Hindi maiwasang lingunin ni Jaidyleen si Angel na nasa couch na ilang upuan din ang layo sa kanya. Abala ito sa pakikipag-usap sa isang talent scout. Bilang isang celebrity ay marami ang nagkaka-interes na kunin ito bilang modelo. Sa itsura ni Angel at kasikatan ay hindi ito mahihirapan na makakuha ng extra na trabaho. Di niya ito masisisi kung nakalimutan na siya nito.
"Mahalaga sa mga football players ang magkaroon ng extra projects. Hindi lahat ng football players ay malaki ang kinikita. Allowance lang ang nakukuha ng national team. Ang alam ko pa nga abonado pa sila kapag naglalaro para sa atin," sabi ni Foxx habang sunud-sunod ang subo ng french fries.
"Hindi pala ganoon ka-prestigious ang football katulad ng inaakala ng marami. Paano naman ang mga club games?" tanong niya.
Mas kilala ang national football team ng Pilipinas kung saan nagsasama-sama ang mga may dugong Pilipino para lumaban sa ibang koponan sa ibang bansa. Subalit ang mga clubs o katumbas ng PBA sa football ang pinagkukuhanan ng kabuhayan ng mga atleta.
"Magandang magpasweldo ang El Mundo pero malaking tulong kung may mga commercials sila o kaya TV guestings. Bukod sa napo-promote ang football, extra income iyon para sa kanila. Maikli lang ang career ng isang football player. Kaya habang bata pa at kaya ng katawan nila, laban lang sila ng laban," paliwanag ni Foxx.
Mabuti na lang at naipaliwanag sa kanya ni Foxx ang sitwasyon ng mga tulad ni Angel. Akala kasi niya ay puro sarap ang buhay ng mga ito. Ngayon ay naliliwanagan na siya na hindi pala simple ang pinagdadaanan ng mga ito. They also had to earn a living. At tulad ng isang ordinaryong tao tulad niya, pinaghihirapan din nito ang bawat sentimong kinikita nito. Isama pa diyan ang hazzard ng laro gaya ng injuries na nakukuha sa laro at training.
Inilapag ng waiter na si John sa harap niya ang mango crepe. "Para po sa inyo, Ma'am."
Gulat niya itong tiningala. "Di ako umorder nito." Nakakatakam ang crepe pero isang luxury sa kanya ang ganoon kasarap na dessert.
"Sabi po ni Sir Angel dalhin daw sa inyo. Siya na po ang bahala."
Di pa rin siya makapaniwala nang sundan ng tingin si John. Lumapit ito kay Angel at itinuro siya. Nang lumingon ito sa direksiyon niya ay itinuro niya ang dessert. Ibinuka niya ang bibig. "Muchas gracias."
"Walang anuman," sabi naman nito at kinalabit ng handler nito kaya bumalik muli ang atensiyon nito sa kausap.
Parang maiiyak siya habang nakatitig sa nakakatakam na mango crepe. Hindi pa rin siya makapaniwala na ipinadala iyon ni Angel para sa kanya.
"Mas masarap yata 'yan kung titikman natin kaysa titigan lang," sabi ni Foxx na parang sabik na sabik nang tikman ang mango crepe. "Ayaw kasi akong pakainin ni Tito Mac ng desserts. Tataba daw kasi ako."
"Sandali lang." Kinuhanan muna niya ng picture ang dessert saka siya sumubo. Nakakaligaya ang mango crepe mula kay Angel. Alam naman niyang di lahat ng babaeng nagpapakabaliw dito ay nabibigyan ng ganitong pagkakataon. "Sobrang saya naman nito. Di ako nagsisisi na pumunta ako dito. Nakatagpo pa ako ng pag-ibig. Mahal ko na talaga si Angel," aniya at itinaas ang mga kamay.
Nagulat na lang siya nang makitang nakatingin sa kanya ang ibang mga players sa kabilang mesa na parang baliw siya. Mukhang na-distract ang mga ito sa seryosong pinag-uusapan ng mga ito. "You want some?" alok niya sa dessert. Umiling ang mga ito at bumalik muli sa pinag-uusapan. "Kailangan kong mag-aral ng football. Ayokong magmukhang tanga sa harap ni Angel next time na kausap ko siya."
"Naku! Basta ako kapag hindi mag-e-effort sa mga lalaking iyan. Sila ang magpakahirap sa akin.," anito at ipinagaspas pa ang buhok.
"Sabi mo lang 'yan. Pero kapag ikaw ang na-in love, tiyak na gagawin mo ang lahat para lang magkaintidihan kayo." At kung football ang lengguwahe nito ay handa siyang matuto. She was so hyped up. Samantalang kanina lang ay parang wala siyang kabuhay-buhay. Parang kahit ano ay handa siyang gawin para lang makuha si Angel. He actually didn't have to do anything. Isang ngiti lang nito at titig sa kanya ay Masaya na siya. Malaking-malaking bonus na lang ang pagtawag sa kanya nito ng maganda hanggang sa pagbibigay nito ng mango crepe sa kanya.
Minsan ang mga bagay na di inaasahan ay makapagpapasaya sa isang tao nang todo. Isang sorpresa ang gabing ito para sa kanya mula nang makilala niya si Angel.
Nabawasan ang ligaya niya nang makatanggap ng text mula sa kapatid na si Rose.
Ate, anong oras ka daw uuwi sabi ni Tatay.
Nagulat siya nang makitang alas onse na ng gabi. "Late na pala. Umuwi na tayo. May pasok pa tayo bukas," sabi niya kay Foxx. Luminga siya sa paligid. "Wala na rin si Angel. Di na nagpaalam."
"May next game pa naman. Busy talaga ang mga players na iyan. Bawal din silang magpagabi dahil may mga training at commitments pa sila." Nanghihinayang siya dahil di siya nakapagpaalam kay Angel. Lumapit sila kay Mackintosh na kausap ang manager ng El Mundo. "Tito, uuwi na po kami."
"Thank you po, Tito. Nag-enjoy ako sa bar ninyo."
Pumalatak si Mackintosh. "Huwag mo sabi akong tawaging tito. Bata pa ako. Mac na lang."
"Sige po, Tito Mac," sabi niya at ngumisi.
Bumagsak ang balikat ni Mackintosh. "Bakit ba walang sumeseryoso sa akin na bata pa ako?"
"Amoy DOM ka na kasi," kantiyaw ni Foxx saka nagpakawala ng mataginting na halakhak.
Tumalim ang mata ni Mackintosh. "Sa susunod na magdadala ka ng kaibigan dito, iyon ngang di ako tatawaging Tito. Nakakainit lang ng ulo," pakli ni Mackintosh.
Paglabas nila ng sports bar ay nakita nila ang ilan sa mga players na naroon pa rin at pinagkakaguluhan ng mga fans. Tinapik ni Foxx ang braso niya. "O, nandito pa pala si Angel."
"Nasaan?" tanong niya at luminga.