Chapter 8 - Chapter 6

Noong una ay hindi naintidihan ni Jaidyleen ang sinabi ni Angel. Ano daw? Maganda daw siya? Parang hindi naman yata totoo na sasabihan siya nito ng maganda. Alam naman niya na maganda siya. May mga nagkakagusto naman sa kanya at ilang beses siyang naging muse noong high school siya. Pero di naman siya Binibining Pilipinas level na babagay sa katulad ni Angel na matangkad at ubod ng guwapo.

Ang mga lalaking nagkakagusto sa kanya pati na rin ang dating nobyo niya ay mga saktong nilalang lang. Di tipong sinasamba ng mga kababaihan at di masyadong kababaihan. Hindi Angel Aldeguer level ang mga ito. Kahit nga sa panaginip ay hindi niya maisip na pwede siyang sabihang maganda ng isang katulad ni Angel.

"Uyyy!" tukso ng mga nasa paligid nila.

"Ikaw na ang sinabihan ni Angel Aldeguer nang maganda. Ikaw na ang diyosa!" tili ng isang bading na nasa bandang harapan niya. "Wish ko lang sabihan din ako ni Angel ng ganyan."

"Sarap naman tapakan ang buhok no'n," narinig niyang sabi ng isang teenager na babae.

"Sarap kamong kalbuhin," sabi naman ng isa.

Di na niya napansin ang reklamo ng iba sa paligid niya at ang panunukso ng mga ito. Wala siyang pakialam sa mundo. Nakatitig lang siya sa magagandang mga mata ni Angel na nagsasabing maganda nga siya at karapat-dapat siya sa mga titig nito. Pakiramdam niya nang mga oras na iyon ay malulunod siya sa mga titig nito. Totoo bang nangyayari ito?

Huwag kang titili. Huwag kang titili, babala ni Jaidyleen sa sarili. Isa siyang kapita-pitaganang guro. Kahit kailan ay di pa siya nagdala ng kahihiyan sa pamilya niya. May reputasyon siyang pinangangalagaan. At di pa siya nagwala sa harap ng lalaking gusto niya. She must behave. Kahit pa gustong-gusto na niyang mamatay sa kilig ay di pwede. She must be composed.

Nagkasya na lang siya sa pagtili sa utak niya at kiming ngumiti. "Salamat."

Napilitang tumayo ang dalaga kahit na gusto pa niyang manatili sa tabi ng guwapong football. Maraming ibang fans na naghihintay. Di niya ito pwedeng solohin.

Pero parang lumulutang siya. Di siya makapaniwalang sinabi nitong maganda siya. Matagal na panahon na mula nang may lalaking nagsabi na maganda siya. Napakatagal nang panahon. Matagal na ring panahon na inisip niyang maganda siya. Bigla ay sinabi ni Angel Aldeguer na maganda siya. He validated her beauty. Pakiramdam niya ay diyosang-diyosa siya.

"Jaidyleen!" tawag ni Angel sa kanya.

Lumingon siya dito. "Yes?"

"Magkita tayo sa Goal mamaya."

Kumunot ang noo niya. Magkita saan? Di niya naintindihan. "O-Okay," nausal na lang niya.

Impit na tumili si Foxx paglapit niya. "Ate, grabe! Ang swerte mo talaga.

"Sinabihan niya akong maganda. Ni Angel Aldeguer mismo," di makapaniwala niyang usal. Hinawakan niya ang braso nito. "Nanaginip lang ba ako?"

"Huwag ka munang gigising sa panaginip kasi magkita daw kayo sa Goal."

"Goal?" tanong niya. Iyon ang sinabi ni Angel na di niya maintindihan kanina. Anong goal?

"Goal Sports Bar. Tito ko ang may-ari ng bar. Doon pupunta ang buong El Mundo Football Club para mag-dinner."

"Pero..." Anong oras na? May trabaho pa siya bukas. Kailangan na niyang umuwi. Napuno ng resposbilidad at santambak na routine na nakagawian na niya na maaring masira oras na hindi siya umuwi sa tamang oras. Daig pa niya si Cinderella na kailangang umuwi ng hatinggabi para hindi siya bumalik sa pagiging hampaslupa.

"Sinabihan ka niyang maganda at niyaya ka sa Goal. Wala pa siyang babaeng sinabihan niyan. Saka si Angel ang nagyaya sa iyo. Kung ibang fans ang yayain nang ganoon si Angel, kahit magbayad pa sila ng malaki maimbitahan lang niya. Minsan lang ang pagkakataong ito kaya samantalahin mo na," kinikilig na sabi ng babae.

Pagkakataon. Ilang pagkakataon na ba ang lumagpas sa buhay niya dahil mas inuna niya ang kapakanan ng iba at isinantabi ang sarili niya? Hindi ba't nangako siya sa sarili niya na sarili naman niyang kaligayahan ang iintindihin niya? Nandito na siya at makakasama nang mas matagal si Angel. Dapat ay samantalahin na niya.

NASA tapat lang ng stadium ang Goal Sports Bar. Malayo ito sa inaasahan ni Jaidyleen. Akala niya ay maingay ang musika doon, mausok dahil sa usok ng sigarilyo at sobrang mahal ng pagkain. Sa halip ay malamyos na musika mula sa isang acoustic band. Nakaka-relax ang atmosphere sa sports bar. May wallpaper ng mga sikat na football player mula sa national team at may mga football memorabilia din mula sa mga sikat na international player at football club. May apat na LED TV na nagpapalabas ng documentary at interview ng iba't ibang matatagumpay na club sa bansa. At bawal ang sigarilyo kaya hindi naiirita ang ilong niya.

"Isang Angel's Nachos," order agad niya nang hingin ng waiter ang order. Nakapangalan ang mga pagkain sa menu sa mga manlalarong malapit sa may-ari kaya naaaliw siya.

"Angel agad," anitong di mapigilang ngumiti at nanunukso siyang tiningnan.

"Mura kasi si Mi Amor. Kaya ng budget." Ayaw naman niyang gumastos ng todo si Foxx kahit pa sabihing may kaya ito. Kasisimula pa lang nito sa trabaho. Siya itong may pera.

"Huwag kang mahiyang dagdagan ang order mo. Ako naman ang magti-treat ng dinner. Ikaw kasi ang unang nag-accommodate sa akin noong first day ko at marami kang naitulong sa akin kaya mabilis akong natuto sa gagawin ko. Pasasalamat ko na sa iyo."

"Wala iyon. Saka ayoko rin namang um-order ng iba. Loyal ako kay Angel." Sumandal siya sa couch at inikot ang mata sa paligid. "Parang nandito din ang ibang players." Nakilala niya ang ibang football player na kasama ni Angel na naglalaro sa national team.

"Nanood din ng game ang mga iyan. Kapag walang ginagawa ang mga players dito sila tumutuloy para mag-relax. Nakakatuwa sila dahil minsan parang mga bata sila na nagkukulitan. Makikita mo ang side nila na hindi nakikita ng marami. Na parang normal lang silang tao. Hindi bilang mga celebrity," kwento nito.

"Gusto ko silang makita nang ganoon lalo na si Angel." Mukha kasing seryoso ang mga ito kapag naglalaro. Parang walang ibang nasa isip ang mga ito kundi ang maka-goal at manalo. Mistulang mandirigma ang mga ito. It would be fun to see their other side.

"Welcome ka naman dito lagi."