"Ola, mi amigas!" masiglang bati ni Jaidyleen sa mga kaibigan at isa-isang hinalikan ang ito sa pisngi. Nagkita-kita sila sa café malapit sa opisina niya at siya na lang ang hinihintay ng mga ito dahil may biglaang meeting sila na hindi niya matakasan. Ilang araw pa lang ang lumipas mula nang manggaling sila sa Guimaras at gaya ng nakagawian ay nagkikita-kita sila para i-update ang isa't isa habang nagre-relax sa restaurant o café na napili nila.
Nagulat siya nang biglang yakapin ni Yrene. "Ayos ka lang ba?"
Nagtaka siya dahil parang alalang-alala ito. "Oo naman. Bakit ba? May nangyari ba at bigla kayong nakipagkita?" tanong niya. "Dahil ba sa biglang pag-uwi ni Ratchelle sa probinsiya? May nangyari bang masama?" Kanina ay umuwi si Ratchelle sa isla nito sa Biliran upang makipag-ayos sa mga magulang na matagal na nitong nakatampuhan.
"Hindi. Ikaw talaga ang inaalala namin," sabi ni Armine at pilit siyang pinaupo. Inabutan pa siya nito ng tubig. "Nakita kasi namin sa internet na ikakasal na pala sa ibang babae si Nomer."
"Ah! Alam ko na. Nagpunta pa nga siya sa opisina kahapon para ibigay sa akin ang imbitasyon sa kasal," kaswal niyang sabi.
"Aba! May kakapalan din pala ang mukha ng isang iyon. Gusto ka pa niyang sadyang pasakitan? Ipapatumba ko iyon," ngitngit ni Armine. Dati ay sa kanya pa naiinis ang mga kaibigan niya nang tanggihan niya ang alok na kasal ni Nomer. Perfect daw kasi si Nomer para sa kanya. Pero ngayon ay mukhang isang nalimas na ang amor ng mga ito kay Nomer.
"Actually, sabi niya masaya siya dahil may ready family na siya. Pangarap daw kasi niya na magkaasawa at magkaanak at natutupad na iyon. Habang ako daw dapat nang magkaroon ng mas matinong buhay dahil wala pa rin daw nagbago sa akin."
Binayo ni Che-Che ang mesa. "Aba at gusto ata talagang magulpi ng isang iyon."
"Tama naman siya. Wala na akong ibang inisip kundi ang pamilya ko. He is actually bitter about it. Natutupad ang pangarap niya habang nandito pa rin ako kung saan niya iniwan," aniya at bumuntong-hininga. Pero nagagawa na niyang magkwento sa mga ito nang walang bahid ng kapaitan.
Hinaplos ni Yrene ang likod niya. "Iiyak mo lang ang sakit, Jaidyleen. Nandito kaming mga kaibigan mo para damayan ka."
Natatawa niyang tinapik ang balikt nito. "Huwag ninyo akong intindihin. Di ako naiiyak. I am happy for them."
Naging intense ang mukha ni Armine. "In denial ka lang pero nasasaktan ka. Mga kaibigan mo kami. Nandito kami para makinig sa iyo at umiyak kasama mo. Kung gusto mo mag-inuman pa tayo para lang mailabas mo ang sama ng loob mo. Huwag mong kimkimin iyan."
Natawa na lang siya at mukhang baliw na ang tingin ng mga ito sa kanya. "Salamat sa concern pero okay lang talaga ako. Masaya ako. As a matter of fact, I never felt so happy in my life."
Nagkatinginan ang mga ito na puno ng pagtataka. "Paano ka naging masaya?" tanong ni Armine. "Ganoon lang kadali para sa iyo na pakawalan si Nomer? Naka-drugs ka ba?"
"Better than drugs. Maligayang-maligaya ako dahil sa lalaking ito."
Inilabas niya ang cellphone at halos ipagduldulan sa mukha ng mga ito ang picture nila ni Angel. Natutop ni Che-Che ang bibig. "OMG! Na-meet mo ang paborito mong football player? Si Angel Aldeguer!"
Mataman na tinitigan ni Yrene ang larawan. "Baka naman in-Adobe Photoshop lang ito."
"Ano naman ang kwenta ng pekeng pictures kasama siya kung mas maganda ang totoong siya? Nahawawakan ko, naaamoy at nakakasama." Niyakap niya ang sarili. "Niyaya kasi ako kagabi ng bago kong kasamahan sa football game niya. Iba pala talaga kapag nakasama mo ang lalaking gusto mo. Parang nasa langit ka."
"At ganoon din ang ibang mga babae," pakli ni Armine at sumubo ng fettucini pesto.
"Marami ngang babae na naghahabol sa kanya pero sa kanilang lahat, ako lang naman ang sinabihan niya ng maganda," pagmamalaki niya sa kaibigan at humalakhak.
Noong una ay inisip niyang baka panaginip lang ang lahat. Kaya paggising niya ay tiningnan agad niya ang cellphone at bumungad agad sa kanya ang picture nila ni Angel na nakatulugan niya sa pagtitig niya.
"Weh! Ang tindi mo naman mag-ilusyon," kontra agad ni Yrene.
"Baka naman ganyan siya mag-cope sa mga pighati niya sa buhay. Baka iyan ang naisip ng utak niya na paraan para maka-recover dahil sa shock niya nang malamang ikakasal na si Nomer," matiyagang paliwanag ni Armine.
Tumango-tango si Che-Che. "Masakit nga sa loob iyan, Ate Armine." Saka naaawa siyang pinagmasdan.
Iniikot niya ang mga mata. "Bakit ba hindi ninyo ako seryosohin? Hindi na lang kayo maging supportive sa akin."
"Ipagpalagay nang sinabihan ka niyang maganda. Baka nagpa-practice lang 'yan na mag-Tagalog," suhestiyon ni Yrene.
"Niyaya pa nga niya ako sa bar kung saan sila nagha-hangout na magkakaibigan. Umalis lang siya sa table para kausapin ang isang talent scout pero pinadalhan niya ako ng dessert. Exclusive ang bar na iyon at mga kakilala lang ng members ang pwedeng pumasok. Di ako pupunta doon kundi ako niyaya ni Angel. Bahala kayo kung ayaw ninyong maniwala. Basta Masaya ako sa mga nangyari at hindi ako nag-iilusyon." Nanghaba ang nguso ni Jaidyleen nang may maalala. "Nainis nga ako sa mga babaeng halik nang halik sa kanya nang walang permiso."
"Talo ka pala e," wika ni Che-Che at ipinitik ang daliri.
Umingos siya. "Di ako nagpatalo. Tinuruan ko ang mga iyon ng leksiyon. Ipinakita ko sa kanila kung paano dapat kumuhan ng halik sa lalaki. Tinanong ko si Angel kung pwede ko siyang halikan in Spanish at pumayag siya."
"Ow! Hinalikan mo?" tanong ni Armine. "Hindi ba nang maging boyfriend mo si Nomer isang buwan bago ka nahalikan? Maria Clara lang ang peg mo."
Ipinakita niya nang buong pagmamalaki ang kuha ni Foxx sa kanila sa cellphone niya nang halikan niya si Angel. "Tingnan ninyo ito."