Natutop ni Che-Che ang bibig. "Naku po! May eskandalo!"
"Nagawa mo nga," sabi ni Armine na nakanganga lang sa picture. "Ikaw ba talaga iyan, Jaidyleen? Anong espiritu ang sumapi sa iyo? Ikaw itong pahinhin sa atin."
"Akala ko ba ayaw mo sa mga babaeng nagsasamantala sa kanya?" tanong Yrene nang makabawi.
"Pumayag siyang magpahalik. At least nagpaalam ako sa kanya nang maayos. And this picture? Patunay lang ito na hindi ako nananaginip ng gising. Na hindi lang ako nag-iilusyon. Nahalikan ko si Angel Aldeguer!" Tinutop niya ang cellphone sa dibdib. "It must be love."
"Naman! Di ka na batang paslit para ma-in love agad. Matanda ka na para maghibang-hibangan. come on! You need someone realistic. Someone real. Iyong normal na tao," sabi ni Yrene.
"Bakit? Abnormal ba si Angel? Di rin naman siya alien. Ang mga celebrities ay katulad din natin na marunong magmahal. At di naman malabo na magkagusto din siya sa ordinaryong babaeng gaya ko.," depensa niya. Bakit ba kailangang maging hadlang ang estado ng mga tao pagdating sa pagmamahalan? Wala namang imposible sa pag-ibig.
"Sige. Magpakabaliw ka sa pag-ibig. But you don't expect him to fall in love with you," babala sa kanya ni Armine. "Ikaw lang ang inaalala namin. Katatapos mo lang kay Nomer tapos may bago na naman. Medyo mataas ang level nitong gusto mo."
Lumabi siya. "Hindi iyon ang iniisip ko. Basta masaya ako sa atensiyong ibinigay ni Angel sa akin. I never felt so alive. Parang pwede kong gawin ang kahit ano nang di iniintindi ang responsibilidad ko at ang mga problema ko sa pamilya. Masarap sa pakiramdam. Gusto ko ng ganito. Na may isang tao na nagpapasaya sa akin at wala akong inaasahan na kahit ano. Hindi ko naisip na posible itong maramdaman. Kung anuman ang nararamdaman kay sa kanya, gusto ko na huwag nang mawala ang rason kung bakit ako masaya. Good vibes lang. Naiintindihan ba ninyo ako?"
Tiningnan ni Che-Che sina Armine at Yrene at saka nagkibit-balikat nang tumingin sa kanya. "Wala naman akong magagawa dahil si Angel ang nagpapasaya sa iyo. Iyon naman ang mahalaga. Ikaw na may katawan ang makakapag-desisyon kung ano ang magpapasaya sa iyo."
Nakangiti niyang pinisil ang kamay ng kaibigan. "Mula nang mabuhay tayo mula sa aksidenteng iyon sa Guimaras, pakiramdam ko lumilipas ang buhay ko nang walang nangyayari. Hindi ako masaya dahil hindi ko nabigyan ng panahon ang sarili ko na maging masaya. At nang makilala ko si Angel, ipinaramdam niya sa akin ang mga bagay na di ko pa nararanasan. He made me feel extra special. Kahit na pansamantala lang ito, I will make the most out of it. Tutal di ko naman alam kung hanggang kailan ako mabubuhay sa mundo. Gusto kong maging masaya sa bawat pagkakataon."
Tumango-tango si Yrene. "Tama ka diyan, mare. Kaya naisip ko na mag- asawa na."
Nagulat siya sa rebelasyon ni Yrene. Wala itong kabalak-balak mag-asawa o magka-boyfriend man lang dahil sa di magandang track record ng mga magulang nito.
"I can't believe this. You, Yrene Dimasalang, sworn old maid finally decided to get married? Anong klaseng himala ang nangyari?" tatawa-tawang tanong ni Armine.
"Noong muntik akong mamatay sa Guimaras, napag-isip-isip ko na maiksi lang ang buhay. Kami na lang ni Mama sa mundo. Wala siyang ibang hiniling kundi makitang magkaasawa ako at magkaanak. Ni hindi ko man lang kasi sinubukan na pagbigyan siya. Sayang naman ang matris ko," paliwanag ni Yrene at kumuha ng ice cream sa baso niya. "Pahingi!"
"Sabagay kaya wala din si Ratchelle ngayon. Umuwi siya sa parents niya. Maikli lang daw ang buhay para makipagmatigasan pa siya sa magulang niya. Matanda na din daw sila," sabi ni Che-Che. "Iba talaga ang nagagawa kapag kaharap mo na ang kamatayan, no? Nag-iiba ang ihip ng hangin at napag-iisip-isip mo ang mga bagay na wala ka namang pakialam dati."
"Ako din naisip ko ang tungkol sa anak ko. Kung namatay ako, di ko man lang nasagot ang tanong niya kung sino ang Papa niya," malungkot na sabi ni Armhine. May kanya-kanya silang realization matapos ang aksidenteng paglubog ng bangka nila sa Guimaras at muntik na nilang pagkamatay. Di talaga dapat sinasayang ang pagkakataon.
"Basta ako mag-e-enjoy na sa buhay. Mamamatay ako nang di nae-enjoy ang mga pinaghirapan ko. I want to be happy for once. Wooo!" sabi niya at itinaas ang mga kamay. At di na siya mag-aalinlangan na sundin kung anong itinitibok ng puso niya.
Matapos kumain ay tumuloy sila sa mall para palitan ang mga bagong make up nila. Kailangan daw iyon kung nais nila ni Yrene na manlalaki. Nagte-test sila ng make up sa Yves Rocher nang tumawag sa kanya si Foxx. "Ate, may kakausap sa iyo," excited na sabi nito.
"Sino?" tanong ni Jaidylee.
"Basta!"