Chapter 15 - Chapter 13

"Hello, Jaidyleen! Kumusta ka?" anang malambing at medyo magaspang na boses ng lalaki sa kabilang linya.

"Sino 'to?" Ang ganda ng boses. Parang humahagod sa balat niya. Parang pamilyar sa kanya ang boses pero di lang niya matukoy kung sino.

"Angel."

"Aldeguer?" tanong niya. Ito lang naman ang kilala niya na Angel ang pangalan. Kahit nga siguro hindi Angel iyon ay pangalan pa rin nito ang babanggitin niya.

"Si," sagot agad nito.

"Weeeeh!" Maniwala naman siya na si Angel ito.

"Ano ang weh? Di ko maintindihan," na guguluhang tanong ng lalaki.

"It means I don't believe you. Angel-Angel ka pa diyan," mataray niyang wika. Lagot sa kanya si Foxx. Hindi magandang biro ito.

"Ano iyon? Mabagal lang. No habla English. Carlitos, ayuda me," hingi nito ng tulong sa isa sa mga half-Spanish players. Parang nagmamakaawa ito na maiiyak sa sobrang frustration. Nang magsalita ito ng tuloy-tuloy na Spanish ay saka niya na-realize na ito nga si Angel. At hindi talaga siya nito maiintindihan dahil di naman ito marunong mag-English.

Parang gusto niyang gumulong-gulong sa sobrang kilig saka magtitili habang tuma-tumbling. Si Angel Aldeguer nga ang kausap niya. Parang sasabog na ang puso niya.

"No, no, Angel. Its okay. Naniniwala na ako sa iyo," sabi niya habang kinakalma ang sarili.

"Naniniwala ka na sa akin?" tanong niya na may bahid ng tuwa sa boses.

"Oo. Naniniwala ako sa iyo. Sandali!" Di siya makahinga. Tinakpan muna niya ang mouthpiece ng phone niya saka pinakawalan ang isang matinis na tili. "Kausap ko si Angel, mi amor. Ay grabe parang mahihimatay ako."

Tinapik ni Armine ang likod niya. "Lalaki lang 'yan uy. Kumalma ka nga."

"Eeeee! Kausap mo si Angel," tili rin ni Che-Che. "Alam ko ang pakiramdam nang magmahal na parang mamamatay ka sa saya kapag kausap mo siya. Damang-dama kita, kaibigan."

"Hello! Hello, Jaidyleen! Nandiyan ka ba?" tanong ni Angel sa kabilang linya.

Hinamig muna niya ang sarili niya bago nagpatuloy ng pakikipag-usap dito. Nanginginig pa rin siya dahil di siya makapaniwala na kausap niya ito ngayon. "Oo. Nandito lang ako. Bakit gusto mo akong makausap?"

"Kasi... gusto kong sabihing maganda ka. Bye." At narinig niya ang tone na nagsasabing putol na ang tawag.

Naguguluhan niyang tinitigan ang cellphone. "Huh! Anong nangyari doon?"

"Ano bang sabi?" tanong ni Yrene.

"Maganda daw ako sabay bye." Nagkibit-balikat siya. "Weird."

"Wala na ba siyang ibang alam sabihin kundi maganda ka?" tanong ni Armine.

"Okay lang. Iyon ang pinakamagandang papuri na narinig ko. Maganda ako. Ang ganda-ganda ko, no?" Di naman lahat ng babae ay nabibigyan ng pagkakataon ng lalaking gusto nito lalo na ng isang celebrity na maganda ito. Isa lang siya sa mapapalad na nilalang.

"Sana may magandang kauwian yang ginagawa mo. Mahirap mabuhay sa parang fairy tale na mundo tapos sa huli masasaktan at iiyak ka lang," sabi ni Armine.

"Ate, kailangan mo rin ng love life. Masyado kang problemado sa buhay. Oras na magka-love life ka, liliwanag ang buhay mo," aniya at ibinuka ang mga kamay.

"Kaya nga ako nagka-problem ang ganito ngayon dahil minsan akong na-in love, di ba?" Ipinadyak nito ang paa. "Bakit ba masyadong komplikado ang buhay? Bakit kasi ipinangako ko pang sasabihin ko sa ama ni Um ang tungkol sa anak namin oras na mabuhay ulit ako."

"O natatakot kang muling ibalik ang tamis ang pag-ibig?" nanunuksong tanong ni Jaidyleen sa kaibigan.

"Shut up!" angil ni Armhine. "Pumili na kayo ng lipstick. Saka na ang pag-ibig na iyan."

Isang mataginting na halakhak ang pinakawalan niya. Sa sayang nararamdaman niya ngayon, parang gusto na lang niyang ma-in love ang lahat ng tao sa mundo at maging Masaya nang di natatakot na baka masaktan din sa huli.