MAINGAT na binuksan ni Jaidyleen ang pinto ng bahay nila. Hatinggabi na siya nakauwi sa Quezon City mula sa McKinley Hills sa Taguig. Pagod siya at tiyak na matatalakan siya ng nanay niya oras na malaman nito na hindi siya nag-overtime at inumaga ng uwi dahil sa pagliliwaliw.
Pero wala siyang pakialam. Masayang-masaya siya nang mga oras na iyon. Kahit pagod ay magaan ang pakiramdam niya. Di nawawala ang ngiti niya sa labi niya at parang walang kahit anong makakasira sa mood niya.
Pakanta-kanta pa siya habang hinuhubad ang sapatos niya sa sala nang lumabas mula sa kusina ang kapatid na si Rose na may hawak na kape.
"Hello!" nakangiti pa niyang bati dito. "Tulog na ang mga bata?"
Tumango ito. "Saan ka galing?"
"Anong saan ako galing?" tanong niya. "Overtime sa trabaho."
Lumabi ito. "Trabaho? Nakita kaya kita sa TV kanina. Nanood ka ng football."
Nanlaki ang mata niya. "Ano?"
"Si Tatay pa nga unang nakakita kasi siya ang nanonood ng game kanina."
Nakagat niya ang pang-ibabang labi. "Patay!" Sinong maloloko niya? Kabisado siya ng pamilya niya kahit ano pang itsura niya. Di matatapalan ng make up ang tunay niyang itsura.
Bumagsak ang panga nito habang pinagmamasdan siya. "Ibig sabihin ikaw talaga iyon?"
"Nayaya lang ako ng kasamahan ko. Gusto ko lang naman ma-experience. Anong sabi ni Nanay? Nagalit ba?"
"Hindi niya nakita. Saka di iyon maniniwala. Iniisip niya nasa trabaho ka lang at nagpapakaalipin," anito at umikot ang mga mata.
"Huwag mong sasabihin sa kanya. Tiyak na magagalit iyon," pakiusap niya dito.
Hinalo nito ang kape nito. "Ate, hindi ka na teenager. Matanda ka na. Oras na para maka-experience ka ng konting kaligayahan. Wala ka nang ginawa kundi asikasuhin kami at ang buong angkan ni Nanay. Tingnan mo nga. Nagniningning pa ang mata mo. Sinong nakita mo na player? Nakapagpa-picture ka ba?"
Ipinakita niya ang picture nila ni Angel matapos ang game. "Wow! Ang guwapo niya! Swerte mo naman."
"Libre lang naman ang game. Wala ako halos naintindihan kasi puro kay Angel lang ako nakatitig. Grabe! Sinabihan pa niya akong maganda."
Tumaas ang kilay nito. "Maniwala naman ako na sasabihan ka niyang maganda," diskumpiyadong sabi nito.
"Mukha ba akong nakikipaglokohan? Sinabi talaga niya ako. Pinasunod pa niya ako sa bar kung saan sila laging nagpupunta tapos inilibre pa niya ako ng dessert. Grabe! Nakakakilig talaga."
Hinawakan nito ang braso niya. "Isama mo naman ako next time, Ate."
"At iiwan mo kina Nanay mga anak mo? Umayos ka. Ako naman ang magpapakasaya."
Sumimangot ito. "Gusto mong solohin ang mga guwapo."
"Di naman. Si Angel lang ang gusto kong solohin. Basta sekreto natin 'to o hindi ka na makakautang sa akin," banta niya.
"Ito naman. Sige di ko na sasabihin kay Nanay. Para makapag-asawa ka na lang at malahian tayo ng Spanish," sabi nito. Alam niyang masaya para sa kanya si Rose.
"Sinong mag-aasawa?" tanong ng nanay niya na sumilip sa hagdan. Mukhang gumising ito para gumamit ng banyo.
Mariing nagdikit ang labi ni Rose para maiwasang makapagsalita. Mabilis namang gumana ang utak niya. "Si Nomer po ikakasal na sa ibang babae. Pumunta sa opisina kanina para ibigay ang imbitasyon," sabi niya at inilabas pa ang lukot na imbitasyon.
Pahaklit na kinuha ni Aling Mona ang imbitasyon mula sa kanya at binasa. Lalo pa nitong nilukot ang imbitasyon at ihinagis sa basurahan. "Huwag mong sabihing magmumukmok at iiyak-iyak ka diyan? Ay naku! Marami tayong bayarin."
"Nanay talaga mukhang bayarin. Hayaan ninyo si ate na makaramdam ng konti," kontra naman ni Rose dito.
Nakapamaywang itong binalingan ni Aling Mona. "Isa ka pa. May narating ba ang nararamdaman mo nang patulan si Owen? Wala. Inanakan ka lang."
"Masaya naman ako sa mga anak ko, Nay. At masaya kayo sa cute ninyong mga apo..."
"Heh! Sa huli sa amin ka rin tumakbo. Iyon ang punto ko." Muli siyang hinarap ni Aling Mona. "Jaidyleen, matalino ka. Inaasahan ko na mas nag-iisip ka."
"Huwag po kayong mag-alala. Hindi ko ipagluluksa ang pagpapakasal ni Nomer sa iba. Masaya ako para sa kanya at masaya rin po ako sa buhay ko."
Mataman siya nitong pinagmasdan. Parang inaalam pa nito kung nagsasabi nga siya ng totoo o hindi. Sa huli ay tumango-tango ito. "Mabuti naman kung ganoon. Magpahinga ka na. Maaga ka pa bukas."
Pero hindi siya nakatulog agad. Di agad siya pinatulog ng alaala ni Angel. Hawak niya ang labi na humalik dito habang nakatitig sa kisame.
Magkita ulit tayo sa Martes.