Lumapit sa kanila ang isang lalaking guwapo, maputi at sa tantiya ay mid-thirtees lang. "Foxx, hindi mo naman sinabi na magdadala ka pala ng kaibigan." Katamtaman lang ang tangkad nito at mukhang palakaibigan. Inabot nito ang kamay sa kanya. "Hi, I'm Mackintosh."
"I'm Jaidyleen," pakilala naman niya.
"Kasama ko siya sa trabaho," sabi ni Foxx. "Ate, siya ang sinasabi ko sa iyo na may-ari ng bar na ito."
"Ah! Yung tito mo." Kinamayan niya si Mackintosh. "Hello, Tito Mackintosh. Ikinagagalak ko po kayong makilala," magalang niyang bati dito.
Nanlaki ang mata ni Mackintosh na puno ng disgusto. Animo'y karumal-dumal na krimen ang ginawa niya. ''Tito? Huwag mo naman akong tawaging tito. Di pa naman ako ganoon katanda. Di naman tayo nagkakalayo ng edad. As you can see, single pa ako at sariwa. Never been kissed, never been touched."
"Yuck! Sino ba ang maniniwala na bata at sariwa pa kayo, Tito? Pang-DOM ang hirit ninyo," kantiyaw ni Foxx dito at inikot ang mga mata. "Never been kissed and touched? Ay naku! Isang malaking kasinungalingan. Sa akin ka maniwala, Jaidyleen. Di nagsasabi ng kasinungalingan ang batang tulad ko."
Dinuro ito ni Mackintosh. "Manahimik ka ngang bata ka. Wala kang galang sa nakatatanda sa iyo. Tiyuhin mo ako, di mo man lang ako nirespeto sa harap ng magandang kaibigan mo. Hindi ka na libre dito mula ngayon."
"May pambayad ako. May trabaho na ako," pagmamalaki ni Foxx saka ngumisi. "Kaso kasisimula ko pa lang kaya wala pa akong sweldo. Pwede bang utang na lang muna?" Pinagsalikop ni Foxx ang palad at saka pinapungay ang mata. "Please, Tito. I am your favorite niece."
"Sabi na nga ba't iyon din ang bagsak natin. Abonado na naman ako." Umiling si Mackintosh at pumalatak. Ngumiti ito nang tumingin sa kanya. "Pero Jaidyleen, huwag kang mahihiyang umorder. Dahil first time mo dito, sagot kita."
"Hindi na po. Nakakahiya naman." Hindi siya komportableng magpalibre lalo na't nagpakita si Mackintosh ng interes sa kanya. Ayaw niyang bigyan ito ng maling impression.
"Tito, huwag mo nang pag-interesan si Jaidyleen. Taken na 'yan. Sinabihan siyang maganda ni Angel kanina," ngiting-ngiting sabi ni Foxx.
Humalukipkip si Mackintosh at umupo sa tabi niya. "Sinabihan lang siyang maganda, taken- na agad? Sinabihan ko naman siyang maganda."
"Si Angel ang nagyaya sa kanya dito. Si Angel ang dahilan kung bakit siya nandito," ipinagdiinan ni Foxx.
"Nasaan si Angel?" Luminga-linga si Mackintosh. "Wala naman siya. Ako ang nandito para sa iyo. Isang ngiti ko lang, tiyak na makakalimutan mo na si Angel Aldeguer."
Malabong mangyari iyon. Pero nasaan na ba si Angel? Ito lang ang pwedeng magpapitlag sa puso niya. Wala nang iba.
"Jaidyleen. Nandito ka!" Pumitlag ang boses niya nang marinig si Angel. Sa wakas ay dumating na ito. Ito lang ang lalaking gusto niyang tapunan ng atensiyon sa gabing iyon.
"Angel," usal niya sa pangalan nito. "Sit down." At tinapik niya ang bakanteng upuan sa tabi niya. "Maupo ka dito."
"Mabuti naman at pauupuin mo ako," sabi ni Mackintosh at akmang uupo sa tabi niya.
Hinatak ito ni Foxx palayo at hinila sa kabilang couch. "Tito, huwag ka nang makigulo. Panira ka ng moment e."
Umupo si Angel sa tabi niya at hanggang tainga ang ngiti niya nang iabot ang menu dito. "Here is their menu. I know you are tired and…" Nakakunot ang noo ni Angel sa kanya at saka niya naalala na hindi pala ito marunong mag-English. Tinapik niya ang menu. "Order. Eat. Food."
Mukhang naintindihan naman nito ang sinabi niya at binuklat ang menu. Kinalabit ito ni Mackintosh na mukhang walang balak na manahimik lang sa pamba-balewala dito. "Angel, do you like this girl? Pangit ka daw sabi niya kanina. Pangit! Pangit!" wika ni Mackintosh.
Hinawakan niya si Angel sa magkabilang pisngi at ihinarap sa kanya. "No. Guapo ka. Guapo. Hindi pangit."
"Naniniwala ako sa iyo," anito at hinawakan ang kamay niyang nasa pisngi nito.
"Umorder ka na. Order, order…" sabi ni Mackintosh at kinatok ang menu. "Hay! Ang bagal umorder. Tapos magrereklamo kapag walang di agad dumating ang order. Dali. Gutom ka na." Halatang bitter ito sa atensiyong ibinibigay kay Angel.
"Misagh salpicao, Rob Burger and iced tea. Anong gusto mo?" tanong ni Angel.
"Umorder na kami. Salamat," sabi niya at nakapangalumbaba itong pinagmasdan.
"Iyon lang," sabi ni Angel at ibinigay kay Mackintosh ang menu. "Salamat, Mac. Tubig por favor."
Napakurap si Mac. "Pambihirang ito. Ginawa pa akong waiter." Luminga ito sa paligid pero lahat ng waiter ay abala sa pag-aasikaso ng mga customer. Dahil siguro katatapos lang ng game at maraming players kaya marami ring customers. Tinapik nito si Foxx. "Halika nga. Tulungan mo ako. Tutal uutang ka naman. Hayaan na natin 'yang lovebirds na iyan. Hayaan mong dumugo ang ilong nila. I swear, magbe-break din ang mga iyan di pa man sila magnobyo."
"Kapag tumulong ako, libre na iyon, Tito," sabi ni Foxx at tumayo. "Angel, ikaw ang bahala sa friend ko. Alagaan mo. Alam mo iyon?"
"Kumusta ka?" tanong ni Angel nang mapag-isa sila. Hindi pa rin siya makapaniwala na sa wakas ay nasolo niya ito at walang ibang mambubulahaw sa kanila. Parang date. Date, date, date! Ilang taon na siyang di nakikipag-date mula nang umalis si Nomer.
"Bien. Y tu?" sinabi niyang mabuti at tinanong niya kung ito ay ayos lang.
"Bien, bien." Tumawa ito. "Habla Español?" tanong nito kung marunong siyang mag-Spanish.
"Kaunti lang. Umpoco." At pinagdikit niya ang daliri. Tinulugan naman kasi niya ang Spanish lesson niya noong college. Ngayon ay kailangan niyang kalkalin ang Spanish niya sa baul.
"Ah! Sorry. My English is bad," malungkot nitong sabi.
"Your Filipino?"
Tipid itong ngumiti. "Mas marunong. Bulol ng konti pero mas magaling kaysa English."
Tinapik niya ang balikat nito. "Okay lang. Basta magsalita ka lang." Kahit magsalita pa ito ng Spanish at di sila magkaintindihan ay ayos lang sa kanya. Masaya na siyang titigan ito at pakinggan ang magandang boses nito.
"Que?" tanong nito kung ano.
Napangiwi siya. Paano ba niya sasabihin iyon sa Filipino? Que barbaridad. Mahirap pala kapag may language barrier sa pag-ibig. Pwede bang halikan na lang niya ito para masabi niya na gusto niya ito? Wala na. Frustrated na talaga siya.
"Angel, mi amigo. I miss you," sabi ng lalaking may light brown na kulot na buhok at may blue green na mga mata. Niyakap nito si Angel. Miyembro din ito ng national team at teammate ni Angel sa El Mundo Football Club. Half-Iranian ito at may maamong mukha. Pretty Boy agad ang terminong naisip niya dito. Mas maliit ito ng limang na pulgada kay Angel pero kung paguwapuhan ay hindi ito magpapatalo.
"Misagh, mi amigo," tatawa-tawang sabi ni Angel.
"Nice goal, huh!" Kinamayan siya ni Misagh. "Hello. Thank you for your cooperation and appreciation and preparation."
Ano daw? Di yata niya naintindihan ang sinasabi nito. "Hi! I am Jaidyleen."
"I am Misagh Angel's boyfriend and he is my girlfriend," sabi ni Misagh at inakbayan si Angel.
"Girlfrend?" tanong niya at nagpapalit-palit ng tingin sa dalawa. Di naman kaila sa kanya na paubos na nang paubos ang tunay na lalaki sa mundo. Pero ang dalawang guwapong football player na ito… may relasyon? Di yata niya matatanggap. Oh, Angel!
Hinaplos-haplos nito ang buhok ni Angel. "Look. Long hair. My girlfriend." Humalakhak si Misagh. Wala nga yatang maintindihan si Angel. Tumawa lang ito at tumango.
"Naiintindihan mo?" tanong niya kay Angel.
"Sabi niya friend. Kaibigan. Misagh is my boyfriend," sabi ni Angel na nasisiyahan na ipinagmamalaki ito ni Angel bilang girlfriend nito.
Di niya alam kung maaawa o matatawa dito. Maibebenta ito nang wala sa oras. Pwedeng-pwedeng pikutin. Kung luka-luka lang siya ay pwedeng-pwede niya itong utuin lalo na't napakabait pa nito.
"N-Naalala mo pa ba ako?" tanong niya. Ipinakita niya ang bag niya dito. "Kinuha sa akin ng mga bata ang bag ko noong nasa Luneta ako at tinira mo ng bola mo kaya nabawi sa kanila ang bag ko."
"Kaya pamilyar ka sa akin. Sabi na nga ba at nagkita na tayo dati. Kaso basta mo na lang akong iniwan," malungkot nitong sabi.
Na-guilty naman siya. Di siya nakapagpasalamat ng maayos dito noon. "Babawi naman lang ako. Ako ang numero uno mong fan."
Itinaas nito ang isang daliri. "Fan ko? Gusto ko iyan."
At gusto niya ito. Gustong-gusto. Nang mga oras na iyon ay parang nasa langit siya. Sana ay hindi na matapos ang mga sandaling iyon.
Hindi siya nagkamali sa desisyon na manood ng football game para makita si Angel. Di siya nagsisisi na di siya nag-overtime. Ni hindi na siya malungkot nang malamang ikakasal na ang dating nobyong si Nomer sa ibang babae. Nomer? Sino iyon?
Malaya na siya ngayon. Malaya! At walang makakapigil sa kanya na gawin ang mga bagay na nagpapasaya sa kanya ngayon.