she would look like when she grows up?

"My hero," nagniningning ang mga mata nitong tumingala sa kanya. "Salamat."

"I'm not a hero," aniya na sinulyapan sandali ang kasama nitong nakamata parin sa kanya saka muling ibinalik kay Arni. "Are you two alright?"

Parehong tumango ang mga ito.

"Natuwa ako sa sinabi mo kanina," si Arni.

He frowned, "Anong sinabi ko?"

"Na magkaibigan tayo."

Suddenly, he felt guilty. Naalala niya noong sinabihan niya ito na hindi sila magkaibigan at na hindi niya gugustuhing maging kaibigan ito. Hindi niya akalain na malaking bagay dito ang pakikipagkaibigan niya. He wanted to kick himself for being a brute, bakit nga ba siya naiirita rito?

"Ang tagal kitang hindi nakita sa mansion. Ang sabi ni Ate Gigi ay palagi kang nasa bahay ng bestfriend mong si Cody tuwing weekend, iniiwasan mo yata ako eh," sabi ni Arni na nakanguso. "Pero okay lang, papatawarin kita sa pag-iwas mo kasi dumating ka ngayon para tulungan kami sa tropa ni Buboy." Muli itong ngumiti, "At dahil diyan, crush na kita ulit."

"What?" Muling bumangon ang inis niya rito. There, that's the reason why he was annoyed with her. Hindi niya gusto ang inaasta at sinasabi nito na tila dalaga na. Wala itong ibang bukambibig kapag nakikita siya kung hindi puro ganoon at naiinis siya. "Alam ba ng Nanay mo ang mga kalokohan mong iyan?"

"Oo naman, pero ang sabi ni Nanay ay wala naman daw masama kung magka-crush ako basta h'wag ko lang daw ipapahalata. Pero kung hindi ko ipapahalata sa iyo, papano mo malalaman?" nasa anyo nito ang kainosentehan na hindi madesisyunan ni Nathan kung tuluyang magagalit o maaaliw.

Napapailing na humakbang siya pabalik sa motorbike niya at sumampa roon, "Where's your house?"

"Malapit lang, sa isang kanto nalang iyon," anito na nakangiti parin sa kanya.

Tumango siya at ini-start ang makina ng motor. "Kaya niyo nang umuwi na kayo lang?"

Tumango si Arni. "Mag-iingat ka. I love you," anito kasunod ay ang nakakalokong ngiti

Muling napailing si Nathan bago isuot ang helmet at pinasibad ang motor.

Habang nasa daan ay hindi niya maalis sa isip ang munting tinig na nagsabing 'I love you'. Somehow, he couldn't help but smile.

*****